Wednesday, September 21, 2016

Sa Pag-ibig, Parehas ang Laban:

Bilang pagdiriwang sa isang Natatanging Araw ...

Narito na ang aking Panganay na Nobela:

SA PAG-IBIG, PAREHAS ANG LABAN

Na ang pabalat ay sa arrangement, kumbaga ay choreography ng aking Panganay na Anak:

Nahiling ko lamang na magkaroon ng cover 
reenactment at pinagbigyan naman ako.













Ito na iyon.















 

At ito ang tunay na pabalat ng aklat na ngayon 
ay handa na sa inyong pagbasa.


Ang aking unang pagtatangka na makasulat ng isang nobela. Isang nobela na noong aking ginagawa ay waring tubig sa isang batis na tuluy-tuloy na sa pagdaloy ang mga salita, ang mga pangyayari. 

Para bang ang mga nilalang sa loob ng nobela ay nagkaroon ng buhay – humihinga, nangangarap, humahalakhak, umiiyak, nagagalit, nasisiyahan. 

At naging sunud-sunuran na lamang akong sinundan ang bawat sandali sa kanilang buhay, pinakinggan ang kanilang sinasabi at dinama ang mga damdamin nilang dinadala habang tuloy sa paghahabulan ang aking mga daliri sa pagtipa sa makinilya.  

Ito ay kwento ng isang pagkakaibigang nangyari sa isang naiibang panahon, ng mga taong isinilang sa isang naiibang henerasyon. Isang pagkakaibigang nabuo mula kamusmusan na hindi nabuwag ng mga pagsubok sa pagtahak nila sa buhay na kinamulatan hanggang sa kasalukuyan.


Dadalhin kayo ng nobelang ito, Sa Pag-ibig, Parehas ang Laban, sa isang hindi kalayuang nakalipas na ginalawan ng mga taong para bang tunay ninyong nakasalamuha, nakilala, minahal. 


Sa bawat pahina ay makabubuo kayo ng larawan nila, kung paano sila mag-usap, kung paano sila kumilos at kung paano nila hinarap ang mga problema nila sa puso at pag-ibig na kinasangkutan ng kanilang pagkakaibigan.

Ito nga ang una kong nobela, ang katuparan ng aking mapangahas na pagtatangka sa pagsulat na higit pa sa maiikling kuwento ay naisaaklat na ngayon. Narito na. Handa na sa inyong pagbasa. 

Kaya ihanda na rin ninyo ang inyong sarili na makisalamuha sa mga taong inilalarawan doon. O kilalanin ang inyong sarili, kung ikaw ba...

Si Ellen? 

O ikaw si Stella?

O ang mga lalaking kanilang minahal...

Si Romeo... si Sangkong Eric... si Albert...

SA PAG-IBIG, PAREHAS ANG LABAN - ISANG SULYAP SA NILALAMAN



ISANG SULYAP SA NILALAMAN

SA PAG-IBIG, PAREHAS ANG LABAN


isa:  Kapag Nasaktan, Lumaban

        Kung Hindi Makalaban, Lumisan                      1

dalawa:  Best Friend                                                9

tatlo:  Si Telly at si Ellie                                          17

apat:  Ideal Man                                                       26

lima:  High School Crush                                         36

anim:  Bakasyon                                                       46

pito:  Ang Pasiya                                                     59

walo:  Maynila                                                         74

siyam:  Heartaches                                                   93

sampu: Panibagong Yugto                                       117

labing-isa:  Albert                                                   152

labindalawa:  Nagising na Tatsulok                       163

labintatlo:  Ang Liham                                          212

labing-apat:  Pag-aasawa, Pagpapamilya             215

labinlima:  Si Albert at si Stella                              261

labing-anim:  Naiibang Kabanata                           300

labimpito:  Sa Pag-ibig, Parehas ang Laban         313


EPILOGO
 
Boda de Plata                                                          330


Tuesday, September 20, 2016

Alay sa mga Nagdiriwang ng kanilang Anibersaryo





Sabi ng Babae -


Di mo na hinahawakan
Kamay kong kulubot
Di mo na hinihimas
Maputi kong buhok
Pagdating ng gabi
Agad nang inaantok
Ang dating lambingan
Nalimutan nang lubos.

Sabi ng Lalaki -
Di mo na niluluto 
Ulam na paborito
Di na pinakikinggan
Ang aking mga kuwento
Teleserye sa tv
Higit mo pang gusto
Ano ang nangyari't
Tayo'y nagkaganito?

Sabi ng Konsensiya -

Kayo ay tumanda
E, ano ngayon?
Mga número lamang
Ang dagdag na taon
Dinadalang sakit
Mataas na presyon
Huwag gawing sagabal
Sa buhay na layon.

Lalaki, kamay ng asawa ay iyong hawakan
Ito'y nangulubot pagluluto ng 'yong ulam.
Babae, ikaw naman... kuwento niya ay pakinggan
Good listener ka noong kanyang pakasalan.

Pagbalikan ninyo araw na nagdaan
Waring nasa langit na, magkatinginan lamang
Kahit na patago ang paghahawak ng kamay
Lumulutang sa ligaya, inyong pakiramdam.

MALIGAYANG BATI SA LAHAT NG NAGDIRIWANG
NG KANILANG ANIBERSARYO NG KASAL!!! 
KAINAN NA!!! (flashback lang po) 



Sunday, September 18, 2016

Isang Bungkos na Liham sa pabalat ng Liwayway











             May natatago ba kayong love letters? 
                           O nagsaulian kayo?

Saturday, September 10, 2016

Kuwento sa Liwayway ngayong Setyembre


ISANG  BUNGKOS  NA  LIHAM

Nakatago pa ba ang mga sulat ninyong tinanggap noong araw mula sa isang itinatangi? Na kahit naghiwalay ng landas noon ay sadyang hindi isinauli? O kung nagkatuluyan naman, paminsan-minsan ay binabalikan at muling ninanamnam ang tamis ng mga pangungusap na nakasaad doon. O binabasa sa iba pang kadahilanan?


Isang kaibigan ang nagkuwento na ang mga sulat na itinago niya noon at iniwan sa probinsiya ay nilamon na ng apoy, tinangay na ng usok. Sabi raw ng kanyang ama ay pinagpistahan ang mga ito ng anay kaya nito sinigan. Laking panghihinayang niya kasi ay wala siyang maipakitang ebidensiya sa kanyang nakaisang-palad na si ganire at si ganoon ay sumusulat sa kanya noon. Bagaman sabi raw naman ng kanyang asawa, kahit wala siyang ebidensiya, ramdam nito na si ganire at si ganoon ay nagkimkim talaga ng pagtatangi sa kanya. Lalaki sa lalaki, alam nila. Sabagay, kahit naman mga babae, napapakiramdaman nila kung may ibang nagkakagusto sa kanilang asawa o boyfriend. 
 
Ang kuwento ko sa Liwayway ngayong Setyembre ay tungkol sa isang bungkos na liham, matiyaga at buong pagmamahal na tinipon ng dalawang nagsusulatan. Lalabas na ito sa susunod na linggo.
 
Bumili na agad, baka maubusan!