Friday, December 31, 2010

Goodbye, 2010, Hello, 2011


Goodbye, 2010, Hello, 2011


Paano ba magpaalam sa isang nagdaang panahon? Muling sasariwain ang masasayang araw? Kalilimutan na ang mapapait at malulungkot na naranasan? O parang balance sheet ng isang accountant na ililista ang mga nadagdag na assets, gayundin ang lumaking liabilities.

Pero, maraming kasabihan tungkol dito. Natatandaan ko, bagaman at ewan ko kung sino o saan ito nagmula, sabida: Forget the past, live in the present, and let the future go hung! Ito ang paborito kong payo sa mga kaibigang waring itinatali ang sarili sa isang malungkol na lumipas. Iyon bang mga taong gustong naglulunoy sa mga sama ng loob, nasaktang damdamin at kung anu-ano pang mga pangyayaring sila ang naapi o niloko o pinagtaksilan. Let go, let go... na lagi ngang sinasabi, na para namang napakadaling gawin.

May narinig pa ako: The past is a cancelled cheque, the future is a promissory note, the present is cash. At may isa pa: The past is history, the future, a mystery, and the present is a gift.

Kaya, saan pa tayo niyan. Sa nakalipas, sa hinaharap, o sa kasalukuyan? Pero may kontra-kasabihan naman din dito. At tagalog na tagalog pa! Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan. Dahil kung hindi naman tayo matututo sa mga leksiyong itinuturo ng masamang pangyayari sa nakaraan, malamang na ulitin na naman natin ang mga kamaliang ito.

Pinakamainam siguro ay saglit nating pagbalikan, kumbaga ay rebisahin, ang nakaraang taon o ang iba pang mga taon bago ito, at tiyak namang mamamaibabaw sa alaala ang mga pangyayaring marahil ay dapat nating ginawa, pero hindi ginawa, o ginawa natin, pero dapat ay hindi! Dapat ay sinabi, pero hindi natin sinabi, o sinabi natin, pero dapat ay hindi! At sa mga pangyayaring ito ay makapulot tayo ng mga simpling leksiyon ng buhay... na ngayon, sa kasalukuyan, ay maisasakatuparan natin. As a way of life. At anuman ang in store sa atin sa darating na panahon, kung tama ang ginagawa natin sa kasalukuyan, everything will fall into place.

Napag-aralan namin sa isang seminar ang keeping an attitude of gratitude. At minsan, naging assignment namin ang pagpraktis dito sa pamamagitan nang pagbibilang ng mga blessings. Tulad ng kantang pinasikat ni Bing Crosby. When I'm worried and I can't sleep, I count my blessings instead of sheep, and I fall asleep, counting my blessings... At sinubukan kong gawin ito, at ang dami ko palang blessings! Kaya lang, masyado akong na-engross sa pagbibilang, na lalo akong nagising!

Nagsimula kasi ako sa pagpapasalamat sa malambot kong unan, sa malinis na punda (at parang flashback, maaalaala ko iyong mga taong grasa na kung saan-saan natutulog, o mga batang nakapamaluktot sa kartong higaan sa bangketa), sa kumot o comforter, sa screen dahil hindi na kailangang magkulambo, sa mainit na tubig mula sa heater kapag naliligo, sa tubig na hindi na kailangang igibin sa poso, sa sabon, sa shampoo, sa malinis na tuwalya... ang dami-dami!

At salamat sa pamilya, sa asawa, sa mga anak, sa katulong sa bahay, sa mga kaibigan, mga kaiskwela, mga kapit-bahay, sa karterong nagdadala ng sulat, sa mga tindera sa palengke, despatsadora sa dept. store, mga tricycle driver, mga masasayang batang naglalaro sa harap ng aming bahay (kahit maiingay at nakayayamot kadalasan), ang dami-dami!

Salamat pa rin sa mga gamit sa bahay, mga appliances, mga cd. Salamat sa magagandang musikang naririnig at nakakanta. Salamat sa mga librong nababasa. Salamat sa computer. Sa internet. Salamat at natuto akong mag-email, mag-blog, magkwento.

At siempre, laging salamat sa mga tagasubaybay ng aking website. Dalangin ko naman, sana ay nasisiyahan sila sa mga nababasa dito. At bilang bonus, inaanyayahan ko sila na magtungo sa http://www.oovrag.com/stories/stories2010c-2.shtml kung saan mababasa nila ang isa kong kwento, Ang Tagahanga ni Alice, nasa December issue ng kanilang e-zine magazine.

At ngayon, sa paghihiwalay ng taon, nais kong lingunin, at pasalamatan ang leksiyong idinulot ni Ondoy. Maging organized at kahit paano, maging handa. Hanggang ngayon, dala pa rin namin ang gunita ng mga winasak ni Ondoy, ngunit nagsisilbi lamang itong paalala, na ang mga materyal na bagay ay naglalaho, kahit na nga ang buhay, ay hiram lamang.

Sa kabuuan, sa nakaraang taon, nais kong pasalamatan ang pagkakataong naibigay sa akin na maipalathala ang isang compilation ng aking mga kwento, nakatipon sa isang libro, Minsan, May Isang Pag-ibig, na ngayon ay mabibili na sa www.lulu.com. Ito ay isang munting pangarap na matagal na inalagaan, na nakakita ng katuparan ng taong nagdaan. At maraming salamat sa mga bumili na ng libro. At sa mga bibili pa!

Kaya, sa taong 2010, paalam at salamat! Salamat. Salamat. Salamat sa Diyos!

At sa taong 2011, hello! Sana'y maging manigo ka sa lahat sa amin. Maging Kagalingan sa mga maysakit. At magdala ng Kapayapaan at Kaunlaran sa bayan.




Saturday, December 18, 2010

MASAYA NA ANG ATING PASKO, ROEHL...

ANG PASKO AY PAMILYA,
ANG PASKO AY PAGMAMAHAL


Ang Pasko'y pamilya, ang Pasko'y pagmamahal -
Ang Pasko ay anak, ang Pasko ay magulang,
Paano kung ampon, di alam ang nagsilang,
Mayro'n bang kahulugan ang Paskong daratal?

Ano ba ang pamilya? Anak, ina, ama.
Binibigkis ng pag-ibig sa isa't isa.
Kahit ka na ampon at 'niluwal ng iba
Mula ka sa puso ng kinagisnang ina.

Ito ang paksa ng kwento ngayong Kapaskuhan. Isang kwentong kathang-isip lamang ngunit naglalaman ng hindi maitatatuwang katotohanan ng mga damdaming naghahari sa kalooban ng mga “anak” na nagkabuhay at isinilang, hindi sa sinapupunan, kundi sa liblib ng isang pusong mapagkandili ng isang “ina”. Paano ba masusukat ang kanyang pagka-ina? At bakit rin hahatulan ang isang nakaraang pangyayari na wala namang mapagbabatayan, kundi mga haka-haka lamang?

Ang Pasko ay pag-ibig sa kapwa. Ang Pasko ay pagmamahal sa lahat ng nilalang. Ang lahat ng nilalang ay isang pamilya. Ang Pasko ay pamilya.

MALIGAYANG PASKO, MAPAYAPA, MANIGONG BAGONG TAON SA LAHAT!!!

Narito na at basahin ang kwentong pamasko na alay ko sa inyong lahat!!!


MASAYA NA ANG ATING PASKO, ROEHL


GINISING si Leah ng gumagapang na hilab sa kanyang tiyan. Ngayon na yata, bigla niyang naisaloob. Huminga siya nang malalim. Hinintay niya ang kasunod na hilab. Matagal. Hindi pa, kanyang naisip.

Madaling araw. Nanunuot ang lamig ng simoy ng hangin. Sumiksik siya kay Roehl. Bumiling nang pagkakahiga ito, yumakap sa kanya. Buhat sa malayo, narinig ni Leah ang tunog ng kampana ng simbahan. At sa kung saan, ang tinig ni Janet Basco sa radyo.


Pasko na naman o kay tulin ng araw, Paskong nagdaan tila ba kung kailan lang, Ngayon ay Pasko dapat pasalamatan, Ngayon ay Pasko tayo ay mag-awitan. Pasko, Pasko, Pasko na namang muli...

Sino ba iyong nagsabi, ano bang obsesyon 'yan Leah. Kapaskuhan ka ikinasal, gusto mo'y kapaskuhan rin manganak. E kapaskuhan na nang ikaw ay isilang. Bakit ba?

Kapaskuhan nga nang siya ay ikasal. Abala ang lahat ng mga tao. Naroon ang last minute shopping. Mga christmas party ng mga kompanya, ang buhol-buhol na traffic sa kalye. Leah naman, sabi ng kanyang mga kaibigan, ba't mo itinapat ng kapaskuhan.

Ngumiti lamang siya. Basta, ang kanyang wika. Basta, ngunit sa kaibuturan ng kanyang sarili, isang munting tinig ang ulit-ulit na sumasagot. Masaya ang Pasko. Masaya ang lahat ng mga tao. Ako, gusto kong maging masaya rin. Maging masayang muli.

Sapagkat dati naman siyang masaya. Sa kanyang buhay, hindi lang kung kapaskuhan. Nag-iisa siyang anak at mahal na mahal siya ng kanyang ama't ina. Nakaluluwag sila sa buhay at wala siyang hiniling na hindi naibigay. Maliban sa pagkakaroon ng kapatid.


Sana Nanay, may baby sister ako, kanyang paglalambing.

Kay higpit ng yakap ng kanyang nanay noon. Ayaw mo bang nag-iisa ka. Walang kaagaw sa laruan. Sa pagkain. Sa damit.


Nag-isip siya. Nakita ang punto ng ina. Ngunit higit na matindi ang pagnanais na magkaroon ng kapatid.
Kahit pa. Kahit na hati kami sa toys. At ice cream. Sana may baby pa tayo.

Malalim ang buntong-hiningang hinugot sa dibdib ng kanyang nanay. At hindi niya naunawaan ang tinging wari ay nagpapasaklolo sa kanyang tatay. Ang kanyang tatay, tinawag siya nito, kinalong , pinisil ang kanyang baba, inipit ng mga daliri ang kanyang ilong , kiniliti ang kanyang talampakan, pinangko at isinayaw sa buong kabahayan, ikot, ikot nang ikot, at nang pagod na ay naupo sila sa sopa at ibinulong sa kanyang: si God ang nakaaalam kung ilang anak ang ibibigay sa mga tatay at nanay. Ikaw lang ang ibinigay sa amin. Dapat, thank you God na. Hindi na magrereklamo, di ba?


Ulit-ulit siyang tumango at nakalimutan na niya ang hinihiling na kapatid. Masaya ang kanyang kamusmusan at tunay ngang may bentahe ang nag-iisang anak. Lalo't panahon ng kapaskuhan. Higit na malaki ang tinatanggap na perang aginaldo. Higit na maganda at mamahalin ang mga regalo. At totoong wala na siyang mahihiling pa sa kanyang buhay hanggang sumapit ang panahon ng kanyang pagdadalaga. Nagtatapos siya ng high school nang magkaroon siya ng steady. Si Rommel. Kaiskwela. Hindi tagaroon sa kanila ngunit kabarkada sa mga lakaran, piknikan, sayawan. At kung kapaskuhan ay kasama sa pag-awit at pagkakaroling.

Ilan ba ang maligayang Paskong nagdaan sa buhay nila ni Rommel. Sa pag-aaral sa Maynila. Sa hinihintay na pagtatapos sa kolehiyo. Sa pagbuo ng mga balak sa hinaharap. Hanggang isang araw, wari, may nabago, nawala sa kanilang pagsasamahan.


Rommel, ano yon, tanong niya.

Umiling si Rommel, wala, wala.

Ngunit hindi siya naniniwala. Alam niya, mayroon. At pinilit niyang magtapat ang kasintahan. Rommel nakahanda ako kung nagbago ka ng loobin...

Mahal kita, Leah. Mahal na mahal, agaw nito.

Pero, bakit ka ganyan, tanong niya. Parang may iniisip ka.

Hinawakan ni Rommel ang kanyang kamay. Ikinulong sa mga palad. At hinanap ang kanyang mga mata. Totoo ba, Leah. Totoo bang sina Nanay at Tatay....

Wari, nahirinan si Rommel. Hindi maituloy ang sasabihin. Ano, untag niya.

Mahigpit na mahigpit ang pagkapisil ni Rommel sa kanyang kamay. Nasasaktan siya. Sina Nanay at Tatay, ulit nito, hindi mo sila... tunay na mga magulang...

Hinatak niya ang kanyang kamay sa pagkakahawak ng kasintahan. Napatuwid siya sa pagkakaupo. At patag na patag ang kanyang tinig nang siya ay mangusap. Hindi magandang biro 'yan, Rommel.

Kagat ni Rommel ang mga labi nito. Hindi tumitingin sa kanya. Hindi biro, Leah. May nagsabi kay Ate. Sinabi kina Nanay. Nagsabi na kasi ako. Oras na makakita ng trabaho magpapakasal na tayo.

Isang masamang panaginip ba lamang ang usapan nilang yaon ni Rommel. Kanyang naisip, maya-maya lang, magigising siya. Sa kanyang sariling higaan, sa loob ng sariling silid, sa kanilang bahay sa probinsiya. Magigising siya sa katok sa pintuan ng kanyang Nanay. Leah, Leah, gising na, anak. Simbang-gabi na, mahuhuli tayo sa misa. At buhat sa malayo, maririnig niya ang tunog ng kampana.

Ngunit ang lahat ng nangyayari ay isang katotohanan. Siya ay gising, kaharap si Rommel. Nasa boarding house sila. Wala sa probinsiya. At matamang nakatitig sa kanya ang binata.

Saan ba nanggaling ang kanyang tinig. Naniwala sila, Rommel. Naniwala sila sa nabalitaan. At dahil doon, ayaw na nila sa akin.

Mahal kita Leah, ulit ni Rommel.

Ngunit kahit ilang ulit sabihin ni Rommel na mahal siya, dama niyang may nabago sa kanilang relasyon. Marapat lamang na sila'y maghiwalay.

Yaon ang pinakamalungkot na niyang kapaskuhan. Alalang-alala ang kanyang nanay. Nanunuot ang titig ng kanyang tatay. Bakit ba? Ano ba ang ipinagkasira ninyo ni Rommel, usisa ng mga ito.

Kibit ng balikat, iyon ang kanyang sagot. Taas ng kilay, pilit na mga ngiti. Pagkukulong sa loob ng silid, hindi pagsisimba ng madaling-araw kahit gising na siya, di pa man tumutunog ang kampana ng simbahan.

Madalas nahuhuli niyang nagkakatinginan ang kanyang nanay at tatay. Nag-uusap ang mga mata. At sa harap ng mga ito ay gusto niyang bumulalas ng iyak. Totoo ba, Nanay. Totoo ba, Tatay. Na hindi ninyo ako tunay na anak? Ampon lamang! Ampon!


Naalaala niya nang siya ay bata pa. Ang mga usapang biglang napuputol kapag siya ay dumarating. Ssshhhh, saway ng mga tiyahin sa nakatatandang mga pinsan. Mga pangat-labi at lihim na pagtanto, pandidilat ng mga mata at pag-iling. Mga tanong niyang hindi sinasagot. Ang pinakamimithing hiling na hindi maibigay. Baby sister. Ang sagot ng kanyang tatay. Si God ang nakaaalam kung ilang anak ang ibibigay sa mga tatay at nanay. Ikaw lang ang ibinigay sa amin..

Kailangan pa bang itanong. Ang natural na kulot ng kanyang buhok. Ang maputi niyang kutis. Higit ang kaputian sa kanyang nanay na maligat lamang na kayumanggi. Ang maliit malalim na biloy sa sulok ng kanyang bibig. Sino ang kanyang ina? Sino ang kanyang tunay na mga magulang? Saan siya nanggaling? Saan siya kinuha?

Bispera ng pasko ang kanyang kaarawan. Ito ba ang tunay na araw ng kanyang pagsilang. O ito lamang ang araw na dumating siya sa piling ng mga ito. Mga tanong na hindi naisatinig. Hindi nagkaroon ng kasagutan.

Nang dumating sa kanyang buhay si Roehl. Nanligaw. Hindi niya alam kung tuluyan na niyang nalimot si Rommel. Ngunit nalulugod siya kay Roehl. Nahuhulog ang kanyang loob. Kung iibig siyang muli, si Roehl na marahil. Isang bagay lamang ang nais niyang matiyak.

May isang bagay na dapat kang malaman sa aking pagkatao, Roehl, isang araw, sinabi niya sa binata.

Matamang tumingin ang binata sa kanya, hinintay ang kanyang sasabihin. At nagpatuloy siya. Ampon lamang ako. Hindi tunay na anak ng kinagisnan kong mga magulang.

Hindi nabago ang mukha ni Roehl. Sino raw ang tunay mong mga magulang?

Umiling siya. Hindi ko alam. Hindi ko na hinangad pang malaman sino man sila, tinanggihan nila ako, ipinamigay, anupaman ang dahilan, matuwid man ito o hindi.

Anong sabi ng iyong nanay. Ng iyong tatay.

Matagal kong inisip. Iniyakan. At napagpasiyahan. Hindi ko na uusisain. Alam mo bang masama ang loob ko kina nanay at tatay. Hanggang ngayon, ilang taon na mula nang malaman ko ito, parang hindi pa rin nababalik sa dati ang damdamin ko sa kanila. I feel rejected, Roehl. By my own parents. Ngunit nasaan sila para ko masumbatan. Kaya sina nanay at tatay, sila ang narito. Sa kanila ko naibunton ang lahat ng aking hinanakit, bagaman at lihim at di ko ipinahahalata. Anong kasalanan nila. Unfair sa kanila, alam ko. But I can't help it. Kaya na rin bihira akong umuwi at dumalaw. Upang hindi sila makita. Nasasakan ako.

May sinabi sa kanya si Roehl . Kataliwasan raw siya ng karaniwang ampon. Na ang unang hakbang na gagawin ay ang paghanap sa tunay na mga magulang.

Marahil nga, ayon niya, ngunit kung hanapin man niya ang mga ito at makita, ano ang magiging katuturan ng lahat. At malungkot niyang dagdag, I can't even keep what I have. Ang nasa isipan niya ay ang mga kinagisnang magulang na pinag-uukulan niya ng walang katuwirang paninisi.

Ngunit mapalad siya kay Roehl . At sa mga magulang nito. Na tinanggap siya sa kabila ng katotohanang bumabalot sa kanyang katauhan. Kung ang lihim ng kanyang pagkatao ay lumabas at nabanggit sa pag-uusap ng kanyang mga magulang at ng mga magulang ni Roehl, hindi na niya nalaman, hindi na niya inusisa. Iisa lamang ang kanyang hiling. Kapaskuhan siya ikasal. Nais niyang matabunan ang alaala ng isang Paskong iyon sa kanyang buhay. Nang dumating sa kanyang kaalaman mula sa bibig ni Rommel na siya ay isang ampon lamang. At ang sumunod, araw-araw at gabi-gabing dasal na sana ay kapaskuhan rin siya magsilang kung pagiging dapatin sila ng Roehl na biyayaan ng anak ng Maykapal.

Nang siya ay maglihi, nang mapatunayang siya ay nagdadalang-tao, ang sabi ng kanyang Nanay. Leah, anak, dito ka na sa probinsiya magsilang. Aalagaan kita.

Umiling siya. Mabuti na sa Maynila, Nanay. Mas malapit ang ospital. Anuman ang mangyari, husto ang facilities.

Tumango ang kanyang ina. Tama nga ayon nito, ngunit wari, nabasag ang tinig.

Iniwasan niyang tumingin kay Roehl. At sa kanyang sarili, kanyang naisaloob. Hindi pa ako handang sila ay tanggapin.

Kailan pa, Leah, bulong ni Roehl, nang mapatabi sa kanya. Na waring nabasa ang
nasa kanyang isip.


NA
PABALIKWAS si Leah. Higit na matindi ang hilab na gumapang sa kanyang tiyan. Sinulyapan niya ang luminous clock sa ibabaw ng tokador. Malapit nang mag-ikalima ng umaga. Mula sa malayo, muli niyang narinig ang tunog ng kampana. Tapos na ang simbang gabi. Kagyat niyang naisip, sa kanila sa probinsiya, tapos na rin ang misa. Siguro, nagsimba rin ang nanay at tatay niya.

Muli, ang hilab ng gumagapang sa tiyan, tumutuloy sa balakang. Araykupo, Nanay, nakawala, humulagpos niyang daing.

Nanay, sinong nanay?

Bigla ang dating ng mga alaala. Sumasabay sa gumagapang na hilab ng tiyan. Nang maliit pa siya, kay dalas madapa, masugatan. Isang halik lamang ni Nanay, wala na ang sakit. Magaling kaagad. Ang pananakit ng ulo, gawa ng matinding sipon, isang himas at hagod lamang ni Nanay, mabuti na ang pakiramdam. Ang pag-iyak, bunga ng panunukso ng kung sino, isang alo lamang ni Nanay, hinto agad.

Sinong nanay? May iba pa ba?

Nangilid ang luha sa mga mata, nag-unahang naglandas sa mga pisngi ni Leah. Iisa lamang ang kanyang nanay. Nasa probinsiya. Ang babaing nagmahal at kumandili, naghirap sa pagpapalaki sa kanya. Ang babaing tinatawag niya kapag siya ay nasasaktan. Araykupo Nanay.

Mula sa malayo muli niyang narinig ang tunog ng kampana. May kapayapaang sumuno sa kanyang kaibuturan. Binalingan niya si Roehl, ang natutulog pang asawa.

Masaya na ang ating Pasko, Roehl. Hindi lamang... dahil... magkakaanak na tayo.
Kundi dahil ...ang nawawala at iwinaksi... ay muli kong natagpuan.

Hinawakan niya sa balikat ang asawa. Mahinay na tinapik.

Gising na, Roehl. Gising na...
Tatawag ka pa sa probinsiya.
Paluluwasin mo si Nanay. At si Tatay.
Nais kong tayo ay magkasama-sama.



Liwayway, Sept. 23, 1987


Friday, December 17, 2010

Bili na Kayo (dito sa blog ko)!

I have a limited number of copies that my US readers can purchase through this blog. The book will be shipped to you using USPS First Class Mail at a flat rate of $4.50.

Just like with lulu.com, I am giving a 20% Happy Reading discount kaya bili na kayo! Sabi nga ng isang mambabasa, nakakakilig!

Simply click on the BUY NOW button on the right.

Wednesday, December 8, 2010

ANO ANG NILALAMAN NG "Minsan, May Isang Pag-ibig"

Ano nga ba ang mababasa sa MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG?

Ang libro ay binubuo ng dalawampung kwento ng pag-ibig. Puppy love ng isang teen-ager, first love, romantic love, unselfish love, the greatest love of one's life... na nakatitiyak akong bawat isa sa atin, minsan isang panahon, ay ating naranasan... ikinaligaya... iniluha... napagtagumpayan kimkimin at itago sa liblib ng ating puso...

na ngayon, ay inaanyayahan ko kayang dalawin at bisitahin at muling namnamin, sa pamamagitan ng pagbabasa sa MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG... sa NILALAMAN nitong mga kwento... na nagmula sa ilalim ng bubong ng isang DORMITORYO sa may Claro M. Recto Avenue, dating Azcarraga Street sa Maynila... na natapos at nakakita ng kaganapan sa pagiging IMMIGRANT sa America.

Narito sila, na bumubuo sa...

Bawat Buhay, Isang Kasaysayan............
Andrea ng Ohio, sa Chicago...................
Veronica ng Chicago..............................
Corazon ng Florida................................
Helen ng California, sa Washington DC.
Ofelia ng Queens, New York...................
Gloria ng Queens, New York..................
Edna ng Baltimore.................................
Sonia ng New Jersey..............................
Shirley ng Sacramento, California.........
Alma ng San Francisco, California........
Ate Nene ng Dormitoryo........................

Sila ang bumubuo ng unang bahagi ng libro. Sumusunod pa ang mga kwento ng iba't ibang nilalang, sa iba't ibang panahon. Kaya, get hold of a copy now! Magandang panregalo ito sa Pasko. O Valentines. O sa birthday. O sa iba-iba pang okasyon! Go to www.lulu.com. Search for MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG, ni Evelyn L. Estrella-Sebastian.

How to order? Read on... AND HAPPY READING!!!

Friday, November 26, 2010

HOW TO ORDER DALAWAMPUNG KWENTO, ISANG LIBRO


How To Order: Minsan, May Isang Pag-ibig

Para sa mga katulad kong hindi naman computer-savvy, wika nga, na ang alam lamang ay mag-email at may takot na mag-klik sa kung anu-ano sa pangambang "sumabog" ang computer (sabi nga ng anak ko, hindi iyan puputok, Mama, pindutin mo!), narito ang kaunting tulong para makapunta sa www.lulu.com, ang publisher ng libro na siyang tatanggap ng order para dito:

HOW TO ORDER “MINSAN...”

1. Click on the picture of the book cover which is at the upper right corner of this website to go to the book's page on Lulu's Marketplace.
2. Click "Add to Cart."
3. Click on "Checkout" to create your own user name and password, put in your shipping and billing addresses, and to select your payment options (credit/debit card or Paypal).
4. Before you place your order, type in the coupon code "STOCKING305" to get an extra 15% discount.

PAALALA: ang coupon code discount ay hanggang Disyembre 15 lamang.

Samantalahin ninyo ang offer ng lulu.com na diskwento. Tamang-tama ito ngayong Pasko na maraming pagkakagastahan. At ang libro ay isang regalo na sa isang maingat na may-ari, ay magtatagal ng mahabang panahon.



Tuesday, November 23, 2010

Paunang Salita


PAUNANG SALITA


Ang Paunang Salita o Foreword ay nakikita sa mga unang pahina ng isang aklat. Ang sumusunod na mga talata ay hango sa Paunang Salita ng aklat na Minsan, May Isang Pag-ibig.

PAUNANG SALITA

Nang nagtatangka pa lamang akong sumulat ng kwento, may nabasa akong payo sa mga bagong manunulat na simulan ang pagsulat sa mga paksang pamilyar sa mga ito.

Sa puntong ito, nais kong pasalamatan ang dating Editorial Staff ng Lingguhang Liwayway – sina Mang Basyong at lalo na si Ben Pascual xxx Sa masusi nilang pagsubaybay, nagkaroon ako ng gabay at panuntunan sa pagsulat ayon sa kanilang mataas na pamantayan.

Matapos ang maraming pagtatangka, mga rejection slips, at mga tagumpay na pagkalathala, lalo ng mga kwentong ang paksa ay malapit sa aking puso, dumating naman ako sa layuning matipon ang ilan sa mga ito sa isang munting aklat na maaaring balik-balikan at basahin sa mga sandali ng pamamahinga. Kumbaga ay isang simpling koleksiyon lamang na pampalipas-oras. At ang napili kong mga kwento ay tungkol sa dormitoryo. Kwento ng mga batang istudyante, galing ng probinsiya, lumuwas ng Maynila, nag-aral, at kalaunan, pumalaot na sa buhay.

Sampung taon akong nagtira sa dormitoryo. Panahong tumutulay sa dalawang dekada. Humigit-kumulang kami sa limampung naninirahan sa aming dormitoryo, nanggaling sa kung saan-saang sulok ng Pilipinas. May kani-kaniyang salita, kani-kaniyang ugali at gawi, kani-kaniyang antas ng kabuhayan, kani-kaniyang pangarap sa buhay. At kani-kaniyang kasaysayan na dinugtungan sa mga araw na ginugol sa paninirahan sa dormitoryo. xxx

Kung tutuusin, ang mga nasabing kasaysayan ng panahong yaon ay hindi lamang sa loob ng aming dormitoryo nangyari, hindi lamang sa iba pang dormitoryo o kasera sa Kamaynilaan o sa kapuluan man, kundi, ang mga ito ay naganap rin sa sari-sarili nilang pamamahay.

Mga kasaysayan ng buhay na hindi tapos! Na sa kaso naming magkakasama, na hindi na nagkita-kita pagkaalis sa dormitoryo ay wala nang nalaman kung ano ang kinahinatnan.

Dito pumasok ang paglalaro ng aking diwa. Ang gumawa ng kwento na naglalagay ng wakas sa mga nasimulang kasaysayan sa dormitoryo. At katulad nang karaniwang nangyayari sa isang manunulat ng istorya, walang hangganan ang nararating ng isipan sa pagkatha; nagsasanga-sanga na ang mga pangyayari, nalalayo na sa simula, naiiba, nagkakaroon na ng bagong tema, kulay, tunog, tulad sa isang awit. O sa isang kuwadro ng pintura. xxx

Ang pitong kwentong binubuo nina Andrea, Veronica, Corazon, Helen, Ofelia at Gloria ay nalathala na sa Lingguhang Liwayway. Ang lima ay “natabunan” kumbaga, na kung minsan ay nagaganap sa isang pasulatan. May munting kwento rin ang pangyayaring ito. Dahil gumagamit na ako ng computer nang sulatin ko ito, hindi na ako gumawa ng duplikadong kopya. Nang nalubog ang computer sa bahang dala ng bagyong si Ondoy, nawalan na ako ng pag-asang makikita pa ang mga kwento nina Edna, Sonia, Shirley at Alma. Na lubha kong ipinanghinayang. Ikinalungkot. Para sa akin, sila ay mga tunay na taong para bagang lubusang naglaho sa aking buhay. xxx Ngunit tunay na ipinag-aadya pa rin, wika nga. Sa tulong ng isang tindahan sa Marikina Riverbanks, “nasagip” ang “hard disc” ng nabahang computer at sa wakas, waring handa nang lumantad at pakilala sa lahat sina Edna, Sonia, Shirley at Alma.

Nais ko ring ipahatid, na ang mga ginamit kong pangalan ng mga minor characters sa marami sa mga kwentong naririto ay pawang totoo. Sadya ko itong ginawa upang ipabatid sa kanila, na nakasama ko noon, na hindi ko malilimutan ang aming pagsasamahan. Si Femme na aking kapatid at sina Lor at Puring, mga senoritas de Centro Escolar (para ko pang naririnig ang pag-awit nila ng Dios te salve, colegio querido), sina Angeling, Chita at Chabeng, Thelma at Uding ng Nueva Ecija, ang magpinsang Nita at Linda ng Paombong, sina Elsie at Zeny ng Calumpit, sina Tinay, Nena at Sol at ang kanilang mga boyfriends na naging kataling-puso rin nila. Si Rose ng Holy Ghost. Sina Liwliwa at Lita na naging matalik kong kaibigan. Mga kabalen, mga kailian. Mga taga-Cebu, Cagayan de Oro, Sulu. Kay Ate Nene, ang tinatawag naming Lady Dean, ang tagapamahala ng aming dormitoryo. At marami pang iba, na hindi ko man nabanggit ang mga pangalan sa kwento, tulad nina Clarita at Fely, ay naging malapit ko ring kaibigan.

xxx Ngunit hindi nagtatapos ang kalipunang ito sa Minsan, Isang Pag-ibig ng mga dormitoryana. Kalaunan, sa aking pagsusulat, dumako na ako sa iba pang mga paksa, na nagtatampok pa rin sa Minsan, Isang Pag-ibig, ng iba pang mga nilalang, sa iba’t ibang panahon naman. xxx

Evelyn L. Estrella-Sebastian, 2010

Sunday, November 21, 2010


UNVEILING THE BIG ANNOUNCEMENT!!!


Hinihintay na ba ninyo ang kwento ko para sa buwan ng Disyembre? Isang kwento ng pag-ibig. Isang kwentong pamasko? Nais kong ipagbigay-alam sa inyo na sa halip na isang kwento, ang pinagkaabalahan ko nitong mga nakararaang buwan at araw ay ...dalawampung kwento.

Tama! Dalawampung kwento na pinagsama-sama sa isang libro! Isang libro na pwedeng dalhin o bitbitin at basahin kahit saan kayo naroon.

Sa mga taga-abroad, habang nakasakay sa eroplano, pauwi sa Pilipinas, sa pagbabalik-bayan ngayong Kapaskuhan...

O habang balot na balot kayo mula ulo hanggang paa, nakapamaluktot na nakaupo sa inyong malambot na sopa, at sa labas ng inyong bahay, patuloy sa pagbagsak ang maputing niyebe o malakas na ulan sa kapaligiran...

O habang nakasandal sa patong-patong na unan sa may ulunan ng inyong kama...

O habang nakaupo sa park... sa inyong patio o veranda... sa swing sa isang sulok ng inyong bakuran...

O habang nagkakape sa isang coffee shop... o sa lobby ng isang otel... sa office?

Isang libro! Dalawampung Kwento! Isang upuan, isang basahan. At maitatabi o maitatago upang balik-balikan sa tuwina.

Mga kwentong makaka-relate at makaka-identify ka o ang iyong Nanay o Tita o Ate o Ninang, kung mas bata ka sa amin.

Mga kwentong maghahatid ng tunog, lasa, at kulay ng isang kahapon... ng isang nakalipas na kabataan... ng...

Minsan, Isang Pag-ibig.

Ang tanong ay ito: Saan naman makikita ang librong ito? Saan matatagpuan ang
Minsan, Isang Pag-ibig? Madali lamang. Ganito.

1. Puntahan ninyo ang www.lulu.com or click lulu icon under the picture.
2. Ilagay sa SEARCH box (FIND) ang title ng libro, Minsan, Isang Pag-ibig.
3. Mapupunta ka sa page na kinaroroonan ng librong ito.
4. For more info about the book, click the cover picture ng libro
5. Mapapansing PRESENTLY AVAILABLE LAMANG ITO sa USA.
6. BUT for international customers, there's a GLOBAL EDITION coming out so they can have affordable shipping.
7. Para sa mga mayroong kamag-anak sa USA, pwede na rin kayong magpabili para magkaroon na agad kayo ng kopya.
8. At maganda itong panregalo ngayong Pasko, sa darating na Valentine, sa Mother's Day, kahit Father's Day, Grandparents' Day, at mga birthdays!
9. At tamang-tama ito sa mga Filipino immigrants sa USA. Marami sa kwento ay kwento ng pag-ibig ninyo!

Click na sa www.lulu.com! Maging isa sa mga unang makababasa ng dalawampung kwento ng pag-ibig sa librong ito. At huwag kalimutan, keep one for yourself, but have a spare or more to give as gifts.

Sa kabilang dako, marahil ay hindi nakaligtas sa inyong paningin ang larawan ng dalawang seniors sa aking bagong website, www.estrella-eve.com. (Bookmark na ninyo ito.) Kung sino sila, e, hindi ko ho sila kilala! Biro lamang. Ako ho ito, in all the glory of past birthdays, kasama ang aking kakambal. Ngunit ang nais kong pag-ukulan ninyo ng pansin ay ang nakalagay na email me sa ilalim ng nasabing larawan.

Email me! Tumpak ang inyong iniisip. Pwede na tayong magkausap thru this email. Maaari na tayong magkwentuhan, magkatalimitan, magka-chickahan. Email me is an invitation from me to you to connect with me and share with all the others your own reminiscenses and experiences related to whatever is posted in the blog. Hindi ba mas masaya ang ganito? Kaya, sige...
Email me na rito sa eve.manunulat@gmail.com.
Maghihintay ako.

At sa inyong lahat, Isang Mataos na Pasasalamat at Maagang Pagbati ng Isang Maligayang Pasko!!!




Friday, November 19, 2010

Minsan, May Isang Pag-ibig



Isang kumpol na gunita... isang kaban ng mga alaala... isang mandala ng lumipas na mga araw na mababalik-balikan sa tuwina.

ABANGAN! ABANGAN! ABANGAN! MALAPIT NA. ILANG TULOG NA LANG!

Wednesday, November 17, 2010

Minsan, May Isang Pag-ibig


Minsan,

sa ating buhay

May Isang Pag-ibig

sa puso'y nakahimlay
at nananahimik,
sa indayog ng tula
at lambing ng awit
kusang gumigising
sa pagkakaidlip.



ABANGAN !!!

Friday, November 12, 2010

NAGHAHANAP BA KAYO NG PANREGALO?

NAGHAHANAP BA KAYO NG PANREGALO?

Malapit na ang Pasko. At pagkatapos ng Pasko, nariyan na ang Valentines Day. Kamukat-mukat mo'y Mayo na at siempre, Mother's Day naman. Father's Day. Grandparents' Day. Bukod dito, huwag kalilimutan ang mga birthdays nilang mahal ninyo sa buhay! Ano kaya ang magandang panregalo sa kanila?

Siempre, ang gusto natin, matutuwa at ma-a-appreciate nang pagbibigyan natin ang regalong tatanggapin nila na galing sa atin. Pero ang hirap mag-isip ng regalong hindi kamahalan ay maganda pa at pahahalagahan ng tatanggap. Pahahalagahan, maitatabi, mahahawakan, ito ang susi nang pagpili.

Ano nga kaya?

Naisip ko lang, at isipin rin ninyo, maganda sigurong iregalo ay isang kumpol na gunita... isang kaban ng mga alaala... isang mandala ng lumipas na mga araw na mababalik-balikan sa tuwina.

Ngunit saan kayo makakakita ng ganitong uri ng regalo?

ABANGAN! ABANGAN! ABANGAN!

Tuesday, November 2, 2010

ANNOUNCEMENT !!!


ABANGAN !!! ABANGAN !!! ABANGAN !!!

Isang malaking ANNOUNCEMENT ang matutunghayan ninyo rito sa darating na mga araw. Ito ay kaabang-abang, wika nga, lalo na sa mga tagariyan sa States! At sa mga tagarito naman sa Pilipinas, para masabihan ninyo ang pamilya ninyo na nasa States. Para naman sa mga taga- Canada, Australia, Germany, Hongkong, Singapore, Brunei, UK, France, Norway, Netherlands, Denmark, Israel, UAE, Qatar, Kuwait at iba pang mga tagasubaybay at kababayang nasa abroad, your time will come. Bisitahing lagi ang blog na ito in order not to miss it.

Till then, smile... and for now, basahin ang KANDILA SA HARAP NG BAHAY!

KANDILA SA HARAP NG BAHAY


KANDILA SA HARAP NG BAHAY


TUWING Araw ng mga Patay, lagi siyang nagtutulos ng kandila sa harap ng kanilang bahay. Isang mahaba at matabang kandila ang sinisindihan niya pagkagat ng dilim, itinatayo sa isang tanging patungan na hindi delikadong pagmulan ng sunog, iwanan man sa buong magdamag.

Bakit, tanong noon ng kanyang asawa. Para kanino iyan. Dahil wala silang patay, buhay pa ang kanilang mga magulang.

Nakaugalian, ang sagot niya. Kapag araw raw ng mga patay, ang mga kaluluwa ay namamasyal. Kaya nagsisindi ng kandila ay para sila maliwanagan sa kanilang dinaraanan.

Tumangu-tango ang kanyang asawa. May narinig na akong ganyan, anito. Kaya lang, iba ang dahilan nila sa pagsisindi ng kandila. Ginagawa raw ito ng mga taong hindi makadadalaw sa libingan ng kanilang mga mahal sa buhay. Dahil malayo. Narito sila sa Maynila. Naroon sa probinsiya ang libingan ng kanilang mahal.

Siya naman ang tumangu-tango. Narinig ko na rin iyan, ayon niya. At sa kanyang sarili, kung alam mo lang. Dahil hindi niya ipinagtatapat kahit kanino man ang tunay na dahilan. Buong akala niya ay maipaglilihim niya habang buhay ang bagay na iyon.


“VIC, kausapin mo nga ‘yang anak mo. In love yata,” sabi ni Lita.

“Problema? Bakit, gusto na bang mag-asawa?” tanong niya, pabiro.

Natatawang umiling si Lita. “Hindi, a… Wala na nga si Lilet. Iyong anak ni Mrs. Cruz diyan sa kanto. Umalis na sila noong isang Linggo. Immigrant.”

Napatango siya. “Hanggang piyer pala ang anak mo, ha!”

Humagikgik si Lita. “Hanggang piyer pala! Talagang sa bibig nahuhuli ang isda. Ayaw mo pang amining high school ka na noong panahon ng Hapon.”

“Tumigil ka nga, ‘oy. Grade one lang ako…”

Hanggang piyer, ha, ha, ha! Napatawa na lamang siya sa kapilyahan ng asawa. Pero, ang totoo’y grade six siya.


NATAGPUAN niya si Jojo sa likod-bahay. Nakahiga sa kawayang papag na nasa ilalim ng puno ng niyog. Nakaunan sa sariling bisig. Nakatingin sa kawalan.
Mula sa kinatatayuan ay pinagmasdan niya ang anak. Simpatikong binatilyo, masayahing tulad ng ina nito. Paborito ng mga kapatid, palibhasa’y malaki ang agwat ng gulang sa sinundan. Napakabata pa ni Jojo. Katorse, second year high school. May problema na sa pag-ibig. Pero siya’y dose lang noon. Grade six.

“Jojo…” naupo siya sa tabi ng nakahigang anak. “Chess tayo.”

Umiling si Jojo. “Mamaya na lang, Dad.”

Itinuloy niya ang pag-aayos ng mga chess pieces sa chessboard. “Bakit? Wala ka ba sa mood? May problema ba?”

Hindi sumagot si Jojo.

“Umalis na pala sina Mrs. Cruz sa kanto…” hindi siya tumitingin kay Jojo ngunit hindi nalingid sa kanya ang pagkabigla nito. “Di ba kaibigan mo iyong teen-ager doon. Si Lilet?”

Bumangon si Jojo, umupong pasandal sa puno ng niyog. Itinira ang pawn sa harap ng queen, dalawang lundag. Hindi sumagot.

“Magandang bata iyang si Lilet. Balita ko’y steady niya iyong barkada ninyong si Jim,” ginaya niya ang tira ni Jojo.

“Si Jim? Hindi. Akala lang iyon ng iba,” tutol ni Jojo.

“Sabagay,” ayon niya. “Kung barkada nga lang ninyo, wala sigurong magugustuhan si Lilet.”

“Dad naman,” agaw ni Jojo. “Crush nga ni Lilet ang isa sa barkada namin.”

“Sino naman ang magugustuhan sa inyo, aber?”

“Dad, ako! Ako!” biglang amin ni Jojo, sabay dukot sa bulsa, may kinuha. Isang liham. Mula kay Lilet para kay Jojo. Tinakpan ni Jojo ang ibang bahagi ng sulat. Ngunit ipinabasa sa kanya ang ilang linya. I love you, Jojo! I’ll never forget you. Always pray to God that we’ll meet again and will be together, forever.

“Aba, okey ka pala,” sambitla niya.

“Hindi okey, Dad. Nasa States na sina Lilet. Paano kung makakita na siya ng iba roon,” himutok ni Jojo.

Umiling siya. “Hindi mo ba naisip na iyan din ang nasasaloob ni Lilet, paano kung makakita ka na rin ng iba pagkaalis niya?”

“Hindi mangyayari iyon,” mahigpit na tanggi ni Jojo. “Si Lilet ang first love ko. And she’ll be the last.”

“Bago ka pa lang kaya mo nasasabi iyan. Pag nagtagal na, magugulat ka pa, nalimutan mo na pala si Lilet. May iba ka nang gusto.”

Ulit-ulit na umiling si Jojo. “First love never ever dies.”

Mataman niyang tiningnan ang anak sa pagkakayuko nitong nakatitig ngunit hindi naman nakikita ang nilalarong chess. May kirot siyang nadama sa kanyang dibdib. Paano ba niya matutulungan ang batang ito na ngayo’y dumadanas ng sakit na dala ng unang pag-ibig?

Tumikhim siya. “Alam mo, Jojo, iyan din ang akala ko noon.”

Nagtaas ng mukha si Jojo, sinalubong ang kanyang mga mata. “Bakit, Dad? Iba ba ang first love mo? Hindi si Mommy?”

Umiling siya. “Hindi.”

“Sino?” tanong ni Jojo.


SIYA ay si Yuying, palayaw sa tunay nitong pangalang Loreto. Apo ni Senyora Remigia, isang matandang mestisang Kastila na nagmamay-ari ng isang hilera ng aksesorya sa Binondo. Magkatapat ang kanilang bahay. Magkakilala sila’t magkabatian. Palibhasa’y matandang magkapit-bahay ang lolo niya’t lola nito, maluwag siyang nakakapaglabas-masok sa tahanan ng dalaginding. Magiliw sa kanya ang lola nito’t mga kasambahay. Sa gulang na labindalawa, magalang siya’t parang maginoo kung kumilos at makipag-usap.

Maganda si Yuying. Malago’t mahaba ang itim na itim na buhok, lampas-baywang kung nakalugay, ngunit ang karaniwang ayos ay dalawang makinis at ayos na ayos na tirintas na napapalamutihan ng laso sa mga dulo. Itim na itim din ang malantik na pilik-mata at malagong kilay. Matangos ang ilong, palibhasa’y may dugong Kastila. May tulo sa noo at munting biyak sa baba, kaya hugis-puso ang mukha. Tunay na napakaganda ni Yuying. Parang anghel. Kaya lang, pag tawa nito’y lumilitaw ang sungking ngipin. Ngunit bagay naman dito ang pagkasungki. Ang may pagka-aristokratang ganda ay nababawasan, nagmumukhang mabait. Na totoo naman. Mabait si Yuying sa kanya. Sa kabila ng ginawa niyang panliligaw rito. Labing-isang taon sa kanyang labindalawa. Pati si Senyora Remigia ay mabait din at maunawain. Hindi niya makalimutan ang naiibang pagdalaw niyang iyon. Isang batang pumapanhik ng ligaw. Taong dumating, taong tinanggap.

“Tuloy ka, Totoy…”

“Gusto ko po sanang madalaw si Yuying.”

“Maupo ka sandali, Totoy. Tatawagin ko siya.”

At nang dumating si Yuying. “Magandang gabi sa iyo, Yuying.”

“Gayon din sa iyo, Vic.”

“Tinanggap mo ba ang sulat ko, Yuying?”

“Tinanggap ko.”

“Hindi ka ba galit sa akin?”

“Hindi. At may sagot din ako sa iyo. Sulat din. Ginawa ko kagabi. Sa inyo mo na lang basahin, ha?”

“Kung iyon ang gusto mo, Yuying. At salamat.”

Ingles ang sulat ni Yuying sa kanya. Hangang-hanga siya sa Ingles ni Yuying noon. Nang kalaunan na lamang niya napansin na may mali sa grammar nito. Ngunit noon, pinaligaya siya ng nilalaman ng liham.

Please don’t be sad with my short letter. I cannot answer your love because I will think first & if I promise you and without sure, you mite be angry. You should have hope from me. And I also have a little love to you. And I also have known you to be a kind and good gentleman. This is all I can tell you. Best regards to the family and to you. Your love. L. Gonzalo. October 22, 1943 ang petsa ng liham.

1943. Panahon ng pananakop ng mga Hapones. Kung kailan ang Calle Sevilla ng distrito ng San Nicolas na kanilang kinalakhan ni Yuying ay hindi naiiba sa marami pang kalye at distrito, bayan at lalawigan sa Pilipinas. Gutom at walang makain ang mga tao. Sa halip na bigas ay kamote. Binusang mais sa halip na kape. Walang hanapbuhay ang mga matatanda. Binakuran ng mga Hapones ng alambreng may tinik ang mga bodega sa may gawing Muelle dela Industria sa kanilang pook. Buy and sell ang negosyong madaling pinagkakitaan. Hindi nag-aaral ang mga batang tulad niya. Pinalipas nila ang mga oras sa paglalaro ng binggo, chess, domino o ungguy-ungguyan sa barahang may espada at bastos, kopas at oros. O sa pakikipagkuwentuhan. Siya, kay Yuying. Sa isang natatanging pakikipagkaibigan na yumabong sa katamisan ng kawalang-malay.

Hanggang higit na naging madugo ang labanan. 1944. Umuwi silang mag-anak sa probinsiya. Nang sila’y bumalik, wala na si Yuying. Isa sa maraming naging biktima ng digmaan. Umiyak siya sa harap ni Senyora Remigia. At niyakap siya nito at hinagkan sa noo. Ay, Totoy, wala na si Yuying. Wala na, Totoy…


KAYLALIM ng buntung-hininga ni Jojo. “Kay lungkot naman, Dad. “Ang tagal siguro bago mo siya nakalimutan.”

Kumislap sa isipan ni Vic ang isang namumula, lumang-lumang Grade Five tablet paper at ang sulat-kamay ng isang labing-isang taong bata, please don’t be sad with my short letter, na nakapaloob sa isang sobre at nakatago sa kailaliman ng kanyang kahon sa opisina.

“Bata pa ako noon at talagang dinamdam ko ang nangyari. Ngunit patuloy ang buhay at dumarating ang panahong may bago kang makikilala at mamahalin. Kahit paano, bumababaw ang sugat. Ang malulungkot na gunita ay natatabunan ng masasayang alaala ng isang bagong pag-ibig.

“Pero, Dad, paano kung ayaw kong makalimutan si Lilet?”

“Jojo, bahagi na si Lilet ng iyong buhay. Lalagi siyang may puwang sa iyong puso, anupaman ang mangyari sa hinaharap.”

Kinagabihan, Araw ng mga Patay, magkatulong sina Vic at Jojo sa pag-aayos at pagsisindi ng kandila sa harap ng kanilang bahay.


Liwayway, 31 Oktubre 1988

Wednesday, October 27, 2010

Generation Gap


Generation Gap


Kamakailan ay may nabasa ako sa Lifestyle Section ng Phil. Daily Inquirer, Oktubre 23, 2010. Ito ay isang artikulo, Our Parents Back Then, na sinulat ni M. M. Manzano, na ang paksa ay “to fill the generation gap” sa pagitan ng mga anak at ng kanilang mga magulang. At ito ay sa pamamagitan ng pagkukuwento ng mga mumunting bagay na ginawa at pinagkaabalahan ng magulang nila noong kabataan ng mga ito. At ayon sa kanya, upang maisulat naman ang mga ito, marapat lamang na matuto silang makinig sa mga kwento ng kanilang magulang.

Natuwa at natawa ako sa aking nabasa sa nasabing artikulo. Naipagpasalamat ko na may nakaisip sumulat nito. Dahil ito mismo ang adhikain ng aking blog na ito – ang maiparating sa aking mga anak, kasama na ang aking mga apo, at sa kani-kanilang henerasyon, kung paano ang buhay namin noon. Ako at ang aking ka-henerasyon. Kung ano ang aming mga inaawit, ano ang aming mga sinasayaw, ano ang mga paksang aming pinag-uusapan, ano ang aming pinagtatawanan, ano ang aming binabasa, sino ang mga artista o taong hinahangaan, kung paano ang ligawan, ang pagkakaroon ng boyfriend o girlfriend, kung paano maghiwalay, paano magpakasal, mamiyenan, kung paano kami mag-relate sa aming mga sariling magulang, may generation gap ba? Tulad ngayon?

Na lahat ng ito ay masisilip, kumbaga ay mababasa between the lines, sa mga kwentong inilalagay ko sa aking blog. Dahil ang mga kwentong ito, bagaman at kathang-isip lamang ang mga tauhang gumagalaw rito, ay mapananalaminan naman kung ano ang panahong ginagalawan namin noon. Ang mga kostumbre at tradisyon. Ugali at kalakaran.

Tulad nang pag-aalaala sa mga namayapa na sa Araw ng mga Patay. Nobyembre na sa isang linggo. Naghahanda na ang lahat sa pag-uwi sa kani-kanilang lalawigang pinagmulan upang madalaw ang mga pumanaw nang mahal sa buhay, maalayan ng bulaklak at dasal, maipagtulos ng kandila sa kinahihimllayan.

Ito ang tema ng kwento ko para sa buwan ng Nobyembre. Isang kwento na magdadala sa babasa sa isang panahong maaaring naabutan ng marami sa atin ngunit hindi naman natandaan dahil sa kamuraan ng isip. Malamang na Ito ay sa bibig na lamang ng ating mga magulang narinig, o sa mga nakatatandang kapatid. Ito ay isang kwento ng pag-ibig na ayon sa humiling sa akin na ito'y isulat, ay tunay na nangyari. Sa kanya mismo. At bilang patunay, ay ipinahiram pa niya sa akin ang isang liham, sa mamula-mulang papel, sa sulat kamay ng babaing tampok sa kwento. Natural lamang na ang parteng totoo ay inilangkap ko na sa mga kathang-isip sa pagbuo ng kwento.

Fill the generation gap! Basahin ang mga kwento sa blog na ito. Sa mga bagong “maliligaw”, bisitahin ang archive. SIMULAN ANG PAGBASA SA TAONG 2008. AT MALALAMAN NINYO KUNG PAANO KAMI NOON, KUMPARA SA KUNG PAANO KAYO NGAYON...

Ngayong Nobyembre, abangan ang KANDILA SA HARAP NG BAHAY.

Sunday, October 3, 2010

SAPAGKAT GANYAN ANG PAG-IBIG


SAPAGKAT GANYAN ANG PAG-IBIG

HINAPIT ni Lea ang suot na roba bago yumuko at inalsa ang panaradong bakal ng kanilang pinto sa bakuran. Muli ang isa pang bakal ng kabiyak na dahon ng pinto. Isinunod niya ang bakal na pahalang matapos susian at matanggal ang seradura. Itinulak niya ang isang dahon. Umingit and di nalalangisan, kinakalawang na bakal. Muli ang isa pang dahon. At muli ang nakapangingilong ingit.

Nilingon ni Lea ang kotseng nagsimulang umurong mula sa garahe. Dumaan ang sasakyan sa harap niya. Hinagilap niya ang mga mata ni Tony. Nakalingon ito, sa inuurungan ng minamanehong kotse. At bumaba ang kotse sa lansangang na kaharap ng kanilang bahay. Inayos ni Tony ang sasakyan. At hindi inaalis ni Lea ang kanyang mga paningin sa asawa. Nais niyang sa pagsulyap ni Tony sa kanya bago pasibarin nito ang kotse ay nakatingin rin siya. At depende sa kanilang pakiramdaman ay sagutin niya ng bahagyang panunulis ng bibig na ang ibig sabihin ay halik ang nanunuksong pikit ng mata o kindat ng kilay ng asawa. Iyon ang kanilang sistema ng paalaman kung umagang inihahatid niya sa pintuan si Tony. Titingin muna ito sa kanya bago patakbuhin ang sasakyan.

Ang kotse ay matuling sumibad. Hindi tumingin si Tony sa kanya.

Biglang namigat an dibdib ni Lea. Ano na ba ang nangyayari sa kanila ni Tony. Galit ba si Tony sa kanya?

Ang pagdaramdam ay naging pagkayamot. Galit si Tony. Aba, kung may dapat magalit, hindi ito kundi siya. Tulad nga nang umagang iyon, sa pag-aalmusal.

Lea, sabayan mo 'ko.

Ang kumot ay itinalukbong niya upang huwag marinig ang tinig ni Tony. Ayaw niyang masira ang kanyang tulog. Antok na antok pa siya...

Lea...

Higit na malakas ang tinig. At higit na malapit. Inalis niya ang unan at hinawi niya ang kumot. Ano bang... si Tony ay namulatan niya sa tabi ng katre.

Sabayan mo naman ako, o... naglalambing wari si Tony.

Para siyang nainis. Wala akong gana, pag masyadong maaga.

Bantayan mo man lang ako, wari iba na ang tinig ni Tony.

Kung bakit lalo naman siyang nayamot. Sige... sige... 'andiyan na ko.

At umupo siya sa harap ni Tony, sa hapag-kainan, na ang kumot ay nakabalabal pa sa kanya. Eto na ko. Sige, kain na.

Marahil hindi maganda ang himig ng kanyang pagkasalita. Biglang binitiwan ni Tony ang hawak na kutsilyo't tinidor. Na gumawa ng ingay sa nilagpakang pinggan.

Know what Lea, you can make my day.. or break it.

Napatanga siya sa sinabi ng asawa. At bago siya nakasagot, mabilis na itong nakatayo at nakapasok sa kanilang silid. Na hindi naman niya sinundan. At ang pagpasok sa opisina ay kaniya na lamang inantabayanan.

Naisip niya, ano na nga ba ang nangyayari sa kanila ni Tony. Dadalawang taon pa lamang naman silang nakakasal. Iisa pa lamang ang kanilang anak. Napakaaga naman yatang dumating sa kanilang buhay ang hindi pagkakaunawaan.

Sabi ng kanyang ina. Noon. Lea hindi pa kayo lubusang nagkakakilala ni Tony. Ba't nag-aapura kayong mapakasal.

Kilala na naman natin, Ma ang kanilang pamilya. Mabuti at tinitingala sa kanilang bayan, sabi nga ng Tiyo Berto, ang sagot niya.

Ang ugali anak ang ibig kong sabihin. Hindi pa kayo nakasisiguro kung tugma ang inyong mga pag-uugali. Kung kailan lamang kayo nagkakilala.

Maituturing na whirlwind ang romansa nila ni Tony. Nagkakilala sila sa isang party. Nahalata niya, nabihag niya si Tony. At hindi niya maitanggi, naakit naman siya rito.

Mais itong tanong ko, Lea, pero sagutin mo rin, ha?

Masarap ang mais lalo't matamis, sinabayan niya ng tawa ang mais niyang sagot.

Ngunit seryoso si Tony. Naniniwala ka ba sa love at first sight, Lea?

Tinapatan niya ang pormal na tanong ni Tony. Teka muna, ano bang ibig mong sabihin sa salitang love.

Love. Pag-ibig. Na nadama para sa isang babae, sa una pa lamang pagtatama ng mga paningin. Pag-ibig. Damdaming magkakaroon lamang ng kaganapan sa pamamagitan ng pagpapakasal sa dalagang itinatangi. Kahit na ang dalagang iyon ay noon lamang niya nakita. At nakilala.

Pinilit pa rin niya ang tumawa. At magpatawa. Dahil kinukutuban na siya . At kinakabahan. Wow, how romantic naman...

Hindi madaling madala ng mga biro si Tony. Naniniwala ka ba, Lea?

Wala siyang magawa. Tumango siya.

Kinabukasan, dumating sa kanilang bahay si Tony. May dalang tsokolate..

Ba't mo nalamang gusto ko ng tsokolate? Ng brand na ito? Tanong niya.

Ganyan ang pag-ibig. Pinag-aaralan ng nagmamahal ang gusto, hilig ng minamahal, ang walang paligoy-ligoy na sagot ni Tony.

Deretsahan na rin lamang, nakilaro na siya. Huwag mong sabihin...

Pormal na naman si Tony. Sinasabi ko, Lea. Love at first sight. Nakahanda akong pakasal. Name the date.

Uminit-lumamig ang kanyang pakiramdam. Hindi ka ba natakot magsabi ng ganyan, Tony?

Bakit ako matatakot?

Tumawa na naman siya. Na baka ako sumagot ng oo, e, mapasubo ka.

Umiling si Tony. Kilala ko ang aking sarili at alam ko ang aking gusto. Sa halos lahat ng bagay. At lalo na sa babae.

Matapat magsalita si Tony. Iyon ang impresyong nakuha niya sa maikling panahong ipinagkakilala nila. Siya ay natangay.

Boyfriend mo na siya, hindi makapaniwalang tanong ng kanyang kapatid.

Huwag mong sasabihin sa mga old, ang isinagot niya.

Baka kung ano ang pamilya niyan.

Umiling siya. Walang problema. Good family sina Tony. Anong akala mo. Hindi man lang ako nagtanong.

Waring hindi nadala ng kanyang paliwanag ang kapatid niya. Pero baka lokohin ka lang. Agad-agad kang sumagot riyan. Nagpahalata ka agad.

Ito pala, ang sabi niya. Walang lokohan kami ni Tony. Nasa hitsura naman nung tao iyong sinseridad. Niyayaya na nga akong pakasal.

Pakasal. Aba'y tatatlong buwan pa lamang kayong magkakilala.

Sa konserbatibong pamilya na tulad nila, ang bagay na iyon ay kahindik- hindik, wika nga. Sabi ng kanyang ina. Lea, anak, baka hindi magkabagang ang inyong ugali. Ba't di muna kayo magkilalanan. Oras na makasal kayo'y di ka na makauurong.

Ang katwiran niya ay ang katwirang narinig niya kay Tony. Ang mahalaga ay ang pagmamahalan. Kapag may pagmamahal, napag-aaralan ang ugali. Ang pakikisama ay nagiging madali.

Ang tatlong buwang pagkikilala nila ni Tony ay hinusto nilang anim para sa ikatatahimik ng loob ng mga matatanda, bago sila napakasal. At namuhay nang sarili. At nagkilalanan ng mga ugali.

Maagang gumising sa umaga si Tony. Teka muna, ang aga pa, pipigilin niya ito. Nakabangon na't bumababa sa katre ay hihilahin pa rin niya ito.

Hahalikan siya ni Tony. Naku, itong misis ko. Kundi nga lang kailangang maaga akong pumasok sa opisina...

Ganoon si Tony. Iyong tipong tinatawag na lark. Maagang gumising dahil gusto'y maagang dumating sa opisina.. Samantalang siya naman ay iyong buhay na buhay sa gabi, iyong tipong tinatawag na owl....

Naku, e, gusto ko pang matulog. Saka masarap mag-inin sa higaan. Saka hindi naman ako pumapasok. Pinatigil na siyang magtrabaho ni Tony na natama naman sa pagsasara ng kompanyang pinapasukan niya. Hindi na siya pinapaghanap ng bagong trabaho sa bahay na lang daw siya. Na gusto naman niya.

Mahusay ang kanilang katulong. Katulong ito ng kanyang ina na ibinigay sa kanya. Areglado ang pagkain ni Tony sa umaga. Talagang hindi na siya kailangang bumangon pa upang maghanda. Kapag bihis na si Tony at napapakiramdaman niyang malapit nang umalis, saka lamang siya kikilos upang maihatid naman niya ito sa pintuan ng kanilang bakuran.

Wala akong maipipintas kay Tony, pamamalita niya sa kanyang kapatid. Nakuha kaagad niya ang aking ugali. Wala kaming pagkakagalitan.

Bakit nga hindi. Minsan lamang niyang sinabi kay Tony. Hindi ako makakatulog nang bukas ang ilaw ng lampara. Magbuhat noon, hindi na nagbabasa sa higaan si Tony. Lagi na, ito'y sa sopa sa salas hihilig at doon magbabasa ng kung anumang kailangan nitong basahin. At pagbabalik nito sa katre ay halos hindi na niya namamalayan.

Nang maglihi siya sa kanilang panganay ay hindi niya nagustuhan ang amoy ng pomada ni Tony. Pinapalitan niya. Ngunit nakapanganak na siya't gumagapang na ang kanilang anak ay ayaw pa rin niyang ibalik sa dati ang pomadang gamit nito. Nakaayawan na niya. Payag naman si Tony.

Tuwing ikalawang linggo ay dumadalaw sila sa pamilya nina Tony. Dumating ang panahong nanghinawa siya. Ang sabi niya sa asawa. Nothing personal. Nahihirapan ako. Ang liit pa ni baby. Saka kung minsan, natatapat na wala ako sa mood. E kailangang sa paghaharap-harap namin ng mga inay mo, e dapat namang masaya ako. Mahirap para sa akin. Isang ugali ko iyong hindi mapagkunwari. Kung ano talaga ang nasa loob ko, ganoon ang ilalabas ko. Kaya ang mabuti, umuwi tayo kung kailan lamang natin gusto. Hindi iyong tuwing ganoong araw, umuulan man o bumabagyo.

Dumalang ang pag-uwi nila at pagdalaw sa pamilya nina Tony.

Ang paminsang-minsang pagdadala ng mga kaibigan ni Tony sa kanilang bahay ay kaniya ring pinansin. Ito'y hindi na naulit.

At maligaya na sana siya nang unti-unti mayroon siyang napansin kay Tony. Ba't di mo ipaputol ang iyong buhok. Pareho noong una kitang nakilala.

Ang haba ng kanyang ungol. Gusto ko yata nang mahaba.

Pero gusto ko para sa iyo ang maigsing putol ng buhok.

Umiling siyang muli.

Minsan naman. Maganda naman ang pilik mo, ba't naglalagay ka pa ng false eyelashes, tanong nito.

Pero sa party lang naman ako naglalagay, katwiran niya.

Mas gusto ko ang wala, giit nito.

Pero gusto niya. At siya rin ang nasunod. Sa bagay na iyon at sa marami pang bagay na ipinansin sa kanya ni Tony. Napakaraming bagay na ang kahuli- hulihan ay ang pagyayaya sa kanya tuwing umaga na ito ay sabayan niya sa pag-aalmusal. Na katuwas sa ugali niyang mag-inin sa pagkakahiga. Matulog hanggang sikatan ng araw. Tuloy naging dahilan nang pag-alis ni Tony nang hindi man lamang siya tinapunan ng tingin.

Ugali rin ni Lea ang umalis ng bahay kapag may sama ng loob. Sa bahay nina Flor niya naisipang magpunta. Sa kasayahang idinaos kina Flor niya nakilala si Tony. Magkinakapatid ang dalawa.

“Bakit mo nalamang narito ako sa bahay?” salubong ni Flor.

“Tumawag ako sa opisina ninyo. May trangki ka raw. Kaya eto dinalaw kita.”

Tumawa si Flor. “Sarap naman. O, bakit ka nga napasyal, iyong totoo?”

Inirapan ni Lea ang kaibigan. “Dibersiyon, iha. At sa lagay, ngayong may asawa na ako, patatali na sa bahay?. Kaunting paglilibang. Pagdalaw sa dating barkada.”

“Tama ang sinabi mo,” ayon ni Flor. “Nagrereklamo na nga itong mga kaibigan ni Tony. Sina Noli, natatandaan mo? Bago kayo nakasal, laging magkakasama ang mga iyan. Sa lahat ng lakaran. Nang patali na nga itong si Tony, minsan lang silang napunta sa inyong bahay. Medyo humiwalay na yata itong asawa mo. Nasa estado na raw siya. At siyempre, pwera na ang barkada.”

Alam ni Lea ang bagay na iyon. Di ba nga sa kanyang bibig pa nanggaling ang mga salitang iyon? Nasa estado ka na, Tony. Siyempre, pwera na ang barkada.

Marami pang kwento si Flor. “O, ano kumusta bang tatay ni Tony. Balita nami'y nagkasakit. Alam mo na, itinatanong ng tatay ko, dahil magkumpare ang dalawang iyon. Tinawagan ko si Tony sa opisina dahil tiyak na makababalita ako sa kanya. Very close iyang si Tony sa magulang niya. Pero wala siya noon.”

Alam rin niya ang pagkakasakit na iyon ng kanyang biyenan. Hindi siya sumamang umuwi kay Tony. Masama ang kanyang pakiramdam, ang pagdadahilan niya. Ano na kaya ang inisip ni Tony noon. Ang umukilkil na tanong sa kanyang isipan ng mga sandaling iyon ng pakikipag-usap kay Flor.
.
Tumayo siya. “O sige, aalis na ko, Flor. Sinilip lang kita kung talagang may sakit ka.”

“Natural! Ano sa palagay mo, naglalakwatsa lang ako? 'Paris mo ngayon! O, saan pa ang lakad mo?”

“Dadaan pa ko sa downtown. Ibibili ko ng pomada si Tony.” At sa likod ng kanyang isipan, hinagilap pa kung anu-ano ang mga bagay na bibilhin niyang gusto nito, hindi iyong gusto niya.

May sinabi si Flor. Ang dating brand ng pomada ni Tony. “Talagang iyon ang paborito ni Tony. Sa akin nga madalas makibili iyan noon. Alam mo kung saan mabibili ang pomadang iyon? Sa ilalim ng Quiapo. Maraming px dun.”

Si Tony. Ang kirot ay damang-dama ni Lea. Anu-ano pang mga bagay ang ginawa at hindi ginawa ni Tony alang-alang sa kanya? Sa pakikibagay sa kanyang ugali. Sa maayos at matahimik na pagsasama nilang mag-asawa.

Kapag may pag-ibig. Dahil ganyan ang pag-ibig... si Tony ang may sabi noon. At halos sa lahat ng bagay, pinatotohanan nito ang pag-ibig sa kanya. Ngunit siya? Ano ang kanyang ginawa? May pagkabaklang nadama si Lea. Bago mawala ang pag-ibig ni Tony sa kanya... kailangang may gawin siya... o baguhin... para maipakita rito kung gaano rin niya kamahal ito... Dahil tunay na mahal niya si Tony... handa rin siyang magbago, pakibagayan ito... Sana, sana'y hindi pa huli ang lahat...

“Sige, Flor. Dadaan pa nga pala ako sa beauty parlour. Alam mo'y gusto ni Tony na ipaputol ko itong buhok ko.”

Haaay, pag-ibig, ang tawa lang ni Flor.

At may kasiyahang nadama si Lea.


(Nalathala rin ito sa Liwayway, marahil ay noong mid-70s, ngunit sa kasamaang-palad, nawala rin ang aking kopya. Salamat na lamang at nakakuha pa ako ng duplicate sa mga nahalungkat ni Ondoy.)

Friday, October 1, 2010

LOVE AT FIRST SIGHT


LOVE AT FIRST SIGHT

Nakatutuwang makinig sa mga kwentuhan ng mga pag-asawahan. Kung paano sila nagkakilala. Kung paano nagkaligawan. Love at first sight ba? O nadebelop lamang, kumbaga. Parang binhi ng halamang unti-unting kumapit ang ugat sa matabang lupa at yumabong ang mga sanga't dahon sa tulong ng sikat ng araw at dilig ng ulan. Kayo ba, love at first sight din? Do share... kwentuhan tayo. Sige na naman...

May dinaluhan akong okasyon minsan, surprise party ng isang lalaki sa kanyang kabiyak. Siempre, imbitado ang mga kamag-anak at kaibigan nilang mag-asawa. Lagi, ang inaabangan ko sa mga ganitong kasayahan ay ang inihandang programa. Natutuwa akong makinig sa mga “toasting” and “roasting” na ginagawa nila. Ang natatandaan ko sa nasabing surprise party ay ang sinabi ng lalaki tungkol sa kanyang asawa. Nang una raw niyang makita ito, agad niyang sinabi sa kanyang sarili, this is the woman I'm going to marry. Love at first sight ba ito? Parang higit pa, dahil may commitment agad siya sa sarili. Iyong ibang love at first sight, dahil nagandahan lang, at gustong magka-girlfriend ng maganda, bahala na ang kasunod na kabanata. Kilig ako sa mga naririnig na ganitong pronouncements ng mga lalaki tungkol sa kanilang napangasawa.

May isa namang kwento. Tag-ulan daw noon. Baha. At sa paglalakad niya sa kalsada sa kanilang baryo ay nasundan niya ang isang dalagang sa paglalakad sa baha ay inilililis pa nang bahagya ang suot na palda upang hindi ito mabasa. Kaya nakita niya ang makinis at maputing binti, na sa paminsang pagtaas ng palda, pati alak-alakan ng dalaga ay nasusulyapan niya. Love at first sight naman ng binti ito. At sinabi rin niya sa sarili, ito ang dalagang pakakasalan ko!

May isa pang kwento akong alam tungkol sa love at first sight. Isang reunion iyon ng mga magkakamag-aral sa kolehiyo na ginanap sa isang malaking restoran. Kasama ng lalaking dumalo ang kanyang girlfriend nang makita niya ang isang dalaga na tumawag sa kanyang pansin. Mahinhin, iyon ang tingin niya sa dalaga at nadama niyang ito ang gusto niyang mapangasawa. Gusto pala niya nang mahinhin. Sila nga ang nagkapangasawahan. Ang kwento kalaunan noong dalagang mahinhin, being mahinhin isn't synonimous with being a pushover. Na okey naman pala doon sa lalaki.

Totoo ba ang love at first sight? Sabi noong iba, ang dapat daw itawag dito ay “lust at first sight”, kasi physical attraction lamang ang karaniwang dahilan ng mga ganitong damdamin. Nagandahan sa isang babai, naguwapuhan sa isang lalaki. Ibang kategorya naman iyong humanga sa katalinuhan, o naingganya sa pagkamasayahin o pagkapalabiro, o sa kasipagan, o sa kabaitan. Dahil sa mga nasabing katangian, agad magaan at malapit ang loob sa una pa lamang pagkikita, at sa sarili ay namuo na ang isiping ito ang gusto kong mapangasawa. Parang isang uri rin ng love at first sight.

Okey sana ito kung iyong nagustuhan mong mahinhin sa unang tingin ay talagang mahinhin ay hindi pala mataray. Iyong mabait ay hindi nasa loob ang kulo. Iyong masipag ay tunay ang kasipagan at hindi pakitang-tao lamang. Dahil sabi nga, hanggang hindi raw nagkakasama nang matagal ang dalawang tao ay talagang hindi magkakakilalang mabuti. Kapag nagbubuskahan nga ang ilang mag-asawa, maririnig mo ang “birong-totoo” na kung nalaman ko lamang na ganyan ang ugali mo, di sana kita niligawan!

Naalala ko tuloy ang isang joke. Sabi raw noong lalaki, kung nalaman ko lamang na ganyan ka katanga, di sana kita pinakasalan. Sagot raw noong babai, kung ako'y marunong, di mo 'ko mapapangasawa. Tanga nga, kaya napapayag mo...

Pero, may isang tula si Shakespeare na paborito kong tunay. Ito ay tungkol sa pag-ibig, sa tunay na pag-ibig. Na maaari namang pag-ibig din na nadama sa unang pagtatama ng paningin. Ang mahalaga raw kasi sa pag-iibigan ay kung paano dadalhin ang kakulangan o kapintasan ng isang minamahal. Dahil wala namang taong perpekto. Narito ang Sonnet 116 ni William Shakespeare.

Let me not to the marriage of true minds
Admit impediments. Love is not love
Which alters when it alteration finds,
Or bends with the remover to remove:
O no! it is an ever-fixed mark
That looks on tempests and is never shaken;
It is the star to every wandering bark,
Whose worth's unknown, although his height be taken.
Love's not Time's fool, though rosy lips and cheeks
Within his bending sickle's compass come:
Love alters not with his brief hours and weeks,
But bears it out even to the edge of doom.
If this be error and upon me proved,
I never writ, nor no man ever loved.

Minsan, may nakikilala tayong mag-asawa na hindi maubos-maisip ng marami kung bakit nagkapangasawahan. Ang babai ay ubod ng puti, ang lalaki ay saksakan ng itim. Ang tangkad ng lalaki, ang pandak ng babai. Ang guwapo ng lalaki, aartistahin wika nga, pero, napaka-plain ng babai. May edad ang babai, ang bata ng lalaki. Lolo na ang lalaki, tin-edyer ang babai. Mataas na pusisyon sa opisina ng babai, ordinaryong empleyado ang lalaki. May sinasabi ang pamilya ng isa, mahirap ang napangasawa. Ang tanong ay bakitttttt?

Ang sagot? Pag-ibig. Love at first sight man o hindi, ang sagot ay pag-ibig.

Masyadong profound ang pagkalarawan ni Shakespeare sa tunay na kahulugan ng pag-ibig sa kanyang tula. Pero, sa kwento sa buwan ng Oktubre, simpli lamang ipakikita ng isang ordinaryong pag-asawahan ang kahulugan ng pag-ibig.

Abangan ang SAPAGKAT GANYAN ANG PAG-IBIG !!!


Sunday, September 26, 2010

Ondoy

ONDOY

Bigat ng loob
At tindi ng damdamin
Ating limutin.

Sa pagkaligtas
Buhay, ari-arian
Pasalamatan.

Alalahanin,
Ang pumanaw na mahal,
dasal, ialay.

Saturday, September 25, 2010

Laughter is the Best Medicine


LAUGHTER IS THE BEST MEDICINE


Siguro ay nabalitaan na ninyo ang tungkol sa Laughter Yoga. Sa pagkaalam ko, ito ay isang tipong seminar kung saan itinuturo ang kahalagahan ng pagtawa sa kalusugan, pisikal at mental ng isang tao, na sinasamahan ng mga ehersisyo kung paano ang wastong pagtawa, pati na ang tamang pag-inhale at pag-exhale.

Iba na talaga ang panahon ngayon. Lahat ay sine-seminar na, pati ang pagtawa. Sabagay, may mga taong napakahirap patawanin. Ang damot, sabi nga. Mayroon namang talagang bungisngis, mahipan lang daw ng hangin, natatawa na. Kumbaga, mababaw. Kasama yata kami doon. Dahil, natatandaan ko, noong high school, may barkada kami, naglalakad sa kampus, nang maparaan kami sa tapat ng isang nakahintong kotse. Makintab ang kotse at kahit paano, ibinabalik nito ang bahagyang anino namin, na iba sa natural. Alalaon baga'y parang mga larawang ipinakikita ng magic mirror sa isang karnabal. Matataba at punggok! Ganoon na lamang ang aming pagtawa na hindi matapus-tapos, tuwing masusulyapan ang sarili. Halos ma-dyinggel na nga sa paghalakhak!

Ganyan daw ang mga bata, madaling tumawa. Ngunit sa pagdaraan ng mga taon, waring nalilimutan ng marami ang sining ng pagtawa. Sa dami marahil ng mga responsibilidad na naatang sa mga balikat. Marami ngang mga seniors na talagang nakalimot na yatang tumawa. Parang wala na silang makitang nakatatawa o nakatutuwa sa mundo.(Kaya siguro may nakaisip noong seminar sa laughter-yoga.) Pasalamat na lamang ako at ang marami sa aking mga kakilala ay hindi kabilang dito.

May dinadaluhan akong miting minsan isang buwan na sinisimulan ang mga diskusyon o talakayan sa isang pagpapalitan ng mga jokes. Sabi nga ng facilitator namin, any joke of any color. At totoo namang ang tawanang nagaganap dito ay nakapagpapasarap sa pakiramdam, na ayon sa mga tagapagtaguyod ng laughter is the best medicine, will boost the immune system and promote general wellbeing. Sa totoo lang ulit, matagal na namin itong alam. Kaming... madalas dumalo sa mga high school reunion.

Kayong dumadalo sa mga high school reunion, hindi ba ninyo napapansin, ang sarap ng ating tawanan kapag kasama ang mga dating kaiskwela. Iba talaga. Iba sa tawa kapag ang kahalubilo ay mga bagong kaibigan o kapit-bahay. Iba kapag kababata o kaiskwela. Iba sa tawa kapag mga kaopisina ang kasama.

May nagprisintang magpaliwanag. Kasi, anya, lubos ang pagkakakilala natin sa isa't isa. Magkakaiskwela, magkababata, magkakapit-bahay. Walang itinatago, alam ang likaw ng bituka ng lahat. Alam ang pinagmulan, mahirap kung mahirap, kahit milyunaryo na ngayon. Palagay ang loob, wala ang pretensiyon.

At marami ang sumang-ayon sa nasabing paliwanag. At home, kumbaga, sa isa't isa. Dahil alam ang history. Iyong mga gustong itago ang kanilang nakaraang istorya, iyon ang mga hindi tumatawa sa mga biruan. Karaniwan nga'y iyon ang mga hindi dumadalo sa reunion.

Kapag may reunion, siempre, may mga miting bago ang pagdaraos nito. Ang mga miting na ito ang masasaya. Kaya nga naisipan kong sumulat ng tungkol sa pagtawa ay dahil sa masaya kong miting na dinaluhan kamakailan. Ang nakatutuwa rito ay wala namang kwenta ang mga kwentuhan. Mga simpling sagutan lamang na nauuwi sa malakas at hindi matapus-tapos na halakhakan.

Makinig kayo.

Obserbasyon ng isang may-asawa: Hindi ba ninyo napapansin, Ang mga biyuda, mas gumaganda!

Tawanan na ang grupo sa aming mesa na binubuo ng tatlong biyuda, isang matandang dalaga at ilang may asawa.

Naikwento ko tuloy ang kwento ng isang kakilala tungkol sa kanyang kaiskwela na nang nabiyuda, ay may pilyong nagkomentaryo na umaliwalas ang mukha! Naglalamay raw sila noon at nabulalas lahat sila nang halakhak. 'Kakahiya, ano! Pero natawa sila. At natawa rin ang pinagkwentuhan ko.

Kasunod pa nitong kwento ay tungkol pa rin sa nasabing kaiskwela ng aking kakilala na nakatagpo ang isang kabibiyuda rin na tunay na lungkot na lungkot sa pagkamatay ng kabiyak. Sabi pa nito, gusto ko na ring mamatay... Ang komentaryo ng unang biyuda, gan'on mo siya kamahal? At tigas na tawanan ng aking mga kaharap sa aking kwento. Nakatatawa ba? Maaaring hindi, pero, basta, natawa na naman kami.

Nakisagot ngayon ang isang biyuda na kaharap namin. Talaga namang nakaka-depress ang mamatayan. Siya raw noon, para lamang makatulog, umiinom siya ng siyoktong gabi-gabi, maiwanan ka ba naman ng asawa mo ng anim na anak! At kwarenta anyos pa lang ako!

Kasarapan, sagutan sa paligid, at tawanan kami ulit.

Nang magsalita ang nag-obserbasyon na ang mga biyuda ay mas gumaganda kaysa dati. Ako nga, anya, nitong nakaraang linggo, depressed na depressed... Di ko nga malaman kung bakit...

Sambot agad ang isang kaharap namin. Bakit, dahil buhay pa ang asawa mo?

Hagalpakan na namang umaatikabo. Mababaw, pero masaya, di ba? Ito rin kasi ang nagkwento noon na kaya hindi siya nakarating sa nakaraang miting ay sa dahilang naospital ang kanyang asawa, nadulas raw sa banyo.

Na agad sinundan ng sabi ng mga kaharap, itinulak mo, ano?

He, he, he! Masaya talaga ang mga senior citizens. Todo ang mga biruan.

Pero, ito ang totoo. Tunay na kapag nagkasama-sama ang mga dating magkakaiskwela sa high school, iba ang saya. Bagaman at noong panahong iyon ng pag-aaral, medyo nagkakahiyaan pa ang mga lalaki at babaing magkakaiskwela. At magkakagalit pa 'kamo kung minsan. Kaya nga nakatutuwa, na ngayong nagkita-kitang muli, pagkatapos nang deka-dekadang taong paghihiwalay, ay waring higit na matamis ang pagsasama-sama.

Paliwanag nga ng isa, dahil ito raw ay isang pagtatangka na mahawakan at muling maranasan ang mga taon ng kabataan. Kung paanong ang paghalakhak nang malakas at bigay na bigay ay natural lamang. Spontaneous, kumbaga. Minsan ay nagbubuhat sa tiyan, minsan ay nagbubunga ng paninigas ng sikmura bunga ng naipong hanging hinigop ng bibig sa pagtawang di mapigilan. Ngunit kalaunan ay kusang lumalabas, parang tubig na dumadaloy, naghahanap ng paglalagusan. May pagkakataon ngang ang hagikgik (tawang pinipigil at ayaw pakawalan) ay nauuwi sa “disgrasya”, if you know what I mean!

Marami pang maaring pagkunan ng nakatutuwang bagay na magdudulot ng pang-araw-araw na saya at halakhak. Mga sitcom sa tv, ma-tagalog man o ingles. Variety shows. Mga pelikulang comedy. Sa mga walang hilig sa panonood, subukan ninyong makinig sa usapan ng mga bata, lalo iyong mga eight-year old and below. Pure innocence...

O panoorin ninyo ang mga naglalarong kuting. O tuta. Maaaring hindi kayo mapahalakhak nang matunog, pero sigurado, mapapangiti kayo. At kapag sumilay na ang ngiti sa inyong mga labi, gagaan ang inyong pakiramdam, magiging positibo ang inyong tingin sa paligid, at lalayo ang sakit o anumang karamdaman.

Dahil... laughter is the best medicine!

Smile !!!