Sunday, March 18, 2018

A HORROR STORY




A HORROR STORY


Noong araw, kapag lunch break sa opisina, karaniwan na ang aming mga kwentuhan. Maliit lamang ang aming office space kaya halos tabi-tabi at magkakaharap ang aming mga mesa. Karaniwan nang wala rin ang aming big boss. Very informal ang set-up namin. 

Ang aming business ay film exchange. Umiimporta kami ng mga foreign films, the likes of Ma Barker na tumabo sa takilya noon, na ipinarerenta sa mga sinehan mula Aparri hanggang Jolo. 


Minsan, ang napag-usapan ay ano raw ba ang matatawag na langit dito sa lupa. May isang nagsabing langit niyang maituturing ang unang gabi ng kanyang kasal. Ang isa naman ay nang maipasa raw niya ang kanyang board exam. Wala akong masabi dahil hindi pa ako nag-aasawa noon at hindi pa rin nakakapasa sa board. 

Ngunit naka-relate ako sa isang nagsabi na para sa kanya, ang itinuturing niyang langit sa lupa, ay kapag umabot siya sa isang lugar na kailangang-kailangan niyang marating… dahil sa kailangang-kailangan niyang marating! Dahil kung hindi, malaking disgrasya at kahihiyan ang kanyang aabutin.


Aba, e, kung tutuusin nga, totoo ang kanyang sinabi.

Naungkat tuloy kung ano ba ang itinuturing naming worst nightmare. Iyong kinatatakutan naming mangyari. Nagkani-kanyang sagot na kami. Iyong nagsabing langit ang makarating sa kailangan niyang marating ay nagsabing nightmare ang hindi umabot sa gusto niyang marating. Ang tawa lang namin! 


Sa mga claustrophobic naman, siempre iyong makulong at hindi makalabas sa isang lugar. Feeling niya, hindi makahinga. Sabi ko naman, kahit hindi siguro claustrophobic, matatakot kapag hindi makalabas sa kinaroroonan.


Aakalain ko bang maranasan ko ito kamakailan? Para sa akin ay hindi lamang nakakatakot ito, kahindik-hindik pa. At parang nakakahiya pa nga. 


Ibulong ko na lang kaya… Sige…


Nakulong ako sa loog ng cr ng eroplano. Hindi ako makalabas. Hindi ko makita o malaman ang pipindutin o hihilahin upang mabuksan ang pintuan palabas. Hindi ko naman mabasa ang mga nakasulat kasi ay hindi ko dala ang aking salamin. Hindi ko rin dala ang aking celfon, at kung dala ko man, may signal naman kaya? Lahat yata ng buton sa dingding ng cr ay napindot ko na, wala pa rin. Iyong malaking sulat na slide to close ay binaliktad ko para maging slide to open. Namatay naman ang ilaw, lalo akong natakot. Ang aking kasama na nasa kanyang upuan ay nanonood ng tv. Naku, buong flight yata akong makukulong. Higit labindalawang oras! I have no recourse but…


BANG! BANG! BANG! TOK TOK TOK!


Walang katapusang damba, katok, pukpok sa pinto ang aking ginawa. Matagal rin bago may nagbukas na agad na tanong ay are you alright? 

Sabi ko na lang, pasimpli, matter of fact, I cannot open the door. 

Paano ba naman, kasabay pala noong slide to open bar ay may hihilahin namang iba. Medyo naiba ito sa dati. Ako naman po ay marami na ring beses na sumakay ng international flight at ngayon lang nangyari ito. ‘Kakatakot, pero masaya ring pagbalikan at nakakatuwang ikwento dahil umaani ng halakhakan! 


Sana, natawa kayo!

No comments:

Post a Comment