A HORROR STORY
Noong araw, kapag lunch break sa
opisina, karaniwan na ang aming mga kwentuhan. Maliit lamang ang aming office
space kaya halos tabi-tabi at magkakaharap ang aming mga mesa. Karaniwan nang
wala rin ang aming big boss. Very informal ang set-up namin.
Ang aming business
ay film exchange. Umiimporta kami ng mga foreign films, the likes of Ma Barker
na tumabo sa takilya noon, na ipinarerenta sa mga sinehan mula Aparri hanggang
Jolo.
Minsan, ang napag-usapan ay ano raw
ba ang matatawag na langit dito sa lupa. May isang nagsabing langit niyang
maituturing ang unang gabi ng kanyang kasal. Ang isa naman ay nang maipasa raw
niya ang kanyang board exam. Wala akong masabi dahil hindi pa ako nag-aasawa
noon at hindi pa rin nakakapasa sa board.
Ngunit naka-relate ako sa isang
nagsabi na para sa kanya, ang itinuturing niyang langit sa lupa, ay kapag
umabot siya sa isang lugar na kailangang-kailangan niyang marating… dahil sa
kailangang-kailangan niyang marating! Dahil kung hindi, malaking disgrasya at
kahihiyan ang kanyang aabutin.
Aba, e, kung tutuusin nga, totoo ang
kanyang sinabi.
Naungkat tuloy kung ano ba ang
itinuturing naming worst nightmare. Iyong kinatatakutan naming mangyari.
Nagkani-kanyang sagot na kami. Iyong nagsabing langit ang makarating sa
kailangan niyang marating ay nagsabing nightmare ang hindi umabot sa gusto
niyang marating. Ang tawa lang namin!
Sa mga claustrophobic naman, siempre
iyong makulong at hindi makalabas sa isang lugar. Feeling niya, hindi
makahinga. Sabi ko naman, kahit hindi siguro claustrophobic, matatakot kapag
hindi makalabas sa kinaroroonan.
Aakalain ko bang maranasan ko ito
kamakailan? Para sa akin ay hindi lamang nakakatakot ito, kahindik-hindik pa.
At parang nakakahiya pa nga.
Ibulong ko na lang kaya… Sige…
Nakulong
ako sa loog ng cr ng eroplano. Hindi ako makalabas. Hindi ko makita o malaman
ang pipindutin o hihilahin upang mabuksan ang pintuan palabas. Hindi ko naman
mabasa ang mga nakasulat kasi ay hindi ko dala ang aking salamin. Hindi ko rin
dala ang aking celfon, at kung dala ko man, may signal naman kaya? Lahat yata
ng buton sa dingding ng cr ay napindot ko na, wala pa rin. Iyong malaking sulat
na slide to close ay binaliktad
ko para maging slide to open. Namatay
naman ang ilaw, lalo akong natakot. Ang aking kasama na nasa kanyang upuan ay
nanonood ng tv. Naku, buong flight yata akong makukulong. Higit labindalawang
oras! I have no recourse but…
BANG! BANG! BANG! TOK TOK TOK!
Walang katapusang damba, katok,
pukpok sa pinto ang aking ginawa. Matagal rin bago may nagbukas na agad na
tanong ay are you alright?
Sabi ko na lang, pasimpli, matter of fact, I cannot open the door.
Paano ba naman,
kasabay pala noong slide to open bar ay may hihilahin namang iba. Medyo naiba
ito sa dati. Ako naman po ay marami na ring beses na sumakay ng international
flight at ngayon lang nangyari ito. ‘Kakatakot, pero masaya ring pagbalikan at
nakakatuwang ikwento dahil umaani ng halakhakan!
Sana, natawa kayo!