Thursday, August 20, 2015

THROWBACK - I Love You



THROWBACK



Nang ang "I Love You"ay laman ng bawat greeting card ng mga bata. Na para bang ramdam na ramdam nila, hindi na pinoproseso ng utak, basta isinusulat na lamang. Lahat ng mga natanggap kong ganito ay tinipon ko at itinago, ngunit nang dumating si Ondoy ay hindi Ito pinatawad. Sa kabila nito, pinagtiyagaan kong patuyuin ang ilan at muling ipunin. 


Sa pana-panahon, naiisipan ko itong buklatin at basahin at minsan nga ay ipinapaskel ko pa sa pinto ng aming ref. Sabi nga ng mga anak ko ay hint, hint!



Sa pagkakataong ito ay nais kong ibahagi ang mga ito sa tagasubaybay ng aking blog.





I love you! Ang sarap pakinggan, nakatataba ng puso!



Sa lahat ng mga may kaarawan ngayong buwan ng Agosto.............. I Love You, too!


Sunday, August 16, 2015

Bagong Kwento sa Liwayway



Ang Dalawang Daigdig ni Manang

Ito ang pamagat ng bago kong kwento na ilalathala sa Liwayway sa darating na Agosto 31, 2015. Pero tulad ng kanilang kalakaran, ilalabas na ito sa mga newsstand sa mga petsa Agosto 24 o 25 siguro ayon sa kanilang text advice sa akin.  Advance kumbaga. Ang magandang balita, mabibili na rin ito sa National Bookstore. Kaya nang naubusan ako sa tindahan ng sipi ng LIwayway na kinaroroonan ng kwento kong Magic Jack, na inilathala noong Agosto 10, naabutan ko pa ito sa bookstore. Galing!

Naiiba ang kwentong ito. Totoong persona bagaman at ang kwento ay likhang-isip lamang. Kumbaga ay kasunod ito ng kwento kong nanalo sa Palanca contest noon na may pamagat na Si Regina at Ako.

Bili kayo, ha? At may mga kwento pang kasunod! Kaya pasensiya muna at hindi ako nakapaglalagay ng mga dating kwento dito sa blog.



At huwag kalimutan ang isang tulakis sa ilalim nito.

Bakit Nga Ba - Isang Tulakis



Bakit Nga Ba?

Ang ulang tikatik,
Bakit bihira na,   
napupuna mo ba?
Ang mumunting patak, nagbabadyang ambon,
Kasunod na’y buhos kapara ay unos,
Di pa nabubuksan ang payong na tiklop,
basa na ang tuktok. 
Bakit nga ba?

Katulad ng mangga,
Na dati’y Mayo lang kung ating anihin,
Kasabay ng suman kung ating kainin,
Bungang manibalang sinusungkit-sungkit
ng mga  pilyong binatilyo 
Pang-alay sa dalagitang gusto,
Tingnan ngayo’t hambalang nang nakatinda
sa  palengke at  mga bangketa,
mula Enero hanggang Disyembre.
Mga manggang iba ang lasa. 
Bakit nga ba?

Napapansin mo ba,
Ngayon ang babai
Di na mahiyaing katulad nang dati.
Ang pinakatatagong ni ayaw ‘pasilip na mayamang dibdib; 
Noon, sa pagyuku-yuko, para di makita,
tutop ng palad, leeg ng bestida
Pero ngayo’y lantaran nang ibinibilad,
Parang sa talipapa na  isdang nakabutadtad,
Na ayaw nang iuwi, gusto nang mabili,
kahit na palugi. 
Bakit nga ba?

Ang mga mag-asawa,
Ngayon ay iba na.
Hiwalay na agad, munting pagkabisala
Wala nang martir na babai, 
Wala nang matinong lalaki,
Wala nang querida,
Sila’y de-numerong asawa;
Walang ilehitimong anak,
Kundi ilehitimo lamang na ina.
O ama. 
Bakit nga ba?  

Bakit saan nagkasuut-suot
Niyaring diwang nayayamot
Dahil lang sa nabasang tuktok
Di mabuksang payong, nakatiklop,
Mumunting patak ng ulan
Ngayon ay ibinubuhos,
Buhay ko’y inuunos...
Nasaan na ang ulang tikatik?
Napupuna mo ba, ang lintik
Sa kulog ay laging una.
Bakit nga ba?

Mayo 26, 2007

Saturday, August 8, 2015


MAGIC JACK

Sa katatapos na isyu ng Liwayway, may petsang Agosto 10, ay inilabas ang aking kwentong MAGIC JACK. Kamakailan ay nagkakonek kami ng isang staffer ng Liwayway at nabanggit ang bakit di ako muling magsulat. Bakit nga ba hindi? Kaya heto, ginaganahan na naman... Maghanap na kayo ng kopya. Ako'y muntik nang walang abutan, heheheh...

Nais ko lamang ilagay dito ang kauna-unahang feedback na tinanggap ko tungkol sa nasabing kwento. Galing ito kay Gloria D. ng Tribung Pinoy, na tunay namang isa kong matapat na tagasubaybay. Narito ang kanyang text: Ang galing mong magpa-hinayang...laging...sana... nagtapatan agad! Ay, nako!

Nabasa na raw niya ang kwento bago pa ako nagtext sa kanya. Anya'y aba, walang makaliligtas basta ikaw. From Pulilan pa nabili. Dinala kahapon sa QC.

Di ba nakatataba ng puso? At narito pa ang isa, via email naman. Isang linya lamang ang ilalagay ko: Merong parte na natutulad sa buhay ko. Bagama't may kinanting lungkot, sobrang nag-enjoy daw siya sa kwento. Galing talaga, anya pa.

Narito ang cover ng Liwayway. Nasa cover ang Magic Jack.






Bili na kayo...