MARSO. Tapos na
ang malalamig na araw at gabi, ang nanunuot sa buto na simoy ng hanging
amihan. Narito na ang tag-init. Ang panahon ng nalalapit na bakasyon, ng
matatapos nang pagpasok sa iskwela. Na
ang ibig sabihin ay panahon rin ng mga school fair, ng mga Prom, ng mga soiree.
Na hindi namin masyadong naranasan ng aming
kapanahunan. Ang mga fair ay bihirang
mangyari sa iskwelahan noon. Ang mga
ferris wheel at sari-saring booth na may samu’t saring exhibits o palabas ay
tuwing piyesta lamang ng bayan nakikita sa may patyo ng simbahan. Natatandaan
pa ba ninyo iyong babaing sirena raw? Ang dalagang dalawang piye lamang ang
taas? Ang taong gubat?
Ang mga prom naman ay ang tinatawag naming
Junior-Senior’s Prom na sinasalihan ng mga nasa ikatlo at ikaapat ng taon ng
pag-aaral sa high school (at ang detalyadong paglalarawan nito ay mababasa sa
ilalabas kong ikaapat na libro sa 2016, ang Sa
Pag-ibig, Parehas ang Laban).
Ang soiree? Jam
Session o Barn Dance – iyan ang aming pinaka-soiree noon kung saan nagkakatagpo
ang mga teenagers. Doon nabubuo ang mga first love, love at first sight, young
love na pinananaligang maitaguyod hanggang dumating ang panahong totohanan na,
ito na talaga. Ngunit, nangyayari
ba?
Narito ang isang kwento na marahil, makaka-relate
kayo. O nangyari sa isang kaibigan o
kakilala ninyo. Noong panahong usung-uso
ang pag-alis ng mga nais magtrabaho abroad.
Nang mga araw na hindi pa naman uso ang magkaroon ng celfone ang mga
ordinaryong taong tulad natin. Pager pa
yata. Saka di pa pangkaraniwan ang
pagkakaroon ng computer sa mga bahay, kaya wala pang email. Snail mail pa. At kay mahal ng overseas phone call.
Narito ang isang kwentong may kaunting kurot sa
puso. Ang…
SAYANG
NA PAG-IBIG
REYUNYON sa high school. Sampung taon na ang nakalilipas
mula nang iwanan nila ang kolehiyong pinasukan nila mula kinder, prep, grade
one hanggang seven, apat na taon sa high shool.
A, ang high school days ng mga school fair at soiree kung
saan nakakahalubilo nila ang mga istudyante ng exclusive boys school na kapit-
paaralan nila. Mga araw sa high school ng mga panakaw na pagpunta sa mga mall
sa Cubao, sa Greenhills, sa Eagle’s Nest sa papuntang Antipolo.
Ang sarap pagbalikan
ang masasayang araw na iyon bagaman sa nakaraang reyunyon, may bagong napag-uusapan,
napagtutuuan ng pansin. Sa halos sabay-sabay nilang edad na dalawampu’t pito,
sino sa kanila ang mga dalaga pa, may prospect pero walang boyfriend, may
boyfriend at may balak nang pakasal, may asawa na pero wala pang anak, at ang
mga may asawa na at anak.
Nakakatawa. Si Lorie na siyang pinakasimpli at pinakamahinhin
sa kanilang klase ang unang-unang nag-asawa, apat na ang anak. Akala nila noon,
magmamadre ito, iyon pala’y closet kikay ito.
Marami-rami na rin ang may asawa, halos kakakasal lamang,
at mga may boyfriend na malapit nang magpakasal. Pero siya, hindi niya alam kung saang
kategorya lalagay.
“Ano ba, Gigi. Sino ba ngayon?” ang tanungan.
“Exuse me,” sabi niya. “Hindi ako papalit-palit, ‘no?”
Sabay-sabay ang bulalas. “Don’t tell us, si Bonnie pa rin
hanggang ngayon!”
Tumaas ang kanyang kilay. “Ano’ng sama noon. Matibay, e…”
May nakaalala. “Third year high school pa lang nang
ligawan ka niya.”
“Sa college fair nila,” may sumabad. “Hoy, di ba na-jail
kayong dalawa ni Bonnie. At du’n ka dinigahan, saka maghapon kayong naka-handcuff.
Kaya di ka makahiwalay, pero enjoy naman. Teka, kailan mo nga siya sinagot?”
“Nu’ng senior na tayo. Prom night.”
“Ay, oo, ganda nga ng corsage na bigay niya, catleya. Na
dinugas pala niya sa garden ng Mama niya. Hahaha.”
Si Bonnie, kilalang-kilala ng kanyang barkada sa high
school. Paano, lagi itong nakaabang sa may labasan ng kanilang iskwelahan. At
may padulas lagi sa kanyang mga kaibigan. Imported na chocolate.
May nagtanong. “Ibig mong sabihin, sampung taon na kayong on
ni Bonnie.”
Tumango siya.
“Wala ka nang naging ibang boyfriend at si Bonnie ay wala
ring nagIng ibang girlfriend.”
Tumango ulit siya.
May nag-usisa. “E, kailan naman ninyo balak pakasal?”
Doon siya hindi nakasagot. Kaya nga hindi niya malaman
kung saang kategorya siya lalagay dahil may boyfriend nga siya pero wala pa
silang balak magpakasal. “Nag-iipon pa kami,” nahagilap niyang sagot.
Tinatanggap ng kanyang mga kaharap ang kanyang dahilan
ngunit may sinabi si Lorie na nakabahala sa kanya. “Ang tagal na ninyong magboyfriend, baka kayo
magkalamigan. Sayang naman.”
May gusto pa sana siyang sabihin sa kanyang barkada
tungkol kay Bonnie na sa kasalukuyan ay wala ito sa bansa, nasa abroad at doon
nag-iipon ngunit dahil sa sinabi ni Lorie, hindi na niya itinuloy. Tiyak na mag-iimbita
ito ng negatibong komentaryo at sa kalagayan ng kanyang damdamin ng mga
sandaling iyon, sasama pang lalo ang kanyang loob.
DALAWANG
beses isang buwan kung mag-usap sila sa telepono ni Bonnie. Iskedyul iyon, pero
kung may mahalagang bagay na gusto nilang ipaalam sa isa’t isa, nagtatawagan
sila nang bukod. Pagkatapos ng reyunyon nila sa high school, nadama ni Gigi na
gusto niyang makausap si Bonnie. Makuwentuhan ng mga nangyari.
“Masaya ba?” tanong ni Bonnie.
“Ang saya. Ang daming nag-attend. At ang dami nang may
asawa. Kilala mo siguro si Lorie, iyong akala nami’y magmamaddre nu’ng araw.
Naku, apat na ang anak. Siya ang unang-unang nag-asawa.”
“E hindi ka ba tinukso ng barkada mo?”
“Bakit?”
“Ikaw ang unang-unang naligawan sa kanila, unang-unang
nagka-boyfriend sa barkada pero hanggang ngayon, hindi pa rin nag-aasawa.”
Ang tawa niya. “Nagulat nga sila. Hindi nila akalain na
tayo pa ring dalawa.”
Natawa rin si Bonnie. “Wala bang nag-comment na ang
boring naman, walang variety.”
Hindi niya nagustuhan ang sinabi ni Bonnie. “Bakit,
boring na ba sa iyo ang relasyon natin?”
“Oooops, wala akong sinasabing ganyan,” mabilis na wika
ni Bonnie.
Hindi siya kumibo. Gi,
akala siguro ni Bonnie, wala na siya sa telepono.
Umungol siya, para kasing may nakaharang sa kanyang
lalamunan. Saka naiinis siya kay Bonnie. Bakit nga ba hindi pa sila
nagpapakasal. Bakit kailangang mag-ipon
pa. hindi naman kailangang en grande ang kasal. Puwedeng pamilya’t mga ninong
lamang.
Si Bonnie. “Sinabi mo bang nag-iipon lang tayo.”
Hindi niya napigil ang sarili, nakahulagpos ang tanong. “E
bakit ba kailangang mag-ipon pa.”
“Gi, pinag-usapan na natin ito, di ba. na gusto nating
makabili ng isang lote, makapagpagawa kahit maliit munang bunggalo saka tayo
pakakasal.”
Maaari naman tayong mangupahan. O doon muna sa amin.
Mabait naman si Mommy.”
“O sa amin. Mabait din naman ang Mama ko,”
naghahamon ang
tinig ni Bonnie.
“Kahit naman saan, ang importatante ay tayong dalawa,? pagpapaubaya
niya.
Narinig niya ang buntong-hininga ni Bonnie, ang lalim.
Bigla siyang kinabahan. Ganoon kasi si Bonnie kapag may mahalagang bagay na
sasabihin. Nang manligaw ito sa kanya. Noong sabihing pupunta at dadalawin siya
sa kanilang bahay. Nang unang ipagpaalam siya sa kanyang daddiy na lalabas sila
dahil birthday nito. At ang hindi niya
malilimutan, nang sabihin sa kanya na may passport na ito at visa magtatrabaho sa
abroad. “Gigi…”
“Ano?” pigil ang kanyang paghinga.
“Di ba ang sabi ko nu’n, pagkatapos ng kontrata ko sa
isang taon, uuwi na ‘ko.”
Para siyang nanlamig. “Sabi mo nga.”
Hindi agad sumagot si Bonnie. Para niya itong nakikita,
nag-iisip ng sasabihin. At lalong lumakas ang tahip ng kanyang dibdib. “Alam mo kasi,” at tumikhim si Bonnie, “pinapipirma
na naman ako sa isang bagong kontrata, na napakaganda ng terms, may kasamang
training na malaking- malaki ang maitutulong sa career ko. Lalo’t magsasarili ako pagdating diyan sa
atin.”
Siya naman ang huminga nang malalim. “Ibig mong sabihin,
interesado ka sa bagong kontrata?”
“It’s not everyday that one gets this opportunity,”
seryoso si Bonnie.
“Alam ko,” ayon niya.
“Kaya lang… parang napakatagal na ng aking ipinaghintay.”
“Gigi!” Napalakas ang tinig ni Bonnie.
“Parang di ko na kayang maghintay pa, Bonnie.”
“Gigi, makinig ka sa akin…”
Ngunit para siyang nasusian. Hindi na mapigil sa
pagsasalita. “Siguro Bonnie, masyadong napaaga ang pagkakaroon natin ng
relasyon. Kaagad naging mag-steady. Hindi na nagkaroon ng pagkakataong tumingin
sa iba, makihalubilo sa iba. Tama ka. Totoo yon. Parang naging boring, walang
variety. Okey lang naman sa akin, dahil happy naman ako sa iyo. Dahil din, may
tinatanaw ako, iyong araw ng pagpapakasal natin, pagiging mag- asawa na siyang
magbibigay ng bagong sigla sa ating relasyon.”
“Talaga namang magpapakasal tayo,” singit ni Bonnie.
“Noon, sabi mo pagkatapos ng college, basta’t stable na
ang trabaho natin,” patuloy niya. “Dumating iyon pero ano’ng ginawa mo.
Nagpunta ka diyan, nag-abroad. Madali kamong makakaipon ng pera. Okey,
naniniwala ako du’n. Nang matatapos na ang iyong kontrata at handang-handa na
ako sa iyong pag-uwi, sabi mo’y may offer kang mag-renew. Sayang na hindi mo
tanggapin, mas maganda ang terms kaysa dati. E di pumayag naman ako. Ngayon,
may bago na namang offer. Walang katapusan ‘yan. Paano na?”
“Last na ito, Gi…”
“Ewan,. Bonnie. Ewan.”
“Talagang ito na ang huli.”
“A, Bonnie, siguro, mabuting maghiwalay muna tayo.”
Nagulat na siya sa kanyang sinabi. Talagang nadala siya
ng kanyang damdamin.
“Ano'ng ibig mong sabihin?” kaylamig ng tinig ni Bonnie.
“Let’s take a breather,” sagot naman niya.
Muli, narinig niya ang paghinga nang malalim ni Bonnie. “Kung
iyan ang gusto mo, sige…”
Siya naman ang hindi kaagad nakasagot. Ang inaasahan sana
niyang reaksiyon ni Bonnie ay matinding pagtutol sa kanyang sinabi. Na hindi
nito ginawa. Sa halip ay pumayag agad, na parang bale wala dito na
nagmumungkahi siya ng paghihiwalay. “All I want is for you to finish your contract,
come home and marry as planned,” kanyang wika.
“And all I wish is for you to understand why I’m renewing
my contract,” sagot naman ni Bonnie.
A, ang katulad nila ng mga sandaling iyon ay isang immovable
object at isang irresistible force. “Sorry
Bonnie,” tangi niyang nasabi.
“Sorry din, Gigi,” ang sagot ni Bonnie.
At ganoon lang, tapos na. Ni walang malaking away na
pinagmulan. Walang ibang taong kasangkot. Walang kadahi-dahilan.
Wala nga kaya?
REYUNYON na
naman sa high school. Limang taon mula nang huli nilang pagkikita. Laking gulat
ng mga kaiskwela niya nang ipakilala niya ang kanyang kasama. “My husband, Marc…”
Nagkagulo ang mga ito. Ano’ng nangyari kay Bonnie, ang bulungan.
“Ewan ko,” sagot niya. “Alam ko’y nasa abroad.” Ibig niyang
sabihin, nasa abroad pa.
Sabi ni Lorie, “Sayang naman. Sampung taon!”
At kahit maligaya siya sa piling ni Marc, paminsan-minsan,
sa kanyang pag-iisa, lalo at dumarating ang panahon ng mga school fair, prom,
at soiree ng mga estudyante sa kolehiyong pinagtuturuan niya, nakadarama rin
siya ng panghihinayang.
Agosto
10, 1992, Liwayway