Thursday, April 26, 2018

Everyday Magic



Everyday Magic



Sa araw-araw na pagtugpa natin sa buhay, ano ba ang pagkakaibang nararanasan natin?  Sabi nga ng isang dating kamag-aral, ano pa, e, di iyo't iyon din.



Pagdating ng Lunes, kung estudyante, pasok sa eskwela;  kung may trabaho, pasok sa opisina, sa planta o pabrika, sa konstruksiyon, sa tindahan, sa kalsada, sa paglalaba, pagluluto, paglilinis, etcetera. Iyo't iyon din hanggang Biyernes o Sabado. Naiiba lamang kung Sabado o Linggo pagdalaw sa nais o dapat dalawin, pangingilin, panonood ng sine, pagtungo sa mall, etcetera. Iyo't iyon din, 'ekanga ng kaiskwela.

Kamakailan sa facebook ay nakita kong naka-post ang larawan ng isang tao, naglalakad, nakatalikod, may sakbit na gitara, may suot na sombrero, naka-long sleeves, tipong hippie na ermitanyo na nabubuhay sa sarili niyang mundo. Ang nakalagay na caption ay: Interesting people walk the streets of Marikina! 

Pinagtatalunan pa sa bahay namin kung ang lalaking ito ay iyong kapitbahay naming nakatira sa ibayo ng sapa/bikelane/kalsada. Ngunit hindi na siguro importante iyon. Ang mahalaga ay ang ipinararating nitong mensahe na sa akin, ay something poetic. O talagang ganoon lamang ako, laging may nakikitang iba. Parang katulad ng titulo ng aking photo-blog na "It is only with the heart that one can see rightly."

O baka naman tunay na mababaw lamang ang aking kaligayahan. Madali akong matuwa. May mumunting bagay  o pangyayaring nagbibigay sa akin ng lugod, na kung sa umaga ko nakita ay  aliw na ako sa tuwing maaalaala sa maghapon o sa iba pa mang araw. 



Tulad ng aking engkwentro kay Mister na biro nga ng aking anak ay “itago natin sa pangalang Mister Oldies but Goodies". Nitong nakaraang linggo ko siya nakita sa palengke. Pagbungad sa pasilyong kinaroroonan ng suki kong maggugulay, makikita ko na itong nakatalungko sa unang baitang ng dalawang-baitang na hagdan. Matanda, hukot, mahaba at nangangailangan ng gupit ang madalang at maputi nang buhok, payat at kulubot ang mukha. Kung marumi o malinis ito ay hindi ko napuna. Dahil isa lamang ang nakatawag sa akin ng pansin at sa lahat ng nagdaraan. Na hindi napipigilan ang pagngiti, kasabay ang paglalagay ng piso, dalawang piso o limang piso sa hawak nitong lata. Na siya ring umakit sa akin na maghulog dito ng pera.


Umaawit kasi ito at hindi pangkaraniwan ang kanyang mga awit. Pawang Ingles! For once in my life, I have someone who needs me... Mga Frank Sinatra classic, Vic Damone, Bing Crosby. Mga sixties, fifties, baka mas luma pa! Nakatutuwa. Nakaaaliw. Kaya, kapag sarado pa ang bangko na pupuntahan ko para magbayad ng mga bills, nauupo muna ako sa stool na laging inihahanda ng aking suki (dahil senior daw ako), at nakikinig sa kay Mister Oldies but Goodies. At nitong huli, ay nag-request pa.


Naisip ko, All the Things You Are? Medyo pasosyal yata. Isip, isip pamore. Too Young, naisip kong hiling, at bumira na siya ng awit. They tried to tell us we’re too young… too young to really be in love…


Sinundan ko pa ito ng ikalawang request. You’ll Never Know. Na agad niyang inawit. Kuntodo emotion pa. You’ll never know just how much I miss you, You’ll never know just how much I care…


Kuwento ng aking suki, English speaking pa raw si Mister Oldies but Goodies. Nakakaintrigang tunay. Tagasaan ito? Nasaan ang pamilya? Ano ang nangyari? Interbyuhin ko kaya. Kaso, baka maubusan ako ng Ingles, mag-nosebleed.  


Sa muli kong pamamalengke ay naroon siyang muli. At wari ay natandaan niya ako. Kaagad niyang inawit ang Too Young  at You’ll Never Know. Na sinundan ng isang awit ni Cely Bautista, Hinahanap Kita.  Aba naku, bigla kong naalaala ang dormitory days ko at iyong mga taga-Paombong na paboritong awit iyon. Agad tuloy akong nag-request ng kasunod, Irog ako ay Mahalin. Iyon yata ang flipside noong plaka. Heheh, plaka pa itong pinag-uusapan natin. Na kinanta naman niya.


Sabi ng aking suking maggugulay. Tatlo raw ang anak nito, namatay na ang isa, kung nasaan iyong dalawa at kung sino ang kumukupkop rito ay hindi niya alam. 


Nang sinundang pamamalengke ay dinala ko ang aking celfon at balak kong kodakan siya, kahit patalikod, o sideview. Remembrance kumbaga. Pero, wala siya. Absent. Nang sumunod kong pamamalengke ay nalimutan ko naman ang aking celfon. At naroon si Mister Oldies but Goodies. Na ang inawit naman ay Once in a While, will you try to give one little thought to me... though someone else maybe nearer your heart...


Tunay na an interesting soul! Si Mister Oldies but Goodies na nagbigay-magic sa ordinaryong pamamalengke ng mga Nanay na sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay iyo’t iyon din ang ginagawa – mamalengke, magluto, maghugas ng pinggan, maglaba, mamalantsa, maglinis ng bahay (swerte kung may kasambahay). Salamat, Mister Oldies but Goodies. Next time, hihilingin ko ay My Way. Biro lang…



Monday, April 2, 2018

"Watch your Thoughts, they become Words..."




“Watch your Thoughts, they become Words…”



Ito ay isa sa maraming quotations o food for thought na aking paborito at ng maraming paborito ko ring tao. Watch your Thoughts, they become Words… Watch your words, they become action…



Katulad rin ito ng “Whatsoever a man soweth, that shall he also reap.” You sow an act, you reap a habit…”Plant a thought and reap a word; plant a word and reap an action…”



Ayon sa aking nabasa, ang quotation na ito ay nag-evolve na.  Binanggit ng iba’t ibang tao sa iba’t ibang panahon, tulad nina Ralph Waldo Emerson, Lao Tzu, Gautama Buddha, Frank Outlaw...at iba pa.



Saan ko ba ito narinig? Bakit ko naging paborito?



Ito ay nagsimula sa isang seminar. Oo, seminar! Maraming taon na ang nakalipas.



Sari-saring seminar, iyan ang karaniwang nakikita kong inaanunsiyo tuwing nagbabasa ako ng diyaryo. Mahal ang bayad, may mura, may libre. Sinubukan ko iyong libre na isa palang introduksiyon lamang sa totoong seminar na may kamahalan din. Ang kaso, nagustuhan ko iyong aking narinig. Naingganya sa paliwanag ng speaker. Hooked, wika nga. Kaya, nag-enrol ako. Apat na araw ito, dalawang weekend, Sabado at Linggo, kasama ang lunch sa isang otel sa Makati. 



Doon sa nabasa kong advertisement ng nasabing seminar, isa lamang ang nakatawag sa akin ng pansin na humikayat na kumuha ako nito: Headache control through the power of the mind. In other words, healing yourself. Sa mga batang pinalaki na ang panakot ay iiniksiyunan ng doctor, o takot sa ospital dahil sa gastos, malaking come-on iyong heal yourself.



Masakitin ang aking ulo, bukod sa pagiging sikmurain. Naiba lamang yata ang ihip ng hangin, naiiba na ang pakiramdam ko. Uminit, lumamig ang panahon, sasakit  na. Iyong sakit na ramdam ng sikmura na parang babaligtad. Isang pirasong pagkain na hindi masyadong nanguya, hindi na matutunaw. Na susundan ng matinding sakit ng ulo na sasamahan pa  ng pagbalik ng anumang kinain.  Ganyan ako noon. Nasanay daw kasi sa

pag-inom ng carbonated softdrink at pantulong na gamot sa digestion, kaya humina ang natural na panunaw ng katawan. Iyan ang sabi ng doctor.



Heal yourself, sabi noong ads. Through the power of the mind! Paano, sa loob-loob ko. Gaano ba ka-powerful ang isipan ng tao. Sa maigsing introduction speech noong lecturer, nagbigay siya ng isang simpling halimbawa o example. Sinabi niya sa kanyang audience na kinabibilangan ko...



Think about a green mango, Hilaw na mangga…

At nag-isip ako, manggang kalabaw, berde, magulang, mabilog.



Tinalupan mo…hiniwa…isinawsaw sa bagoong. Kinagat.

Sa aking balintataw, kinagat ko ang mangga. Ang asim!



At tinanong kami noong lecturer, ano'ng nangyari?

Lahat halos ng attendees ay umamin na naglaway, naramdamang nanigid wari ang asim sa gilid ng dila.



At muli niya kaming tinanong. Nasaan ang mangga? 

Wala! May kasama pang iling ang sagot namin.



At tumango ang lecturer.  Ang mangga ay nasa isipan mo lang. Binuo mo lang sa isip, inilarawan mo lang dito... At itinuro niya ang kanyang ulo.



Dalawampu't siyam na taon na ang nakalipas, nang daluhan ko ang seminar na ito. At mula 1991 hanggang sa ngayon, 2018, hindi na ako gumamit ng painkiller sa aking headache. At bihira na ring sumakit ang aking ulo.



Ang pagsakit naman ng ulo ay hindi agad full-blown. Ramdam mo ang simula nito. At matutunton mo na rin ang pinagsimulan. Pagod ka ba? Para kang masisipon o lalagnatin? Nabasa ka ng ulan, nalamigan. Dahil sa onset o simula pa lamang ng pagsakit ng aking ulo, iyon bang makakaramdam ako ng bahagyang pintig sa sentido, o pagiging sensitibo ng tuktok o bumbunan, I already apply the technique I learned from the seminar. At voila!  Okey na si ako! (Sinusundan ko pa nga ito ng pag-inom ng mainit na tubig, but that is another story.)



But it takes practice, practice, practice… and belief in what you are doing.



Isang araw, (same topic, same time next month), ikukuwento ko sa inyo ang natutuhan kong ito as a way of sharing a blessing. Sa ngayon, narito ang kabuuan ng quotation o food for thought na somehow, magpapakita kung ano ang epekto sa Tao ng kanyang iniisip. Na anumang pumasok at inalagaan niya sa kanyang isipan ay karaniwang nagkakaroon ng manifestation. Kaya…



Watch your Thoughts, they become Words,

Watch your Words, they become Actions,

Watch your Actions, they become Habits,

Watch your Habits, they become your Character

Watch your Character, it becomes your Destiny.