Saturday, February 17, 2018

Isang Gabing Tahimik




ISANG GABING TAHIMIK…

Anonymous… ito ang nagsulat (na isinulat ko nang ayon sa aking pagkakatanda) ng sumusunod na awit sa Comment section ng aking blog nitong kalilipas na buwan. Kung sino ka man, salamat. Ito ay awit ng aking kamusmusan, itinuro sa akin ng aking Amang. Na wari ay walang nakaaalam sa aking mga kababata. Tanging ako lamang ba?

Dumating ang panahon ng internet, ng email at blog. Ginamit ko ito at ipinagtanong: Sino ang nakaaalam?

Salamat sa social media. May sumagot. May nagpadala pa ng short video ng mga kamay at daliring tumitipa sa piyano, tinutugtog, inaawit ito. May nagsulat kung paano nila ito natutuhan, itinuro ng kanilang Lelong. May nagmula sa dakong Katimugang Luzon, may galing Visayas. 

Lumalabas, ang awit ay tulad sa isang heirloom, isang pamana, naiiba, natatangi, hindi palasak, wala sa pambayang kaalaman, tulad ng mga folksongs na alam ng balana. Ito ay pili ang nakaaalam. Ikaw na Anonymous na nagkomento sa aking blog, sila na sumulat noon, at ako!

Siyanga pala, itinuro ko na ito sa aking apo na ipinanganak, lumalaki at naninirahan sa ibayong dagat. Marahil, pagdating ng panahong mayroon na rin silang anak o apo, maaalaala nilang ituro ito, ang awit ng kanilang Anda.

isang gabing tahimik maliwanag ang buwan
basang basa pa ng hamog ang mga halaman
dibdib ko’y may susi pilit na bubuksan
dahil lang sa ganda mong kapita-pitagan.

Di ba’t ang sumpa mo, sumpa mo sa akin
sino mang dalaga’y di mo iibigin
nang makakita ka nang higit sa akin
iniwanan mo ako sa luksang damdamin.

Nagpapasalamat ako kay Anonymous dahil ang ikalawang bahagi ng awit - di ba't ang sumpa mo..."  ay hindi ko natutuhan, hindi naituro sa akin. Ngayon ay kumpleto na ang kaalaman ko ng nasabing awit. Mahaba pala.

Sa wari ko, ang awit ay sagutan ng magsing-ibig. Ang unang bahagi ay inaawit ng binata, patungkol sa dalaga. Ngunit sa paglipas ng mga araw, parang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan at nagkahiwalay ang dalawa. Kaya, iyong ikalawang bahagi ang inawit naman ng dalagang iniwanan.

Ay, ang itinuro lamang sa akin ng aking Amang ay ang awit ng binata sa dalaga. Kaya naman hindi marahil natanim sa aking murang isipan noon na baka ako iwanan ng aking magiging kasintahan. 

At hindi nga! Hanggang ngayon, magkasama pa rin kami.