Tuesday, December 16, 2008

CHRISTMAS SHARINGS - Vi


PASKO NAMIN SA MARIKINA, NOON…



Japanese time na nuon pero hindi pa nagbobomba ang mga Kano sa amin. Normal pa ang takbo ng buhay namin sa Marikina.

Pag malapit na ang Pasko ay excited na kaming magpipinsan. Sa aming tahanan ako ang pinakamatandang bata sa gulang na 7. Ang pinsan kong lalaki, si Ponciano ay 6, at ang kapatid niyang babae, si Baby ay 4.

Araw ng Pasko, gayak na kaming tatlong magpipinsan. Bago lahat ang suot na pang-itaas, pants at sapatos, galing sa "olds". Pagkaagahan, hatak na kaming tatlo ng aking Tia Itsay (Felisa Mallari dela Paz). Mula sa bahay na mga limang bahay ang layo sa simbahang Romano Katoliko, sa Baryo Sta. Elena, ay iisa-isahin namin ang mga bahay papuntang Baryo Sto. Nino, along C. Cruz Street.

Nagtataka ako na bawa't bahay na aming panhikan ay kilala ng aking Tiya Itsay at kamag-anak daw. Gulat ako dahil lahat yata ay lolo, lola, tiyo o tiya namin, eh kay haba ng kalsada at kaliwa't kanan ang bahay. Malamang talagang kamag-anak o nagtuturingan lamang.

Anyway, ang mga pinamamaskuhan namin ay waring nakabasta na ang mga barya at samalamig.

Ang hindi ko malimutan ay ang paraan ng pagbati ng matatanda sa aming mga bata. Halimbawa, pagmano ko sa lola, sasalubungin ako ng: "ang damuhong batang ire ay malaki na", sabay abot ng singko. Bale ba ang punto ay Marikinang-Marikina. Iyon bang sa simula ay monotone o pantay ang tono hanggang sa pangalawa mula sa huli ay biglang taas at sa dulo ay biglang baba. Mayroon namang bati na ganito: "ang mga walanghiyang ito ay napasyal!" Eto ang matindi: "ang mga putang-ina ire ay pagkaganda at pagka-guguwapo."

Iyon yata ang kaugalian ng mga matatanda, na to stress a point ay nagagamit ang mga mura - saliwa sa turo ng katon at Katekismo ni Lola Tindeng (Matilde Santos Mallari) sa amin.


(Dakal pong salamat, Kuya Vi. Galing talaga ng recollection mo, hindi lang visual, parang may audio pa. Kahit “immigrants” lang kami sa Marikina at lahing Bulakan, ay may kamag-anak rin kaming taal na taga –Marikina. Ito ay ang mga Tata Cirilo na taga-San Roque na ang isang anak ay nakapag-asawa ng Samson. At ang pinsan mo na ang naging kapalaran ay pinsan naman namin. Kaya masasabing, taga-Marikina na rin kami, (at magpinsan na rin tayo), not only by virtue of having chosen the place (or has it chosen us? which is another story), to be our home. Ay, naku, kapag kausap ko ang mga taga-Marikina, ay napapa-punto na rin ako. Lalo pa at ang mga kausap ko sa palengke ay taga-Marikina rin. Saka ang mga mommy ng kaiskwela ng mga anak ko sa iskwelahan sa may Marikina Heights at Rancho ay may mga punto rin.

Iyang “mura”, wika nga, kung galing sa mga bibig ng matatanda, ay bulaklak lamang ng dila. Para bang endearment, kahit sabi mo nga ay labag sa mga turo sa atin nang tayo ay lumalaki.

Ang pamamasko o pagmamano sa mga nakatatandang kamag-anak ay masasabi nang “given” noong panahon natin. Hindi maaaring hindi pumunta sa mga ito upang magmano, may aginaldo man o wala silang ibibigay. Dahil ito ang kaugaliang katangi-tangi sa mga Pilipino: ang pagbibigay-galang sa mga kamag-anak. Dito rin patuloy na nagkakakila-kilala ang magkaka-angkan. Kapag sa iisang “pusod” ka nagmula, ibig sabihin, isang tao ang pinagmulan ng kahit ilang magkakapatid, na ang mga anak ay naging magpipinsang-buo, na ang mga naging anak ay magpipinsang-makalawa, na ang mga anak naman ay naging magpipinsang-makaitlo… ad infinitum… hanggang nasa DNA mo ang DNA ng kanunununuan mo, noon… magkamag-anak pa rin kayo.

Ngayon, nakalulungkot isipin kung minsan, na ang magkakalapit na lamang magkakamag-anak ay ang magkakapatid at ang kanilang mga anak, at salamat kung pati ang sumunod na mga anak nito ay magkakalapit pa rin.

Marahil, ito ang isang kaugaliang dapat buhayin at panatilihing buhay ng pamilyang Pilipino ngayon. Di ba, pinsan?)

No comments:

Post a Comment