Friday, December 27, 2013

Sa pagtatapos ng taong 2013, sa pagharap natin sa darating na taong 2014, habang sa ating pag-iisa, tayo ay nagninilay-nilay sa mga naganap sa ating buhay, sa mga naging pagkukulang, sadya man o hindi, sa mga tagumpay at pagkabigo, sa mga katanungang inihahanap ng kasagutan, nais kong anyayahan kayo na tunghayan ang sumusunod... 

INTROSPECTION

(Kababayan.  Kamag-aral.  Kaibigan.  Ganyan ang relasyon namin ni Evelyn L. Estrella-Sebastian sa loob ng maraming, maraming taon.  May common denominator kami:  ang hilig sa pagsusulat.)  Ang taong nagsabi at sumulat nito na siyang nagsaliksik ng mga artikulo tungkol sa Kundiman (Disyembre 2011) Balagtasan (Abril, 2012), Uyayi (Mayo, 2012) at Harana (Oktubre, 2012),  na nalathala dito sa aking blog ang siyang ikukuwento ko ngayon.

Ang kanyang tinig ay malakas, maliwanag, masigla, hindi kababakasan na ang nagsasalita ay may karamdaman.  Tinawagan niya ako sa celfone at natuwa ako nang makita ko ang kanyang pangalan sa screen.  Usapan na kasi sa klase namin, walang dalawan sa maysakit.  Prayer brigade lamang.  Higit na kailangan ang dasal.  Ang hindi pinag-usapan ngunit pinagkaintindihan naman naming dalawa ay siya ang tatawag.  Na ginagawa naman niya, pagpasok sa ospital na susundan ng tawag pagkalabas dito.  Labas-masok siya sa pagamutan mula noong Hulyo hanggang Nobyembre ng taong ito.

Sa simula ng kung ilang beses naming pag-uusap, lagi niyang ipinagpapauna na malinaw ang kanyang pag-iisip, alam niya ang kanyang sinasabi, walang delusions o alzheimer, at siya ay in full possession of his faculties.  Maayos ang kanyang pandinig, mga mata at panlasa.  Alam ko raw ba, gustung-gusto niyang kumain ng sinangag na may bawang, saka tuyo at saukang suka.  Na sinasagot ko namang naniniwala ako. Ewan lang kung napayagan siya ng doktor na may listahan ng dapat at dami ng kanyang dapat kainin.   Tuwing umagang pagkagising nga raw, routine na ang pag-check nila sa kanyang health.  Sabi nga niya, pakikiramdaman niya ang kanyang sarili, humihinga pa ba ako?  Sa kabila ng kanyang pagkakasakit, hindi nawawala ang kanyang sense of humor.

Mabuti ang kanyang pakiramdam sa ngayon, utang niya ito sa Itaas, kanyang wika.  Ngunit nakahanda na rin daw siya, anumang oras na siya ay tawagin, na ang Diyos lamang ang nakaaalam.  Marami raw siyang sasabihin sa akin.  Maraming-marami.  Tinatawag niya itong revelations. Wari ay tinig na malinaw niyang naririnig sa kanyang sarili.  Nasabi na rin niya ang ilan sa mga kasamahan niya sa simbahan, isa siyang relihiyosong tao na aktibo sa mga gawain dito.  Ngunit naghahanap pa raw siya ng conduit, iyon ang termino niya, na pagsasabihan ng mga dumadaan sa kanyang isipan.  Nang maalaala niya ako, dahil sa isang pangyayari.

Sa ospital, isang nurse o hospital aide marahil na laging umaasisti sa kanyang pangangailangan ang sa buong akala niya, ang pangalan ay Amor.  Kalaunan na lamang niya napag-alaman na ang talagang pangalan nito ay EstrellaAmor at Estrella, naisip niya.  Iisa lamang ito.  Ako nga ang naisip niya.  Sa muling pagtawag niya, kaniyang idinagdag na ang apelyido kong Sebastian ay patron sa kanilang baryo, na ipinaalaala sa kanya ng kanyang yumaong ama, sa isang pagninilay-nilay, marahil.  Ang lahat na ito ay pinagtagni-tagni niya sa iisang konklusyon.

Mahaba ang kanyang salaysay at medyo excited siya sa pagsasalita at ako naman ay gayundin sa pakikinig, na kahuli-hulihan, iilan lamang ang aking natandaan sa una naming pag-uusap.  Nagtapos kami ng balitaan sa pangakong tatawag siyang muli.  At nang dakong hapon, muli akong tumanggap ng tawag sa kanya.  Salamat sa isang kalapit na papel at ballpen, naisulat ko ang mga pinag-usapan namin na madali ko namang nasundan, dahil alam ko rin naman ito.  Ang pagkakaiba lamang marahil, alam ito ng aking isipan, kung paanong alam ito ng marami, ngunit sa kanya'y alam ito ng kanyang puso.

Forgive plus forget = love of God and neighbor – that's all, there is to it.  Magpatawad.  Kalimutan kung anuman ito.  Iyan ang sinabi niya na di ba naman alam nating lahat, ngunit sinusunod ba?  Iyon ang tanong.  At tatap niya ito ngayon na siya niyang nais iparating sa aming mga kaibigan niya.  At sa iba pa, marahil.  Magpatawad.  At lumimot.  Sapagkat paano mo masasabing nakapagpatawad ka na, kung hindi mo pa nalilimutan ang ginawang nakasakit sa iyo?  Magpatawad.  Madaling sabihin.  Ang mahirap ay lumimot.  Kapag ito ang ginawa o nagawa, maihahalintulad na ito sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.  Kaya ito ang dapat gawin.  Forgive plus forget equals love of God and neighbor.  That's all there is to it.
Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang
Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang
Tayong lahat ay may pananagutan sa isa't isa
Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling niya.

Lahat tayo ay may pananagutan, hindi lamang sa isa't isa, hindi lamang sa kapwa tao.  Alam ko raw ba, na kahit ang kaliit-liitang bagay sa mundo, ang kahit anong pinakawalang-kwentang bagay na winawalang-bahala natin, ang pinaka-karaniwang bagay na hindi pinapansin, ay may kabuluhan.  Halimbawa ay papel.  Suriin daw ang pinagmulan nito, kung paanong ilang tao ang kinailangan upang maging papel ito na gagamitin natin.  Ibig niyang sabihin, bigyan ng pagpapahalaga ang lahat – tao, bagay, halaman, hayop, lahat-lahat na, dahil ang mga ito ay lalang ng Maykapal.  Kasunod niyang binanggit ang isang commercial sa telebisyon kung saan kumakain ng hamburger ang wari ay magkapatid na lalaki na ang isa ay may Downs syndrome.  Dama niya ang ipinaaabot na mensahe nito: pagpapahalaga.

Fear not, huwag daw matakot, ang kanyang wika.  Iyan ang sabi sa atin, for I will be with you till the end of time.  Ito ang pangako sa atin.  And He will not renege (niliwanag pa niya, binaybay pa, r-e-n-e-g-e) in His promise.  Isinunod pa niya, ask and you shall receive... At sumagot ako, oo, alam ko iyan... seek and you shall find, knock and it shall be opened unto you.  Naalaala pa niya si Pedro na pinalakad na at nakalakad na sa ibabaw ng tubig, ngunit dahil sa takot ay lumubog.  Huwag matakot.  Manalig.  Iyon ang kulang sa atin ngayon.  We of little faith, kaya nadadaig ng takot.  Naalala pa rin niya ang isang painting ni Goya na nakita niya sa isang museum sa Madrid, Spain noon.  Ang Lagrimas de San Pedro.  Hindi niya malimutan ang luha sa mga mata nito na wari ay tunay na tutulo sa pisngi, sa nadaramang damdamin, matinding pagsisisi sa ginawang pagtatatuwa kay Hesus.


Sa kinaroroonan niyang ospital ay may isang orderly na ang pangalan ay Justin na kapangalan pa ng anak ng kasambahay.  Sa bawat pangangailangan niya, laging naroon si Justin, wari ay nakaabang sa pagtulong sa kanya.  Kaya nang minsang nabanggit sa kanya na kaarawan nito, nalugod siyang abutan ito ng makakayanan niya. Naisip niya, sabi nga ni Lord, anumang bagay na ibinigay mo, to the least of your brethren, you did to me. Hindi niya malimutan ang araw ng kanyang check-out kung saan mabilis na naayos ang kaniyang mga papeles dahil sa pag-aasikaso nito.  Nasa ikaanim na palapag siya ngunit agad siyang naikuha ni Justin ng kaisa-isang carousel ng ospital para sa kaniyang mga gamit.  At sa kaniyang pagbabalik for check-up, kaagad niya itong nakita, agad na bumating “sir, narito ako.”  Na para bang talaga siyang inaabangan upang matulungan.  Sa kanyang kaibuturan, tanto niyang si Justin ang kanyang guardian angel, isang warrior angel.  Sa kanyang balintataw habang nagninilay-nilay, maliwanag ang larawan nito na wari ay kawangis pa ng arkangel Gabriel, may matipunong pangangatawan at mapuputing pakpak.  Sa ospital raw, ang dami-daming angel.  At lagi, kasama rito si Justin.

May isa ring hospital aide na ang pangalan ay JC. Itong si JC, katulad ni Justin ay parang laging naroroon din kapag may pangangailangan siya.   Si JC ang nag-asikaso sa kanya sa isang medical procedure.  Na nang matapos at kailangang tanggalin ay muling naroon upang gawin ito.  Tunay na ang mga taong tumutulong sa mga nangangailangan ay ang mga anghel sa ating buhay.  They are always there, at the right time, at the right place.  Sa ating buhay, marami tayong nakakasalamuhang ganito.  Sila ang ating mga anghel.   Naalaala rin niya ang makulit na anak ng isang pinsan, si Agnes.  Si Agnes ay walang tigil nang pagpapadala sa kanya ng mga inspirational messages sa text.   Nang kalaunan, sumilid sa kanyang isip si Saint Agnes at naikonekta niya ang pamangkin rito.  Ang pangalang Agnes ay malapit sa Agnus Dei ng Liturhiya sa misa.  Lamb of God, you take away the sins of the world, have mercy on us.  Kasunod din niyang naisip ang Good Shepherd, na karaniwang inilalarawan na may pasang tupa sa balikat, ang Good Shepherd na hindi tumigil sa paghahanap sa nawawalang tupa.  Matapos na maisip niya ang lahat ng ito, hindi na niya pinagtakhan na tuluyang huminto sa pagpapadala ng text ang pamangkin sa kanya.  Wari, ito ay isa lamang pagpapaalala sa kanya ng kung ano ang tunay na mahalaga sa buhay at sa mata ng Panginoon.  Kakawing nang naalaala niya ang The True Vine. 

Nabanggit niya ang isang awit ni Tom Jones, ang My Elusive Dream.  Pamilyar ako sa melody nito, ngunit hindi sa lyrics, kaya hinanap ko pa at binasa, tiningnan kung ano ang nais niyang sabihin.  Tungkol pala ito sa pagtungo sa kung saan-saang lugar, sa paghahanap sa katuparan ng mga pangarap – mga elusive dreams and schemes, na sa katotohanan ay mga fleeting things lamang.  Na wari ay inihahalintulad niya sa kanyang sariling buhay.  Habol ay pera at kaginhawahan.  Binigyan nga tayo ng Maykapal ng sariling pagpapasiyang pumili ng mga gagawing hakbang para sa sarili, God gives us choices, ngunit alam ko raw ba kung ilang taon ang ginugol niya bago siya nagtapos ng kolehiyo?  Panahong inaksaya niya?  Manila beckoned, sabi niya.  Nabanggit pa niya how we will account for every second we wasted...

Ngayon, alam na niya kung paanong ang hinahanap niya noon ay nasa kanyang tabi lamang pala.  Ang mga mata ay para makakita.  Mga taong kasama, katulong sa bawat sandali, na hindi niya napahalagahan, minsan isang panahon.  O pinahahalagahan man ay hindi naman naipaaalam rito.  Inakala na lamang na alam na nito, kahit hindi niya isinatinig o ikinilos.  Unang-una na rito ang kanyang butihing maybahay.  Na karamay sa lahat ng pinagdaanang hirap at pagsubok sa buhay.  Ang mga mata ay para makakita.  At ngayon, natanto na niya ang naging pagkukulang.  Buong pusong pinahahalagahan na niya ang taong ito sa kanyang buhay.  Itinanong ko tuloy, sinabi mo ba naman sa kanya?  Ipinagtapat mo kung gaano mo siya pinahahalagahan?  Sagot naman niya ay oo, sinabi niya.  Bukas na ang komunikasyon.  Ipinaalaala tuloy niya ang isa kong kwento dito sa blog, tungkol sa kung gaanong porsiyento ng pagmamahal ang dapat iukol sa isang kasintahan o asawa.  Tulad ng aking kwento, isa lang ang sagot, aniya.  Tunay na sandaang porsiyento.  Ang pagmamahal ay hindi hinahati ng numero, singkwenta lang ang ibibigay ko, ang singkwenta ay itatabi ko para sa sarili.  Ang pagmamahal sa asawa, sa pamilya, sa kaibigan, sa kapwa tao ay kailangang lubos.  Sandaang porsiyento.  Ganoon tayo kamahal ng Diyos na ibinigay ang sariling anak para sa ating katubusan.

Binanggit rin niya kaming mga itinuturing niyang malapit na kaibigan.  Mapapalad raw kami sa aming mga pamilya.  Partikular niyang sinabi ang pangalan ng isa, na sa kanyang sariling salita, has the purest heart, she who suffered the most in life, among us.  Sapagkat sa pinagdaanang hirap, ang katauhan nito ay waring nilinang na.  Idinugtong pa niya, sa isang muling pagtawag, na may habilin siya sa amin, ngunit sa kanyang maybahay na lamang niya sasabihin at ito na ang magsasabi sa amin.

Pangarap ng Diyos, aniya, ay makapiling ang lahat.  Makasama bawat isa.  Para sa kanya, para sa lahat, darating ang panahon, Diyos lamang ang nakaaalam.  Siya naman, aniya, ay nakahanda na.  Walang takot, walang pagkabakla.

Pamaskong mensahe sa kanyang sinasabing rebelasyon ay ito:

Ang puso ay para magmahal.
Ang mga mata ay para makakita.
Ang tainga ay para makarinig.
Narito tayo para magdasal at magpasalamat.




Tuesday, December 10, 2013

TRIBUTE  TO  A  MOTHER


May nadaluhan akong kasayahan kung saan ipinagdiwang ang kaarawan ng isang madre de familia.  Mula nang tumuntong ito sa ikawalumpong taon, lagi nang ipinaghahanda siya ng kanyang mga anak, kasama ang ilang piling kamag-anak at kaibigan.  Natatandaan ko na ang kanyang ikawalumpo ay tunay na isang surprise party, ginanap sa isang malaking function room, ipinang-imbita sa maraming kamag-anak na matagal nang hindi nakikita, mga naging kasamahan sa trabaho, sampu ng mga naging kaibigang modista at suking manikurista.  Ang kanyang limang anak na may kani-kaniya nang pamilya ay naghanda ng programa kung saan sila sumayaw at kumanta at nagpakita ng kani-kanilang talento.  Naulit ang di-kalakihang pagdiriwang nang sumapit ang kanyang ikawalumpo't lima.  Ang mga nakapagitang taon ay mga simpling pagsasama-sama na lamang, ngunit ang saya, katuwaan at halakhakan ay hindi kumukupas, mandin ay lalong nadadagdagan.

Ganito ang nangyari sa katatapos niyang pagdiriwang sa kanyang ikawalumpo't pitong kaarawan.  Halos pamilya lamang ang imbitado, mangilan-ngilan lamang ang naiba.  Bukod sa kainan, nagkaroon ng maikling programa, may umawit, may video presentation ng pagbati mula sa hindi nakarating, at isang nakatutuwang palaro.  Ito ang How Well Do You Know Your Mother.

Pinaupo nila ang celebrator sa harap ng nakahilera, nakaupong limang anak, at sa bawat tanong ng emcee na lumalabas din sa wall screen, sabay-sabay silang nagsusulat ng sagot.  Sunod ay ikinukumpara nila ito kung tumama sa sagot ng kanilang ina.

Sino ang paboritong anak?  Tama silang lahat, ang unico hijo.  Katwiran noong ina, kung isa sa apat na babae ang pinili niya, baka magkagalit pa ang mga ito.  Mukhang Solomonic decision kung titingnan, pero ang totoo, that is the truth and nothing but the truth.

Sino ang paboritong apo?  Tama ulit silang lahat.  Accepted na ng lahat, dahil siguro, iyon ang kapisan, at siya niyang laging kasama.

Marami pang tanong:  Sino ang boyfriend bago napangasawa ang kanilang ama?  Sino ang best friend sa high school?  Sino ang nakagalit nito noong nag-aaral pa na pinukol o itinapon ang bakya?  Sino ang paboritong manliligaw ng mga anak na babae (na hindi naman nila napangasawa)?  Ano ang pet peeve?At marami pang iba.

Ang palaro ay punung-puno ng hindi magkamayaw na sigawan at halakhakan ng manonood at ng mismong mga kasali rito.  Ngunit ang pinaka-finale ng selebrasyon ay ang inihandang tribute ng isa sa mga anak.  Ang talumpati ay kumakatawan na sa damdamin at sentimyento nilang magkakapatid sa kanilang ina.

Nagustuhan ko ang aking narinig at hiniling ko sa gumawa na bigyan ako ng kopya at pahapyaw ko itong ilalagay dito sa aking blog dahil maraming bagay na matututuhan at makaaaliw din sa sinumang makababasa.

Ang kanilang Mommy at Daddy ay unang nagkita at nagkadaupang-palad sa isang restoran sa noon ay Dewey, ngayon ay Roxas Boulevard na.  Kasama ng Mommy nila ang kanilang Tiyahin na may-ari ng nasabing restoran.  Ayon sa kwento, kasama naman ng kanilang Daddy ang fiancee nito na diumano'y isang heiress ng isang banking family.  “Daddy was said to be enamoured by this lass from Malolos that he broke his engagement to the heiress.  Ewan lang kung the other way around, baka inalembongan ni probinsyana.  Ha ha ha.”  Malimit nga raw nilang tuksuhin ang kanilang Mommy na kung iyong heiress ang napangasawa ng Daddy nila, sana, ang yaman-yaman nila.  Sagot raw naman ng Mommy nila, mayaman nga siguro, ngunit hindi naman kayo ganyan kagaganda.

Ikinasal ang kanilang mga magulang noong March, 1950 sa simbahan at ipinanganak ang panganay ng November 1950.  Aba, premature pala ito, kasi eight months lang!  Naughty, naughty!  (Sigawan na ang mga nakikinig at nanonood.  Everybody chanted, premature si---, premature si ---)  Dito ay hindi na naawat ang kanilang Mommy.  Tumayo ito at kahit pinipigil at pinauupo, ay hinarap ang mga bisita at nagpaliwanag.  Gusto na nilang pakasal, wala silang pera.  Nalaman ito ng kaibigan nilang propesora sa isang unibersidad at ito ang mismong nag-asikaso, nagkagasta, sa kanilang kasal, pati na ang kainan nila pagkatapos ng civil marriage. “Still, you lived in sin!”  sabi ng anak na nagbibigay ng tribute.  “Pero okay lang...”  dahil namana raw niya ito,  kasi siya mismo, it took her fifteen years to have a church wedding, after the civil one.

“How was she when we're growing up?”  Ang Mommy raw niya ay isang disciplinarian, hindi ang stereotype demonstrative and hugging mother, kaya tinawag nga nila itong “Angela Channing” ng Falcon Crest tv soap.  Sa magkakapatid naman ay siya ang nakatanggap ng pinakamaraming palo at sabunot.  Wala pa raw Bantay Bata noon.  Minsan nga, tumakbo pa siya sa labas ng kalsada at humingi ng saklolo sa kapit-bahay na tumawag ng pulis dahil inaapi siya.  Huminto naman sa paghabol ang Mommy niya at tinawag siyang maldita.

Walang palya, natatandaan niya ang paghahanda ng kanyang Mommy sa araw-araw nilang baon sa iskwela.  Shrimp, chicken or egg sandwich partnered with her concocted vanilla milk shake or a chocolate drink she called todee.  Lagi ito sa kusina, nagluluto at hanggang ngayon, ito pa rin ang naghahanda ng pagkain sa bahay.  Dahil dito, tatlo sila sa kanilang limang magkakapatid ang marunong magluto.  Ang dalawang hindi ay nakatagpo naman ng mga asawang marunong magluto.  Ang galing!

Halos taon-taon, pagkatapos ng aral sa iskwela, silang tatlong matatanda sa magkakapatid ay inihahatid ng kanilang Mommy sa probinsiya upang magbakasyon sa tahanan ng mga magulang nito.  Thank you Mommy, anila , because we all had a wonderful time with Amang and Inang and the Titas and cousins.  These memories we will always treasure.  Natatandaan pa niya ang kanyang tanong kay Amang na isang BIR Agent kung bakit sa bus sila sumasakay at wala itong kotse tulad ng mga kasamahang examiner.  Kinandong daw siya ng matanda at sinabing, “Never mind what other people have, what is important in life is having good relationships and good values.  Always be satisfied with what you have.”  Hindi raw niya  nalimutan ang sinabing ito ni Amang na naging pamantayan niya sa kanyang buhay.

Nang mga teenager na sila, hinahayaan ng kanilang Mommy na magbakasyon ang kanilang maid sa probinsiya at dito sila natuto ng mga karaniwang gawaing-bahay.  Kaya, halatang-halata, aniya kung sino ang may bisitang manliligaw na darating, kasi linis nang linis ng sala.  Lahat sila ngayon ay excellent housekeepers and housemanagers, kung saan dalawa pa nga ang lumabas na OC,  At pinahulaan pa kung sino ang mga ito.

Hindi lamang iyon.  Tinuruan din daw silang mga babae ng kanilang Mommy ng beauty secrets.  Dahil dry ang kanilang skin, kailangan ang moisturizer sa mukha at katawan at huwag na huwag matutulog na marumi ang mukha.  Gamit raw ng kanyang Mommy ay Ponds cleansing cream, at siguro nga, epektibo naman ito, kita ang ebidensiya.  Siempre rin, good genes!

Nang sila ay lumalaki na, nagsisimula nang pumalaot sa mundo, wika nga, sinabi ng kanilang Mommy na dapat, ang babae ay kailangang magkaroon ng sariling pera.  Kaya magtrabaho sila at nang hindi kailangang humingi pa sa asawa ng pambili ng mga bagay na gusto nila.  Ulit-ulit itong sinabi ng kanilang Mommy.  Na sinunod naman nila.  Dito ay kinantiyawan pa niya ang mga bayaw kung alam ng mga ito ang secret bank accounts ng mga asawa.

Isang praktikal na tao ang kanyang Mommy.  Habang ang ibang kakilala o kapit-bahay ay sa Rustan o Hongkong bumibili ng damit, ito ay sa Divisoria nagpupunta, naghahanap ng retaso sa mga imported na tela na ipinatatahi sa kilala nilang modista.  Kaya magaganda pa rin ang kanilang damit.

Naniniwala rin ang kanyang Mommy na ang isang tao ay kailangang may well-rounded personality.  Kaya marami silang sinalihang iba't ibang aktibidades.  Ang mga babae ay nag-aral ng swimming, ballet at Hawaiian lessons, ang kapatid na lalaki ay judo, swimming at typing, wala pa yatang computer noon dito.  Dahil praktikal nga ang Mommy nila, she managed to come up with the fees.  Sa kanilang klase sa Hawaiian, ito ang nagdisenyo, bumili, humanap ng costurera, at nagbenta ng grass skirts at costumes kapag may recital, tuloy libre na tuloy sila.  Lahat sila ay naging magaling magsayaw ng Hawaiian at may isang panahon pa nga na nagsayaw siya sa tv show ni Pancho Magalona kung saan kinausap pa raw ng isang executive producer ang kanyang Mommy para payagan siyang lumabas as emcee sa Stop, Look and Listen. Na tinanggihan ng kanyang Mommy.  No way.  Na nang usisain niya, makalipas ang maraming taon kung bakit ito tumanggi, sagot raw nito, kung siya ay pinayagan, baka lima na ang anak niya at tatlo ang ama! 

Dumanas sila ng financial setbacks nang may nangyari sa business ng kanilang ama kung kailan sinabing baka di na sila makapag-aral.  Sabi niya, somehow, we managed and found a way to  earn money and was able to finish our schooling.  Naging huwaran nila dito ang kanilang Mommy, na nagtrabaho bilang ahente ng insurance and managed to put food on the table.

Bilang Mommy ng mga teenagers, maituturing na liberal ang kanilang ina.  Pinabayaan raw silang magkaroon ng boyfriend kahit nasa high school pa lamang.  Kapag dumadalo sa party, ang curfew nila ay alas dos ng madaling-araw, ngunit kailangang may kasamang chaperon  na kapatid.  Habilin raw nito na kapag nasiraan ng sinasakyan, tumawag lamang sa bahay at ipaalam ito at huwag matakot umuwi ng late.  Kaya raw naging standard alibi nila ang nasisiraan ng sasakyan.  Anong say mo, Mader, tukso pa niya sa celebrator.

Ang nagbibigay ng tribute ay nag-asawa sa murang edad na disiotso, ngunit, ipinakadiin-diin niya, hindi premature ang kanyang panganay.  Sabi raw ng kanyang Mommy,  ang pag-aasawa ay hindi tulad ng pagbo-boyfriend na pwedeng palitan pag ayaw na.  Well, mother dear, sabi niya, dinibdib ko yun and am still happily married after forty one years of marriage to the same man.

Nang magsimula raw magkaroon ng mga apo ang kanilang Mommy, she mellowed and became sweet, especially sa favorite na apo.  Dito lang ba?  Tanungin raw ang ibang apo.

Sa pagtatapos, ito ang sinabi niya:

Well, Mommy, all your children grew up to be resilient, hardworking, compassionate and stable individuals (wala raw bipolar, private joke siguro nila ito), mga kikay at lukaret lamang at dating pabling.  We are what we are now because of our upbringing.  Because of this, we would like to honor you today.  Thank you for everything.  We love you.

At isang bouquet of  spring flowers ang inialay nila rito.  Na nakita raw nilang inalog-alog nito at tiningnan kung may sobreng nakasingit.


Tuesday, December 3, 2013

DALAWANG KWENTO SA BUWANG ITO

Paumanhin sa mga tagasubaybay ng aking blog.  Dahil sa ilang kaabalahan, hindi ako nakapaglagay ng mga kwento mula noong Setyembre.  Bale apat na kwentong utang iyon.  Nagrereklamo na nga ang isang taga-Canada.  Pasensiya na po.

Sa ngayon, dalawa muna ang ilalagay ko.  Isang pang-todos los santos na susundan ng pamasko.  May nanunulay na tema ito.  Sana ay magustuhan ninyo.  Maligayang Pagbabasa!!!






NOBYEMBRE 1 – TIPAN SA KAHAPON
 

GALING siya sa Davao mula sa isang dinaluhang komperensiya nang datnan niya sa kanilang bahay ang isang pabalita buhat sa Malolos.  Patay na si Celia.

“Sino si Celia?”  tanong ng kanyang asawa.

“Isang kababata,”  kanyang sagot.

“'Lang?  O higit pa?” ang muling tanong kasabay ang pagtutop ng mga daliri sa kanyang labi.  “Kung ayaw mong sabihin, huwag.”

Ang mga daliri ay hinagkan niya.  “Higit pa, may isang panahon.”  At siya ay nagtapat.  Saka nagpasiya.  “Uuwi ako sa Undas. Dadalawin ko ang kanyang libingan... at ang dati naming barkada.”

Nagpasiya rin ang kanyang asawa.  “Hindi ako sasama.”

“Bakit? ” tanong niya.

“Sapagkat ang iyong pag-uwi ay isang uri ng pagbabalik sa nakaraan.  Isang pakikipagtipan sa kahapon.  Makabubuting ako'y wala.”

Lagi na, ang kanyang asawa ay may sariling paraan ng pagsasalita at pagpili ng mga angkop na salita upang maliwanag na mailarawan ang isang pangyayari, ang isang naisasaloob.  Araw ng Undas.  Pakikipagtipan sa nakaraan.  “Sana'y makabalik ako.”

“Makababalik ka.  Tatanggapin ka nila,”  ang wika nito.

At siya nga ay umuwi.  Sakay ng kanyang kotse.

“Matrapik sa pantiyon,” sabi ng kanyang ina.  'Wag mo nang dalhin ang oto mo.”

“Maraming traysikel.” sambot ng kanyang ama.  “Treinta lang.”

Sa isang traysikel sumakay si Roman.  “Sa Mabolo,” kanyang sabi.

Inihuhudyat ng malaking kampana ang ikaanim ng hapon nang magdaan ang traysikel sa likod ng katedral.  Sa Malolos ang oras na ito ang kasikipan sa mga lansangang patungo sa pantiyon.  Lalo na sa Mabolo sapagkat ito ang pambayang libingan.


Sa lansangang patungo sa pamilihang-bayan, hugos ang mga tao.  Ang mga pauwi ay may bitbit na mga maseterang kinatatamnan ng palmera, mga plorerang kinasusuksukan ng mga bulaklak na plastik, mga gamit, nangangalahating kandila.  Ang mga papunta pa lamang ay sumusugod, nagmamadali, magaganda pa ang mga bihis, ang mga bata ay tuwid pang magsilakad.  Ang mga kasalubong nito ay lapot na sa pawis.  At nagsisiika sa paltos na tinamo ng mga paang di gaanong sanay sa pagsasapatos o sanay man ay lubha namang nahirapan sa walang lubay na kalilibot, kapapasyal sa loob ng pantiyon.  Ng lahat ng pantiyon.

Si Celia.  Napabuntung-hininga si Roman.  Malalim.  May isang panahon, naisip niya, na siya at si Celia, saka ang barkada nilang sina Nestor, Delia, Lito at Ernie ay naging bahagi ng sangkatauhang iyon na yao't dito sa lansangan, galing sa paglilibot sa mga pantiyon.  Una muna sa pantiyon sa Tubigan, ang libingang katoliko.  Magaganda ang mga nitso rito.  Malalaki.  Mayroon pang mga nakapalamuting anghel sa ibabaw.  Naggagandahan ang mga alay na bulaklak.  Mga calla lilies.  Babies breath.  Gladioli.  At ang mga ilaw, di siyento yatang lahat. 

At sa loob ng pantiyong ito ay iikot sila nang minsan, makalawa, makikipagkuwentuhan nang bahagya kapag may nakasalubong na kakilala at pagdating sa labasan, mangangantiyaw si Celia at sesegunahan naman ni Delia.  Anong sarap siguro ang kumukukot ng mani habang naglalakad.  Siya, si Roman ang bibili ng mani.  Sa kanilang barkada, siya na ang pinakanakaaangat sa buhay.  At isa pa'y may lihim siyang pagtatangi kay Celia.

Sa paglalakad, magkakaagapay sila nina Celia at Delia.  Sa unahan.  Sa likuran naman ay sumusunod sina Nestor, Lito at Ernie.  Tutuwirin nila ang lansangan sa Tubigan, lalabas sa may panulukan na kinatatayuan ng panaderyang may tindang masarap na enseymada.  Si Delia naman ang mangangantiyaw at si Celia naman ang sesegunda.  Para bang gusto naming kumain ng aruro.  Hindi pala, baka  tayo mabulunan, kailangan pa ng panulak, lalaki ang gastos.  Mamon tustado na lang.

Uungol si Nestor.  Na lang.  Wala bang mas mahal pa roon.

Lalabi si Delia.  Aba, sosayti yata ito.

Sa likuran, mag-aanasan sina Ernie at Lito.  Sosayting bangus?
Di kasi namang bibili rin si Nestor ng mamon tustado.  At lakad, kagat sa tinapay ang kanilang gagawin sa gitna ng kasiyahan ng dalawang babae at sa panunukso ni Lito.  Sa dami nang nakain, tagilid na ang karsada.  Tigil na't ke pupula na ng hasang ninyo.

Pagkatapos ng mabagal, hinay-hinay na paglalakad, na paminsan minsan ay naaabala ng paghinto sa gitna ng lansangan dahil may nakasalubong na kakilala ay mararating din nila, sa wakas ang pantiyon sa Mabolo.

“Treinta ho.”  Nakagitla kay Roman ang tinig ng drayber ng traysikel.

“Dito na lang ba?”  Tinanaw ni Roman ang palligid.  Kabababa lamang nila ng tulay ng San Vicente.  Sa unahan niya ay hindi kumikilos ang mga sasakyan.  Dyipni, kotse, traysikel.  At sa pagitan ng mga ito, mga taong nagsisiksikan, may papunta, may pauwi.

Bumaba si Roman at nagbayad.  Nakisingit siya sa mga tao.  Nakipagngitian, nakipagkawayan sa mga kakilalang nakasalubong ngunit hindi siya humihinto.  Gusto niyang makarating na kaagad sa pantiyon, kay Celia.

Maganda si Celia.  Maputi.  Mahaba ang buhok na laging naka-ponytail.  Ang kinis ng binti ni Celia.  At sa kanilang pook, maging sa high school, maraming may crush kay Celia.  At natakot siya.  Kinabahan.  Kaya nang idaos ang Juniors Prom na ginanap sa may dating gloryeta, sa liwasang nasa likod ng kapitolyo ng Bulacan, habang nagsasayaw sila ni Celia, isang balse, The Loveliest Night of the Year ay bumulong siya kay Celia.  Nanlalamig ang kanyang mga kamay.  Kumikinig ang kanyang mga tuhod.  Nagkakapatid ang kanyang mga paa.  Celia.  At pumiyok pa siya.

Kayganda ni Celia.  Kulay murang rosas na ballerina ang suot na damit nito na ang laylayan ay abot hanggang kalagitnaan ng binti.

Ano ba.  Natapakan mo na 'ko.

Umakyat ang dugo sa kanyang ulo.  Nag-init ang kanyang mukha.  Nawawala ako sa tiyempo. bulong niya.

Sumagot si Celia, pabulong din.  Sayang naman iyong praktis natin kina Delia.  Waltz lang ito.  Di lalo na kung boogie.

Hindi siya sumagot.  Kinabig niya ang katawan ni Celia, palapit sa kanya.

Diniinan ni Celia ang kanyang balikat.  Ano ba, Roman.  Walang denggoyan.

Ngunit higit siyang malakas kay Celia.  Hindi man sinasadya, sa isang pag-ikot, sa kanyang paghapit, nawalan ito ng panimbang, napayakap sa kanya.  At mabilis siyang bumulong.  Celia,  Celia,  I love you.
Hindi siya tuwirang sinagot ni Celia.  Ngunit kailangan pa ba?  Tuwing Biyernes ng hapon, pagkatapos ng aral sa high school, sabay-sabay silang umuuwi ng barkada, naglalakad.  Habang nanunulay sa riles sina Nestor, maitim ang buto kapag nahulog ang tuksuhan, sila ni Celia ay nasa dakong hulihan, nagkukuwentuhan. 

Pagdating nila ng tindahan sa pagbaba ng tulay ng Carmon, bibili sila ng mapapangos na tubo, unahang makatapos o palayuan ng buga sa pinagpangusan o paberdihan ng iluluwa.  At kung nakikita niyang hindi makagat ni Celia ang matigas na buko ng tubo, nagpiprisinta siya.  Ako na, Cel...  at papayag naman ito.  Kailangan pa bang sagutin siya nang tuwiran?

Ang buong barkada ay nakatapos ng high school at sa gabi ng gradwasyon, sila lamang ni Nestor ang nakatitiyak ng pagluwas at pag-aaral sa Maynila.  Malungkot si Celia.  At ang kanyang pusong umiibig ay nangako.  Hintayin mo ako, Cel.  Pagkatapos kong mag-aral, babalik ako rito sa atin.

Hindi tumitingin si Celia sa kanya.  Maraming magagandang babae roon.  Makakalimutan mo kami rito.
Umiling siya.  Hindi.  Ikaw lang, Cel.  Tandaan mo.  Basta hintayin mo ako.  Ikaw nga, baka pag wala na ako...

Tumingin sa kanya si Celia.  Maghihintay ako.
Ang una at ikalawang taon ng pag-aaral sa Maynila ay isang walang katapusang panahon ng paghihintay ng maka-semestreng bakasyon.  At isa lamang ang ibig sabihin ng bakasyon.  Si Celia.  At buo na naman ang barkada.  Piknikan sa Kalero.  O sa kubo nina Lito sa Panasahan.

Nang nasa ikatlong taon sa kolehiyo, sumapi siya sa isang fraternity.  Nagkaroon siya ng mga bagong kakilala, mga bagong kaibigan.  Iba sa barkada sa Malolos.  At ipinakilala naman siya ng mga ito sa mga kaibigang dalaga, pinsan, kapatid.  Nagulat pa siya.  Marami ang kasingganda ni Celia.  Higit pa marahil.  At isa rito si Myrna.  Matalino at iskolar.  Aktibo sa kinasasapiang sorority.  Palabasa at masarap kausap.

Unti-unti ang pag-uwi sa Malolos kung bakasyon ay nawalan ng panghalina.   Nagkaroon siya ng bagong barkada.  Sa kanyang pag-aaral, tumalas ang kanyang pag-iisip, naghanap ng ibang uri ng kausap at ibang uri ng paksang pag-uusapan.  Si Celia ay naging isang malabong larawan.  Napalitan ni Myrna.  At ni Ella.  Ni Yolanda.

Nakatapos siya ng pag-aaral.  Nakaiksamen sa gobyerno, napasama sa sampung nanguna, nagkahanap-buhay nang matatag.  Napunta sa Amerika.  Matagal.  Si Celia, sampu ng barkada ay pinadalhan niya ng postcard.  Iyon lamang.  Nang siya ay umuwi, may kasama na siyang asawa.  Isang Pilipinang nakatagpo niya sa America.  Maganda, mayaman, matalino.  Bihira na siyang mauwi sa Malolos.  Kung dumadalaw na lamang sa kanyang matatanda nang mga magulang.  Laging nagmamadali.  Si Celia at ang barkada ay naging isa na lamang malabong alaala ng isang panahong nagdaan. 

Kung minsan, natatapatan niya sa kanyang pag-uwi, sa pagpaparada ng kanyang kotse sa tapat ng kanilang matandang tahanan, ang pagdaraan nina Nestor at Delia.  Nagkatuluyan pala ang dalawa.  


At siya ay babati.  Kumusta, kumusta... at pagkatapos, wala na silang masabi sa isa't isa.  Ngawit na ang ngiting nakapamilaylay sa mga labi ng kanyang kausap at siya na ang mauunang humiwalay.  O, sige, at ikikibit na lamang niya ang kanyang mga balikat pagkatalikod ng mag-asawa.  Kailanman, hindi nila napag-usapan si Celia. 

Hanggang dumating nga isang araw, may pabalita ang kanyang ama.  Patay na si Celia.  Bigla.  Sa puso.

Patay na si Celia.  Iyon lamang at ang nakaraan, ang malabong larawan ng kabataan ay tubig sa batis na luminaw.  Nadama niya, masidhing-masidhi, nais niyang umuwi.  At makita ang mga dating kaibigan.  Muli, nais niyang madama ang mga bating-dunggol ng kamao sa bisig o tiyan.  At marinig na muli ang dating kantiyawan, ang pagpapatawa ni Lito, hindi pa raw kumukupas, ang sabi ng kanyang ina.  Nadama niya, hindi lamang nais niyang makauwi.  Nais rin niyang makabalik.  Kung siya'y matatangap pa.

Sabi ng kanyang asawa.  Tatanggapin ka nila.  Ang pakikipagkasira sa isang dating kasintahan ay hindi isang napakalaking kasalanan na dapat nilang gawing dahilan upang tanggihan ang muli mong pakikipaglapit sa kanila.

At ang pagtitiwalang ito ang nagdala sa kanyang mga paa sa puntod ni Celia.  Naroon na nga ang buong barkada.  Matagal bago siya nakapangusap.  “Hindi ako nakauwi.   Nasa Davao ako...”

Tumango si Lito, saka lumingon kay Ernie.  Yumuko si Ernie, waring may pinulot na kung ano sa lupa.  Sinaway ni Delia ang isang batang lalaking nag-usyoso sa kanya, panganay nila ni Nestor.  Si Nestor ang tanging nagsalita.  “Maupo ka.”

Siya ay naupo.  At sa kawalan ng masasabi, paulit-ulit niyang binasa ang nakasulat sa parihabang kartolina na nakalagay sa isang pumpon ng bulaklak sa tapat ng lapida.  Alaala ng mga magulang at kapatid.

Tatanggapin ka nila,
sabi ng kanyang asawa.  Ngunit hindi nito alam, sapagkat hindi niya sinabi, naduwag siyang humarap kay Celia noon.  Hindi siya pormal na nakipaghiwalay.  Ang taling bumibigkis sa kanila ay hindi niya pinagkaabalahang kalasin.  


Noon, sabi raw ng barkada at nakarating sa kanya, lubha namang winalang-bahala ni Roman si Celia.  Hindi man lamang kinausap.  Maano kung may iba siyang nagugustuhan.  

Alam niya, iyon ang kanyang malaking kasalanan.  At ang balakid sa kanyang pagbabalik.  Si Celia, na tapat na umiibig sa kanya ay naghintay, umasa.  Sa wala.  At namatay.  Na isa pa ring dlaga.  Sa kabila ng matiyagang pamimintuho ni... si Lito ba?  O si Ernie?  A, si Ernie...

Ang kanyang pakikipagtipan ay hindi dapat maging isang kabiguan.  At sa puso ng pantiyong dati nilang pinapasyalan, anong sarap siguro ng kumukukot ng mani habang naglalakad... Tinig ni Celia, ang maganda, maputi, mahaba ang buhok na si Celia, ang tapat sa pag-ibig na si Celia, si Celiang winalang-bahala niya.  Maiintindihan ni Celia, puppy love lamang ang namagitan sa amin, kanyang naisip di man niya ito kausapin, dahil ayaw niyang masumbatan, ayaw niyang masisi ni Celia, anong sarap siguro ang kumukukot ng mani habang naglalakad. 

Sa gitna ng libong kandilang may ilaw, pumapatak sa nakaalay na bulaklak, sa dibdib ng malamig na katahimikang lumulukob sa pagharap-harap, sa pagbabantay nilang iyon, inihanda ni Roman ang sarili sa isang mahaba, matiyagang paghihintay sa pagkakataong ibibigay ng mga dating kaibigan.

Upang makabalik.

LIWAYWAY, Nobyembre 2,  1970
PASKO, ISANG MAGANDANG PANGYAYARI


MAKABUBUTI marahil para sa mga bata na sa Malolos tayo magpalipas ng darating na Pasko.  Sapagkat ang Pasko ay isa ring uri ng paglingon sa nakaraan.  Pagbabalik sa pinagmulan.  Nais kong madama nila ang iyong nadama sa gitna ng kapaligirang iyong nilakhan.  Kung panahon ng Kapaskuhan. 

Nang ito'y sabihin ni Cristina ay malayo pa ang Pasko.  Katapusan lamang ng Setyembre.  Kagagaling nila sa isang dinaluhang cocktail party at ipinaparada niya ang kotse sa harap ng isang kainan sa may Makati Avenue.

Marahil ay tama ang kanyang asawa.  Malalaki na ang kanilang anak.  Anim na taon na si Carol.  Apat na si Ron.  At ano ang uri ng mga Pasko nito? 


Isang matangkad, mabilog ang tiyan, mapula ang pisngi at mahaba ang balbas na Santa Claus na bumababa sa eroplano at tumatawa ng ho ho ho.  Pasadyang maluluwang at mahahabang medyas na isinasabit sa ulunan ng mga kama kung gabi ng bisperas ng Pasko.  Magagandang manika, walking doll, talking doll, pop car, na hindi kasya sa mga inihandang medyas, pagkagising sa umaga.  Hamon, keso de bola, fruit cake, chocolate,  perang aginaldo buhat sa ninong na executive.  At sa unang araw ng linggo, makalipas ang Pasko, magbibihis nang maganda at sasakay sa kotse, uuwi sa Malolos at hahalik ng kamay sa mga lolo at lola, ang mga magulang niya.

Ganoon ang Paskong kinalakhan nina Carol at Ron.  At sa hindi niya malamang sanhi, iyon ay nais baguhin ni Cristina.

Hindi naman sa nais kong baguhin,
tutol ni Cristina.  Nais ko lamang na malaman nila na mayroon pang ibang uri ng Pasko na hindi umiikot sa Christmas tree at magagandang regalo.

Marunong silang magbigay ng mga laruan sa share-a-toy.  Sa eskuwela ay sumasali sila sa mga newspaper drive for Christmas charity.  Nakikita nila ang pagbibigay natin ng regalo sa ating mga kaibigan, kaanak, katulong sa bahay.  Alam din nila ang magbigay, di lamang ang tumanggap, kung ito ang ibig mong sabihin.  Isa pa'y di ba ganyan din ang kinalakhan mong Pasko, Cristina?
Tumawa si Cristina.  Tama ka.  Sa una at sa ikalawa.  Ganoon ang uri ng aking  Pasko kaya marahil ganoon din ang Paskong ibinibigay at ipinamumulat ko sa kanila.  Pero ayaw mo bang madama nila ang Pasko ng iyong kamusmusan?  


Sa Malolos.  Ang mga simbang-gabi sa nanunuot na lamig ng madaling-araw.  Ang bibingkahan sa may kanto ng Zulueta at Paseo F. Estrella.  Ang kalamay latik at suman sa ibos at lihiya na gawa ng iyong Nana Tuyang.  Ang singko at diyes na aginaldo ng matatandang kamag-anak na papanaog ka na sa hagdan ay sige pa rin sa pangangaral.  

May isang panahong ikinukwento mo sa akin iyon.  At maliwanag kong nadama sa iyong tinig ang iyong pangungulila.  Bakit hindi tayo roon magpalipas ng darating na Pasko.  Mayroong mga bagay na napagbabalikan.

Si Cristina, ang kanyang asawa.  Ang maganda, matalino, anak-mayamang si Cristina na nakilala at nakaisang-palad niya sa Amerika.  Mayroong mga bagay na napagbabalikan, ang ulit niya.  Cristina, alam mo bang ikaw ay isang makata.

Nalunod sa tawa ni Cristina ang kasunod niyang sinabi.  At mayroong mga bagay na hindi.

Si Celia at ang kanilang barkada ay ang Pasko sa Malolos na hindi niya mapagbabalikan.  Na minsan na niyang pinagbalikan ay hindi pa rin niya natagpuan.  Dahil... dahil hindi siya tinanggap.


MULA sa durungawan ng kanyang dating silid sa ikalawang palapag ng kanilang malaki at lumang tahanan sa Malolos, ay abot-tanaw ni Roman, sa kabila ng kadiliman ng paligid, ang atip na yero ng bahay nina Celia.  Dati, ito ay pawid.  Sa tanglaw ng isang naiilawang parol ay nakikita pa rin ang isang bahagi ng balkon at ng hagdanang tabla.  Dati ay kawayang buo, makintab, pinakintab ng basahan at pinadulas ng dahong-saging.  At siyanga pala, nakatulong rin sa pagpapakintab ang malimit nilang pag-upu-upo sa hagdanang iyon nina Celia,  At ang hagdanang iyon ni Celia ang naging saksi ng kanilang kauna unahang pagsasanay ng mga awiting pamasko na balak nilang kantahin sa pananapatan.

Hindi kaya nakakahiya,
tanong ni Celia.

Hu, ashamed pa raw,
kantiyaw ni Lito.  Meron ba tayo niyan.

Mainit kaagad si Celia.  Ako, meron.  Ewan ko ikaw.
 

Siya ang naging referee.  Walang mangyayari kung mag-aaway-away tayo.  Ang kailangan nati'y practice.
 

Kumamot sa ulo si Nestor.  Alam mo Roman, hindi uso rito sa atin 'yang karo- karoling.  Baka blankahin lang tayo.

Siyanga naman,
ayunan nina Ernie at Lito.

Hina naman ninyo. 
Mainit na rin ang pasok niya.  Kaya nga iuuso natin e.  Magkakapera pa tayo.  Sabi ng Ninong ko, sige, magkaroling kayo sa amin, bibigyan ko kayo ng piso.  Mantak mo yung piso.  Isang jingle bells lamang.


Isang kanta, piso!  At nang panahong iyon ng diyes na pampalamig at  sitenta'y singkong round trip na pamasahe para Malolos-Monumento-Malolos, ang piso ay piso.  Isang jingle bells lang, aba!

At sila nga ay nagkaroling.  Ang dala niya ay ukulele,  iyon ang uso noon.  Si Nestor ay isang basyo ng dram ng gasolina, bom bom bom.  Si Ernie ay triyanggulong bakal, bating ting ting, na kung bakit nasisintunado pa ay para tinatapik-tapik lamang naman ng pakong de tres.  Talaga, si Ernie.  At si Lito, ba't laging pumipiyok. 

Marami silang narinig sa unang gabi ng kanilang pananapatan.  Ang tanong na para saan ba iyan ay hindi nila sinasagot.  Na wari bagang hindi nila narinig.  Sa halip, tuloy pa rin at lalo pa nilang ipinaglalakasan ang pag-awit.  Ang Pasko ay sumapit, tayo ay mangagsiawit ng magagandang himig dahil sa ang Diyos ay pag-ibig...  


Mayroon namang pumupuri.  Aba, mainam itong naisipan ninyo.  Masaya.  Dalawang piso ang ibinigay sa kanila.  Naku, ang tigas nilang kapapasalamat.  Maligayang Pasko sa inyo.  Merry Christmas.  Pagpalain kayo ng Diyos.  Si Lito, ang galing mang-uuto.

Sa hagdanang kawayan nina Celia nila binibilang ang kanilang napanapatan.  Ang gutal ay ibinibili nila ng bibingka sa tindahang nasa kanto ng Zulueta.  At pansit sa Panciteria Mabuhay sa bayan.  At kainan na silang umaatikabo.  At pagkakain, saka sila kakanta ng mga awiting pamasko na para sa kanilang sarili lamang. 

Siya.  You're all I want for Chrismas.  All I want my whole life through, Each day is just like Christmas, everytime that I'm with you.  You're all I want for Christmas...
 

Ang maputing pisngi ni Celia ay alam niyang mamumula kahit hindi niya ito nakikita sapagkat napakalalayo, kahit napakalalaki ang mga bituin kung Disyembre.  Ang mahabang buhok nito na laging naka-ponytail ay paglalaru- laruan ng mga kamay, ang dulo'y kakagatin.  Yuyuko si Celia at sisipatin ang mga paa.  Habang patuloy siya sa pag-awit.  And I'll awake one Christmas morning and find my stocking filled with you.

Iyon ang Pasko ng kanilang kauna-unahang pagkakaroling.  At iyon din ang kauna-unahang Pasko ng kanilang pagiging magsteady ni Celia.  Kapwa sila nasa ikatlong baitang sa high school.

Ano nga ang gusto mong Christmas gift, Celia?  tanong niya.

Tumingala si Celia.  Nag-isip.  At nananabik siyang naghintay.  Ano nga kaya ang gusto ni Celia.  Panyolito?  Pero masama raw ang magregalo ng panyolito.  Pamahid ng luha.  Rosaryo?   Belo?  Lalo raw masama, basta religious article.  Magkakasira raw ang magkasintahan.  Ano nga kaya?

Saka niya napansin.  Kumakanta si Celia.  Mahina lamang.  Parang sa kanya lamang ipinaririnig.  You're all I want for Christmas.  All I want my whole through...

At ang kanyang pusong umiibig ay nangako.  Iyong-iyo lamang, Celia.  Kung paanong ikaw ay para sa akin lamang, ako'y para sa iyo.

Hanggang kailan,
nanunukso ang tinig ni Celia.

Taimtim na taimtim ang kanyang sagot.  Forever, Celia, forever.

Naging pormal na rin si Celia.  Ako rin, Roman, forever. Hanggang kamatayan.

At totoo ang sinabi ni Celia.  Siya lamang ang naging pag-ibig nito hangang ito'y bawian ng buhay.  Namatay si Celia na isang dalaga, halos labing-anim na taon matapos bigkasin sa kanya ang pangako.  Forever. Magpakailanman.  Hanggang kamatayan. 

Samantalang siya, si Roman, ang kanyang pangako ay tumagal lamang hanggang ikatlong taon ng kanyang pag-aaral sa Maynila.  Nakalimutan na niya ang naiwang si Celia.  Ang barkada.  Ang Malolos.  Noon. Ni hindi naging mahalaga para sa kanya na kalasin ang taling bumibigkis sa pag-iibigan nila ni Celia.  


A, naisip niya, mauunawan na ni Celia ang lahat.  Nagbabago ang damdamin ng tao.  Lalo't higit ang mga katulad niyang nakapag-aral, nakapaglakbay, nakarating sa pangarap na itaas, tinitingala.  Katangi-tanging dalaga si Celia... ngunit...

Noon nagsimula ang lamat sa pagsasamahan ng kanilang barkada.  Na nadama niya sa malamig na pakikitungo sa paminsan-minsan niyang pag-uwi. Na ipinagkibit lamang niya ng balikat.  Ngunit lamat na naging guwang na likha ng kamatayan ni Celia.  Kamatayang hindi niya naipagwalang bahala.  Kamatayang waring naging isang sumpa sa kanya.  Isang masidhing pagnanasa na makabalik.  Nag-udyok na makauwi.  Makita ang mga dating kaibigan.  Madama ang mga bating dunggol ng kamao sa bisig o tiyan.  Marinig na muli ang mga pagpapapatawang hindi kumukupas,  ang dating kantiyawan.

Tatanggapin ka nila, sabi ni Cristina, ang kanyang asawa.  Ang pakikipagsira sa isang dating kasintahan ay hindi isang napakalaking kasalanan na dapat nilang gawing dahilan upang tanggihan ang muli mong pakikipaglapit.
 

Ngunit bigo ang kanyang pagbabalik.  Kasinlamig ng ulang pumatak at naging sanhi ng paghihiwa-hiwalay sa pagbabantay sa puntod ni Celia, ang katahimikang ipinasalubong sa kanya ng mga dating kaibigan.

Inaabot ko sila'y lalo lamang silang lumalayo.  Tinitikis nila ako, nanlulumong wika niya sa asawa.

Dinamdam nila ang ginawa mong paglayo sa kanila.  Kay Celia.  Umunawa ang tinig ni Cristina.

Hindi ko layuning ibalik ang nakaraan, Cristina.  Ang nais ko lamang ay ang huwag nila akong iwasan kapag nasasalubong nila ako sa daan.  Na ang inaalok kong sigarilyo ay aabutin nila.  Na hindi magmamadali sa pakikipag-usap sa akin na para bang sila'y napapaso. Na hindi na mangangawit ang kanilang mga labi sa pagngiti dahil ayaw nilang magsalita.

Ang pagsasamahan ng mga magkakaibigan na iginupo ng panahon at pangyayari ay hindi naibabalik sa kisap ng isang mata.  Ang kailangan mo ay panahon.  Upang maipakita mo at mapag-isip naman nila na talagang tapat sa loob mo ang iyong ginagawa.

Saka niya naisip.  Panahon. O isang okasyon.  Pasko.

 

AT UMUWI siya ilang araw bago sumapit ang Pasko.  Sa isang wari ay di sinasadyang pagkadaan sa harap ng bahay nina Nestor, nabanggit niya.  "Bakit di tayo magkaroling.  Tulad noong araw.  Ang pera ay iabuloy natin sa samahan ng mga kabataan dito sa atin." 

Tatawa tawang umiling si Nestor.  "Matatanda na tayo, Roman."

Siya ay muling nabigo.  Hindi na niya muling tinangkang bumalik.  Kailangan na niyang tanggapin, ang Pasko sa Malolos ay ang araw na lamang ng pagdalaw nilang mag-anak sa matatanda niyang mga magulang.   Iba na, malayo na ang kanyang Pasko sa Pasko ng kanyang mga kaibigan.  Hindi na muling magkakasama-sama ang barkadang hinahatinggabi sa pakakaroling kung Pasko.  Ang barkadang walang tigil nang kapapraktis sa hagdanan nina Celia.  Ang kaliweteng dram at sintunadong batingting.  Ang mga pumipiyok na tinig.  Ang pumipiyok na...

ANG PASKO AY SUMAPIT, TAYO AY MANGAGSIAWIT... kilala niya ang mga tinig na iyon.. kilala niya...

...DAHIL SA'NG DIYOS AY PAG-IBIG... sina Nestor iyon, sina Nestor 'yong talaga...

MAY TATLONG HARING NAGSIDALAW...  at si Lito... si Ernie... boses ni Delia 'yon...
 

BAGONG TAON AY MAGBAGONG BUHAY, NANG LUMIGAYA ANG ATIN BAYAN...

“Roman...”

Lumingon si Roman.  Nakatayo sa may pinto ng silid, nakangiti si Cristina.  Lumapit siya.  “Mayroong mga nagkakaroling sa ibaba, Roman.  Para sa uniporme ng basketball team ng club dito.  Sila raw ang magdidikta kung magkano ang ibibigay mo, pero pwede pa raw tumawad kung sasama ka sa kanila.”

“Sina Nestor!”  ang galak ay hindi niya naikubli.

“Sila nga.  At marami pang iba.  Napakiusapan raw sila ng panguluhan ngayon dito na samahan sa pagkakaroling sa iyo, dahil kayo raw nina Nestor ay dating barkada.”

“At pumayag sila.  Sumama sila.  Pumunta sila sa akin.  Cristina...”  Mahigpit na niyakap ni Roman ang asawa.

“Maligayang Pasko, Roman,”  nakatawang nagwala si Cristina sa bisig ng asawa.

Ngunit lalong humigpit ang pagkakayapos ni Roman.  Na bumubulong.  “Bakit mo ako niyayang magpasko dito sa Malolos, Cristina?”

Tumatawa si Cristina.  “Dahil sa mga bata, ano pa.  Makaranas sila ng ibang Pasko.”

“Try again, Cristina.”

Huminto sa pagwawala si Cristina at ang mukha ay isinubsob sa dibdib ng asawa.  “Mahal na mahal kita,  Roman.  Nais kong maging maligaya ka.  Makabalik ka sa kanila.  At ang magagawa ko lamang ay ang ibigay ang pagkakataon na muli kayong magkita-kita.  Kaya kita niyayang umuwi.  Maraming magagandang bagay ang nangyayari kung kapaskuhan.  At nanalig akong sana, ang maganda ay mangyari sa iyo ngayon.  Nangyayari na nga, Roman.  Nangyayari na.”

A... Cristina.

Liwayway, Disyembre 20, 1971

Thursday, November 28, 2013

RANDOM THOUGHTS... RANDOM TALKS... 1, 2, 3

RANDOM THOUGHTS... RANDOM TALKS...1

Wala lang, sabi nga ng mga bata ngayon.  Naisipan ko lamang na bakit hindi ko isulat ang mga bagay na kung minsan, biglang dumaraan sa aking isipan.  Dahil sa isang bagay na nakita.  O narinig.  O nabasa.  O natikman.  O naalala.  Bakit nga ba hindi.  Kaya, heto na po ako...

Tungkol sa kakanin (gutom siguro ako noon):  Ang pinaka-nagustuhan kong puto bumbong ay ang inihain sa amin minsan ni Cora, maybahay ng dati, na ngayo'y namayapa nang pangulo namin sa high school alumni association na si Turing.  Kung tatanungin ninyo kung ano ba ang lasa nito, ang tangi kong masasabi ay lasa itong puto bumbong!  Hindi lasang keso, hindi lasang mantekilya, na siya ngayong usong inilalagay sa mga kakanin.  Na pampasarap raw.  Na nagpapaiba ng lasa.  Na hindi mo na makapa ang tunay na lasa nito.

Puto.  Noong araw, may putong Pulo na ngayon ay mababakas mo na sa mga putong Marikina.  Ngunit ang natatandaan kong lasa ng putong kutsinta ay iyong inuuwing pasalubong ng aking ina tuwing siya ay namamalengke noong musmos pa ako.  Iyong nasa bilao at hiniwa-hiwa nang pahilis at lasang-lasa ang anise na parang langgam na nakabudbod sa ibabaw nitong malambot at malagkit.  Kamakailan, sa isang dinalaw na kamag-aral sa Plaridel, nakatikim ako ng puto kutsinta na may ganitong lasa.  Lasang kutsinta talaga.  Tinanong ko kung sino ang may gawa nito.  Ipinagawa raw sa magpuputong si Cita sa palengke ng Plaridel.  Gusto ko man ang nabibiling putong pula na may palamang munggo, na nabibili ko naman kay Citang sa Sta. Isabel, hinahanap-hanap ko pa rin ang putong lasang puto kutsinta talaga. 

Suman sa lihiya.  Tuwing namamasko kami noon sa Nana Tuyang, kapatid na nakatatanda ng aming Inang, ang ibinibigay niya sa amin ay isang bungkos ng tali-taling suman sa ibos at sa lihiya, na siya kong paborito.  Lalo at isasawsaw sa murang niyog at asukal na pula.  Tamang-tama lamang ang lasa ng lihiya na sangkap nito.  Minsan, dinalhan ako ng ganitong suman ng isang bagong kaibigan, si Norie, at sa wakas, muli kong nalasahan ang suman sa lihiya ng aking kabataan.  Sa ngayon, ang mga nabibili ay parang may kulang.  Ewan ba kung ano, basta iba. Bagaman at may natikman naman akong galing sa Calapan, Mindoro, na hugis kuwadrado at ang sawsawan ay ang tinatawag naming ginaok sa Bulacan, na masasabing tumatama na rin sa aking panlasa.

Sa kasalukuyan, hinahanap ko pa rin ang lasa ng bibingka sa kanto noon, doon sa aming baryo, na wala na ngayon.  Ako noon ang laging nauutusan na magpaluto ng miryenda.  Dala ko na ang itlog ng tinatawag ngayong free range na manok, na  bunga ng pagtatalik nila ng tandang (hindi bunga ng mga patuka o feeds na nabibili), na isasama sa bawat sigang ng bibingka na lalagyan ng hiwa-hiwang itlog na maalat sa ibabaw.  Ang bibingka ay gawa sa galapong, babad na bigas na giniling sa gilingang-bato, at hindi sa rice flour na siya marahil kalakaran sa pagluluto ng bibingka ngayon na kinukulapulan ng sandamukal na margarine sa ibabaw, binubudburan pa ng asukal.  Marahil ang mga sangkap na ito ng tunay na itlog at natural na galapong ang sikreto ng tunay na lasang bibingka na miss ko na...

Kayo rin marahil, may ganito ring damdamin sa mga paborito ninyong pagkain.  Ngunit kung pagmumuni-munian naman, hindi kaya romanticized lamang ang pagkatanda natin sa lasa ng mga kakaning ito, na ating hinahanap sa nakakain ngayon?  Tulad halimbawa sa alaala ng isang lumipas na panahon, na ginintuan sa ating palagay na sa katotohanan naman ay puno rin ng ilang mapait na karanasan... 


O sa naaalaalang unang pag-ibig na hindi malimut-limutan... ang gunita nitong ayaw lamang bitiwan... pilit pa ring ninanamnam ang tamis ng mga ngiti, ang lagkit ng mga titig.  Na kung pagbabalikan naman ay naroon ang katanungang bakit hindi kayo nagkatuluyan?

Basta.  Gusto ko ang puto bumbong, ang kutsinta, ang suman sa lihiya at bibingka noon.

Basta.



RANDOM THOUGHTS... RANDOM TALKS...2


Sa bangko, nakapila ako sa labas, wala pang a las nuwebe at hindi pa nagpapapasok ang guwardiya.  Hindi ako magdedeposito, magbabayad ako ng bills.  Sabi nga ng isang kaibigan, bakit hindi na lang sa telepono, para walang hussle, di na kailangang lumabas.  O kaya ay mga direct debit sa account.  O sa ATM.  Sa totoo lang, asiwa ako sa mga makina.  Napaka-impersonal.  Gusto ko ay mga taong nakakaharap, nakikita ang mukha, nasasalubong ang mga mata habang kausap.  May interaction, kumbaga.  Yes, my age is showing...

Ang kainaman nang lumalabas, marami kang nakikita.  At naririnig.  Tulad nga ng isang umagang iyon, na nakapila ako at naghihintay ng pagbubukas ng pintuan ng bangko, narinig ko ang usapang ito:

Sosyal ang dating ng babae.  May edad na rin, ngunit pustura.  Sakbat ang step-in niya na may garbo.  Naka-pedicure.  Nasa likod ko siya.  Kinausap niya ang guwardiya.

Babae:  Iyong isang branch ninyo, hindi pa machine ang gamit, mano-mano pa rin, mabagal tuloy.

Guwardiya:  Yes, Ma'am, hindi pa nga.

Babae:  Pero, malaki ang parking nila.  (Uy, may kotse!)

Guwardiya:  Malaki nga, Ma'am.

Babae:  Gusto ko rin du'n, kilala na nila ako.  Humihingi pa nga ako ng inumin sa kanila.  (Uy, valued client!)

Babae:  Kaya naman, kung anu-ano rin ang ibinibigay ko sa kanila.  Birthday, Pasko.  (Uy, mayaman...)

Babae:  Kasi naman, minsan may ipinabibili sila sa anak kong nasa Paris...  (Uy, merci buco, may anak abroad!)

Guwardiya:  A, bubuksan na ho ang pinto.  Pwede nang pumasok...

Nagpasukan na kami, kasunod ko ang babae, na kalaunan, nakita kong humingi nga ng isang basong inumin.

O, di ba, galing ng lumalabas ng bahay.  Maraming human interest kang makikita at maririnig.  Kaaliw-aliw...

RANDOM THOUGHTS... RANDOM TALKS...3

Ano ang Pasko sa isang sinalanta ng bagyong Yolanda?  Inulila ng asawa, namatayan ng mga anak, nawalan ng mga magulang, nawasakan ng tirahan, tinunaw ng daluyong ang kabuhayan? 

Bawat palad na nakalahad, tinig na humihingi ng tulong, mga matang waring nais panawan ng pag-asa ay may hatid na luha sa kaibuturan ng mga nakamalas ng malagim na larawang ito. 

Pare-pareho ang mga senaryong napapanood sa telebisyon.  Mga taong maayos na nakapila magkaroon lamang ng isang supot ng karampot na bigas, at ilang delatang sardinas.  Madlang nagkakagulo, nagtutulakan, nag-aagawan, pumapasok sa mga tindahan, kumukuha ng kahit anong bagay na makakain o maipagbibili kalaunan, pantawid-gutom, hindi na alintana na ang kanilang ginagawa ay labag sa batas, sa sariling konsensiya, tanging ang nasa isipan ay ang maysakit na pamilya, ang kumakalam na sikmura ng anak o magulang.

Sa gitna ng kaguluhang ito, isang tagpo ang naiwan sa aking alaala.  Ito ang larawan ng isang babae, isang nanay, napag-alaman ko kalaunan sa pakikipag-usap nito sa isang reporter.  Ang nanay ay nasa labas ng isang malaking tindahan na pinasok ng mga tao, ngunit ang nakita kong bitbit niya ay dalawang maliit na Krismas tri.

“Aanhin ninyo iyan,”  tanong noong reporter.

Nahihiyang ngumiti ang babae.  “Para sa mga anak ko.  Kahit paano... kahit ganito... Pasko pa rin.”      

Marami na rin akong nabasa at narinig na ngayong Kapaskuhan ay hindi magdiriwang bilang pakikiramay sa mga nasalanta ni Yolanda.  Siguro, hindi na maghahanda nang malakihan, o magbibigay ng mga regalo o bibili para sa sarili at sa halip ang katumbas nito ay ibigay na lamang na donasyon sa mga biktima.  Tama ito at kapuri-puri, ngunit isaisip rin sana, na ang Pasko ay isang araw ng pagdiriwang at paggunita sa pagsilang ng Mesiyas.  


Na hindi nalimutan ng Nanay sa nasalantang lugar na ang naisipang kunin ay ang munting krismas tri para sa kanyang mga anak. Dahil... Pasko.  Kahit paano, Pasko pa rin!

HAPPY THANKSGIVING DAY

Isang textula ang ipinadala sa akin ni Gaying ng Angono, na mula kay Frank Rivera, isang Filipino playright.  Nais kong ibahagi ito sa inyong lahat.

"Araw ngayon ng Pasasalamat
Marami tayong ikagagalak
Mga maghapon, saka magdamag
Tamang kaibigan at kaanak
Laksang biyaya't libong halakhak
Galing sa Dios sa ati'y yumakap.
HAPPY THANKSGIVING DAY!"


Thursday, October 31, 2013

A Poem for All Saints' Day

In remembrance of loved ones who had made the journey;  A reminder to us who are still on the road...



Life Is A Journey

Birth is a beginning
and death a destination
And life is a journey:
From childhood to maturity
and youth to age;
From innocence to awareness
and ignorance to knowing;
From foolishness to desecration
and then perhaps to wisdom.
From weakness to strength or
from strength to weakness
and often back again;
From health to sickness
and we pray to health again.
From offense to forgiveness
from loneliness to love
from joy to gratitude
from pain to compassion
from grief to understanding
from fear to faith.
From defeat to defeat to defeat
until looking backwards or ahead
We see that victory lies not
at some high point along the way
but in having made the journey
step by step
a sacred pilgrimage.
Birth is a beginning
and death a destination
And life is a journey;
A sacred journey to life everlasting

© Author Unknown



Wednesday, October 16, 2013

KOMIKS

Noong araw (di ba ninyo napapansin, karaniwang pasimula ko ay laging noong araw na nahihiya lang akong sundan ng nang bata pa si Sabel), ang komiks na kinagisnan ko ay ang nasa diyaryong Manila Times. 


Pagdating ng araw ng Linggo, kung saan ang comics page ay de-color, agawan na kaming magkakapatid sa pagkuha ng nasabing pahina.  Sinusubaybayan namin si Flash Gordon, sina Nancy at Sluggo, si Superman.  

Sa Liwayway naman ay sina Kenkoy, Rosing, Nanong Pandak, Aling Matsay at Mang Teroy, saka si Talakitok.  Kalaunan ay ang Buhay Pilipino na pinagbibidahan ng pamilya ni Mang Sebyo, teenager na si Lucy, batang si Rita Rits na malaki ang mata (Rita Rits ang tukso sa akin ng isang kaiskwela sa elementary).  Na kasabayan ng Pilipino Komiks at Tagalog Klasiks.   Hindi ko na inabutan si Kulafu kundi sa mga lumang sipi na lamang ng magasin na tinipon ng Tata Ben at Nana Kikay, kung saang bahay ako matatagpuan kapag nawala ako sa amin.  Naroon ako at nagbabasa ng mga lumang Sinagtala, Silahis at Bulaklak. 

Ang unang timpalak na sinalihan ko ay ang patimpalak ng Liwayway para sa nobelang isinalarawan (illustrated novel).  Natamo ko ang third prize.  Early seventies noon, nasa Marikina na kami.  Tandang-tanda ko pa nang mabasa ko ang aking pangalan na isa sa mga nagwagi, sa kalakip na mini-diyaryo ng magasing Liwayway,  talagang tuwang-tuwa ako.  Tunay na ibang uri ng kasiyahan ang aking nadama.  


Dalawang beses na rin naman akong nanalo, first prize, sa mga contest.  Isa sa elementarya nang grade five ako, oratorical contest sa Pilipino sa Araw ni Balagtas, at isa sa high school, nang third year, oratorical contest naman sa English, sa Araw ni Marcelo H. del Pilar.  Ngunit buong katapatang sinasabi ko, iba ang nadarama ko sa mga panalong may kinalaman ang kakayanan ko sa pagsulat.  Super.

Ang ipinagwagi kong nobelang komiks sa Liwayway ay ni hindi ko nakitang inilathala.  Mahigit nang sampung taon ang lumipas nang matanto kong sa Magasing Hiligaynon (o Bisaya) pala ito inilabas, translated sa Bisaya.  Napagkwentuhan lamang namin ng isang staff ng Liwayway at dinala niya ako sa kanilang library.  Hinanap namin ang mga lumang sipi at doon ko nakita ang aking nobela.  Sayang, kung nalaman ko agad, sana ay nakapagtipon rin ako ng mga kopya nito.  


Sa ngayon, kapag nakita ko ang duplicate ng nasabing nobela, iniisip kong isaayos sa prosa ito at isulat na parang nobela.  Naiiba ang kwento nito.  Nakapagpapaisip sa bumabasa.  Gawin ko kayang libro?  Bakit hindi...

Sa paghahanap at pamimili ng kwentong ilalathala sa aking blog, ilang wakasang komiks na gawa ko noon ang aking nakita.  Kaya ito ang naisipan kong i-post sa buwang ito.  Light only, light lamang. 


However, napansin ko na maliliit pala ang letra sa balloon ng aking komiks, kaya, uunahin ko nang ilagay ang mga dialogue at saka na lang ninyo tingnan ang corresponding na illustration.  Pasensiya na po...

MANG-AAGAW NG ASAWA

May taong malas sa pag-aasawa.  Tingnan ninyo si Emilio.  Natagpuan ay namber wan sa pagkaselosa.  Ang kalbaryo niya ay nagsisimula sa umaga.

Gloria:  Aru, at nag-e-exercise!  Gustong lumiit ang tiyan para magmukhang binata.  Di ka ba titigil?  Um... (kurot)

Emilio:  One, two, three, aruyyy!

Sa pag-aalmusal...

Gloria:  Nagmamadali.  Mukhang may ka-date...

Emilio:  Maano ngang isara mo yang bibig mo.  Kita nang alas otso na... 

Sa pag-aabang ng sasakyan...

Emilio:  Kailangan pa bang bantayan mo ako?
Gloria:  Mahirap nang masingitan...

Pagdating sa opisina... 

Kaopisina:  Telepono, Emilio.  Misis mo...
Emilio:  Pambihira naman...

Pag-uwi sa bahay...
Gloria:  Alas cinco y medya na!  Saan mo ginugol ang diyes minutos?  Ha?
Emilio:  Trapik!  TRAPIK!  TRAPIK!

Pati sa pagtulog...
Gloria:  Hoy, gising!  Sino ang napapanaginipan mo?
Emilio:  Blade!  Bigyan ninyo ako ng matalim na blade!

Nakapagtitiis na sana si Emilio, dangan at may iba pang problemang dulot ang pagkaselosa ni Gloria.

Tatay:  Mang-aagaw pala ng asawa ang anak ko?  Idedemanda ko kayo!
Emilio:  Pasensiya na, Mang Ambo.
Gloria:  Talaga  naman.  Talaga naman.

Wala namang patawad si Gloria.
Gloria:  Oy, bakit kayo tingin nang tingin sa asawa ko?  May gusto kayo?  Balak ninyong agawin?
Emilio:  Gloria naman.  Mga musmos pa yan...

Masakit ay ito.
Mga tao:  Ito'y para maisip mong suhetuhin ang asawa mong palabintang.  Mang-aagaw raw ng asawa ang kapatid ko!  Bah!  (wham! brang! suntok dine, suntok doon)
Emilio:  Aruy... huwag..

At nag-isip ng paraan ang pobre...
Emilio:  Kailangang mahinto sa pagseselos si Gloria.  Pag hindi ay mapipiste ako.  Ano kaya ang mabuti?

Isang araw, sa tindahang nasa tapat nina Emilio...
Magandang babae:  Magtanong na nga po.  Saan ho ba rito nakatira si Emilio Ubando?
Tindera:  Iyong asawa ni Gloriang nuno ng selosa?  Hayan... at nakadungaw ang babae...
Miron:  Mag-ingat lang kayo ng pagsasalita at palabintang iyan...

Tumapat sa bintana ang bagong dating.
Magandang babae:  Hoy, babae!  Ikaw pala si Gloria.  Ako ang tunay na misis ni Emilio.  Kaya hiwalayan mo siya.  Mang-aagaw ka ng asawa!  Narito ang kontrata namin sa kasal.  Manaog ka't sasabunutan kita.  Mang-aagaw!
Gloria:  Ha?  Diyos ko!
Miron:  Siya pala!  Akalain mo...

Pagdating ni Emilio:
Emilio:  Naninira lang iyon.  Ikaw ang tunay kong asawa.  Heto't legal ang ating kontrata.  Kaya huwag kang masyadong selosa.  Napahiya ka tuloy sa mga tao.
Gloria:  Huhuhu.  Akala ng mga tao ngayo'y ako ang masamang babae.  Huhuhu.  Kailangang umalis na tayo rito.  'Tsaka hindi na ako magseselos mula ngayon.

Nag-alsa balutan ang dalawa.
Emilio:  Tagumpay ang aking paraan.  Bilib na ako sa sarili ko.  Sapak din namang umarte ang inupahan kong starlet.  Teka, nasaan ba si Gloria at nang matapos na ireng ginagawa...

Ewan kung matutuloy sa pag-alis ang mag-asawa.  Bising-bisi si Gloria.

Gloria:  Aling Pining, Mang Arsenio, nasa tindahan ba kayo nang may humanap na babae sa akin?  Iyong mang-aagaw raw ako ng asawa?  Hindi totoo iyon.  Heto ang legal na kontrata sa kasal.  Ako ang tunay na mang-aagaw ng asawa.  Ayyy, ako ang tunay na asawa ng babae!  Ayyy, ang aking asawa na si Emilio ang siyang tunay na mang-aagaw ng asawa.  Ayyy!

Wala.  Malala na pong talaga ang mang-aagaw ng asawa.  Ayyy!

WAKAS


Ito ay inilathala ng Liwayway noong Setyembre 11, 1967.  Ang dibuho ay gawa ni Ben B. Bulaon, na isa sa mga dibuhista o illustrators ng magasin.  

Sana, nag-enjoy kayo...

Tuesday, October 15, 2013

HAIKU SA PILIPINO

May puting bulaklak
bango'y humahalimuyak
akit sa yuyurak...

Sampagita, sampagita...
mama, bili na, bili na!

Pambili ng ulam
amang sugapa sa sugal
'pinagsapalaran.

Ibang larangan ng sugal
May gantimpala'y talunan!

Isip ay nabuksan
buhay ay gamitan lamang,
sa kabig, may bigay.

Alam 'yaring sambayanan
ang nangyayaring nakawan.

May pag-asa pa ba?
Kailangan bang mag-alsa?
Pasakop sa iba?

Panahon ni Maria Clara
at Crisostomo Ibarra?

Sino ang susulat
bagong Noli Me Tangere?
May bago bang Rizal?

Bagong Andres Bonifacio?
Kasaysaya'y mababago...

Mulat, Pilipino
wala nang Padre Damaso
iikot ang mundo.

Yayang intsik ay wala na,
OFW ang kapara. ----------------
(Eve, 10.11.2013)

Sa loob ng silid,
palad, tinukop ang bibig
binhi ay pumintig.

Bagong dating na kuwalta
Di alam ng lasing, bwelta!

Ang lubid sa leeg,
Dalamhati at hinagpis -
dusta na winalis.

Mga ulila sa daan,
Nagtitinda, nangaglisaw.

Ang puting bulaklak
Kisap-matang bubukadkad
gulong na sasadsad.              
(eve 10-13-2013)
 

 

Nakatuwaan lamang.  Ang paglikha sa wikang tagalog ng tula na hawig sa haiku at tan renga  na nabasa ko kamakailan sa isang artikulo sa diyaryo, ay naisipan ko lamang.  Tiningnan ko rin naman sa google ang ilang halimbawa nito at ang mga dapat sunding patakaran sa paglikha na ipinagpapauna ko na, na di ko sinunod, kasi iyon ang kulang sa akin, ang pagiging mainipin.  Ang pagsusulat sa akin ay isa lamang outlet, kumbaga, ng kung anuman ang gusto kong sabihin.  Kung may gustong bumasa, o makinig, salamat.  Kung wala, hindi ko naman problema.  Masaya na akong nakasulat.  Para bang dear diary lamang ang senaryo.

Gayunpaman, nais kong anyayahan ang ilang mahilig ding kumatha, na sumusubaybay rito, na sundan ang aking mga naisulat. 


Sa tunay na tan renga, iba ang may katha ng talatang may tatlong linya sa kasunod na talatang may dalawang linya, gamit ang 5-7-5 na bilang ng tugma sa haiku,  at  ang 7-7- na bilang ng tugma sa kasunod.  Na ginawa kong 6-8-6 at 8-8 dahil higit na mahaba ang mga salitang tagalog.

Nang ipaliwanag ko ito sa aking anak, ang intindi niya sa kahulugan ng proseso ng sagutan  ay ang nilalarong free word association ng mga bata sa bahay.   Na nilalaro rin namin minsan.  Halimbawa:  kapag sinabi ang salitang heart, ano ang una mong maiisip?  May sumasagot ng love, iba ay valentine, mayroon namang artista at mayroon pang doctor.  Sa salitang fire, iba-iba rin ang sagot:  sunog, kalan, baril, nasisante sa trabaho.  Kaya minsan, lumulundag ang kahulugan o sinasabi ng pangalawa sa unang talata.  At sa pagpapatuloy ng iba-ibang sumasali sa sagutan, iba-iba rin ang mababasa sa tula.  Na kung lilimiin naman ang kabuuan, wari ay may isang sinulid na tumutuhog sa lahat ng nasasaad rito.

Kaya ganito lamang ang sinunod ko sa naisipang pagsulat ng my very own haiku sa Pilipino.

May puting bulaklak
bango'y humahalimuyak
akit sa yuyurak...

(ano ang sinisimbulo ng puting bulaklak?  Isang walang malay.  Sinusundan ng mga matang iba ang nasa isipan)

Sampagita, sampagita...
mama, bili na, bili na!

(ito ba ang sumilid sa isip mo?  Isang batang nagtitinda ng bulaklak sa lansangan?  Bakit?  Wala ba itong magulang?)

Kayo, gusto ba ninyong sundan ito?  Halina, dugtungan ninyo ng kung anuman ang naisip matapos basahin ang huling talata sa itaas nito... sampagita, sampagita, mama, bili na, bili na.  Mapapansin ninyo pagkatapos, na maiiba ang takbo ng tula kaysa sa ginawa ko.  At iyon ang nakatutuwa rito.



Monday, September 30, 2013

Setyembre sa Lumang Bahay



                                  Bulaklak ng kaymito, 
                                 Ga-butil na bunga na,
                                 Huni ng ibong tarat,  

                                 Panggising sa umaga...




                             Tuyong dahong sinisigan 
                             Ay usok ng alaala
                             Ng isang panahong... 

                             Wala na!  Wala na!



                     Laki ang tubig ng katabing ilog
                     Sanap na sa unang baytang,
                     Oras na nang paglusong
                     Ng musmos na di mapigilan.
                     Bangkang papel, pinaanod
                     May pangarap na inaasam
                     Kung ito'y matutupad,
                     Kailan?  Kailan?

                    Tulad ng kaymito,
                    Bulaklak ba'y naging bunga,
                    Hindi ba ito nilagas
                    Unos, habagat na nagsama,
                    Ang tagumpay na nakamtan
                    Sa pagod, sikap na binata,
                    Sa dapit-hapon ng buhay,
                    Ano ang natira?

 
                              


                    Setyembre sa lumang bahay -
                    Balik-alaala sa natanaw
                    Sa mandala ng gunita,
                    Namahinga at humimlay.
                   Tunog ng halakhak sa puso ay pinakinggan,
                   Ang alat ng luha, sa bibig nilasahan.
                   Katuwaan, lumbay, kabiguan, tagumpay
                   Kung pagninilayan, ganito ang buhay!

                            Eve, 30 Setyembre, 2013
                                      Alay sa inyo.