Friday, October 17, 2014

Ang Kwento sa Buwan ng Oktubre





Ang ikalawang kwento para sa buwan ng Setyembre na ipinangako ko sa inyo ay inaayos na.  Samantala, narito ang kwentong inilaan ko para sa buwan ng Oktubre.  

Ang kwentong ito ay isinulat ko noong 1971.  Dito ninyo makikita ang kaibhan ng pamumuhay noon sa ngayon.  Ang apatnaraang suweldo isang buwan ng isang karaniwang empleyado ay malaki na noon. Ngayon, sapat lamang ito na pangkape at isang hiwa ng cake sa Starbucks o pancakes sa Pancake House.  Ang bayad ng manikyur at pedikyur noon ay panlimos lamang ngayon, iirapan ka pa ng binigyan mo. At ang isang kilong baboy noon, 5.50 lamang!  Beinte pesos na pamalengke, hindi ka na magkandadala sa bigat ng bayong!

Ang kwentong ito ay tungkol sa isang bagong pag-asawahan noon.  Marami sa mga ka-henerasyon ko ang nabibilang dito.  Kaya, kami rin ang mga nagdiriwang ngayon ng kanilang deka-dekadang anibersaryo.   

Na siyang tampok sa aking ikalawang kwento ng Setyembre.  Abangan lamang.

Samantala, narito ang LISTAHAN NI ALELI...







ANG LISTAHAN NI ALELI



ANG LISTAHAN NI ALELI

Ang malinis na papel ay hinati ni Aleli sa pamamagitan ng isang tuwid, patayong guhit. Sa itaas ng unang hati ay isinulat niya. Advantages. Sa itaas ng ikalawang hati, Disadvantages. Saka siya sumandal sa kinauupuang silya. Kinagat ang dulo ng hawak na bolpen. Nag-isip.

Kagabi, sinabi ni Ted. Ilista mo. Lahat-lahat. Pagkatapos, timbangin mong mabuti. Alin ang higit na nakalalamang sa mga puntos. Sunod, tanungin mo ang iyong sarili. Iyon bang nanalo ang talaga mong gusto. O baka iyong natalo ang talagang kursunada mo.


Sa ilalim ng advantages ay sumulat siya. 


1. More money.   


Muli sumandal siya. Kung magpapatuloy siya ng pagpasok sa opisina, higit ang salaping kikitain nilang mag-asawa. Higit na malaki ang kanilang maitatabi, mailalagay sa bangko kaysa kung si Ted lamang ang nagtatrabaho. Kung sabagay, sapat naman at nakapagtatago pa rin siya sa suweldo ng asawa. Ngunit ang kitang tres siyentos singkuwetna ay tres siyentos singkuwenta! Lalo pa nga’t gagawin pa raw na kuwatro siyentos, sabi ni Mr. Mendoza, may-ari ng opisinang pinapasukan niya na ang negosyo ay financing.


Anim na buwan lamang, sabi ni Mr. Mendoza noon. Ang sekretarya ko’y humingi ng indefinite leave, aalis yata ang asawa, ipadadala ng opisinang pinapasukan sa abroad kaya hihinto muna siyang magtrabaho ikaw lamang ang naisip kong puwede. Kilala na kita at dati mo nang trabaho ang iiwanan ng aking sekretarya.


Tinanong niya si Ted. Nasa iyo iyan, sagot nito.  Sa palagay mo kaya ay kaya ni Pining ang maiwan sa bahay. Maglilinis, maglalaba, magluluto, mag-aalaga ng bata.


Paglilinis. Nilingap niya ang apartmen na tinutuluyan nilang mag-anak. Tumango siya. Pwede. At laba. Luto. Kayang-kaya. Isa’t kalahating taon na si Lia. Hindi na masyadong alagain. Marunong namang maglarong mag-isa kahit sa loob ng playpen. At tama na si Pining. Hindi na kailangan  ang isa pang katulong.


At nagtrabaho siya. Kumita ng tatlong daan at limampung piso isang buwan. Nakaimpok ng netong dalawang daan, hindi pa kasama ang impok sa suweldo ni Ted. More money. Higit na dami ng salapi.


May reklamo si Ted. Bakit ba malabnaw ang kare-kare ni Pining.


Ssshhhh, saway niya. Baka ka marinig.


Turuan mo. Paris ng pagluluto mo.


Umiling siya. Tinuruan ko na, talagang hindi makuha ang stroke.


Sa ilalim ng disadvantages, sumulat si Aleli.


1. Ted – reklamo sa pagkain.


a - malabnaw ang karekare

b - malansa ang paksiw

c - masyadong maasim ang dinuguan

d - maligat ang sinaing

e - mamantkika ang sinangag.


Muling sumandal si Aleli. Pinagmasdan ang mga daliri, ang mga kuko. Mahaba, malinis, bagong manikyur ang mga ito. Itinuloy niya ang paningin sa suot na pantsuit, Indonesian batik, sinuot niya kagabi sa panonood ng sine, itinuloy na niyang pambahay ngayon bago palabhan. Sa ilalim ng advantages sumulat siya. 


2. Mga kaptritso ng katawan nasusunod.


Ang mesa ay tinambul-tambol niya ng hawak na bolpen. Iyang manikyur at pedikyur, magkano. Doon sa suki niyang parlour, 1.50 at 2.50 na kung bayaran niya ay buong limang piso na, keep the change. Kung sa suweldo ni Ted niya kukunin ang limang pisong iyon, manghihinayang siya. Aba’y dagdagan lamang ng singkuwenta, isang kilong baboy na ang mabibili nito. Mantak mo iyon. Pero dahil pera niya, sa suweldo niya galling, walang kuwenta ang limang piso. Kaya malaking bagay iyong may sariling pera sa kinikita. Maluwag gastahin.


Malapit nang matapos ang anim na buwang pag-oopisina niya nang magpasabi si Ester, ang secretarya ni Mr. Mendoza. Wala na raw itong balak na pumasok. Pinatitigil na ng asawa. 


At muli siyang kinausap ni Mr. Mendoza. “Gagawin kong apatnaraang piso ang suweldo mo, Aleli. Huwag ka nang huminto. Alam mo’y mahirap din para sa akin iyong papalit-palit ng sekretarya.” 


Matagal na hindi siya nakaimik. Apatnaraang piso!  “Iisipin ko ho.”


Ang apatnaraang piso ay apatnaraang piso. Nalito siya nang husto. Nang ikatlong buwan ng kanyang pagtatrabaho ay may sinabi si Ted.  “Kailan ba babalik si Ester sa opisina ninyo?”


Nagtaka siya.  “Bakit?”


Pabiro ang sagot ni Ted. “Hindi ko kasi magamayan ‘yong pag-uwi ko’y hindi mo ako sinasalubong.” 


Kaarte.  At kinurot niya ang asawa.  Ngunit totoo ang sinabi nito. Dati-rati, sa oras ng pagdating ni Ted ay nag-aabang na sila ni Lia sa paghinto ng bus na sinasakyan nito. Ngunit mula nang siya ay mag-opisina wala nang sumasalubong dito. Alas kuwatro y medya ang labas ni Ted sa pinapasukang kompanya at siya ay alas singko. Hindi na siya nagpapahintay sa asawa upang makauwi namang maaga ito at nang makita kung ano na ang nangyari sa bahay at sa anak na tanging ang kanilang katulong lamang ang namahala sa buong maghapon.


Sa ilalim ng disadvantages ay muling sumulat si Aleli. 


2. Ted - reklamo sa kulang na pag-estima pagdating buhat sa opisina; 


a - walang sumasalubong

b  - walang naghahanda ng bihisan

c - walang makausap pagdating sa bahay.


Nang ikaapat na buwan ng kanyang pagpasok sa opisina ay lumipat si Ted ng kompanyang pinapasukan. Naging superbisor sa isang seksiyon. Tumaas ang puwesto. Tumaas ang suweldo. Dalawang daang piso ang nadagdag. Muli nagtanong si Ted.  “Hindi pa ba tapos iyong anim na buwang usapan ninyo ni Mr. Mendoza?”


“Bakit naman?” tanong niya.


Nagbiro na naman si Ted.  “Kasi, dito ka na lang sana sa bahay. Iyong dos siyentos na dagdag sa suweldo ko’y isusuweldo ko na sa iyo. Huwag mong isama sa ating badyet. Basta iyo.”


Yabang, ang tangi niyang nasabi. Sa kanyang isipan ay naglaro ang netong dalawang daang piso na impok niya sa kanyang suweldo at ang madadagdag na taas ng suweldo ni Ted. Hustong apatnaraang piso, puwera pa iyong dating naiimpok nila. Apatnaraan buwan-buwan! Isa nang kayamanan sa katulad nila. Sa loob ng isang taon kulang-kulang lamang na limang libo. Kaunti na lamang at makabibili na sila ng kotseng segunda mano.


Sa ilalim ng advantages ay isinunod ni Aleli.


3. Higit na malaking impok. Posibidad na makabili ng kotse sa madaling panahon. O panghulog sa lote.


Ngunit maraming reklamo si Ted. Sa disadvantages, idinagdag ni Aleli ang numeron...


3. Ted. Reklamo sa damit.
 

a - kulang sa butones ang ibang polo  

b - ang butas ng mga sando hindi nasusulsihan.


Tinanong niya si Pining, ang kanilang katulong tungkol dito. Nangatwiran si Pining. “Hindi na ho ako makapanulsi. Madalas ay nagpeperhuwisyo si Lia. Gusto’y karga.”


Nagtaka siya. “Bakit? Dati namang naiiwanan siya sa loob ng playpen?”


“Ewan ho,” sagot ng kanyang katulong.


At pati katulong, inirereklamo ni Ted. 

Muling sumulat si Aleli. 


4. Ted - reklamo sa katulong 


a - malimit na datnang nakikipagkuwentuhan sa kapitbahay pero nakatiwangwang ang trabaho sa bahay

b - hindi masyadong malinis ang bahay

c - napapakiramdamang umaalis ng bahay kung sila ay wala, kasama kaya si Lia?


Tungkol kay Lia may reklamo rin si Ted. Si Lia ay isang alalahanin na dala niya hanggang sa loob ng opisina. Bakit nga kaydalas nitong sinisipon. Bago ito paliguan tinitingnan muna kaya ni Pining kung basa ito ng pawis. Oo raw, ang sagot sa kanya nang kanyang tanungin. Totoo kaya.


At minsan may sinabi si Lia. Nagulat sila ni Ted. Bago pa lamang itong nagsasalita. Kadaldalan. Lahat nang marinig ay inuulit. At ang sinabi ni Lia ay isang salita na sa buong buhay niya ay hindi niya sinabi. Kinausap niya ang kanilang katulong. 


“Mag-iingat ka sa mga sinasabi mo, Pining. Marunong nang manggaya si Lia. May sinasabing hindi namin gusto. Masamang salita.”


Umiling si Pining. “Hindi rin ho ako nagsasalita n’on. Siguro ke Merle narinig.”


Tumaas ang kanyang kilay. “Si Merle? Bakit nagpupunta ba kayo kina Merle.”


Matagal na hindi sumagot si Pining. Kalaunan ay tumango. “Minsan.”


Minsan lamang daw ngunit hindi siya naniwala. Ang tungkol sa katulong ay isa pa ring alalahanin na pabigat sa kanyang isip habang nagtatrabaho siya sa opisina. Ito ay isang mahusay na katulong nang siya ay kasama sa bahay.

Sumandal si Aleli at pinaraanan ng tingin ang mga naisulat sa kanyang listahan. Tatlo ang nasa ilalim ng mga kapakinabangan kung siya ay magpapatuloy sa paghahanapbuhay. Lima na ang nasa kasahulan. At mayroon pa siyang idaragdag. Tungkol pa rin sa isang reklamo ng asawa.


6. Ted. Reklamo tungkol sa…


Muling sumandal si Aleli. Kinagat ang hawak na bolpen. Si Ted, masyado. Datirati hindi naman ito nangigising kung madaling araw. Ngunit mula nang magtrabano siya’y…


Li..Li… magigising siya sa bulong nito.


Uungol siya.  Ano ba, inaantok ako.


Li… mararamdama niya ang mga hagod at halik nito.


Kinaumagahan ay manunumbat siya. Nakakainis ka naman.


May reklamo si Ted.  “Paano, kung gabi, paghiga mo’y tulog ka agad. Minsang nagkukuwento pa ako’y naghihilik ka na.”


At mayroon pang reklamo si Ted tungkol sa bagay na iyon. Kung madaling araw at siya ay inaantok, para daw wala sa kanyang loob ang nangyayari.

Nangatwiran naman siya.  “Alam mo naman kaming mga babae, hindi kami parang kalang de koryente na kapag pinihit, on kaagad. Lalo’t inaantok pa ako.” At nagtawa siya.


Hinagod ng tingin ni Aleli ang listahan. Tatlo pa rin ang kapakinabangan, pawang tungkol sa salapi at sa kaluwagang maibibigay nito sa kanilang buhay. At anim na ang kasahulan. Napuna niya, lahat ay pawang kay Ted nakaugnay. Reklamo sa pagkain, sa pag-estima, sa damit, sa ayos ng pamamahay, sa anak at ang ikaanim na hindi dapat ipagwalang-bahala. Tunay na mahalaga sa relasyon ng isang pag-asawahan.


Ang apat na raang piso ay apatnaraang piso. Tumayo si Aleli at iniwan ang ginagawa. Lumapit sa bintana at huminga nang malalim. Mahirap din pala ang magpasiya. Kung si Ted ang magpapasiya, alam na niya ang sagot. Ang gusto nito ay sa bahay siya. Ngunit siya ay binibigyang kalayaan nito. At ang nais niya, maging makatwiran ang paggamit niya ng kalayaang ipinagkaloob ni Ted.


Pabalik na si Aleli sa ginagawang listahan nang marinig niya ang malutong na halakhak ni Ted na sinundan ng matining na tawa ng isang babae. Nasilip ni Aleli sa pagitan ng mga jalousies ang dalaga sa karatig na apartment, nakikipagkuwentuhan kay Ted. Pangko ni Ted si Lia. Waring ito ang paksa ng usapan ng dalawa. 

Nag-iisip, bumalik si Aleli sa kanyang listahan. Muli, kumuha siya ng isang malinis na papel. Sa itaas nito isinulat niya.  Mga masamang ibubunga ng susun-susung reklamo ni Ted.


Mabilis ang kamay ni Aleli sa pagsulat. 


1. Dahil sa reklamo sa pagkain baka humanap ng ibang makakainan. Resulta. Babae.


Nagtiim ng bagang si Aleli. Muli sumulat siya. 


2.  dahil sa kulang na pag-estima pagdating, baka mawiling makipaghuntahan sa dalaga sa kabilang apartmen. Ang resulta, babae.


Sa pakiramdam ni Aleli, nagsisikip ang kanyang dibdib. 


3. Dahil sa reklamo sa damit at 


4.  Dahil sa reklamo sa pamamahay, baka hindi na maisipang umuwi ni Ted. Resulta, babae.


Ang paninikip ng dibdib ni Aleli ay umakyat sa may lalamunan. Sumulat siyang muli. 


5. Dahil sa reklamo sa anak, baka… 


Sa isipan ni Aleli ay naglaro ang larawan ng isang bagong silang na sanggol na ang ama ay si Ted, ngunit hindi naman siya ang ina. Kundi ibang babae!

Ang kung anong nakabara sa lalamunan ni Aleli ay nanulay sa mumunting daanan patungo sa ilong. Suminghot siya. At muling sumulat. 


6. Dahil sa reklamo tungkol sa…


Minsan, isang madaling araw nang ayaw niyang pumayag o pumayag na yata siya ngunit talaga lamang hinihila siya ng matinding antok, nagdamdam si Ted. Ikaw… Ang sabi nito.


Si Ted. Mataas, guwapo na, may kaakit-akit na personalidad, maganda ang hanapbuhay, palaki ang suweldo, gasino nang bumiro ito sa isang babae at ang babae ay mahumaling. At ang mga ito ay titira sa ibang apartment na hindi niya alam puntahan at magkakaroon ng anak, isa, dalawa, tatlo. Siya, sapagkat laging pagod sa pag-oopisina ay hindi na lalapitan ni Ted. Total may iba nang malalapitan ito na hindi tututol. At lalaki, dadami ang kanyang impok na kuwarta buhat sa neto ng kanyang suweldo at sa iniintrega ni Ted. Ngunit mawawala na sa kanyang buhay si Ted.


Kumurap-kurap si Aleli upang alisin ang panlalabo ng mga mata na likha ng nangilid na luha. Pagkuway pinagpatong ang dalawang listahang ginawa. Hinati sa dalawa. Muling pinagpatong. At hinati. At muling hinati- hati hanggang magkaliit-liit ang mga piraso. Nagawa na ng listahan ang tungkulin nito.


Muling lumapit si Aleli sa may durungawan. “Ted…”  malambing niyang tawag sa asawa.


Ang apatnaraang piso ay apat na raang piso. Ngunit si Ted ay si Ted.


March 8, 1971, Liwayway