Wednesday, December 21, 2011

SAMU'T SARING PARAAN NG PAGDIRIWANG NG PASKO


SAMU'T SARING PARAAN NG PAGDIRIWANG NG PASKO


Kung sa abroad ay big deal ang selebrasyon ng Thanksgiving, sa mga Pilipino, “pinaka” naman ang pagdiriwang ng kapaskuhan. Noong araw, tunay ngang Setyembre pa lamang ay naririnig na sa radyo ang “Jingle Bells”.

Hindi marahil alam ng marami sa kabataan ngayon, na noong araw, ang alam lamang naming kantahin na Christmas Carols ay pawang ingles. Silent Night, O Holy Night, Joy to the World, Hark the Herald, Whispering Hope, Come All Ye Faithful, White Christmas, at siempre, ito ngang “dashing thru the snow on a one-horse open sleigh...” Aba, naku, para namang nakakita na kami ng snow at nakasakay sa isang sleigh! Ito ang mga natutuhan namin sa iskwelahan. Sa elementarya, sa high school.

Kalaunan, may sumubok na magsalin sa tagalog ng ilang awit. Kaya, ito naman ang aming natutuhan sa himig ng Jingle Bells:

Heto heto na
ang Paskong masaya...

na sasabayan ng tunog ng de-tres na pako na itinatapik o ipinapalo, depende sa naghahawak, sa isang trayanggulong batingting. O ugong nang kinakalabog na basyong lata ng gasolina. Kalaunan na lamang na nakapagdala kami ng ukulele (na iisa lamang namang “chord” ang alam ng tumutugtog, na mataas pa ang tono, kaya pumipiyok ang kumakanta....)

Kleng, kleng, kleng
kleng, kleng, kleng
anong tuwa't saya....

At ito naman ang translation ng Silent Night:

Natanaw na, sa Silangan
Ang talang makinang...

Nasa high school na kami nang una naming narinig ang “Ang Pasko ay Sumapit”. Agad na pinag-aralan ito ng barkada naming magkakapit-bahay at ginamit sa pagkakaroling. Big hit ito. Malaki ang ibinibigay ng tinatapatan naming bahay kapag ito ang aming kinanta.

Ang Pasko ay sumapit
Tayo ay mangagsi-awit
Ng magagandang himig
Dahil sa ang Diyos ay pag-ibig
Nang si Kristo ay isilang
May tatlong haring nagsidalaw
At ang bawat isa
Ay nagsipaghandog ng tanging alay

Pangangaroling – iyan ang tanda ng Kapaskuhan nang kami ay may barkadahan pa. Isang paraan nang pagdiriwang namin ng Pasko na nagtatapos sa pagkakaroon ng isang Christmas Party.

(Natutuwa akong ikwento na ang aking mga apo na ipinanganak at naninirahan sa abroad ay marunong ng Pamaskong awit sa Pilipino at sinasamahan silang magkaroling ng aking anak sa pananapatan sa ilang kamag-anak at kaibigang Pilipino rin sa kanilang lugar sa Virginia. Ang kanilang repertoire ay binubuo ng Kleng, Kleng, Kleng, Pasko na Naman, Payapang Daigdig, Kampana ng Simbahan at Tenk yu, tenk yu, ang babait ninyo. Pinag-aaralan na rin nila ang Ang Pasko ay Sumapit. Na una pa nilang natutuhang awitin ang Lupang Hinirang ng kanilang ina kaysa Star Spangled Banner ng kanilang ama. Na sila ay iginigising na matutong magsalita at bumasa ng Tagalog ay natural na ipinagmamalaki ko. Isa kong mithi na dumating ang panahong mababasa nila ang nilalaman ng blog kong ito.

Sa puntong ito ay lulubusin ko na rin ang “boasting privilege” o ang tinatawag na “bragging rights” ng isang “Anda” o Lola at ilalagay ko na rin ang isang tulang kinatha ng 9-year old kong apo.

A Poem by An Inspired 9-year old

Of all the three wise men, one out of three,
One of them was brown, just like me.
He came from the Philippines, far away.
He had a star to guide his way.

He met other wise men on the way,
One black as night, and one white as day.
The black was from Africa, another continent.
The white was from America, the melting pot, they say.
But of all the three, I like the best,
The one from the Philippines,
brown like me.

(Re last line of the poem, she is just being true to her mother's and Anda's complexion, kahit hindi rhyme!)

Sayawan – Noong araw, nagkakaroon din kami ng sayawan kapag Kapaskuhan dahil may youth club sa aming lugar. Karaniwan nang idinaraos ito sa maluwang na bakuran ng Tata Felix at Nana Cancion Reyes, kapwa naging Mayor ng Malolos. Tagaroon sila sa amin aat kamag-anakan ng marami, kaya laging bukas ang kanilang tahanan at bakuran sa aming mga activities. Simpli lang naman ang pagkain – sandwich na gawa sa tasty (tawag sa pan amerkano) na pinalamanan ng mayonaise na may halong dinurog na hard boiled egg at pickle relish at saka coke. Swerte na kapag may spaghetti, depende sa kontribusyunan. Ang tawag sa bakuran nila ay Bahay Kubo.

Family Reunion – Sa aming pamilya, inaabangan ko ito, kasi noong aking kabataan, ay kapwa may asawa at pamilya na ang dalawa kong nakatatandang kapatid na babae, kalaunan, pati ang isang nakatatandang kapatid na lalake. Malayo pa ang Pasko ay panay na ang patugtog ko sa plakang 33 ng awit na “I'll be home for Christmas” pero sila ang hinihintay ko. Dito naman abalang-abala ang aking Inang sa paghahanda ng kanyang mga espesyal na putahe – morcon, embutido, bringhe, nilagang pata ng baboy at buong manok na sinamahan ng isang hiwang hamong-intsik, at siempre, ang Chinese Ham, na pagkatagal-tagal pakuluan (itatapon muna ang mga unang pinagpakuluan) at palambutin sa samu-saring herbs tulad ng cloves atbp, sunod ay tatanggalan ng balat nito, hihilamusan ng asukal ang taba na pagkatapos ay susunugin ng nagbabagang siyenseng bakal! Wow Amoy pa lamang nito, Pasko na!.

Simbang-Gabi – Sa mga nakaraang blog, isinulat ng ilang tagasubaybay ang mga karanasan nila sa simbang-gabi ng kanilang kabataan. (Magtungo lamang sa archive sa buwan ng Disyembre, 2008 at tiyak kong kahit ang mga kabataan ngayon ay makaka-relate sa kanilang karanasan.)

Palabas/Entertainment - Noong araw, ang nagpapalabas lamang ay ang Araneta Coliseum. Holiday on Ice lagi ang kanilang pamaskong entertainment. Saka mga karnabal na maraming rides. Sa probinsiya ay sa poblacion. Sa Maynila ay sa malapit sa Luneta. Natatandaan pa ba ninyo ang pinakamaliit na tao, isang babae, na halos wala pang 2 feet ang taas, pero matanda na siya? Saka iyong sirena raw? At taong bakulaw?

Aginaldo – Pamimigay at pagtanggap ng aginaldo, ito ay kasama sa pagdiriwang ng Pasko. Noon, singko, diyes, beinte ang karaniwang tinatanggap na aginaldo (pero diyes lang naman ang pamasahe at coke!) Minsan, wala pa ngang iniaabot. Basta at pagkahalik ng kamay sa pinagmamanuhang matanda ay tatanggap lamang ng “Istigusanto” (ito ang dinig namin sa bendisyon). Ngayon?

NGAYON, ANG PASKO...

Shopping, shopping, shopping – dahil naglipana ang mga mall at tiangge. Ang daming mabibili. Bumabaha ang mga panindang galing sa China. Noong araw, made in Japan. Ngayon, made in China.

Kris Kringle – sa opisina. Naalaala ko pa ang isang anak ko noong nasa elementary ito, nagreklamo sa teacher, kasi raw ay hindi siya binibigyan ng kanyang daddy, e, bigay siya nang bigay sa kanyang baby! Tawa ko lang. Naalaala ko kasi iyong exchange gift namin noong grade 4 ako. ayaw ba namang tanggapin noong aking ka-exchange gift ang aking regalo. Maliit kasi ang balutan. E, ba't di lilliit, e sabong pampaligo ang binalot ng aking Inang,

Gimik – Sa dami ng hotel, nauso ang hotel-hopping minsan. Ngayon naman ay sangkatutak ang mga shows. At sa dami ng mga resorts na mapupuntahan, out of town pa kung minsan ang gimikan kung Pasko. O out of the country pa. Pa-Hongkong-Hongkong o Singapore. Kung mapera, nariyan ang cruise. Galing.... Pera lang ang kailangan.

Caroling – Karaniwan ay mga bata ang nagkakaroling ngayon. Hindi lamang sa bahay, pati sa sinasakyan mong jeep. Minsan nga, nakatayo ka lamang, may tatabi na sa iyo na kakantahan ka. Sa mga subdibisyon naman, sa sandaling binuksan mo ang Christmas light na nakasabit sa iyong bintana, may kakatok nang mga paslit na kumakanta ng “Mano po Ninong, mano po ninang...” Kwidaw, kapag, hapon pa lamang ay may sobre nang iniaabot ang magkakaroling. Hindi pwede ang barya-barya lamang dito.

Reunion – Hindi lamang family reunion ang nagaganap tuwing Kapaskuhan ngayon. Kadalasan, dito na rin idinaraos ang mga high school reunion ng mga matagal nang nagtapos, hindi iyong kaga-gradweyt lang. Karaniwan nang mga 15, 20, 30, 40, 50 taon nang graduate sa high school. Marami kasi sa mga ito ay nag-immigrant abroad at sa pagkakataong umuuwi sila para makaranas na muli ng Kapaskuhan sa Pilipinas, itinatapat na rin ng kanilang mga kaiskwela ang pagdaraos ng kanilang mga reunion.

May alam akong isang grupo ng mga babae na ilang dekada nang tapos ng high school at marahil ay hindi nakaranas ng sleepover ng kanilang kabataan ang ngayon ay gumagawa ng sleepover tradition tuwing umuuwi sa isang reunion ang mga kaiskwelang taga-abroad. Visualize a group of golden girls minus their spouses na magdamag na nagkukwentuhan, naghahalakhakan, nagkokodakan, nagkakainan! Ang saya! At kumustahin mo ang kanilang pinag-uusapan. Everything under the sun.

Palaro sa mga reunion at Christmas Party - Kamakailan ay dumalo kami sa isang parti sa aming barangay. Enjoy kami, lalo na sa panonood ng palaro na sinalihan ng mga lalaki, na napili naming gayahin sa isang idinaos na reunion ng klase na ginawa ilang araw matapos ito. Naku, nakatutuwa.

Ang titulo ng laro ay “fruit salad”. Nakahilera ang mga lalake, nakaharap sa leader. Kapag sinabi ng leader na apple, kekendeng ang mga ito sa kanan; kapag ang sinabi ay mango, kekendeng sa kaliwa; kapag papaya, yuyuko o ibe-bend ang katawan sa harap; at kung banana, liliyad at ibe-bend ang katawan sa likod. Kapag madalang ang pagsasabi ng apple, mango, papaya at banana, okey lang na makasunod ang mga participants. Pero, kapag pinagsunud-sunod na mabilis ang apple, apple, apple, kailangang tuluy-tuloy ang pagkendeng sa kanan. Visualize na lang kapag ang salitang banana ang pinagsunud-sunod sabihin! Na tatapusin sa salitang fruit salad kung saan paikut-ikot ang katawan na parang may hinahalo! Ayyy, naku, sasakit ang tiyan ng mga nanonood!

Uso na rin ngayon na ang mga pamilya ay nagpupunta na lang sa mga hotel para sa kanilang Christmas lunch o Christmas dinner. Ito ay kung malaki ang bonus. Pero sa mga natitirang sentimental, na tulad ko marahil (o wala lamang bonus :-( na natanggap), mamamalengke pa rin at magluluto. Iskedyul kong gumawa ng embutido, na isa na ring tradisyon sa aming pamilya, at magluto ng ube. Pagkasimba sa gabi ay tsokolate-e (hindi tsokolate-a), fiesta ham na muling pinapakuluan sa pineapple juice at cloves (kasi, malayo na ang Quiapo sa Marikina para bumili ng chinese ham) at enseimadang Malolos ng Eurobake. Try ko rin ngayong magluto ng morcon. Susubukan kong ma-recapture ang lasa ng morcon ng aking Inang.

Nabalot ko na ang mga token gifts sa mga pamangkin, na-staple ko na ang pangalan ng aaginalduhang mga paslit ng mga crispy twenties na kinuha sa bangko, gayundin ang mga pambigay sa kartero, newspaperboy, tagakuha ng mga basura, tagahatid ng bills ng ilaw, tubig, telepono, etc, naipon ko na ang mga beinte singko, piso at limang pisong baryang pang-aginaldo sa mga batang kumakatok sa aming gate sa umaga ng Pasko (hindi ko sila kilala!), patuloy na sa pag-awit ang Carpenters ng kanilang Christmas Portrait, nakasindi na ang blinking lights sa Belen, napalitan na ang mga kurtina, may nakasabit nang parol, nakaanim nang anticipated simbang-gabi kami (sakripisyo nang hindi mapanood ang kalahati ng Amaya), at kahit paano, nakapag-abuloy na rin sa isang tv foundation na nangangalap ng donasyon para sa mga biktima ni Sendong sa Mindanao... ano na lamang ba ang kulang?

Ang balik-bayan box! Ang isang makabagong patunay ng pagsapit ng Kapaskuhan ng kasalukuyang panahon! Isa ring makabagong paraan ng pag-aalaala ng mga nasa ibayong dagat sa kanilang pamilyang nasa Pilipinas, hindi lamang tuwing Kapaskuhan, kundi sa buong taon man

At hinihintay ko na ang aking balikbayan box. Na ayon sa nakausap ko ay na-delay daw sa Hongkong at after Christmas pa darating. Narito kasi ang mga tsokolateng panregalo ko naman sa aking mga suki sa palengke. Kasi, binigyan na ako ng suki kong maggugulay ng isang malaking balot na canton at pansahog na repolyo, carrot at beans, na taon-taon ay inireregalo niya. Tuwa na nilang makatanggap ng kahit ilang pirasong tsokolate sa akin at talagang ipinagmamalaki nila ito.

Noon man at ngayon, sa samu't sari mang paraan ng pagdiriwang, tunay na ang Pasko ay pagtanggap at pagbibigay ng biyaya! Kung paanong sa pagbibigay sa atin ng isang Sanggol sa Belen, dapat lamang na ang pagtanggap sa Kanya ay tambalan natin ng pagbabago tungo sa kabutihan, hindi lamang natin, kundi ng lahat sana, upang maging karapat-dapat tayo sa Biyayang tinanggap.

MALIGAYANG PASKO AT MANIGO, MAPAYAPA, MASAYANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!!!



No comments:

Post a Comment