Saturday, November 28, 2009

REMAINS OF “ONDOY” DAY – Conclusion (Sa Pilipino, Ondoy, Masdan ang Ginawa Mo!)

REMAINS OF “ONDOY” DAY – Conclusion
(Sa Pilipino, Ondoy, Masdan ang Ginawa Mo!)

Noong Nobyembre 26, dalawang buwan na ang nakalilipas matapos maminsala ang bagyo at bahang Ondoy sa amin. Hindi pa kami tapos magligpit. Paglilinis – halos tapos na. Ligpit – talagang hindi pa.


Nakatambak pa ang iisa-isahing hugasan, punasan at patutuyuing mga CDs at DVDs. Pwede pa raw. Pwede pang balik-balikan ang barkada ng Friends... ng Golden Girls...


Nakasalansan pa ang aking mga album ng mga larawang lumubog sa baha (sapagkat kani-kaniya kaming ligpit at imis ng kani-kaniyang gamit, kaya ako napag-iwanan ay sa dahilang higit na marami ang aking inaasikaso sa bahay).


-Ayoko pang tingnan, dahil ayoko pang makita na baka naghalu-halo na ang mga kulay ng larawang kuha naming dalawa ni Lea Salonga, nang magpakuha akong kasama siya, matapos kong mapanood ang Miss Saigon sa Broadway! Sobrang excited ako noon... nakisiksik sa maraming tao, magkaroon lamang ng souvenir photo na katabi si Lea.

-O snapshots na katabi si Robin Padilla (makinis siya sa personal) at si Herbert Bautista sa mga chance encounter naming mga magkakabarkada sa high school na mahilig kumain sa mga restaurant kung saan namin sila nakita noon sa magkahiwalay na pagkakataon! Kaming mga serior citizens, sa totoo lang, ay mga “closet” fans ng mga celebrity. Maaaring hindi naman namin sila pinapanood sa pelikula, pero, dahil alam naming sila'y artista at sikat, “kilig to the bone” din kami kapag sila ay nakita. At basta may kamera, kodakan agad siempre!

-O si Paeng Nepomuceno pagkatapos ng isang forum kung saan siya ang aming speaker! Ay, ibang klase ito, Book of Guinness world record holder sa bowling...

-O ang isang kasalan na ang ka-partner ko ay ang yumaong si Louie Beltran, ang pamosong journalist. At ang mga kasama namin sa wedding entourage ay... you name it, nandu'n sila!!!

-At siempre, ang paborito kong Pinoy Big Brother na si Robi Domingo! Na di man siya kilala ng mga Kapuso, tanyag naman siya sa mga Kapamilya! At kung ipaaalala sa kanya ang assignment niya noong high school senior siya sa Ateneo tungkol sa pag-interview niya sa isang writer, baka matandaan naman niya ako.


Ito ang mga larawang kuha with my brushes with celebrity! Winasak ni Ondoy!

At hindi pa tapos ang mga ligpitin! Nariyan pa ang mga natuyo na at nakulot na diploma sa UP ng aking mag-anak, (bukod-tangi namang ang aking diploma lamang sa UE ang natunaw, tukso nga'y wala na raw akong katibayang nagtapos ng kolehiyo, dahil ang naiwan ko lamang na diploma ay sa Malolos Elementary School. Bagaman … at may isa pa akong sertipiko na natira na pirmado ni Josefa Llanes Escoda dahil honorable mention ako sa isang baby contest noon, nineteen kopong-kopong).


Ito ang masaklap! Mga namantsahang certificates ng Palanca Awards for Literature, mga merit awards at high school diploma ng mga bata, certificates sa pagtatapos ng kung anu-anong summer activities – swimming sa Marikina Sports Center, painting sa CMLI, Prosec sa dynamic reading, ito at ang marami pang iba ay pinagbabakasakalian kong maisalba, mailagay sa folder, at kahit paano, maitabi at maitago, kahit bilang memento na lamang, kalunus-lunos man ang kanilang hitsura.


Gayundin ang mga itinabing college thesis...


Mga in-process na trabaho, mga art books...



Ilang souvenir ng mga kinuhang seminar... at pagbati sa kung ilanpung taong kaarawang ginugol sa opisinang pinagretiruhan...


At naghihintay pa rin sa aking mga kamay ay ang aking koleksiyon ng Liwayway – matiyaga, buong pagmamahal, pagmamalasakit, pagmamalaki na tinipon sa pagdaraan ng mga taon, mula sa kauna-unahang byline noong dekada sisenta. Nagdikit-dikit ba ang mga pahina nito? Huwag naman sana! Mababasa pa ba ang mga titik nito? Harinawa! Ang tanging pag-asa ko na lamang kung sakali at nawala na ang mga ito sa akin, ay ang malabong duplicate copies ng karamihan sa mga lumang kwento, tinipa sa ever reliable kong Underwood typewriter, na kahit nabasa ang kopya ay naaninaw pa rin ang mga titik. If worse comes to worst, naroon pa naman ang library ng Liwayway!


May kwento ang isa kong kaibigan na pinasok rin ng baha ang bahay. Ang koleksiyon daw ng kanyang manugang na komics kung saan ito mismo ang illustrator (parang tulad ng aking koleksiyon ng Liwayway kung saan mayroon akong mga kwento) ay inabot ng baha. Ngayon ay nakatambak ang mga ito sa isang tabi, hindi pa madisisyunan kung ano ang gagawin ng may-ari. Hindi maatim na itapon! Itapon? Talagang hindi. Kung ito ngang koleksiyon na komiks rin ng isa kong anak, na pera lang ang puhunan, pinagtiyagaang ibabad sa tubig upang huwag manikit, sunod ay isa-isang isinampay at pinatuyo...


Ngunit ang mga ibang tinipong koleksiyon – magazines, National Geographic, Time, Christmas at birthday cards, invitation sa kasal, souvenirs, playbills at kung anu-ano pa – kasama na sa mga natapon, tinangay na ng mga trak ng basura.



Maliban sa isang greeting card na matiyaga kong pinunasan, pinatuyo, na magkalasug-lasog man siguro ay sisinupin ko pa rin at hindi itatapon. Na ilalagay ko sana ang larawang nitong kuha ko, kaya lamang, nagdalawa ako ng isip dahil iyon ay isang bagay na personal sa amin...

At isang pirasong papel na inilakip sa isang pumpon ng pulang rosas na may gayaring titik: On your 35th birtday, mahal na mahal pa rin kita... (pero hindi na ako thirty-five, paano na kaya?)

At isang munti, mumurahing serbilyeta sa isang refreshment parlour sa may Azcarraga (pa noon!) na ganito naman ang isinasaad: Our love is everything that matters... (cheesy ba?)


Mayroong mga bagay na hindi kagyat nabibitiwan, kahit nakatatak na sa gunita at nakaukit na sa puso. Kahit paano, nais pa ring may nahahawakan, nakikita, na ulit-ulit mababasa, upang muling namnamin ang ligayang idinulot nito sa unang pagkakataong sumapalad ito.
Ito ang ilan sa memento na tinipon at itinago sa kailaliman ng kahon. Na sa pagdaraan ng panahon ng pagpapamilya ay nawaglit na sa alaala. Natabunan na ng mga pang-araw-araw na kaabalahan at alalahanin.

Na sa pagdating ng bahang dala ni Ondoy ay muling lumutang, pumaibabaw, nanariwa.

Na ngayon, sa gitna ng mga hirap at pagod na dulot ni Ondoy, ay naging isang maningning na tagapagpagunita na hangga at may pagmamahal... tuloy ang buhay!

Salamat.

No comments:

Post a Comment