Monday, December 1, 2008

MASAYANG PASKO, MALUNGKOT NA PASKO

MASAYANG PASKO, MALUNGKOT NA PASKO

Lagi, kapag nabanggit ang Pasko, ang dalang alaala nito ay masaya. Masiglang himig sa radyo. Espesyal na palabas sa telebisyon at Holiday on Ice sa Araneta Coliseum. Animated display sa COD. Makulay na ilaw na kukuti-kutitap, nakasabit sa mga puno sa harap ng bahay at sa mga lansangan. Mga parol sa bintana. Christmas tree, Nativity scene, Santa Klaus sa mga department store. Mga taong hugos at labas-masok sa SM at sa iba pang tindahan, mga taong hindi magkandadala sa dami ng mga pinamiling regalo at groseri sa Divisoria. Simbang-gabi. Christmas bonus at 13th month sa mga empleyado. Kris Kringle, daddy, mommy at baby. Reunion.

Ganito ang karaniwan nang eksena ng ating Pasko. Nang ating masasayang Pasko.

Pero, naging malungkot na ba ang ating Pasko? Nakaranas na ba tayo na ayaw nating dumating ang Pasko dahil may kulang sa pamilya? Malapit na ang Kapaskuhan ay saka lumisan si Amang. O si Inang. Ang mahal natin sa buhay. Isang kapatid. Isang supling.

Sa karanasan ko, at sa pagmamasid sa naging karanasan ng iba, nadama ko at napuna, na kung ang umalis na mahal sa buhay ay tulad nina Ingkong at Impo, na wika nga, ay “they have lived their lives fully”, ang paglisan nila ay madaling tanggapin. Payapa na sila. Tahimik na sa piling ng Maykapal. Namamahinga na, lalo pa at matagal na naratay sa banig ng karamdaman.

Ngunit kung naging biglaan ang pag-alis ng isang minamahal… isang malagim na aksidente… isang biglaang sakit… ano na? Kausap mo ngayon, mamaya ay wala na. Kasama mo kahapon, ngayon ay hindi na.

At malapit na ang Pasko!

Nitong mga nakararaang buwan ng tag-ulan at tag-bagyo sa Pilipinas, maraming aksidenteng naganap. Banggaan ng mga sasakyan dahil sa madulas na kalye… lumubog na barko…landslide… flash flood…na ikinasawi ng marami!

At kung kailan pa malapit na ang Pasko! Ang himutok ng mga naulila.

Kung may liwanag, may dililm. Kung may saya, may lungkot. Ngunit ang lahat ay nasa mga matang tumitingin, nasa pusong umuunawa. Ang lahat ay may kahulugan, hindi man natin nauunawaan sa mga sandaling nadarama ang kapighatian. Kalaunan, darating din ang unawa sa atin. At sa kabila ng lumbay, itutuloy pa rin natin ang pagdiriwang sa pagsilang ng Mesiyas.

Dahil sabi nga…
To everything there is a season, a time for every purpose under the sun. A time to be born and a time to die .. At ang Kapaskuhan ang piniling panahon na sunduin ang ating mga mahal sa buhay.

(Abangan ang kwento ng Disyembre.)

No comments:

Post a Comment