Monday, December 12, 2011

Kundiman

KUNDIMAN

Ilang nakabasa ng kwentong AKO'Y BABALIK na nakausap ko kamakailan ang nagtanong kung ang himig ng nasabing awit ay ang himig na alam nila... at ito ay kanilang inawit sa akin.

Ako'y babalik sa piling mo hirang
Ang aking pagsuyo'y di mapapantayan...
Hanggang sa wakas magpapakasakit
Sa piling ng langit, ako'y babalik.

At tama nga. Nagbalik tuloy sa alaala ang iba pang awit na katulad nito. Natatandaan pa kaya ng marami ang kumakaway ka pa irog nang kita'y iwan, upang magtungo sa ibang bayan, isang panyong puting-puti ang iyong tangan, basang-basa ng luha mong di mapigilan...

Nakatutuwang kahit pira-piraso ay naiiwan pa rin sa alaala ang mga titik at himig ng mga lumang awiting kinagisnan natin. Marahil ang mga ito ay ginamit sa pelikula na ating napanood noong tayo ay bata pa at isinasama ng mga nanay sa sine, tangay lamang, ibig sabihin, walang bayad! Hanggang ngayon ay alam ko pa rin ang awit ni Cely Bautista na Hinahanap Kita at Irog, Ako ay Mahalin. Sa dormitoryo, nakahumalingan naming kantahin ang isang awit na may ganitong titik: Kapag ako ay umibig at saka nasawi...

Isang kaibigan na mahilig sumulat, kumatha ng tula at umawit, ang pagdaka'y gumawa ng pagsasaliksik tungkol sa ating mga awit. Tinuunan niya ang ating KUNDIMAN na ngayon ay inilalathala ko rito, kasama ang kanyang pagsang-ayon na ibahagi sa iba pang mambabasa.

KUNDIMAN mula sa pagsasaliksik ni Rollie E.


KUNDIMAN

Ang kundiman ay isang genre o kategorya ng awiting Pilipino. Palibhasa'y sumibol ito noong kapanahunan ng mga Kastila sa ating bansa, ang baybay nito noon ay nagsisimula sa titik na “c” sa halip na “k”.


Ano ang pinagmulan ng salitang kundiman? Ayon sa isang kuwento, isang grupo ng mga binata ang naghaharana sa ilalim ng durungawan ng bahay ng isang magandang dalaga. Ang awit nila ay may mga titik na:

. . . . Kung hindi man dapat sa iyong kariktan . . .”

Di kaginsa-ginsa, isang masungit na paring Kastila na naabala sa pagtulog ang nagbukas ng bintana ng karatig na bahay at sinigawan ang mga naghaharana: “Itigil na nga ninyo ang kundiman!” Samakatuwid baga, ang kundiman ay galing sa mga salitang KUNg hinDI MAN. Hindi malaman kung saan at kung kailan ito nangyari dahil kuwento nga lamang. (At matatas waring magsalita ng tagalog ang nasabing paring Kastila!)


Ayon sa nabasa ko, ang kundiman ay nagsimula bilang awiting-bayan (folksong) di gaya ngayong isa na itong masining na awit (art song). Sa pagdaan ng panahon, ang kundiman ay nag-evolve sa anyo, tempo at lirikang kilala natin ngayon. Ang pagbabagong ito mula sa awiting-bayan hanggang sa maging awit-sining ay nagsimula sa isang nagngangalang Bonifacio Abdon na napagtantong ang katutubong himig at anyo ay magagamit niya sa mga seryosong komposisiyon, gaya ng ginawa ni Schubert.



Ang mga iskolar at mga manunulat ng kasaysayan ay naniniwalang ang kundiman ay nagsimula sa Balayan, Batangas. Si Dr. Francisco Santiago (1889-1947) ang itinuturing na Ama ng Kundiman. Si Santiago ay isang Bulakenyo. Buhat siya sa Sta. Maria. Siya ang kompositor ng mga walang kamatayang kundiman gaya ng
Pakiusap, Madaling Araw, Ano Kaya ang Kapalaran? at Anak Dalita (Kundiman). Si Santiago ang nagbigay ng matibay na posisyon ng anyo kundiman bilang awiting pang-konsiyerto. Ang komposisyon niyang Pakiusap ay paborito ng noo'y tanyag na Italyanang soprano na si Amelie Galli-Curci. Ito ang madalas na inaawit niya sa mga pagtatanghal sa mga konsiyertong internasyonal . Kung napupunta ang soprano sa Espanya, ang Kundiman ang madalas na hinihiling ng Haring Alfonso XIII na awitin niya.

Ang mga titik ng kundiman ay nasusulat sa wikang Tagalog na nagsasaad ng – karaniwan na – ng marubdob na pag-ibig, pagsusumamo, pagkasawi, pamamaalam, kamatayan. Ang tema ay laging malungkot. Ang melodiya ay akma sa mga titik: mabagal, madalang, at mahinahong ritmiko na punung-puno ng drama. (Isa sa mga exception dito ang kundimang Ang Maya.)


Ang mga taong buhat sa 1880 hanggang 1930 ang tinawag na panahon ng pamumulaklak ng kundiman.



Kredito kay Nicanor Abelardo (1893-1934) ang pagtataas ng kundiman sa tuktok ng katanyagan at sa antas nito bilang makasining na awitin, kung paanong ang sonata ay pinatanyag naman ni Beethoven. Para kay Abelardo, ang kundiman ay musikang iniaakma sa mga titik nito. Bago pa dumating ang kapanahunan ni Abelardo, ginagamit na ang kundiman sa panghaharana.

Si Abelardo ay isa ring Bulakenyo. Taga San Miguel de Mayumo siya. Nabuhay siya sa loob ng 41 taon lamang. Nguni't nakagawa siya ng may 140 na komposisyon.


Nangunguna sa mga awiting nilikha niya ang klasikang Nasaan Ka Irog. Ang awiting ito ang itinuturing na pinakamagandang halimbawa ng kundiman. Ang musika ay nilapatan ng mga titik na ginawa naman ni Narciso Asistio na ganito ang isinasaad:


Nasaan ka irog at dagling naparam ang iyong paggiliw? Di baga sumpa mong ako'y mamahalin, Iyong itatangi, iyong itatangi magpahanggang libing, subalit nasaan ang iyong pagtingin? Nasaan ka irog at natiis mong ako'y mangulila? At hanap-hanapin, ikaw sa alaala, Nasaan ang sabi mong ako'y iyong ligaya? Ngayong nalulungkot, ngayong nalulungkot ay di ka makita. Irog ko'y tandaan... Kung ako man ay iyong ngayo'y siniphayo, mga sumpa't lambing pinaram mong buo, Ang lahat sa buhay ko ay hindi maglalaho't magsisilbing bakas ng nagdaan 'tang pagsuyo. Nasaan ka irog? Nasaan ka irog?



Sa aming research, hindi namin nalaman kung si Asistio ay taga-Bulakan din, gaya ni Abelardo. Nguni't hindi kami magtataka kung silang dalawa ay magkababayan o magkalalawigan.
Naging inspirasyon nina Abelardo at Asistio sa kundimang ito ang kasaysayan ng pag-ibig ng isa nilang kaibigan: si Francisco “Pakong” Tecson at ng isang nagngangalang Segunda, Sapat nang sabihing naging isang malaking kabiguan at kasawian ang pag-iibigan ito para sa dalawang magsing-ibig. Unang isinulat ni Asistio ang mga titik. Sa pagsulat niya ng musikang angkop sa mga titik, lubos ang paggalang ng kompositor – wala siyang pagbabagong ginawa sa mga titik, ang musika ang iniakma niya rito. Nabuo ang awit – ito ay awit ng pag-ibig ni Francisco Tecson; handog ito sa kanya ng kompositor at ng gumawa ng mga titik.

Unang inawit ang Nasaan Ka Irog sa Labor Day Ball sa Santa Ana Cabaret noong 1923 –nang taong ding ang awit ay kinatha. Marami ang humanga. Kinulit ang kompositor na bigyan sila ng kopya kaya't minabuti niyang ipalimbag ito. Ang nalimbag na piyesa ay tinangkilik ng madla; tila apoy na kumalat ang popularidad nito.


Sa inilimbag na 13 edisyon, tinatayang 15,000 kopya ang nabili; walang ibang piyesa ng awit nang kapanahunang iyon ang nakapantay dito.


Sumibol din noong kapanahunan ng kundiman si Juan Buencamino na gaya ni Abelardo, ay taga San Miguel de Mayumo din. Sinulat naman niya ang kundimang Ibong Sawi.


Sa mga lirisista ng kundiman, kasama si JoseCorazon de Jesus, isang makata na lalong kilala sa tawag na Huseng Batute. Siya ang gumawa ng mga titik ng Pakiusap.


(Si Jose Corazon de Jesus din ang gumawa ng tulang Bayan Ko noon pang 1929. Ito'y nilapatan naman ng musika ni Constancio de Guzman. Ang awiting ito ay muling nabuhay sa pamamagitan ni Freddie Aguilar bilang Awit ng EDSA I REVOLUTION.)


Ang pagpapalaganap ng kundiman ay naiwan naman sa mga kilalang mang-aawit ng ating bansa na kinabibilangan nina Jovita Fuentes, Isang Tapales, Atang de la Rama, Conching Rosal, Sylvia La Torre, at Irma Potenciano. Kabilang din sina Ruben Tagalog, Cely Bautista, Celeste Legaspi, Ric Manrique, Jr., Larry Miranda at Cenon Lagman.


Malaki rin ang nagawa ni Armida Siguion Reyna sa kanyang palatuntunang pantelebisyon, ang Aawitan Kita. Bukod kay Armida, umaawit din ng kundiman sa palatuntunang ito sina Lirio Vital, Richard Reynoso at Roberto Natividad.


Mangyari pang nakapag-ambag din ang pelikulang Pilipino sa pagpapalaganap ng kundiman. Ginawa ang Nasaan Ka Irog noong 1937, tampok sina Elsa Oria, Angel Esmeralda, Mila del Sol, Bimbo Danao at Tito Arevalo. Noong 1938, naging pelikuila naman ang Bituing Marikit ns pinangunahan nina Elsa Oria at Rogelio de la Rosa. Dalawang ulit ding ginawa ang Madaling Araw: ang una's noong 1938 na pinagbidahan nina Elsa Oria at Ely Ramos at ang ikalawa'y noong 1958 tinampukan naman nina Amalia Fuentes, Juancho Gutierrez, Susan Roces at Romeo Vasquez. Ang popular na tambalang Rosario Moreno at Rudy Concepsion ang mga bituin sa Pakiusap na isinapelikula nong 1940.


Anupa't ang kundiman ay mananatiling atin: tatak Pilipino . . . awit ng pag-ibig . . . habang may pusong umiibig . . habang may pusong nasasawi. . . .



Marahil, darating ang panahong ang kasalukuyang OPM ang siya namang pagbabalik-balikan at aawitin ng mga seniors-to-be na waring iyon ang kanilang KUNDIMAN, samantalang ang orihinal na KUNDIMAN ay mahahanay na sa mga klasikang musika ng ating lahi.

Salamat kay Rollie sa kanyang sharing!




1 comment:

  1. Salamat po sa artikulo. Maaari po ba kayong maglathala ng artikulong tungkol sa Harana? Salamat po ulit.

    ReplyDelete