Tuesday, December 1, 2009

AGOSTO, SETYEMBRE, OKTUBRE, NOBYEMBRE NGAYONG DISYEMBRE 2009

AGOSTO – SETYEMBRE, 2009

Napakaraming naganap sa magkasunod na buwang ito. Mga nangyari maraming taon na ang lumipas at nangyari sa kasalukuyang panahon.

Agosto 1 – Pumanaw ang dating Pangulo ng Pilipinas Corazon C. Aquino, ang tinatawag ng marami na Tita Cory. Ang petsang ito naman ang ika-111 kaarawan ng namayapa kong Amang.

Agosto 21 - Anibersaryo ng pagkamatay ni Benigno Aquino na pinaslang noon pagdating niya buhat sa America. Kaarawan naman ito ng isang taong karugtong ng aking hininga.

Agosto 30 - Itinuring kong kaarawan ito ng aking alagang dachshund na si Tanya, kahit hindi ko alam kung ito nga ang petsa ng kanyang kapanganakan, dahil ito ang kaarawan ng taong nagbigay sa akin sa kanya. Antonio ang pangalan niya, kaya pinangalanan ko ang aso ng Antonia, may palayaw na pinagandang Tanya. Kaya espesyal sa akin si Tanya ay sa dahilang bigay siya ng isa kong kaibigan na naging multi-milyunaryo, na hanggang ngayon ay hindi pa nakalilimot sa aming barkada.

Ang buwan ng Agosto ay buwan ng mga kaarawan ng marami sa aming pamilya. at kaarawan din ng dating Pangulong Ramon Magsaysay. Naging ugali na natin ang magkone-konekta ng mga pangyayari at mga petsa, sa mga kaarawan o kamamatayan ng mga kilala at pamoso, o “notorious” mang mga tao. Nakikiamot kumbaga sa kanilang kabantugan. Mga “reflected glory”. Doon man lamang ay makaramdam ng pagsikat.

Setyembre 1 – Kaarawan ito ng aking biyenan. At sa dahilang siya ang nagluwal sa maliwanag sa aking kabiyak, natural na mahalaga ang araw na ito sa akin.

Nakatutuwang karanasan ko na ilang taon nang nakatatanggap ako ng pumpon ng bulaklak mula sa isa kong anak tuwing sumasapit ang kanyang kaarawan. Hindi, sa aking kaarawan, kundi, sa kanyang kaarawan. Aniya’y bilang pag-alala na ako ang nagbigay sa kanya ng buhay. Ang sarap, di ba? Ngunit bago kayo mainggit, mga nanay na hindi pa nakararanas nang ganito, ito ay nangyari lamang matapos ang maraming “inosente kunong” kwentuhan na hindi ko naman akalaing “tumimo” at magbunga.

Setyembre 1 - Tunay na isang dakilang araw sa akin. Taun-taon, ito ang araw ng paggagawad at pagpaparangal sa mga mapapalad na nagwagi sa Timpalak Carlos Palanca Awards for Literature. Ilang taon ding nakasama ako rito, para sa Isang Pook, Dalawang Panahon; Si Regina at Ako; Isang Araw sa Isang Bahay-Ampunan; at Ipanalangin Mo Siya, Ipanalangin Mo Kami. Mananatili itong isang dakilang araw sa akin, kahit ngayon ay hindi na ako aktibo sa pagsusulat at nagrerepaso na lamang ng mga naisulat na. Wala sa “writing mode”, nasa “blogging mode” naman.

Setyembre 11 – Kamakailan, tumanggap kami ng email mula sa aking anak na “pinatulog” na nila ang maysakit nilang pusa, si Mr. Darcy na ang pangalan ay kinuha sa nobela ni Jane Austen na “Pride and Prejudice”. Sabi nga ng aking manugang sa kanyang blog:

It was time. I brought him into the clinic, and, wouldn't you know it, he worked up enough energy to try to hide from me when it was time to go. I held him as the tranquilizer took effect, and it did so expeditiously. And then he got the shot. He was gone before I even felt him go. He was still warm, but his chest wasn't moving anymore, but I could only tell by looking into his eyes.

"He's dead?" I asked the doctor who looked like he was about to cry, too.

"Yes," he answered quietly, "he may gasp, but his heart's stopped."

The aide couldn't look at me as she offered her regrets and offered not to give me the receipt. "I'm sorry for your loss," she said.


"Thank you," I replied verbally, but I thought me, too.
No more hugs and rubs and scratches from our playful ocelot. I wonder when it will hit me.

September 11th, 2009, 4:12 pm. A minute before he was leaning heavily into my embrace, and then a minute later he was gone.
Another reason for me to hate this date.

Nagbigay ako ng comment sa nasabing blog. Ito ang aking isinulat.

Yes, a date to hate, specially for most Filipinos who suffered during the martial law years, for on this date, the dictator was born. But for me, a date, not exactly to hate, but just remember, for on this date, my mother died twenty years ago. Let this just be a date to remind us of beautiful moments spent with them.

For Mr. Darcy, I will treasure the time he accepted me - eyeing me, slowly walking towards me, gingerly hopping and settling on my lap as I was seated on the rocking chair in the living room by the front window. I felt I belong. No longer just a visitor. The feeling was akin to the one I felt when a two-year old kid planted a kiss on my cheek, without prompting, while we were seated by the same front window, waiting for the arrival of her Mama and the new baby.


To Mr. Darcy, thanks for the memories!

Setyembre 21 - Idineklara ang Martial Law sa araw na ito, taong 1972. Ang deklarasyong ito at ang mga sumunod pang pangyayari noong snap election ng 1986 ay nagpabago sa buhay ng maraming Pilipino. Ang mga nasa itaas ay bumagsak sa ibaba. Ang mga nasa ibaba ay naluklok sa itaas.

Ngunit bago ang 1972 ay 1964 muna. Sa taong ito at sa petsang ito ng Setyembre, dalawang kilala kong tao ang pinag-isang dibdib. Ngayon ay tumuntong na sila sa kanilang ika-45 anibersaryo ng kasal. A milestone. Dapat na ipinaghanda. Sa isang otel sana ang reception. Imbitado ang mga kaiskwela at kaibigan na hindi nakumbida noon sa kakulangan ng badyet (kulang pa rin daw ang badyet ngayon!) Sa halip, pinili nila ang isang romantic get-away sa Sonya’s Secret Garden Bed & Breakfast sa Alfonso, Cavite.

Setyembre 21, 2009 – Umuulan. Ang bawat kilos ng windshield wiper ng kotse, anila’y gumigising sa gunita. Umuulan din daw noon, sakay ng Dangwa patungong Baguio.


Otel noon. Isang cottage ngayon. Fennel ang pangalan. Naiikot ng mga halamang nagkakagulo sa mga bulaklak na nag-aagawan sa ganda at kulay.


Wala raw telepono roon, walang telebisyon. Walang mga banda o piped in music habang naghahapunan. Kundi isang matandang lalaki na may hawak na gitara, nanghaharana, natutulog ka man, irog kong matimtiman… na minsan ay nasusundan ng kaindak-indak na sinisinta kita'y di ka kumikibo, akala mo yata ako'y nagbibiro...



Pauwi galing ng Baguio, mga pasalubong nila ay walis at gulay. Pauwi galing ng Cavite, mga pasalubong nila ay cheese hopia na binili sa Panaderia ng Sonya’s at espasol na binili kay Colette. Saka ilang buto ng maririkit na bulaklak sa hardin ni Sonya – na nangalalaglag, kaya sinahod ng kanilang palad! Balak itanim pagdating raw ng bahay, nais na gayahin at ilipat ang halamanan ni Sonya sa sariling tahanan.

Isang Petsa, Dalawang Okasyon! Pwede ba itong pam-Palanca?

Abangan ang susunod na kwento para sa buwan ng Oktubre. Hindi ito pam-Palanca. Ito ay kwentong pampalipas lamang ng oras, kung tapos na ang mga gawaing-bahay, wala nang mapanood sa telebisyon, ang mga apong inihabilin ng mga magulang ay kinuha na… at ang mga mag-asawang retirado ay sawa na sa titigan… gano’n lang…

(Ang mga nakasulat sa itaas ay ang balak ko sanang ilathala sa aking blog para sa buwan ng Oktubre. Sa kasamaang-palad, dumating si Ondoy.)

SETYEMBRE - OKTUBRE - NOBYEMBRE, 2009

Setyembre 26 – Dumating si Ondoy. Walang tigil ang pagbuhos ng ulan ngunit hindi naman kami nababahala. Ang baha sa harapan ng aming bahay ay mabilis mawala, isang patunay na gumagana ang sa tuwina’y ginagawang paghuhukay ng mga sapa at paglilinis ng mga imburnal sa bayan ng Marikina, kasama na ang nadisiplinang pagtatapon ng mga basura sa tamang lugar.
Nang pumasok ang tubig-baha sa aming garahe, nagsimula na kaming nagtaas ng mga gamit, mula sa bottom drawer, ipinatong ang mga ito sa ibabaw ng mesa.


Nang bumilis ang pagtaas ng tubig, hindi na kami nakaugaga sa aming ginagawa. At wala nang mapaglagyan at mapagpatungan ng mga kagamitan – damit, sapatos, libro, photo album, papeles, pagkain, mga aso!


Lahat ng ito ay siksikan na sa ibabaw ng mesang-kainan. Nakatihaya na ang refrigerator. Lumulutang na sa baha sa loob ng bahay, kasama ang mga pagkain. Sa paglalakad namin ay natatalisod na kami sa lumubog na mga bentilador. Ang kotse sa garahe ay hanggang bintana na ang tubig. At lubog na rin ang mga kamang tulugan.

Plan B – kailangang lisanin namin ang aming bahay dahil baka kami makulong nang lumalalim na baha.


Hindi na pwedeng dumaan sa karsada, lulubog na ako at hindi ako marunong lumangoy, bukod sa malakas ang agos. Umakyat kami sa bubong ng aming bahay, nakitawid sa isa pang bubungan, at nakituloy, nakitulog sa isang kapit-bahay na may second floor ang tirahan.

Setyembre 27 – kaarawan ng isa kong napakatalik na kaibigan, na hindi ko napahatiran ng pagbati. Walang kuryente, walang telepono, walang internet … at wala kaming computer. Inabot ng tubig ang CPU nito. May load ang celfone, pero lowbat naman.

Ito rin ang unang araw ng pag-aasikaso at pag-aayos sa iniwang pinsala ni Ondoy. Na hanggang ngayon, ginagawa pa rin namin. Ito pa rin ang simula ng nasasaloob na pasasalamat na ligtas kami sa higit na malagim na kapahamakang tulad nang sinapit ng marami. Salamat… salamat… salamat…

Oktubre 25 - Ang kapatid ko na may kaarawan ng Agosto 25 ay binawian ng buhay. Ang inaasam niyang pamamahinga ay nakamit na niya. Kasama na niya ngayon ang matagal nang namayapang kabiyak ng dibdib.


Oktubre 28 - Naniniwala ba kayo sa psychic ability ng mga hayop? Nang umuwi ako sa probinsiya, Oktubre 26, upang maglamay sa kapatid kong namatay ay may sakit na ang aso naming si Tanya.


Iniwan ko ito sa klinika ng isang beterinaryo. Ayon sa pagsusuri, may massive kidney bacterial infection ang aso. Na nakuha marahil sa baha, ang leptopirosis.

Namalagi ako sa probinsiya sa lamay ng aking kapatid. Ang aking pamilya ay nakikipaglamay rin ngunit muling bumabalik sa Marikina sa gabi, sakay sa kotse na madalas tumirik dahil nabaha nga. May halong tubig ang tangke ng gasoline.

Nang a-28, ika-8:30 ng umaga, uuwi na sila sa probinsiya para sa paglilibing kinabukasan nang muli, ayaw umandar ang sasakyan. Kahit ano pa ang kanilang gawin, walang mangyari, kaya naghanap na sila ng marerentahang van. Hustong a las diyes, tumawag ang beterinaryo. Wala na si Tanya, namatay ng ika-8:45 ng umagang iyon. A las otso ay ayaw umandar ang kotse. A las otso kwarenta'y cinco, iniwan kami ng aming alaga.

Nais kong isipin na sinadya ni Tanya na mangyaring hindi sila makaalis agad, dahil kung wala sila, sino ang maglilibing sa kanya? Isang kung sinong tatawaging maghukay? Hindi niya siguro gusto iyon. Nais niyang nakapaligid sa kanya ay ang mga taong nagmamahal sa kanya.

Si Tanya ay nakahimlay sa aking hardin.


Pagkatapos maayos ang lahat ng mga nasira ni Ondoy, pagagandahin ko ang aking halamanan. Aking tataniman ng may magagandang bulaklak. At tatawagin ko itong Tanya’s Garden!


Nobyembre 1-30 - Walang katapusang linis, laba at ligpit. Kung sa simula pa lamang ay inisip ko na ang mga dapat gawin at tatapusin, kasama pa ang panghihinayang sa mga nawala at nasira, sobrang dismaya ang aabutin ko. Sabi nga ng isa kong pamangking nabaha rin, parang na-depress siya. Ngunit salamat sa mga dasal ng mga kaibigan at kamag-aral, mga tawag sa telepono dito at mula sa California, New York, Washington at Virginia, mga padalang text at kalaunan ay email, mga material na tulong buhat sa mga kamag-anak – unan, tuwalya, bedsheets, drinking water, Lysol, mop, garbage bag, etc.,



Mga tulong financial mula sa parehong sanga ng pamilya (na nagtext at nagtanong kung ano ang aking bank account number at naisip ko, aba’y racket siguro ito, hindi naman pala, sori!) at mga kasamahan sa dormitoryo na alalang-alala sa aming kinahinatnan – salamat sa kanilang lahat, salamat, salamat, salamat!

Salamat rin sa bayan ng Marikina!

Na naging masipag sa pagkuha ng sandamakmak naming mga basura at sa mabilisang paglilinis ng aming karsada...


at kahuli-hulihan, sa paglilibot at pagpaparadang nag-aanyayang...



Bangon, Marikina, kaya natin ito!

Saturday, November 28, 2009

REMAINS OF “ONDOY” DAY – Conclusion (Sa Pilipino, Ondoy, Masdan ang Ginawa Mo!)

REMAINS OF “ONDOY” DAY – Conclusion
(Sa Pilipino, Ondoy, Masdan ang Ginawa Mo!)

Noong Nobyembre 26, dalawang buwan na ang nakalilipas matapos maminsala ang bagyo at bahang Ondoy sa amin. Hindi pa kami tapos magligpit. Paglilinis – halos tapos na. Ligpit – talagang hindi pa.


Nakatambak pa ang iisa-isahing hugasan, punasan at patutuyuing mga CDs at DVDs. Pwede pa raw. Pwede pang balik-balikan ang barkada ng Friends... ng Golden Girls...


Nakasalansan pa ang aking mga album ng mga larawang lumubog sa baha (sapagkat kani-kaniya kaming ligpit at imis ng kani-kaniyang gamit, kaya ako napag-iwanan ay sa dahilang higit na marami ang aking inaasikaso sa bahay).


-Ayoko pang tingnan, dahil ayoko pang makita na baka naghalu-halo na ang mga kulay ng larawang kuha naming dalawa ni Lea Salonga, nang magpakuha akong kasama siya, matapos kong mapanood ang Miss Saigon sa Broadway! Sobrang excited ako noon... nakisiksik sa maraming tao, magkaroon lamang ng souvenir photo na katabi si Lea.

-O snapshots na katabi si Robin Padilla (makinis siya sa personal) at si Herbert Bautista sa mga chance encounter naming mga magkakabarkada sa high school na mahilig kumain sa mga restaurant kung saan namin sila nakita noon sa magkahiwalay na pagkakataon! Kaming mga serior citizens, sa totoo lang, ay mga “closet” fans ng mga celebrity. Maaaring hindi naman namin sila pinapanood sa pelikula, pero, dahil alam naming sila'y artista at sikat, “kilig to the bone” din kami kapag sila ay nakita. At basta may kamera, kodakan agad siempre!

-O si Paeng Nepomuceno pagkatapos ng isang forum kung saan siya ang aming speaker! Ay, ibang klase ito, Book of Guinness world record holder sa bowling...

-O ang isang kasalan na ang ka-partner ko ay ang yumaong si Louie Beltran, ang pamosong journalist. At ang mga kasama namin sa wedding entourage ay... you name it, nandu'n sila!!!

-At siempre, ang paborito kong Pinoy Big Brother na si Robi Domingo! Na di man siya kilala ng mga Kapuso, tanyag naman siya sa mga Kapamilya! At kung ipaaalala sa kanya ang assignment niya noong high school senior siya sa Ateneo tungkol sa pag-interview niya sa isang writer, baka matandaan naman niya ako.


Ito ang mga larawang kuha with my brushes with celebrity! Winasak ni Ondoy!

At hindi pa tapos ang mga ligpitin! Nariyan pa ang mga natuyo na at nakulot na diploma sa UP ng aking mag-anak, (bukod-tangi namang ang aking diploma lamang sa UE ang natunaw, tukso nga'y wala na raw akong katibayang nagtapos ng kolehiyo, dahil ang naiwan ko lamang na diploma ay sa Malolos Elementary School. Bagaman … at may isa pa akong sertipiko na natira na pirmado ni Josefa Llanes Escoda dahil honorable mention ako sa isang baby contest noon, nineteen kopong-kopong).


Ito ang masaklap! Mga namantsahang certificates ng Palanca Awards for Literature, mga merit awards at high school diploma ng mga bata, certificates sa pagtatapos ng kung anu-anong summer activities – swimming sa Marikina Sports Center, painting sa CMLI, Prosec sa dynamic reading, ito at ang marami pang iba ay pinagbabakasakalian kong maisalba, mailagay sa folder, at kahit paano, maitabi at maitago, kahit bilang memento na lamang, kalunus-lunos man ang kanilang hitsura.


Gayundin ang mga itinabing college thesis...


Mga in-process na trabaho, mga art books...



Ilang souvenir ng mga kinuhang seminar... at pagbati sa kung ilanpung taong kaarawang ginugol sa opisinang pinagretiruhan...


At naghihintay pa rin sa aking mga kamay ay ang aking koleksiyon ng Liwayway – matiyaga, buong pagmamahal, pagmamalasakit, pagmamalaki na tinipon sa pagdaraan ng mga taon, mula sa kauna-unahang byline noong dekada sisenta. Nagdikit-dikit ba ang mga pahina nito? Huwag naman sana! Mababasa pa ba ang mga titik nito? Harinawa! Ang tanging pag-asa ko na lamang kung sakali at nawala na ang mga ito sa akin, ay ang malabong duplicate copies ng karamihan sa mga lumang kwento, tinipa sa ever reliable kong Underwood typewriter, na kahit nabasa ang kopya ay naaninaw pa rin ang mga titik. If worse comes to worst, naroon pa naman ang library ng Liwayway!


May kwento ang isa kong kaibigan na pinasok rin ng baha ang bahay. Ang koleksiyon daw ng kanyang manugang na komics kung saan ito mismo ang illustrator (parang tulad ng aking koleksiyon ng Liwayway kung saan mayroon akong mga kwento) ay inabot ng baha. Ngayon ay nakatambak ang mga ito sa isang tabi, hindi pa madisisyunan kung ano ang gagawin ng may-ari. Hindi maatim na itapon! Itapon? Talagang hindi. Kung ito ngang koleksiyon na komiks rin ng isa kong anak, na pera lang ang puhunan, pinagtiyagaang ibabad sa tubig upang huwag manikit, sunod ay isa-isang isinampay at pinatuyo...


Ngunit ang mga ibang tinipong koleksiyon – magazines, National Geographic, Time, Christmas at birthday cards, invitation sa kasal, souvenirs, playbills at kung anu-ano pa – kasama na sa mga natapon, tinangay na ng mga trak ng basura.



Maliban sa isang greeting card na matiyaga kong pinunasan, pinatuyo, na magkalasug-lasog man siguro ay sisinupin ko pa rin at hindi itatapon. Na ilalagay ko sana ang larawang nitong kuha ko, kaya lamang, nagdalawa ako ng isip dahil iyon ay isang bagay na personal sa amin...

At isang pirasong papel na inilakip sa isang pumpon ng pulang rosas na may gayaring titik: On your 35th birtday, mahal na mahal pa rin kita... (pero hindi na ako thirty-five, paano na kaya?)

At isang munti, mumurahing serbilyeta sa isang refreshment parlour sa may Azcarraga (pa noon!) na ganito naman ang isinasaad: Our love is everything that matters... (cheesy ba?)


Mayroong mga bagay na hindi kagyat nabibitiwan, kahit nakatatak na sa gunita at nakaukit na sa puso. Kahit paano, nais pa ring may nahahawakan, nakikita, na ulit-ulit mababasa, upang muling namnamin ang ligayang idinulot nito sa unang pagkakataong sumapalad ito.
Ito ang ilan sa memento na tinipon at itinago sa kailaliman ng kahon. Na sa pagdaraan ng panahon ng pagpapamilya ay nawaglit na sa alaala. Natabunan na ng mga pang-araw-araw na kaabalahan at alalahanin.

Na sa pagdating ng bahang dala ni Ondoy ay muling lumutang, pumaibabaw, nanariwa.

Na ngayon, sa gitna ng mga hirap at pagod na dulot ni Ondoy, ay naging isang maningning na tagapagpagunita na hangga at may pagmamahal... tuloy ang buhay!

Salamat.

Saturday, November 14, 2009

REMAINS OF “ONDOY” DAY – PART 2 (SA PILIPINO, “ONDOY, MASDAN ANG GINAWA MO!)

REMAINS OF “ONDOY” DAY – PART 2
(SA PILIPINO, “ONDOY, MASDAN ANG GINAWA MO!)

Sabi ng isa kong anak, “Wala na akong nakaraan!” Natawa na lamang ako, ngunit iyon din ang aking naisaloob nang aking makita ang mga nalubog na album ng mga lumang larawan.




Na ang mga kulay ay naghalu-halong parang obra maestra ng isang pintor. Iyon... ang pumasok sa aking isipan.




Naisip ko tuloy, tipikal na isip-Pilipino. May nakikita pa ring ganda sa gitna ng mga nangyaring kapahamakan.

Tulad ng paborito naming tindero ng taho, si Dante. Mahigit na isang buwan pagkatapos ng pagbisita ni Ondoy bago namin siya narinig na sumisigaw sa kalye ng “Ma'am, Sir... taho kayo riyan!”


Comfort food, sigaw ng isa kong anak na subsob ang ulo sa pagsasaayos ng kanyang mga gamit.

Kaagad namang tinawag ko si Dante at bumili ng tatlong basong taho. Habang hinahapaw niya ang makinis, pinung-pinong taho, pinapaibabawan ng sago at binubuhusan ng mapula at malapot na arnibal, nagkumustahan kaming dalawa tungkol kay Ondoy.


Tanong ni Dante, “Hindi pa kayo tapos maglinis?” habang sinusulyapan ang tambak ng basura sa tabi ng aming gate at ang pinatutuyong mga kutson at samu't sari sa harap ng aming bahay.



“Naku, hindi pa. Wala pa sa kalahati ang natatapos namin. Kayo ba?”


“Naku, Ma'am,” sagot ni Dante, “nakatira kami sa tabi ng ilog. Tinangay ang aming bahay! Halos wala kaming nailigtas! Swerte pa kayo!”


Sagot ko naman, “Ay, Dante, mas masuerte ka! Dahil wala ka nang bahay na lilinisin!”


“Tumpak ka, Ma'am!” sambot ni Dante at kami ay nagtawanan.

Larawan ba ito ng mga nasalantang Pilipino?


Noon, may nagtanong sa akin, isang Puti, kung ano ang masasabi kong “strength” o maipagmamalaking katangian ng mga Pilipino. Isa lamang ang aking naisip isagot noon. At ito ay “hospitality”. Ang pagiging “hospitable, warm, welcoming, always smiling.” Maalalahanin, masayahin, masyadong tumingin ng utang na loob. Ngunit, in the same breath, inamin ko rin sa aking kausap na ang nabanggit kong “strength” ng mga Pilipino, sa aking opinyon, ay maituturing na siya ring “weakness” ng marami. Na parang nagiging balakid sa pag-unlad. Masipag naman tayo at marunong, ang mga hindi nakaabot ng mataas na pinag-aralan ay sagana naman sa sentido komun, pero bakit hanggang ngayon, nakasadlak pa rin tayo sa ating kinalalagyan? Dahil lagi tayong nakangiti, tumatawa, okey lang?

Balik kay Ondoy...


Ano ba ang aking nakaraan? Sa isang nalasog na kahon na sinulatan ko ng MEMENTO, nakita ko ang isang listahan ng mga pinamili naming mag-asawa nang kami ay bagong kasal at nagpupundar ng mga kasangkapan sa bahay. Ang bahay ay isang apartment sa Tambo, Paranaque, sa malaking compound na ari ng mga Marquez, nakatirik sa tabi ng ilog. (Bakit ba malapit ako sa ilog? Ang bahay ng naging kasama ko sa buhay ay nasa tabing-ilog. Ang tirahan namin ngayon ay nasa tabi ng sapa. Siguro, sirena ako noong araw... kung totoo ngang may reincarnation)

Nakita ko rin ang resibo ng binayaran ko sa ospital ng Mary Chiles sa Gastambide nang isilang ko ang aming panganay. Nakatutuwang tingnan ang halaga ng panganganak noon, kumpara sa ngayon.






At ang mga hinulugan ko buwan-buwan na Encyclopaedia, na nakatulong nang malaki sa pag-aaral ng mga bata, wala na, lumubog rin sa baha, nagdikit-dikit ang mga pahina.





Itinambak namin sa tabi ng gate.



Isang nakakita ang nagtanong, “Ipinamimigay ba ninyo 'yan?”


“Aanhin mo?” tanong ko.

“Ikakalakal ko ho.” Ibig sabihin, ibebenta ng kilo-kilo.

Umiling ako at naghintay, hanggang sa mainip at ipinatawag na ang nais magkalakal upang may makinabang kahit paano. Suerte rin naman, ang dumating na kukuha ng mga libro ay nakaiintindi. Tuwang-tuwa nang makita ang mga ito. “Ito ang kailangan ng aking mga anak na nag-aaral!”
At natuwa rin ako. Ibinigay ko na rin ang malalaking diksyunaryo. Gagawan raw niya ng paraan, patutuyuin. (May pag-asa pa rin ang mga Pilipino!)

Pero, ang mga sumusunod ang itinuturing kong “treasures” sa aking buhay. Na naging biktima ni Ondoy. Mga greeting cards para sa amin, bigay kung Pasko, kaarawan, anibersaryo, Valentine, Easter at iba pang okasyon.










Ang mga ito ay ginawa ng mga mumunting kamay at daliri, ginamitan ng krayola, water color, bond paper, balahibong hinugot sa feather duster, nilakipan ng rubber band (pang-ipit ng buhok), coins (inipon mula sa araw-araw na baon), cut-outs ng magagandang damit, bag, kotse, jewelry (na gusto sanang iregalo kung may pera nga lamang sila) at sinulatan ng mga “my dearest mama”, “I love you, Mama” (na hindi ko na naririnig ngayon, na okay lang, alam ko namang they love me) at mga quotations at poem na mali-mali pa ang ispeling kung minsan. Mga biktima nga ni Ondoy na di mapapantayan ng salapi. Kung mapatutuyo ko ang ilan upang maitago, ikasisiya ko na ito.

Kaya, sa ngayon, ito na lamang ang binabalik-balikan kong basahin.

Isang liham na gawa ng isang pitong taong-gulang na bata, na supling ng aming panganay na isinilang sa ospital ng Mary Chiles noon, na siyang may regalong rubber band para sa aking pony tail minsan.

Ang sabi ng batang ito, panganay na "tubo sa puhunan" -


Dear family,



I am sorry for what happen(e)d to you. I wish you the best of Good Luck and I will pray for you.

With lots love,

Elena.

(Abangan ang mga kasunod pang nilay-nilay tungkol kay Ondoy.)