Saturday, December 31, 2011

MANIGO, MAPAYAPA AT MASAYANG BAGONG TAON!

BAGONG LISTAHAN NG MGA KWENTO DITO SA
AKING BLOG, 2008 – 2011



Ano ang bago sa aking libro na MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG? Sa mga bumili nito at nakabasa na, baka may nais naman kayong regaluhan sa darating na Valentine. Kung pupunta kayo sa Salidumay: Home: Zazzle.com Store

http://www.zazzle.com/salidumay

pwede kayong mag-order dito ng mug o tee-shirt o postage stamps o notecards na may tatak o larawan ng Minsan, May Isang Pag-ibig. Sige lang, bisitahin ninyo! Maganda...

At...

Narito na ang kumpletong listahan ng mga kwento dito sa blog mula sa 2008 hanggang 2011. Muli, inilalagay ko ito ngayong magtatapos ang taon
upang maging gabay ng mga bagong mambabasa ng blog o ng mga dating nais magbalik-basa sa mga nakaraang kwento.

Madali lamang naman ang pagpunta sa mga nasabing kwento. Makikita mo sa ARCHIVE, na nasa gawing kanan ng blog, ang listahan ng mga taon. Klik mo lang ang taon, sunod ay ang buwan na kinaroroonan ng napiling kwento at kapag nakita mo na ang pamagat nito ay ito naman ang iyong i-klik. Voila! Naroon ka na.

Enjoy ka lang, marami kang mapamimilian.


2011 -

Enero 18 – Ngayon... Ang Mahalaga (Ikaw ba ang unang pag-ibig ng iyong nakaisang-palad? O pangalawa lamang? Baka ikatlo pa. On the rebound lamang ba siya, kagagaling sa isang bigong relasyon, kaya ka niligawan, pinakasalan?)

Pebrero 12 – Valentine Araw-araw (Minsan, naikukumpara mo ba ang dating boyfriend sa iyong napangasawa? Lalo at may katangian ito na wala sa pinakasalan mo? Tuloy, lagi mo siyang naaalaala...)

Marso 9 – Casa Real (Isang mahalagang gusali sa kasaysayan ng bayan ng Malolos, ngunit higit at lalo sa isang binatilyo at sa kanyang unang pag-ibig.)

Abril 18 – May Kani-kanyang Krus (Mahal niya si Ruben ngunit may mga pagkakataong siya naman ang nangangailangan ng pagmamahal, pag-aasikaso, pag-unawa. Na hindi na maibigay ni Ruben.)

Mayo 6 - Wakasan o Dugtungan (Ang kwento ba ng unang pag-ibig noong high school ay may katapusan? Tulad sa kwento sa Liwayway, ito ba ay wakasan? O dugtungan? Na may nalalabing titis na maaaring mag-alab kapag muling nagkurus ang mga landas?)

Hunyo 18 – May Kasukat na Tungtong (Magkasundo ba kayo ng iyong kasintahan sa halos lahat ng bagay? O madalas lamang na pinagbibigyan mo siya, pinipigilan ang iyong natural na personalidad, huwag lamang kayong mag-tsoke, kumbaga? Kwidaw, kung ganito!)

Hulyo 15 - Ang Pipiliin (Isang Celebrity ang kanyang boyfriend. Matatagalan kaya niya ang maging bahagi ng may kaguluhang buhay na ito?

Agosto 26 - Si Taba (Minsan, napagnilay-nilayan na ba ninyo kung ano ang katangian ninyo na umakit sa inyong naging kasintahan upang kayo ang kanilang piliin? Lalo at di ka naman kagandahan... o may katabaan kaya...)

Setyembre 30 - Happy Anniversary (Kaarawan mo... anibersaryo ng kasal ninyo... pero ni ha, ni ho, wala kang marinig sa partner mo na alalaon baga'y nagdaan man lamang ito sa isip niya. Ano ang iyong gagawin?)

Oktubre 26 - Gustong Mag-alaga ng Tigre (May nais ka bang baguhin sa iyong napiling kasintahan? May preconceived idea ka ba ng kung ano ang nais mong katangian ng iyong liligawan o sasaguting nobyo? Na kung wala rito, dapat ay baguhin nito? Dito pumapasok ang expectation... at acceptance.)

Nobyembre 17 - Ako'y Babalik (Tama kaya ang naging pasiya ng ating bidang babae sa kwento? Kung ikaw iyon, ganoon rin ba ang gagawin mo?)

Disyembre – 11:49 ng umaga ng Disyembre 31 habang sinusulat ko ito. Mayroon lamang akong dalawang oras upang makapaglagay ng kwento sa blog para sa buwang ito. Magtagumpay kaya ako? O hindi ko magawa, hindi dahil wala akong kwento, kundi dahil “firefox can't find the server” na mababasa ko sa aking screen?
Kung sakali at ako'y mabigong maglagay ng kwento, pangako, dodoblehin ko ang posting sa Enero 2012!

2010 -

Enero 8 – Umaga Na – (Ikaw ang “the other woman”. May dala bang
pagsikat ng araw ang iyong umaga?)

Enero 15 – May Isang Bagong Tatsulok – (Sa totoo lang, nangyayari ito.)

Enero 29 – Ang Makaliligaya kay Chito – (Minsan, ang isang tao ay
nadadala lamang ng mga sandali. Ngunit kung maglilimi-limi at
tatanungin ang sarili, matatagpuan niya ang sagot sa katanungan)

Pebrero 10 – Minsan, Isang Araw ng mga Puso – (A Valentine story.
Ganito ba kayo nagkakilala ng inyong sweetheart?)

Pebrero 18 – Natatandaan Mo Pa Ba? - (High school days. High school
romance. May ganito ka bang memories na bagahe sa pagdalo sa
inyong reunion?)

Marso 12 – Ang Buhay, Iba't Ibang Uri ng Pagkain – (Ang buhay mo ba
ay katulad ng buhay ng lalaki sa kwento?)

Abril 9 – Bagong Magdalena – (Marami sila, nasa paligid lamang natin.
Mga mapangarapin na nagmadaling makamtan ang nais sa buhay.)

Mayo 15 – Sa Muling Pagiging Ina – (Napapanahon na, kasalukuyan
nang pinag-uusapan ang RH Bill.)

Hunyo 2 - P'wera Biro, Ha? - (Kung minsan, pumapasok ang “utakan” sa
pagpasok sa sintahan.

Hunyo 26 – Katulad ng Kanyang Tatay – (Bonus na kwento para sa
Father's Day.)

Hulyo 12 – Isang Kumot, Isang Unan, Isang Katre – (Ayon sa matatanda, isa raw ito sa mabisang paraan upang mapanatiling
nagkakasundo ang isang mag-asawa. Subukan ninyo!)

Agosto 7 – Ang Listahan ni Charo – (Ang listahan ni Charo ay listahan ng kanyang mga assets at liabilities, as a person Kapag dumating
sa inyo ang problemang katulad ng kay Charo, subukan ninyong
gawin ito.)

Setyembre 15 – Sapagkat Mahal Kita – (Si Minda ay parang sibol ng
panahong ito. Marahil, kapareho niya ang gagawin mo kung matag-
puan mo ang sarili sa kanyang kalagayan.)

Oktubre 3 – Sapagkat Ganyan ang Pag-ibig – (Hanggang saan dapat
maging mapagbigay ang pag-ibig?)

Nobyembre 2 – Kandila sa Harap ng Bahay – (Kwento ng bagong sumisibol na pag-ibig sa pagitan ng dalawang musmos sa gitna ng
Ikalawang Digmaan kinasangkutan ng bansa.)

Disyembre 18 – Masaya na ang Ating Pasko, Roehl – (Ikaw ba ay supling ng iyong ina na kanyang dinala sa sinapupunan niya? O ikaw ay sumupling sa kaibuturan ng kanyang puso?)

2009 -

Enero 7 – Ngayon, sa Pagharap sa Bagong Araw – (Noon, phone pal.
Ngayon, textmate. Ngunit halos pareho, minsan, sila ay may dalang
problema,)

Pebrero 4 – Isang Pook, Dalawang Panahon – (Dekada Cincuenta ba ang panahon mo? O martial law? Magkaiba mang panahon, magkaiba man ang dahilan, minsan, halos pareho rin ang dalang hirap at pasakit sa puso.)

Marso 8 – Larawan ng Pag-ibig – (Pagmasdan ninyo ang inyong kabiyak
ng puso, o kasintahan kung hindi pa kayo kasal, may nakakamukha
ba siyang babae sa inyong nakaraan?)

Abril 1 – Minsan, May Isang Barkada – (Ang barkadang ito noon, may
barkada pa bang makakatulad nito... sa panahon ngayon?)

Mayo 3 – Ibukas Mo Lang ang Iyong Puso – (Sabi nga, nakamulat ang
mga mata, ngunit walang nakikita, may tainga ay walang naririnig,
kaya ang nangyayari, may nakakaligtaan. Ang unang dapat ibukas
ay ang puso.)

Hunyo 3 – Bago Pakasal, Bakit Di Muna Natin Subukin – (Sa totoo lang, bakit nga ba hindi? Pero sapalaran ang kahihinatnan nito.)

Hulyo 4 – May Puntos ang Pag-ibig – (Ang minamahal mo ba ay may
ibang mahal? Naniniwala ka bang habang buhay, may pag-asa?)

Agosto – Frank – (Ang nakalipas na panahon ay binubuo ng mga awit at
himig ni Frank Sinatra.)

Setyembre 6 – Pinakamamahal Kita, Kaya... - (Kapag nagpapaubaya ka
ba at ikaw ay tinanggihan, ano ang maisasaloob mo?)

Nobyembre – Remains of “Ondoy” Day Parts 1,2 and 3 – (Walang
posting na kwento sa mga buwan ng Oktubre hanggang Disyembre
dahil sa bagyong Ondoy. Sa halip, tungkol lahat sa Ondoy ang narito.)

Disyembre – RECAP ng mga nangyari sa buwan ng Agosto, Setyembre, Oktubre, Nobyembre Ngayong Disyembre.

2008 -

Pebrero 22 – Ang Pag-ibig ni Dalisay (Noong nasa high school kayo,
nagkaroon ba kayo ng pag-ibig na tulad nang kay Dalisay?)

Marso 12 – Gaanong Porsiyento ng Pagmamahal (Isa ba kayo sa naniniwala na dapat ay fifty-fifty ang pagpapamalas ng pagtingin ng magkasintahan o mag-asawa sa isa't isa?)

Abril 1 – Labinlima lamang, Ibig nang Mag-asawa (May kilala ka bang
teen-ager na ganito? O ikaw iyon?)

Mayo 2 – Karugtong ng Isang Mayo (Buwan ng bakasyon ang Mayo at
minsan, dito nagaganap ang mga summer romances. Happy ending
ba ang sa inyo o bitin? Kung bitin naman, nagkakaroon ba ng karugtong na kabanata?)

Hunyo 2 – Biyenan at Manugang – (Biyenan ka bang mahirap pakisamahan o manugang na pasaway?)

Hulyo 7 – Iskolar – (Iba- iba pala ang pakahulugan sa salitang “iskolar”
ngayon. Akala ko, tawag lang ito sa mga taga-UP na iskolar ng bayan. May iba pa pala!)

Agosto 4 – Ang Ulan sa Buhay ni Lety – (Tuwing tag-ulan, kapag nakasalubong kayo ng babaeng nakapayong, alalahanin ninyo si Lety. Baka sila ay may kasaysayang tulad niya.)

Setyembre 1 – Pagkalipas ng Bagyo – (Malaking pinsala ang dala ng
bagyo. Lalo ang kakaibang bagyo na dumadalaw sa pagsasama ng
isang pamilya.)

Oktubre 6 – Hiwalay – (Sa panahong ngayon, para bang napakadaling
maghiwalay ang isang mag-asawa. Kaya mo ba ito?)

Nobyembre 2 – Kagabi, Marami nang Todos Los Santos ang Nakalipas – (Ang sarap ng may barkada, may nakakasamang mamasyal
sa paglilibot sa mga sementeryo tuwing Undas. Lalo pa, kung crush
mo ang isa sa mga ito.)

Disyembre 7 – Ang Pasko ay Para sa Lahat ng Bata – (Nakaranas ka na ba ng isang malungkot na Pasko?)

Sa mga bagong tagasubaybay na nasa abroad, available sa www.lulu.com ang aking aklat, MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG. Sa mga kamag-anak at kaibigan, maaari akong sulatan sa eve.manunulat@gmail.com.

Ito ay kalipunan ng dalawampung kwento ng pag-ibig sa iba't ibang lugar, sa iba't ibang panahon. Makikita sa dakong kanan ng blog ang larawan ng pabalat ng aklat. Sa mga ka-henerasyon ko, ito ay isang nostalgia trip sa ating nakaraan. Sa mga kabataan, ito ay isang sulyap sa panahon ng inyong mga magulang.

Tulad nang nabanggit ko na sa unahan, pagkatapos ng Pasko ay Valentine. Tapos ay Mother's Day! Alam ba ninyong maganda ring panregalo ang nasabing aklat sa kanila? At muli, kung pupunta kayo sa Salidumay: Home: Zazzle.com Store

http://www.zazzle.com/salidumay

pwede kayong mag-order dito ng mug o tee-shirt o postage stamps na may tatak o larawan ng Minsan, May Isang Pag-ibig.

MANIGO, MAPAYAPA AT MASAYANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT! SALAMAT SA INYONG PAGSUBAYBAY!


Wednesday, December 21, 2011

SAMU'T SARING PARAAN NG PAGDIRIWANG NG PASKO


SAMU'T SARING PARAAN NG PAGDIRIWANG NG PASKO


Kung sa abroad ay big deal ang selebrasyon ng Thanksgiving, sa mga Pilipino, “pinaka” naman ang pagdiriwang ng kapaskuhan. Noong araw, tunay ngang Setyembre pa lamang ay naririnig na sa radyo ang “Jingle Bells”.

Hindi marahil alam ng marami sa kabataan ngayon, na noong araw, ang alam lamang naming kantahin na Christmas Carols ay pawang ingles. Silent Night, O Holy Night, Joy to the World, Hark the Herald, Whispering Hope, Come All Ye Faithful, White Christmas, at siempre, ito ngang “dashing thru the snow on a one-horse open sleigh...” Aba, naku, para namang nakakita na kami ng snow at nakasakay sa isang sleigh! Ito ang mga natutuhan namin sa iskwelahan. Sa elementarya, sa high school.

Kalaunan, may sumubok na magsalin sa tagalog ng ilang awit. Kaya, ito naman ang aming natutuhan sa himig ng Jingle Bells:

Heto heto na
ang Paskong masaya...

na sasabayan ng tunog ng de-tres na pako na itinatapik o ipinapalo, depende sa naghahawak, sa isang trayanggulong batingting. O ugong nang kinakalabog na basyong lata ng gasolina. Kalaunan na lamang na nakapagdala kami ng ukulele (na iisa lamang namang “chord” ang alam ng tumutugtog, na mataas pa ang tono, kaya pumipiyok ang kumakanta....)

Kleng, kleng, kleng
kleng, kleng, kleng
anong tuwa't saya....

At ito naman ang translation ng Silent Night:

Natanaw na, sa Silangan
Ang talang makinang...

Nasa high school na kami nang una naming narinig ang “Ang Pasko ay Sumapit”. Agad na pinag-aralan ito ng barkada naming magkakapit-bahay at ginamit sa pagkakaroling. Big hit ito. Malaki ang ibinibigay ng tinatapatan naming bahay kapag ito ang aming kinanta.

Ang Pasko ay sumapit
Tayo ay mangagsi-awit
Ng magagandang himig
Dahil sa ang Diyos ay pag-ibig
Nang si Kristo ay isilang
May tatlong haring nagsidalaw
At ang bawat isa
Ay nagsipaghandog ng tanging alay

Pangangaroling – iyan ang tanda ng Kapaskuhan nang kami ay may barkadahan pa. Isang paraan nang pagdiriwang namin ng Pasko na nagtatapos sa pagkakaroon ng isang Christmas Party.

(Natutuwa akong ikwento na ang aking mga apo na ipinanganak at naninirahan sa abroad ay marunong ng Pamaskong awit sa Pilipino at sinasamahan silang magkaroling ng aking anak sa pananapatan sa ilang kamag-anak at kaibigang Pilipino rin sa kanilang lugar sa Virginia. Ang kanilang repertoire ay binubuo ng Kleng, Kleng, Kleng, Pasko na Naman, Payapang Daigdig, Kampana ng Simbahan at Tenk yu, tenk yu, ang babait ninyo. Pinag-aaralan na rin nila ang Ang Pasko ay Sumapit. Na una pa nilang natutuhang awitin ang Lupang Hinirang ng kanilang ina kaysa Star Spangled Banner ng kanilang ama. Na sila ay iginigising na matutong magsalita at bumasa ng Tagalog ay natural na ipinagmamalaki ko. Isa kong mithi na dumating ang panahong mababasa nila ang nilalaman ng blog kong ito.

Sa puntong ito ay lulubusin ko na rin ang “boasting privilege” o ang tinatawag na “bragging rights” ng isang “Anda” o Lola at ilalagay ko na rin ang isang tulang kinatha ng 9-year old kong apo.

A Poem by An Inspired 9-year old

Of all the three wise men, one out of three,
One of them was brown, just like me.
He came from the Philippines, far away.
He had a star to guide his way.

He met other wise men on the way,
One black as night, and one white as day.
The black was from Africa, another continent.
The white was from America, the melting pot, they say.
But of all the three, I like the best,
The one from the Philippines,
brown like me.

(Re last line of the poem, she is just being true to her mother's and Anda's complexion, kahit hindi rhyme!)

Sayawan – Noong araw, nagkakaroon din kami ng sayawan kapag Kapaskuhan dahil may youth club sa aming lugar. Karaniwan nang idinaraos ito sa maluwang na bakuran ng Tata Felix at Nana Cancion Reyes, kapwa naging Mayor ng Malolos. Tagaroon sila sa amin aat kamag-anakan ng marami, kaya laging bukas ang kanilang tahanan at bakuran sa aming mga activities. Simpli lang naman ang pagkain – sandwich na gawa sa tasty (tawag sa pan amerkano) na pinalamanan ng mayonaise na may halong dinurog na hard boiled egg at pickle relish at saka coke. Swerte na kapag may spaghetti, depende sa kontribusyunan. Ang tawag sa bakuran nila ay Bahay Kubo.

Family Reunion – Sa aming pamilya, inaabangan ko ito, kasi noong aking kabataan, ay kapwa may asawa at pamilya na ang dalawa kong nakatatandang kapatid na babae, kalaunan, pati ang isang nakatatandang kapatid na lalake. Malayo pa ang Pasko ay panay na ang patugtog ko sa plakang 33 ng awit na “I'll be home for Christmas” pero sila ang hinihintay ko. Dito naman abalang-abala ang aking Inang sa paghahanda ng kanyang mga espesyal na putahe – morcon, embutido, bringhe, nilagang pata ng baboy at buong manok na sinamahan ng isang hiwang hamong-intsik, at siempre, ang Chinese Ham, na pagkatagal-tagal pakuluan (itatapon muna ang mga unang pinagpakuluan) at palambutin sa samu-saring herbs tulad ng cloves atbp, sunod ay tatanggalan ng balat nito, hihilamusan ng asukal ang taba na pagkatapos ay susunugin ng nagbabagang siyenseng bakal! Wow Amoy pa lamang nito, Pasko na!.

Simbang-Gabi – Sa mga nakaraang blog, isinulat ng ilang tagasubaybay ang mga karanasan nila sa simbang-gabi ng kanilang kabataan. (Magtungo lamang sa archive sa buwan ng Disyembre, 2008 at tiyak kong kahit ang mga kabataan ngayon ay makaka-relate sa kanilang karanasan.)

Palabas/Entertainment - Noong araw, ang nagpapalabas lamang ay ang Araneta Coliseum. Holiday on Ice lagi ang kanilang pamaskong entertainment. Saka mga karnabal na maraming rides. Sa probinsiya ay sa poblacion. Sa Maynila ay sa malapit sa Luneta. Natatandaan pa ba ninyo ang pinakamaliit na tao, isang babae, na halos wala pang 2 feet ang taas, pero matanda na siya? Saka iyong sirena raw? At taong bakulaw?

Aginaldo – Pamimigay at pagtanggap ng aginaldo, ito ay kasama sa pagdiriwang ng Pasko. Noon, singko, diyes, beinte ang karaniwang tinatanggap na aginaldo (pero diyes lang naman ang pamasahe at coke!) Minsan, wala pa ngang iniaabot. Basta at pagkahalik ng kamay sa pinagmamanuhang matanda ay tatanggap lamang ng “Istigusanto” (ito ang dinig namin sa bendisyon). Ngayon?

NGAYON, ANG PASKO...

Shopping, shopping, shopping – dahil naglipana ang mga mall at tiangge. Ang daming mabibili. Bumabaha ang mga panindang galing sa China. Noong araw, made in Japan. Ngayon, made in China.

Kris Kringle – sa opisina. Naalaala ko pa ang isang anak ko noong nasa elementary ito, nagreklamo sa teacher, kasi raw ay hindi siya binibigyan ng kanyang daddy, e, bigay siya nang bigay sa kanyang baby! Tawa ko lang. Naalaala ko kasi iyong exchange gift namin noong grade 4 ako. ayaw ba namang tanggapin noong aking ka-exchange gift ang aking regalo. Maliit kasi ang balutan. E, ba't di lilliit, e sabong pampaligo ang binalot ng aking Inang,

Gimik – Sa dami ng hotel, nauso ang hotel-hopping minsan. Ngayon naman ay sangkatutak ang mga shows. At sa dami ng mga resorts na mapupuntahan, out of town pa kung minsan ang gimikan kung Pasko. O out of the country pa. Pa-Hongkong-Hongkong o Singapore. Kung mapera, nariyan ang cruise. Galing.... Pera lang ang kailangan.

Caroling – Karaniwan ay mga bata ang nagkakaroling ngayon. Hindi lamang sa bahay, pati sa sinasakyan mong jeep. Minsan nga, nakatayo ka lamang, may tatabi na sa iyo na kakantahan ka. Sa mga subdibisyon naman, sa sandaling binuksan mo ang Christmas light na nakasabit sa iyong bintana, may kakatok nang mga paslit na kumakanta ng “Mano po Ninong, mano po ninang...” Kwidaw, kapag, hapon pa lamang ay may sobre nang iniaabot ang magkakaroling. Hindi pwede ang barya-barya lamang dito.

Reunion – Hindi lamang family reunion ang nagaganap tuwing Kapaskuhan ngayon. Kadalasan, dito na rin idinaraos ang mga high school reunion ng mga matagal nang nagtapos, hindi iyong kaga-gradweyt lang. Karaniwan nang mga 15, 20, 30, 40, 50 taon nang graduate sa high school. Marami kasi sa mga ito ay nag-immigrant abroad at sa pagkakataong umuuwi sila para makaranas na muli ng Kapaskuhan sa Pilipinas, itinatapat na rin ng kanilang mga kaiskwela ang pagdaraos ng kanilang mga reunion.

May alam akong isang grupo ng mga babae na ilang dekada nang tapos ng high school at marahil ay hindi nakaranas ng sleepover ng kanilang kabataan ang ngayon ay gumagawa ng sleepover tradition tuwing umuuwi sa isang reunion ang mga kaiskwelang taga-abroad. Visualize a group of golden girls minus their spouses na magdamag na nagkukwentuhan, naghahalakhakan, nagkokodakan, nagkakainan! Ang saya! At kumustahin mo ang kanilang pinag-uusapan. Everything under the sun.

Palaro sa mga reunion at Christmas Party - Kamakailan ay dumalo kami sa isang parti sa aming barangay. Enjoy kami, lalo na sa panonood ng palaro na sinalihan ng mga lalaki, na napili naming gayahin sa isang idinaos na reunion ng klase na ginawa ilang araw matapos ito. Naku, nakatutuwa.

Ang titulo ng laro ay “fruit salad”. Nakahilera ang mga lalake, nakaharap sa leader. Kapag sinabi ng leader na apple, kekendeng ang mga ito sa kanan; kapag ang sinabi ay mango, kekendeng sa kaliwa; kapag papaya, yuyuko o ibe-bend ang katawan sa harap; at kung banana, liliyad at ibe-bend ang katawan sa likod. Kapag madalang ang pagsasabi ng apple, mango, papaya at banana, okey lang na makasunod ang mga participants. Pero, kapag pinagsunud-sunod na mabilis ang apple, apple, apple, kailangang tuluy-tuloy ang pagkendeng sa kanan. Visualize na lang kapag ang salitang banana ang pinagsunud-sunod sabihin! Na tatapusin sa salitang fruit salad kung saan paikut-ikot ang katawan na parang may hinahalo! Ayyy, naku, sasakit ang tiyan ng mga nanonood!

Uso na rin ngayon na ang mga pamilya ay nagpupunta na lang sa mga hotel para sa kanilang Christmas lunch o Christmas dinner. Ito ay kung malaki ang bonus. Pero sa mga natitirang sentimental, na tulad ko marahil (o wala lamang bonus :-( na natanggap), mamamalengke pa rin at magluluto. Iskedyul kong gumawa ng embutido, na isa na ring tradisyon sa aming pamilya, at magluto ng ube. Pagkasimba sa gabi ay tsokolate-e (hindi tsokolate-a), fiesta ham na muling pinapakuluan sa pineapple juice at cloves (kasi, malayo na ang Quiapo sa Marikina para bumili ng chinese ham) at enseimadang Malolos ng Eurobake. Try ko rin ngayong magluto ng morcon. Susubukan kong ma-recapture ang lasa ng morcon ng aking Inang.

Nabalot ko na ang mga token gifts sa mga pamangkin, na-staple ko na ang pangalan ng aaginalduhang mga paslit ng mga crispy twenties na kinuha sa bangko, gayundin ang mga pambigay sa kartero, newspaperboy, tagakuha ng mga basura, tagahatid ng bills ng ilaw, tubig, telepono, etc, naipon ko na ang mga beinte singko, piso at limang pisong baryang pang-aginaldo sa mga batang kumakatok sa aming gate sa umaga ng Pasko (hindi ko sila kilala!), patuloy na sa pag-awit ang Carpenters ng kanilang Christmas Portrait, nakasindi na ang blinking lights sa Belen, napalitan na ang mga kurtina, may nakasabit nang parol, nakaanim nang anticipated simbang-gabi kami (sakripisyo nang hindi mapanood ang kalahati ng Amaya), at kahit paano, nakapag-abuloy na rin sa isang tv foundation na nangangalap ng donasyon para sa mga biktima ni Sendong sa Mindanao... ano na lamang ba ang kulang?

Ang balik-bayan box! Ang isang makabagong patunay ng pagsapit ng Kapaskuhan ng kasalukuyang panahon! Isa ring makabagong paraan ng pag-aalaala ng mga nasa ibayong dagat sa kanilang pamilyang nasa Pilipinas, hindi lamang tuwing Kapaskuhan, kundi sa buong taon man

At hinihintay ko na ang aking balikbayan box. Na ayon sa nakausap ko ay na-delay daw sa Hongkong at after Christmas pa darating. Narito kasi ang mga tsokolateng panregalo ko naman sa aking mga suki sa palengke. Kasi, binigyan na ako ng suki kong maggugulay ng isang malaking balot na canton at pansahog na repolyo, carrot at beans, na taon-taon ay inireregalo niya. Tuwa na nilang makatanggap ng kahit ilang pirasong tsokolate sa akin at talagang ipinagmamalaki nila ito.

Noon man at ngayon, sa samu't sari mang paraan ng pagdiriwang, tunay na ang Pasko ay pagtanggap at pagbibigay ng biyaya! Kung paanong sa pagbibigay sa atin ng isang Sanggol sa Belen, dapat lamang na ang pagtanggap sa Kanya ay tambalan natin ng pagbabago tungo sa kabutihan, hindi lamang natin, kundi ng lahat sana, upang maging karapat-dapat tayo sa Biyayang tinanggap.

MALIGAYANG PASKO AT MANIGO, MAPAYAPA, MASAYANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!!!



Monday, December 12, 2011

Kundiman

KUNDIMAN

Ilang nakabasa ng kwentong AKO'Y BABALIK na nakausap ko kamakailan ang nagtanong kung ang himig ng nasabing awit ay ang himig na alam nila... at ito ay kanilang inawit sa akin.

Ako'y babalik sa piling mo hirang
Ang aking pagsuyo'y di mapapantayan...
Hanggang sa wakas magpapakasakit
Sa piling ng langit, ako'y babalik.

At tama nga. Nagbalik tuloy sa alaala ang iba pang awit na katulad nito. Natatandaan pa kaya ng marami ang kumakaway ka pa irog nang kita'y iwan, upang magtungo sa ibang bayan, isang panyong puting-puti ang iyong tangan, basang-basa ng luha mong di mapigilan...

Nakatutuwang kahit pira-piraso ay naiiwan pa rin sa alaala ang mga titik at himig ng mga lumang awiting kinagisnan natin. Marahil ang mga ito ay ginamit sa pelikula na ating napanood noong tayo ay bata pa at isinasama ng mga nanay sa sine, tangay lamang, ibig sabihin, walang bayad! Hanggang ngayon ay alam ko pa rin ang awit ni Cely Bautista na Hinahanap Kita at Irog, Ako ay Mahalin. Sa dormitoryo, nakahumalingan naming kantahin ang isang awit na may ganitong titik: Kapag ako ay umibig at saka nasawi...

Isang kaibigan na mahilig sumulat, kumatha ng tula at umawit, ang pagdaka'y gumawa ng pagsasaliksik tungkol sa ating mga awit. Tinuunan niya ang ating KUNDIMAN na ngayon ay inilalathala ko rito, kasama ang kanyang pagsang-ayon na ibahagi sa iba pang mambabasa.

KUNDIMAN mula sa pagsasaliksik ni Rollie E.


KUNDIMAN

Ang kundiman ay isang genre o kategorya ng awiting Pilipino. Palibhasa'y sumibol ito noong kapanahunan ng mga Kastila sa ating bansa, ang baybay nito noon ay nagsisimula sa titik na “c” sa halip na “k”.


Ano ang pinagmulan ng salitang kundiman? Ayon sa isang kuwento, isang grupo ng mga binata ang naghaharana sa ilalim ng durungawan ng bahay ng isang magandang dalaga. Ang awit nila ay may mga titik na:

. . . . Kung hindi man dapat sa iyong kariktan . . .”

Di kaginsa-ginsa, isang masungit na paring Kastila na naabala sa pagtulog ang nagbukas ng bintana ng karatig na bahay at sinigawan ang mga naghaharana: “Itigil na nga ninyo ang kundiman!” Samakatuwid baga, ang kundiman ay galing sa mga salitang KUNg hinDI MAN. Hindi malaman kung saan at kung kailan ito nangyari dahil kuwento nga lamang. (At matatas waring magsalita ng tagalog ang nasabing paring Kastila!)


Ayon sa nabasa ko, ang kundiman ay nagsimula bilang awiting-bayan (folksong) di gaya ngayong isa na itong masining na awit (art song). Sa pagdaan ng panahon, ang kundiman ay nag-evolve sa anyo, tempo at lirikang kilala natin ngayon. Ang pagbabagong ito mula sa awiting-bayan hanggang sa maging awit-sining ay nagsimula sa isang nagngangalang Bonifacio Abdon na napagtantong ang katutubong himig at anyo ay magagamit niya sa mga seryosong komposisiyon, gaya ng ginawa ni Schubert.



Ang mga iskolar at mga manunulat ng kasaysayan ay naniniwalang ang kundiman ay nagsimula sa Balayan, Batangas. Si Dr. Francisco Santiago (1889-1947) ang itinuturing na Ama ng Kundiman. Si Santiago ay isang Bulakenyo. Buhat siya sa Sta. Maria. Siya ang kompositor ng mga walang kamatayang kundiman gaya ng
Pakiusap, Madaling Araw, Ano Kaya ang Kapalaran? at Anak Dalita (Kundiman). Si Santiago ang nagbigay ng matibay na posisyon ng anyo kundiman bilang awiting pang-konsiyerto. Ang komposisyon niyang Pakiusap ay paborito ng noo'y tanyag na Italyanang soprano na si Amelie Galli-Curci. Ito ang madalas na inaawit niya sa mga pagtatanghal sa mga konsiyertong internasyonal . Kung napupunta ang soprano sa Espanya, ang Kundiman ang madalas na hinihiling ng Haring Alfonso XIII na awitin niya.

Ang mga titik ng kundiman ay nasusulat sa wikang Tagalog na nagsasaad ng – karaniwan na – ng marubdob na pag-ibig, pagsusumamo, pagkasawi, pamamaalam, kamatayan. Ang tema ay laging malungkot. Ang melodiya ay akma sa mga titik: mabagal, madalang, at mahinahong ritmiko na punung-puno ng drama. (Isa sa mga exception dito ang kundimang Ang Maya.)


Ang mga taong buhat sa 1880 hanggang 1930 ang tinawag na panahon ng pamumulaklak ng kundiman.



Kredito kay Nicanor Abelardo (1893-1934) ang pagtataas ng kundiman sa tuktok ng katanyagan at sa antas nito bilang makasining na awitin, kung paanong ang sonata ay pinatanyag naman ni Beethoven. Para kay Abelardo, ang kundiman ay musikang iniaakma sa mga titik nito. Bago pa dumating ang kapanahunan ni Abelardo, ginagamit na ang kundiman sa panghaharana.

Si Abelardo ay isa ring Bulakenyo. Taga San Miguel de Mayumo siya. Nabuhay siya sa loob ng 41 taon lamang. Nguni't nakagawa siya ng may 140 na komposisyon.


Nangunguna sa mga awiting nilikha niya ang klasikang Nasaan Ka Irog. Ang awiting ito ang itinuturing na pinakamagandang halimbawa ng kundiman. Ang musika ay nilapatan ng mga titik na ginawa naman ni Narciso Asistio na ganito ang isinasaad:


Nasaan ka irog at dagling naparam ang iyong paggiliw? Di baga sumpa mong ako'y mamahalin, Iyong itatangi, iyong itatangi magpahanggang libing, subalit nasaan ang iyong pagtingin? Nasaan ka irog at natiis mong ako'y mangulila? At hanap-hanapin, ikaw sa alaala, Nasaan ang sabi mong ako'y iyong ligaya? Ngayong nalulungkot, ngayong nalulungkot ay di ka makita. Irog ko'y tandaan... Kung ako man ay iyong ngayo'y siniphayo, mga sumpa't lambing pinaram mong buo, Ang lahat sa buhay ko ay hindi maglalaho't magsisilbing bakas ng nagdaan 'tang pagsuyo. Nasaan ka irog? Nasaan ka irog?



Sa aming research, hindi namin nalaman kung si Asistio ay taga-Bulakan din, gaya ni Abelardo. Nguni't hindi kami magtataka kung silang dalawa ay magkababayan o magkalalawigan.
Naging inspirasyon nina Abelardo at Asistio sa kundimang ito ang kasaysayan ng pag-ibig ng isa nilang kaibigan: si Francisco “Pakong” Tecson at ng isang nagngangalang Segunda, Sapat nang sabihing naging isang malaking kabiguan at kasawian ang pag-iibigan ito para sa dalawang magsing-ibig. Unang isinulat ni Asistio ang mga titik. Sa pagsulat niya ng musikang angkop sa mga titik, lubos ang paggalang ng kompositor – wala siyang pagbabagong ginawa sa mga titik, ang musika ang iniakma niya rito. Nabuo ang awit – ito ay awit ng pag-ibig ni Francisco Tecson; handog ito sa kanya ng kompositor at ng gumawa ng mga titik.

Unang inawit ang Nasaan Ka Irog sa Labor Day Ball sa Santa Ana Cabaret noong 1923 –nang taong ding ang awit ay kinatha. Marami ang humanga. Kinulit ang kompositor na bigyan sila ng kopya kaya't minabuti niyang ipalimbag ito. Ang nalimbag na piyesa ay tinangkilik ng madla; tila apoy na kumalat ang popularidad nito.


Sa inilimbag na 13 edisyon, tinatayang 15,000 kopya ang nabili; walang ibang piyesa ng awit nang kapanahunang iyon ang nakapantay dito.


Sumibol din noong kapanahunan ng kundiman si Juan Buencamino na gaya ni Abelardo, ay taga San Miguel de Mayumo din. Sinulat naman niya ang kundimang Ibong Sawi.


Sa mga lirisista ng kundiman, kasama si JoseCorazon de Jesus, isang makata na lalong kilala sa tawag na Huseng Batute. Siya ang gumawa ng mga titik ng Pakiusap.


(Si Jose Corazon de Jesus din ang gumawa ng tulang Bayan Ko noon pang 1929. Ito'y nilapatan naman ng musika ni Constancio de Guzman. Ang awiting ito ay muling nabuhay sa pamamagitan ni Freddie Aguilar bilang Awit ng EDSA I REVOLUTION.)


Ang pagpapalaganap ng kundiman ay naiwan naman sa mga kilalang mang-aawit ng ating bansa na kinabibilangan nina Jovita Fuentes, Isang Tapales, Atang de la Rama, Conching Rosal, Sylvia La Torre, at Irma Potenciano. Kabilang din sina Ruben Tagalog, Cely Bautista, Celeste Legaspi, Ric Manrique, Jr., Larry Miranda at Cenon Lagman.


Malaki rin ang nagawa ni Armida Siguion Reyna sa kanyang palatuntunang pantelebisyon, ang Aawitan Kita. Bukod kay Armida, umaawit din ng kundiman sa palatuntunang ito sina Lirio Vital, Richard Reynoso at Roberto Natividad.


Mangyari pang nakapag-ambag din ang pelikulang Pilipino sa pagpapalaganap ng kundiman. Ginawa ang Nasaan Ka Irog noong 1937, tampok sina Elsa Oria, Angel Esmeralda, Mila del Sol, Bimbo Danao at Tito Arevalo. Noong 1938, naging pelikuila naman ang Bituing Marikit ns pinangunahan nina Elsa Oria at Rogelio de la Rosa. Dalawang ulit ding ginawa ang Madaling Araw: ang una's noong 1938 na pinagbidahan nina Elsa Oria at Ely Ramos at ang ikalawa'y noong 1958 tinampukan naman nina Amalia Fuentes, Juancho Gutierrez, Susan Roces at Romeo Vasquez. Ang popular na tambalang Rosario Moreno at Rudy Concepsion ang mga bituin sa Pakiusap na isinapelikula nong 1940.


Anupa't ang kundiman ay mananatiling atin: tatak Pilipino . . . awit ng pag-ibig . . . habang may pusong umiibig . . habang may pusong nasasawi. . . .



Marahil, darating ang panahong ang kasalukuyang OPM ang siya namang pagbabalik-balikan at aawitin ng mga seniors-to-be na waring iyon ang kanilang KUNDIMAN, samantalang ang orihinal na KUNDIMAN ay mahahanay na sa mga klasikang musika ng ating lahi.

Salamat kay Rollie sa kanyang sharing!




Thursday, November 17, 2011

AKO'Y BABALIK


AKO'Y BABALIK


IYON ang sabi ni Berting.

Inilingan niya ang binata. Huwag kang mangangako. Baka hindi mo matupad.

Wala kang tiwala sa akin, puno ng hinanakit ang tinig.

Dinaan niya sa tawa ang tampo. Malaki ang tiwala ko sa iyo. Kaya lang, praktikal akong tao. Alam mo na, para huwag masaktan, kung sakaling may mangyari....

Ano kaya naman ang maaaring mangyari. Luluwas lamang ako sa Maynila. Mag-aaral. At talagang mag-aaral. Para huwag mapahiya si Tatay kay Dr. Santos na siyang sagot sa lahat ng gastos ko. Basta may panahon, uuwi ako. Dadalaw.

Maraming maganda sa Maynila...

Maganda? Aanhin ko ang maganda? Marami ring maganda rito. Kung gusto ko nang maganda, bakit ikaw ang pinili ko. Maitim... malaki ang mata... walang korte ang katawan.. may peklat sa binti...

Unggoyyyy!!!


MAPALAD si Berting. Palibhasa ay matalino, laging kasama sa sampung nangungna sa klase mula elementarya hanggang haiskul, may nagmagandang loob na sumagot sa pagpapaaral sa Maynila nang mapag-alamang walang ikakaya ang mga magulang. Pinakamayaman si Dr. Santos sa kanilang bayan. Kilala sa pagkakawanggawa at pagpapaaral sa mga karapat-­dapat na estudyante. Sayang nga lamang at hindi siya kasing-talino ni Berting. Naiwan tuloy siya.

Sabi nga ng kanyang Ateng, sa Institute sa bayan ka na lang pumasok. Secretarial. Pag natapos ka'y lalakarin kong mapasok ka sa kapitolyo.


Kung bakit ipinanganak silang maralita ni Berting...

Hanggang dito na lamang yata tayo, Berting, minsan ay nasabi niya sa binata.

Umiling si Berting. Hindi Nilda. Aahon tayo sa kahirapang kinagisnan natin. Para sa atin. Para sa ating magiging anak.

Nasa haiskul sila noon. Hindi malinaw ang hinaharap na pag-aaral sa mga napupusuang propesyon. Nais ni Berting na maging manananggol. Gusto niyang maging guro. Sa hirap ng kanilang katayuan sa buhay, matayog na ang mga nasabing pangarap. Nang manguna si Berting sa iksameng ibinigay sa mga walang ikakayang mag-aaral na magtatapos ng haiskul nang taong yaon, ang pag-aaral sa Maynila ay hindi na pangarap lamang. Nag-uumapaw sa kaligayahan ang puso ni Berting. Sa wakas, Nilda, matutupad na rin. Ito na ang simula.

Natutuwa siya para sa binata, ngunit ang pangamba ay hindi niya maiwaksi. Natatakot siya sa dadalhing pagbabago ng magandang kapalarang dumating kay Berting. At bago lumuwas si Berting sa Maynila ay kinausap niya ito nang masinsinan. Isinaisang-tabi niya ang damdaming umiibig. Ang pinairal ay ang isip.

Ilang taon na nga tayo, Berting, tanong niya sa binata.


Saglit na nag-isip si Berting. Ngingiti-ngiti. Dalawa. Bakasyon noon. Pagpasok sa klase ay third year tayo. May patapos ng pasiyam sa pagkamatay ni Tata Sendoy. May huwego de prenda.

Ang tinutungo ng kanyang pagtatanong sa tagal ng sintahan nila ni Berting ay saglit niyang nalimutan. May halina ang gunita ng nakaraan. Ang huwego de prenda kung saan kasali silang dalawa ni Berting.

Ang ibon ng mahal na hari, lumipad at dumapo sa bulaklak ng kalachuchi.

Makalimutan ba naman niyang siya pala ang bulaklak ng kalachuchi. Naparusahan tuloy siyang umawit ng isang napakalumang awit. Saan naman siya maghahagilap ng lumang kanta. At tagalog pa. At iyong hindi raw masyadong palasak. Sisimulan na sana niya ang Bakya Mo Neneng, hindi lamang luma ito, kundi kupas pa, katwiran niya nang humingi nang pahintulot si Berting na akuin na ang kaparusahan niyang pagkanta.

Ibinigay ng hari ang pahintulot. At umawit si Berting.

Akoy babalik sa piling mo hirang,
ang aking pagsuyo'y di mapapantayan.
Hanggang sa wakas, magpapakasakit,
sa tulong ng langit, akoy babalik.


Napakaluma ng awit na yaon. Ni hindi panahon ng kanyang Ateng na sampung taon ang tanda sa kanya. Nang usisain niya si Berting tungkol dito, ang sabi ay kay Ninang Luming nito unang narinig ang awit. Si Ninang Luming ay isang matandang dalaga na tagapag-alaga ng mga pamangkin, tagalaba ng mga damit sa may poso artesyano ng nayon na nasa harapan ng bahay nina Berting. Sabi pa ni Berting, wala raw yatang alam na ibang kanta si Ninang Luming. Iyon at iyon din ang laging inaawit. Kaya hindi niya naiwasan, sa pag­-igib-igib ng tubig sa poso, narinig niya at natutuhan ang nasabing kanta.

May dagdag na kuwento ang kanyang Ateng tungkol dito. Si Ninang Luming pala ni Berting ay sawi sa pag-ibig. Hindi na binalikan ng kasintahang naghanap ng magandang kapalaran sa ibang bayan. Kay lungkot naman, kanyang naisaloob.

At tulad ng lalaki sa kasaysayan ni Ninang Luming, aalis rin si Berting, luluwas ng Maynila, mag-aaral, hahanap ng magandang kapalaran. Ngunit hindi siya tulad ni Ninang Luming. Ayaw niyang maghintay sa wala.

Dalawang taon na tayo, Berting. Ilang taon ba ang abugasya, kanyang usisa.

May pagtatakang lumarawan sa mga mata ni Berting. Marami-raming taon ang bibilangin. Bakit, hindi mo ba ako mahihintay?

Sa kanyang balintataw ay naglaro ang mukha ni Ninang Luming. Nakatalungko sa may poso-artesyano ng nayon. Naglalaba ng mga damit ng pamangkin.

Umiling-iling siya. Natatakot ako. Ayokong matulad kay Ninang Luming mo.


Alam ni Berting ang nakalipas ng kanyang ninang. Ang sagot nito. Babaguhin natin ang kasaysayan ng awit. Ako'y babalik. Itoy isang matibay na pangako.

Marami pa siyang sinabi ngunit ang lahat ay winalang-bahala ni Berting.

Ang una't pangalawang taon ng pag-aaral. Puspusan. Ngunit sa kabila nito ay naisisingit pa rin ni Berting ang pagsulat sa kanya. Mga kuwento tungkol sa paaralang pinapasukan, sa mga nagtuturong propesor, mga kamag-aral, kaserang tinutuluyan, mga leksiyong kinawiwilihan. At sa dakong hulihan ng liham ay laging inuulit ang hindi nagmamaliw na damdamin. At ang pangakong pagbabalik.

Samantala ang pangako ng kanyang Ateng na pagpapaaral sa kanya sa Institute sa bayan ay hindi natupad. May manliligaw itong nagustuhan. Nag asawa. Nagsunud-sunod ang anak.

Sabi ng kanyang Ateng, pasensiya na Nilda. Mahina rin ang kita ng napangasawa nito. Dressmaking na lang, Nilda, mas madaling kumita, nasa bahay ka pa.

Ano ang kanyang magagawa. Ni hindi niya makuhang maghimagsik. Sa pagitan ng pag-aalaga ng mga pamangkin, pag-aasikaso sa bahay at pananahi ay wala na siyang panahon na maawa sa sarili. Mahirap na ang maralita ay lalong mahirap ang maging ulila at umaasa lamang. Sa isang dako'y nagpapasalamat pa rin siya at sa pamamagitan ng pagtitindera ay naitaguyod ng kanyang Ateng ang pag-aaral niya sa haiskul. Kung hindi ay ano na kaya ang magiging kalagayan niya sa harap ng katotohanang si Berting ay tumataas ang kinalalagyan. Lumalawak ang kanilang pagitan.

Patuloy ang paglipas ng mga taon. Hindi nakalilimot si Berting. Masipag pa ring magsulat. Puno pa rin ng pagmamahal ang mga liham. Laging binabanggit ang pangako. Kung may mahabang bakasyon ay umuuwi at dumadalaw sa kanya.

Mapalad ka, sabi ng kanyang Ateng. Mapalad siya kay Berting, iyon ang sabi-sabi ng balana.

Sa simula ay natutuwa siya. Mrs. Attorney, kung minsan ay biro sa kanya.

Sa panahong ito, magpagawa ka man ng nobyo, wala na yatang makakatulad si Berting, ulit-ulit niyang naririnig.

At sino nga ba iyong nagsabi, ano ba ang mayroon ka Nilda at hindi ka pinapalitan ni Berting. Hindi mawawalan ng magandang kamag-aral si Berting . At pareho pa niya ng propesyon.

At hindi pa nagkasya ang isa. Hindi ka ba naasiwa, Nilda? Parang iba na ang ginagalawang kapaligiran ni Berting.

Talos niya, naiinggit lamang ang iba sa mga ito. Ngunit alam rin niya, may katotohanan ang mga naririnig.

Si Berting. Nang huling dumalaw sa kanya, tingin niya'y higit na maputi, higit na makisig. Nasa mga kilos, ngiti at salita, ang tatag ng pagtitiwala sa sarili. At nadama niya, habang tumataas si Berting, waring siya ay lalong bumababa, naaaba. Unti-unti may nabubuong pasiya sa kanyang puso. Mahal na mahal niya si Berting ngunit gaano siya kamahal nito? Makatarungan bang talian niya ang kasintahan sa isang pangakong ibinigay sa isang naiibang panahon ng kanilang buhay?

Hindi makapaniwala si Berting sa kanyang sinabi. Kumakalas ka sa ating usapan. Bakit?

Ano ang kanyang isasagot. Na alangan na siya rito. Parang Carmen Rosales o Susan Roses o Nora Aunor. Umiling siya. Kasi, parang wala na. Wala na. Ikinibit niya ang kanyang mga balikat.

Matalino si Berting at hindi mapaglalalangan. Bago ka gumawa ng iba pang hakbang, mag-­isip ka muna. Nilda. Kaunting panahon na lang ang ating hihintayin. Malapit nang lumabas ang resulta ng bar exam. Makakakita na ako nang higit na mainam na trabaho. Kaya lang, gusto kong mapagtapos muna ang sumunod kong kapatid sa akin. Pangako ko iyon kay Dr. Santos.

Nang muling dumalaw si Berting sa kanya, may dinatnan itong bisita. Isang bagong manliligaw na taga-karatig-bayan. Sa mga muli pang pagdalaw nito, laging dinaratnan ang nasabing bisita. Alam niya, masama na ang loob ni Berting sa kanya. Ang mga ipinadalang liham nito ay hindi niya sinagot. Nagalit ang kanyang Ateng. Malaking katangahan, Nilda.

Gusto niyang sumagot. Pagkatapos ng mga pangangalandakang narinig sa marami na siya ay alangan kay Berting, na langit at lupa ang kanilang agwat, paano pa niya matatanggap ang binata nang hindi nayuyurakan ang pagpapahalaga niya sa sarili.

Gusto niyang sabihin. Hindi ako iniwanan ni Berting. Ako ang umiwas sa kanya, na waring ang katuwirang ito ay makapagpapagaan sa bigat ng kanyang niloloob. Marahil, malaki ngang katangahan.

Pinaasa niya ang kanyang manliligaw ngunit nagpatawing-tawing siya sa pagsagot. Hanggang lumipas pa ang mga taon at nabalitaan niyang nag- asawa na si Berting. Sa isang dating kamag-aral sa abugasya.

Dumarating ang mga balita, magaling maghahatid ang kanyang Ateng. Ayon sa kung kangino, dumalaw raw si Berting kasama ang asawa at mga anak. Mataas na raw ang hawak na pusisyon ni Berting. Nalagay raw sa peryodiko si Berting, kasama pati larawan ng asawa. Umuwi si Berting, nakipaglibing nang mamatay si Dr. Santos. Samantala, nag-asawa na rin sa iba ang kanyang manliligaw na nainip sa paghihintay. At siya, si Nilda ay patuloy sa pagtanggap ng tahiin. Umaawit. Humuhuni, habang naglililip. At gayon ang takbo ng buhay nang may pabalitang sumapit sa kanya

May sakit si Berting. May taning ang buhay. Tatlo hanggang anim na buwan. Mahabaging Diyos sa langit.

Ang pag-aasawa ni Berting ay maluwag niyang tinanggap, ngunit ang pagkamatay nito'y isang mariing dagok sa kanyang buhay.

Isang nagpapatahi sa kanya ang nagkuwento. Kaygara ng kanyang libingan. Sa isang memorial park ng mayayaman. Kayraming taong nakiramay, matataas, may sinasabing mga tao. Ang ganda ng mga korona ng bulaklak. Dalawa lamang pala ang kanyang anak. At bata pa ang biyuda, muli pa marahil na mag-aasawa.


TAUN-TAON, sa loob ng maraming taon, tuwing Araw ng mga Patay, dinaraanan niya ang puntod ng mga magulang ni Berting na magkasunod na yumao bago pa ito magtapos sa pag-aaral. Dito niya ipinagtutulos ng kandila ang namayapang kasintahan. At ngayong umaga ng Araw ng mga Patay, doon siya patungo.

Maraming tao siyang nakita sa may puntod ng mga magulang ni Berting. Nakapaligid sa isang alagad ng Diyos na nagbabasbas. Namataan ni Nilda ang ilang kapatid ni Berting. Isang babaing nakadamit ng kulay beige, tailored suit, nakasalamin ng itim, at dalawang batang mga sampu at walong taong gulang, ang hindi niya kilala. Ngunit sa tahip ng kanyang dibdib, natukoy niyang ito ang pamilya ni Berting.

Nagkubli si Nilda sa isang tindahan ng mga kandila, hinintay na matapos ang seremonyas sa puntod. Nang makaalis ang babae at ang dalawang bata, sakay ng isang magarang kotse, at wala na siyang matanaw na naiwang tao, saka lumapit si Nilda upang magtirik ng dalang kandila.

Sa ibabaw ng isinaayos na nitso ng mga magulang ni Berting, sa nakapatong na bagong gawang munting lagakan ng mga labi, bago ang nakakabit na lapidang marmol. Ang nakaukit na mga titik nito ay binasa ni Nilda.

Ako'y babalik.
Berting.

Iyon lamang ang nakasulat. Ako'y babalik. Berting.

Wala nang iba. Wala ang araw ng kapanganakan. Wala ang petsa ng kamatayan.

Tinutop ni Nilda ang kanyang dibdib. Waring hindi siya makahinga. Berting. Ang pangalan ay kanyang hinugot sa kanyang kaibuturan. Na nang mamulas sa kanyang mga labi ay isang hinaing, isang panaghoy. Ngunit bago siya tuluyang tinakasan ng ulirat ay nadama niyang mayroong mga bisig na umalalay sa kanya, may kilalang tinig na kumausap, ang kapatid ni Berting.

“Ate Nilda, habilin ni Kuya Berting. Pagdating ng panahon, dito ilagak ang kanyang mga labi. Ibalik siya. Dito sa atin.... sa iyo...”

Ako'y babalik.

Iyon ang sabi ni Berting.


LIWAYWAY, Nobyembre 2, 1987


Sunday, November 13, 2011

MAY ALAM BA KAYONG LUMANG-LUMANG AWITIN?


MAY ALAM BA KAYONG LUMANG-LUMANG AWITIN?


Ano ang pinakalumang awitin ninyong alam? Iyong awit na hindi sa ating panahon (na luma na rin, kung tutuusin, ngunit hindi natin tinutuus dahil raw in denial tayo! Pero baka sa isang taon, mapunta na tayo sa acceptance :))

May natutuhan kaming awit sa elementarya. Ito ang awit ni Maria Clara. Masasabi sigurong luma ito, katha ni Dr. Jose Rizal sa wikang Kastila.. Ewan lang kung sino ang naglapat ng musika.

Tamis mabuhay sa sariling bayan...

Ngunit hanggang doon lamang ang alam ko, bagaman at ang himig ay hindi ko pa nalilimutan. Kaya... nagpunta ako sa internet at nakuha ko ang buong lyrics ng awit. Kaso, iba ang himig niya sa natutuhan namin noon. Iyon pa man, natutuwa akong maaawit ko na ito sa himig na sa palagay ko'y unang inilapat dito.

AWIT NI MARIA CLARA ni Dr. Jose P. Rizal (1887)
Titik sa Tagalog ni J. Hernandez na siya naming napag-aralan noon,
(may ibang bersiyon)

Tamis mabuhay sa sariling bayan
Magiliw ang lahat sa halik ng araw
Ang hangin may samyo, nagbibigay buhay
Kamataya'y langit pag-ibig ay banal.

Magiliw na halik sa tuwing umaga
Sa bunso'y pamukol ng irog na ina
Ang bisig ng bunsong may ngiti sa mata
Sa leeg ng ina'y ikakapit niya.

Tamis ng mamatay ng dahil sa bayan
Magiliw ang lahat sa halik ng araw
Ang hangin may samyo ng kamatayan
Sa wala ng bayan, ina at kasintahan.

Siempre, iba pa iyong awit na pambata (?) na itinuro sa akin ng aking Amang. Sa saliw ng kanyang gitara, inaawit ko ang “Isang Gabing Tahimik”. Wala akong kilala na nakaaalam ng awit na ito. Kahit sa aming pamilya, sa akin lamang itinuro ito ng aking Amang.

Natatandaan ko ang kapatid kong panganay na nag-aral ng voice culture kay Maestra Dalisay Aldaba, (magkalapit lamang ang aming bahay sa Malolos). ang kauna-unahang Filipina na umawit sa New York City Opera noong 1940s ng papel ni Cio Cio San sa Madama Butterfly ni Puccini (ang iba pang Filipina na umawit nito ay sina Isang Tapales at Jovita Fuentes, sa Italy noong 1920s at 1930s.) Naaalaala ko pa ang bokalisasyon niya at ang kanyang “sulle sulle labbra...” Pero hindi inawit ng aking kapatid ang aking “Isang gabing tahimik, maliwanag ang buwan...”

Ang sumunod sa panganay na kapatid kong lalaki ay mahilig tumugtog ng gitara. Paborito niyang awit ay “La Paloma”. Para ko pang naririnig ang kanyang “... at kung sa 'yung bintana'y may dumapong ibon, giliw kausapin mo at ako ay yaon...” Pero hindi ko rin narinig na tinugtog niya ang aking awit na “Isang gabing tahimik, maliwanag ang buwan, basang-basa pa ng hamog ang mga halaman...”

Sapagkat ayaw kong malibing na lamang sa limot ang nasabing awit, itinuro ko ito ngayon sa aking apo na nasa abroad. Nakatutuwa na kabisado na rin niya ito at ang dila niyang sanay sa wikang ingles ay bihasa rin sa pagbigkas ng tagalog. Siguro, nakatulong iyong sa minsan-minsan naming pagdalaw roon, at paghehele sa kanila nang sila'y sanggol pa, ang inaawit ko ay “meme na bunso, sa iyong duyan, babalik na 'gad ang iyong tatay...”

Isang tunay na lumang awitin na alam ko ay ang natutuhan ko mula sa aking mga magulang. Natatandaan ko, paminsan ay nagduduweto ang aking Amang at Inang at siempre, sa saliw ng tugtog sa gitara. Natutuhan ko ito sa dalas ng pakikinig sa kanila (ito lamang yata ang alam na kanta ng aking Inang, o baka theme song nila!) Minsan ko lamang narinig ito sa telebisyon, na ang umawit ay si Bert Marcelo. Talagang luma. Ngunit hindi ko na matandaan ang mga titik ng buong awit. Pira-piraso na lamang ang naiwan sa aking gunita. Kaya, kung sinuman sa makababasa ang nakaaalam nito, maaari bang email ninyo sa akin sa

eve.manunulat@gmail.com

Ganito iyon...

Kung ang kasawian ng isang pag-ibig
Ay matatawag nang pangalawang langit
… ang nakakaparis
...dibdib

(refrain) Gaya nang nangyari, sa isang umirog
na nagkatiwala sa tamis ng sagot...

Wala na. Hanggang doon na lamang.

Ang aking kwento ngayong Nobyembre na pang-Todos Los Santos ay umiikot sa isang lumang awitin. Alam pa kaya ninyo ito?

Abangan!!!




Saturday, November 12, 2011

Some Things to Think About


Recently, I received this text message
from a very good friend

who just lost her husband.

Some Things to Think About


Love the sun...
for it warms your body...
yet
love the rain...
for it cools your head;

Love the light...
it shows you the way...
yet
love the darkness...
for it shows you the stars;

Welcome happiness...
for it enlarges your heart...
yet
endure sadness...
for it opens your soul.

What is the message?

Be grateful for everything...
just enjoy everything...
for none of it will happen
the same way again.

And who gave you everything?

God Almighty!
Praise God!

It simply shows how beautifully
she's taking everything her way...


Wednesday, November 2, 2011

A Rose to the Living



Rose To The Living

A rose to the living is more
Than sumptuous wreaths to the dead;
In filling love's infinite store,
A rose to the living is more
If graciously given before
The hungering spirit is fled.
A rose to the living is more,
Than sumptuous wreaths to the dead.

- Poem by Nixon Waterman -

Tuesday, November 1, 2011

November 1, 2011 - SA DAKO PA ROON


When I am dead my dearest,
Sing no sad songs for me
Plant thou no roses on my head
Nor shady cypress tree.
Be the green grass above me
With showers and dewdrops wet
And if thou wilt, remember...
And if thou wilt, forget.
I shall not see the shadows,
I shall not feel the rain;
I shall not hear the nightingale
Sing on, as if in pain:
And dreaming through the twilight
That doth not rise nor set,
Haply I may remember,
And haply may forget.

Christina Rosetti

Wednesday, October 26, 2011

Gustong Mag-alaga ng Tigre


GUSTONG MAG-ALAGA NG TIGRE


Kung ang hinahanap mo'y isang dalagang habang tinitigan ay lalong gumaganda, nariyan si Marcia. Kung iisa-isahin mong titigan ang bawat parte ng kanyang sandaan at sampung libra na limang talampakan at apat na daling kabuuan, ay wala ka namang mapupunang katangiang higit sa karaniwan. Iyon ang nakapagtataka kay Marcia.

“Ilang taon ka na ba, Marcia?” ang tanong ko.

Ikinumpas ni Marcia ang kanyang kamay na wari bang may binubulas na kulisap. “Ang dalaga'y hindi tinatanong kung ano ang edad, Kuya.”

“Tumatanda ka nang dalaga. Marcia,” ang ulos ko.

Napabalikwas si Marcia. Isang tinging matalim at astang nagpatingkad sa tigas ng guhit ng mga panga at walang kasali-salitang nilayasan ako.

At ang mga tingin ng mga singkit na matang iyon at asta ng prominenteng pangang iyon ang hindi nagustuhan ng mga naging kasintahan ni Marcia. Mga kilos na palaban. Hindi mahapayang gatang. Ikaw, e. Kung ano ka, e. ganoon ang mga pahiwatig.

Ngunit si Marcia nga ay lalong gumaganda habang tinitigan. Marami ang nahahalina at ito'y di nawawalan ng talisuyo. Ang totoo'y may kasiya-siyang disposisyon naman si Marcia. Magandang ngingiti. Nakakikiliting tumawa. Nakaiigayang tingnan kung lumakad, kumilos, maupo, kumumpas. Buhay ang tinig kung mangusap. At alam ang sinasabi. Hindi bolera. Talagang palabasa at malawak ang kaalaman sa mga bagay-bagay.

Ito si Marcia habang hindi naiinis at walang ikinagagalit. O wala pa kayong pinagtatalunan. Pero, kuwidaw, oras na nagtsoke na kayo, lalabas na ang natural. Hindi mo matatalo, lalo na't alam niyang siya ang tama. Hindi mo rin mauuto. Paniningkitan ka ng mga mata niya. At siyempre, ikaw na lalaki ka, hindi mo matatanggap na talo ka na sa diskusyon ay titingnan ka pa na parang wala kang silbi.
Kaya laging naghihiwalay si Marcia at kung sinuman ang kasintahan nito. At ito ang aking malaking problema. Gusto ko nang mag-asawa ngunit naipangako ko sa sariling hindi ako lalarga hangga't hindi pa nakatatagpo ng makakaisang-palad si Marcia. Dadalawa kaming magkapatid, ulila nang lubos, ang kapisan lamang ay isang maykaya, pero tumatanda na ring ale.

Isang gabi ay nilapitan ako ni Marcia. “Talaga bang disidido ka nang mag-asawa. Kuya?”

Kumibit ang balikat ko. “Medyo naiinip na si Chato.”

Nakapangalumbabang tiningnan ako ni Marcia. “Hindi naman kita pinipigil. Narito naman ang tiya.”

“Tulad nang nasabi ko, labas dito ang tiya. Tayo ang magkausap. At ikaw muna, bago ako.”

Kaylalim ng buntung-hininga ni Marcia. “Hindi yata ako makatagpo ng talagang gusto ako.”

Si Romy ang unang kasintahan ni Marcia. Kung talagang gusto siya ni Romy at kung talagang gusto niya si Romy ay isang bagay na hindi tiyak. Ngunit sila ay naging magkasintahan. May mutuwal na atraksiyon, kung ganoon.

Ngunit hindi ko masyadong kursunada si Romy. Dahil mukha itong pikon. Parang walang pasensiya. Hindi ito magtatagal at mag-aaway, naisip ko noon. Di nga't kaagad nangyari. Sa walang kakwenta-kuwentang bagay.

“Gusto yata akong ikulong. Ayaw raw niya ng babaing layas nang layas. Para sa mga amiga ko lamang ako nagpupunta.”

“Kung mahal mo siya, siguro naman ay maluwag sa loob na susundin mo ang kanyang gusto,” ang aking wika.

“At kung mahal naman niya ako, mauunawaan niyang gusto ko ring nakakasalamuha ang iba ko pang kaibigan,” ang sagot.

At minsan pa.

“Huwag daw akong dumalo sa party nina Zeny.”

“Ano ang reklamo?” ang tanong ko.

Dumabog si Marcia. “Naroon daw ang kapatid ni Zeny. Si Edgar.”

“Seloso,” ang puna ko.

Umiling si Marcia. “Hindi. Talaga lamang na ganoon si Romy. Lagi akong tinetesting kung ako raw ay mapasusunod niya. Sapagkat ganoon daw ang gusto niya sa babae. Masunurin.”

At natural na hindi sumunod si Marcia. Ang ginawa pa ay kung alin ang ayaw. Dumalo sa parti nina Zeny at hindi nagtagal, pumapanhik na ng ligaw sa amin si Edgar.

Mukhang responsible si Edgar. Siya ang tipong maaari kong pag-iwanan ng isang kapatid. Tapos ito ng karera at may matatag nang hanapbuhay. Ang totoo'y gusto nang mag-asawa ni Edgar. Ngunit ayaw pa ni Marcia.

“Gusto ko munang makatapos ng pag-aaral, makapagtrabaho,” ang katuwiran.

“Ano ang kanyang sabi?” tanong ko.

“Handang-handa na raw siya at gusto na niya at kung di raw ako magbabago ng loob ay....”

Nasa huling taon na nang pag-aaral sa kolehiyo si Marcia at kung gusto pa niyang magtrabaho pagkatapos at ayaw pa niyang mag-asawa ay hindi ko naman pipilitin. Sa kabilang dako'y hindi ko rin naman masisisi si Edgar kung gusto na nitong mag-asawa.

Sa ikalawang pagkakaaon, nawalan na naman ng kasintahan si Marcia. At dito na ako pumasok.

“Sa loob ng nakaraang panahon, marahil naman ay hindi mo ako mapipintasan Marcia,” ang sabi ko.

“You're da bes,” ang bira at naisaloob ko, kung ito nga'y nobya ko, malamang na hindi ko patuluyan. Kung sumagot, hindi kanais-nais.

“Ang ibig kong sabihin, siguro naman ay matatawag na akong maunawaing kapatid. Kahit na bata ka pa'y hinayaan na kitang mag-boyfriend, basta ilalagay nga lamang sa lugar ang lahat,” ang patuloy ko.

“Go straight to the point, Kuya,” ang sabi at naisip kong talaga ngang iiwan si Marcia ng kasintahan nito. Walang pasensiya. Hindi marunong maghintay sa mga boladas ng kausap. Hindi maalam magbigay ng kunsuwelo.

“Okey,” ang pormal kong wika. “Nakadalawa ka na at di mo nakasundo. Gusto ko naman sana na bago ka pumili ng ikatlo ay pakaisipin mo munang mabuti. Kahit na sa panahong ito ay di lubhang napipintasan ang babaing nagbibilang ng nobya, kahit paano ay mainam na rin ang malinis ang reputasyon.”

Nakinig naman si Marcia. Tapos na ito sa kolehiyo at nag-oopisina na nang muling pumili ng magiging nobyo. Si Vic. At boto na ako kay Vic. Nang muling mangyari ang dating mga pangyayari.

“Hihinto raw ako sa pag-oopisina pag mag-asawa na kami.”

“Kaya niya marahil ang magpamilya,” ang paliwanag ko.

“That is beside the point,” matabang na sagot ni Marcia. “Ipinaliwanag ko sa kanyang sayang naman ang aking pinag-aralan. At kahit paano ay makatutulong din ang aking suweldo. Saka higit sa lahat...” napatigil si Marcia.

“Ayaw mong tumigil sa bahay,” ang salo ko.

Tumango si Marcia. “Iyon ang pinaghiwalayan namin.”

Beinte tres lamang si Marcia nang magkalas sila ni Vic. At ngayon ay beinte sais na ito. Ako naman ay treinta'y dos at naiinip nang talaga ang aking kasintahan. Ngunit waring nadala na si Marcia. Parang tinabangan na sa aking pakiwari

“Sa mga nagkakamali sa iyo ngayon, wala ka ba namang nakukursunadahan,” pabiro ang pasok ko sa suliraning kaharap naming magkapatid.

May nagdaang kislap sa mga mata ni Marcia. “Sino?” tanong kong nabuhayan ng loob.

Muling nalambungan ng lungkot ang mukha ni Marcia. “Ayoko nang mabigong muli.”

“Pero kung talagang mahal mo siya.”

“Mahal,” maigsing sagot ni Marcia.

“Puwes, huwag mong sikilin,” ang payo ko. “Ang tandaan mo'y ang mga leksiyon ng nakaraan. Ang totoo'y masyado kang matalim, Marcia.”

“Matalim,” medyo naningkit ang mga mata ni Marcia.

“Ang kutsilyo lamang ang dapat na matalim. Ang babae, kapag nagsalita ay hindi dapat na iiwa. At hindi kontrabida. Dapat ay pasensiyosa. At masunurin.”

Matagal na nagmuni-muni si Marcia. Kapagkuwa'y tumangu-tango. “Marahil nga'y may katwiran ka.”

Nakatutuwang ang napili ni Marcia ay kursunada rin naming lahat sa bahay. Lalo na ang aking tiya na matagal nang nag-aalala sa buhay at pag-ibig ni Marcia.

Si Ramon. Na kay Ramon ang lahat ng katangiang mainam sa nakaraang mga kasintahan ni Marcia. At wari namang tinotoong iwaksi ni Marcia ang mga kapintasang pinagkagalitan nila ng mga dating kasintahan noon.

Ang mga kuwento niya.

“Kung sabihin daw ba niyang huminto ako sa pag-oopisina, papayag ako. Ang sagot ko'y kung iyon ang gusto niya, hihinto ako.”

“Anong sabi?” nasasabik kong tanong.

Kumunot ang noo ni Marcia. “Hindi umimik. Saka noong minsan, sinabi sa aking huwag ko nang isusuot iyong isa kong mini. Natural, hindi ko na nga isinuot.”

“At hindi rin umimik pagkatapos,” ang hula ko.

Lumalim ang kunot ng noo ni Marcia. “Totoo iyon. At ang nakapagtataka, nang sabihin niyang ipipisan niya ako sa kanyang pamilya matapos kaming ikasal at pumayag ako, para ba siyang nainis.”

Ang kutob ng loob ko'y hindi nagkabisala. Isang hapon ay dinatnan ko sa bahay sina Marcia at Ramon sa isang situwasyong ang nakakawangis ay bulkang nagmumunti-muntikanang pumutok. Nakakahiya mang aminin ay naupo ako sa patyo sa karatig ng sala at nakinig sa kanilang usapan.

Si Marcia, sa malumanay na tinig, “Sabihin mo nang ayaw mo na sa akin at di kita pipigilin. Nang magdahilan kang masakit ang ulo mo'y nakita kitang kasama mo si Susan.”

“Bakit di mo ako sinita?” tinig ni Ramon.

Sinita. Ang sabi ko kay Marcia noon, ayaw ng lalaki nang sinisita. Kung magkukuwento ang lalaki, magkukuwento ito kahit hindi mo usisain, paliwanag ko pa.

Muli, si Ramon. “Akala ko noon, nakita ko na sa iyo ang mga katangiang hinahanap ko sa isang mapapangasawa.”

Si Marcia, sa pigil na tinig. Ngunit sa himig na kilalang-kilala ko na. “Aber, anong mga katangiang iyon? Maganda? Mabait? Masunurin? Ganoon ba? Nakalimutan mo na ba na noong pigilin mo akong magsuot ng mini ay sumunod ako. Hindi ko isinuot kahit na gustug-gusto ko. Sinabi mong ipipisan mo kamo ako sa mga magulang mo. Tumutol ba ako? Hindi. Dahil gusto mo. Kahit na mas gusto kng nagsasarili tayo. Hindi ako kumibo.”

Sa nababasag na tinig ni Marcia ay nakisabay ang mariing tinig ni Ramon. “Bakit ka napapigil? Bakit ka hindi tumutol? Bakit ka hindi kumibo?”

“Ano'ng ibig mong sabihin?” may nanulay na magkahalong inis at ngitngit sa tinig ni Marcia.

Si Ramon. “Kung kailangan ko ng pamunasan ng paa... if I need a doormat... ay pupunta ako at doon hahanap sa supermarket, Marcia. Naiintindihan mo ba?”

“Aaa....” tinig ni Marcia. Ngunit wala namang kasunod. Ang narinig ko”y ang lagapak ng tsinelas nito sa mga baitang papanhik sa itaas sa kanyang silid. At ilang saglit pa'y kaharap ko na si Ramon. At di ko alam ang sasabihin.

Hindi ko inaasahan ang kanya namang sinabi. “Kailan ba kami pwedeng pakasal?”

Ang pagkalito ay nalarawan marahil sa aking mukha. At si Ramon ay nagpaliwanag. “Mahal ko si Marcia. At kasama kong minahal ang ugaling yaon na siyang kabuuan ng kanyang likas na panghalina. Kung bakit siya nais supilin ng mga nauna niyang kasintahan ay siyang hindi ko matanto. Matagal ko na siyang kakilala. At nagtataka nga ako at parang naiba siya. Nagbago.”

“Kagagawan ko,” napapahiyang sagot ko. “Akala ko, ang lahat ng lalaki ay pareho ko. Gusto ko ng masunurin,” ang dagdag ko pa.

Ngumiti si “Ramon. “Sinunod ka ni Marcia dahil gusto rin niya ang kanyang ginagawa. Mahal ako ni Marcia, ito'y nadama kong totoo. Kaya ninais kong mapalabas ang kanyang natural. Ninais kong mawala sa kanya ang pretensiyon. Pinagalit ko siya. At nakita mo sana. Walang sinabi, pero ang mga mata. At ang asta. Parang tigre!”

“At gusto mong mag-alaga ng tigre!” napapangiti kong tanong.

“Kulang lamang siya sa palo,” pabiro, kasabay ang tawang wika ni Ramon.

At buong kasiyahang nausal ko sa sarili. Okey ka, bayaw...


LIWAYWAY, Marso 25, 1974