"The Young Dreamers Club - Magkakaibigan, magkakapatid, magpipinsan, magkakapit-bahay - isang grupo ng kabataan, minsan isang panahon. Sa isang panahon na walang pera sa bulsa. Nagkakasya lamang sa nginangatang babolgam, nagtitiyaga sa kinukukot na nilagang mani o tinatalupan pang butong-pakwan, sa nadenggoy na manggang piko sa kung kanginong puno.
Magkakasama sa kuwentuhan, sa kantahan, sa kantiyawan at tuksuhan at asaran, sa mga pananapatan tuwing magpa-Pasko upang magkapera at nang makasama sa iskursiyon ng baryo, sa pag-ilaw sa santakrusan gabi-gabi para makapag-merienda sa pakain sa mga kadalagahan at kabinataan (kasama na raw sila roon) na pansit o ginatang bilu-bilo, sa panonood ng kanilang koponan kung saan kasali ang dalawa sa barkada sa liga ng basketbol kapag pista ng bayan - isang grupong walang maitatago sa isa't isa, mula sa lahing pinagmulan hanggang sa kalagayan sa kasalukuyan...
Maliban sa mga lihim nilang pangarap sa buhay!
Ito ang Young Dreamers Club."
THE YOUNG DREAMERS CLUB
Ito ang pamagat ng isa kong kuwentong nalathala sa Liwayway
noong Nobyembre, 2016.
Tulad nang nabanggit sa reprinted text mula sa November 2016 blog dito, tungkol ito sa isang barkadang binubuo ng magkakapatid,
magpipinsan, magkakaiskwela, magkakapit-bahay. Sa madaling-salita,
batay ito o sabihin na nating halaw sa tunay na buhay ng mga taong nabanggit sa
kwento. Na ang mga pangalan ay hango rin sa talaga nilang ngalan, pinaiksi
lamang.
Ang kuwentong ito ay kasama na sa tinipon kong kuwento na
isinasaaklat na ngayon. Ngunit dahil sa isang pangyayari, naisipan kong ilagay
na ito sa blog upang mabasa ng mga taong nakakakilala sa mga karakter na
nabanggit sa kuwento.
Ang Pebrero 14 ay Araw ng mga Puso at ang lahat ay
nagsasaya. Ngunit nang araw na iyon, kasama ako ng isang grupo sa paglalamay
(wake) ng isa sa mga karakter sa nasabing kuwento. Kasama rin ako sa
nahilingang magbigay ng kaunting pananalita at matapos kong basahin ang isang
Memorial Message na padala ng mga kamag-aral nito abroad, ay bahagya kong
binalikan ang nakaraang araw ng nasabing barkada.
Tinapos
ko ang aking mensahe sa pagsasabing basahin na lamang nila ang kuwento, na
ngayon ay ibinabahagi ko sa inyo.
The Young Dreamers Club
SI Belen ang nakaisip ng ipapangalan nila sa kanilang
barkada. Ito ay ayon sa pagkatanda ni Sario na hindi naman maalala ni Belen na
siya nga. Ngunit iyon pa ba ang kanilang pagtatalunan? Sa kanilang edad ngayon
na iyong nangyari lamang kani-kanina ay nalimutan na, iyon pa kayang kay tagal
na.
Walang maliwanag na
bilang kung ilan silang kasapi sa barkada. Noong kasarapan ang samahan, lahat
na ay gustong makasali o makasama. Kalaunan, sa pagdaraan ng mga taon,
unti-unting nabawasan. Matira ang matibay, wika nga. Tulad ngayon, apat na lamang
sila. Si Belen, si Sario, si Luchi at si Diwa. Iba-iba pa ang kinaroroonan at
tirahan, nagkakasama-sama lamang sa pagkakataong tulad ng paglalamay sa isang
kabarkadang namatay. Si Ningning ngayon.
Sinu-sino na ba ang
nag-abroad? Abroad, iyon ang tawag ni
Luchi sa mga nagsiyao na. Pero iba naman si Diwa. Sa kanya, pag sinabing
nag-abroad iyong asawa, ibig sabihin, sumakabilang-bahay. Hindi buhay.
Natatawang napapailing
si Sario. “Kaya di ko makakalimutan ang ating barkada, e, dahil sa lengguahe
ninyo. Pambihira. Kakaiba. Walang kaparis.”
Umungol si Belen.
“Hindi malilimutan… nasaan ka noong nakilibing kami kay Lando? Nang naglamay
kami kay Andoy? Kay Glamour. Nang nagbalik-bayan si Ople mula Canada, huling
kita na pala namin iyon sa kanya?”
Sagot ni Sario, “Nasa
abroad ako, di ba?”
Nagtawa si Luchi,
“Liwanagin mo kung saang abroad… dahil dito ka pa naman at buhay na buhay,
aling abroad? Iyong tunay?”
“O yung kabilang
bahay?” sambot ni Diwa.
“Pinagtutulungan ninyo
ako, ha!”
Nagsaliw ang halakhakan
ng magkakaharap na magkakaibigan. Pagkatapos ay saglit na binalot sila ng
katahimikan. Mula sa ibaba ng bahay na pinagburulan ay dinig ang ingay ng
hinahalong madjong ng iba pang naglalamay. Sa dakong kusina ay pailan-ilang
kalantog ng isinasalansang plato. Sa di kalayuan ay manaka-nakang tahulan ng
aso at sigawan ng mga batang naglalaro sa kalsada na masipag ring maglamay
dahil naaanyayahang magmiryenda.
Si Sario ang bumasag sa
katahimikan. “Dami na palang wala. Narito pa ‘ko nang mamatay si Andoy,
nag-aaral pa pero di nakauwi. Aga naman niyang nawala. Nakaka-miss siya.”
Si Andoy, paboritong
kasama ng lahat dahil napakamasayahing tao. Pero napakamapamintas. Kapag ikaw
ang naharap niya, wala kang kasilbi-silbi, wika nga.
Si Belen, “Natatandaan
ko pa si Andoy, nang mapag-usapan kung bakit kaming mga babae ay walang manliligaw kumpara kay Zeny diyan sa
kanto, kasi daw, ang mga mukha namin, lagyan lang ng tangkay, e sandok na.”
“Wala ‘yan,” sabad ni
Luchi. “Pa-sosayti pa raw tayo, e, sosayting bangus naman!”
Dagdag ni Diwa, “Ako
raw, e, parang bibe, iskwad ang pwet lumakad.”
Ang tawa ni Sario.
“Pero, narinig sana ninyo kung ano’ng sinasabi niya kay Ningning, dahil
itinutukso naming mga lalaki siya dito,” at tumingin pa si Sario sa kanilang
pinaglalamayan.
“Alam namin,” halos
sabay-sabay na sambot nina Belen, Luchi at Diwa, “kahit daw sila na lamang ang
natitirang tao sa mundo, e hinding-hindi mangyayari iyon…”
Muling natahimik ang
magkakaharap. Sa kani-kanilang isipan, naglaro ang larawan ng kabarkadang si
Andoy. Matangkad ngunit hindi naman nakuhang manlalaro sa liga ng basketball sa
kanilang lugar dahil may kahinhinang kumilos. May katabaan. At maraming naiwang
bakas ang bulutong-tubig sa mukha na siya namang itinutukso sa kanya.
“Si Glamour,” wika ni
Sario, “di naman natin talagang barkada siya, di ba?”
“Oo, matanda nga iyan
sa atin. Kaya lang sumama, e, may gusto kay Luchi,” ani Diwa.
“Hindi,” tutol ni
Luchi. “Kaya sumama ‘yan, e, nang magbakasyon kina Belen si Eva, ang kapatid ng
Ka Junior. Crush agad.”
“Aba, e, lahat naman,
may crush agad kay Eva. Ikaw din, di ba?” usig ni Diwa kay Sario.
“Nagka-crush din,” amin
ni Sario. “Pero, may nililigawan akong kaiskwela noon.”
“Alam din namin iyan,”
sabad ni Belen. “Ikaw naman, strike anywhere. Lahat nang makaharap…”
“Oy, oy, oy, sobra ka
naman,” tutol ni Sario.
Tumawa si Belen. “Si
Luchi nga, crush mo noong elementary…”
Sumagot si Luchi. “Wala
‘yun, akala lang ng iba.”
Hindi na kumibo si
Sario. Iniba ang usapan. “Si Glamour, ang naaalaala ko e kapag may laban ang
team natin ng basket sa Barasoain. Dala ang kanyang rosaryo at ulit-ulit na
nagdarasal.”
“Epektib naman,” wika
ni Luchi. “Pasok ang three point ni Ople.”
“Ay, magaling sa
malayuang shooting si Ople…” wika ni Belen.
“Kaya naman minsan,” at
tumawa si Diwa, “pag napunta sa kanya ang bola, hehehe! Ano nga’ng tawag dun?”
“Sa panahon ngayon,
parang iyong mahilig kumanta na kapag nahawakan ang mike sa karaoke, e, hindi
na bibitiwan. Pero, si Ople, ‘yan ang isa pang may gusto kay Eva. Natatandaan
ba ninyo nang imbitahin tayo ni Eva sa pista sa Calumpit?” wika ni Sario.
“Naku, isang diyep
tayong dumating. Nagulat iyong mga dinatnan natin! Daming pakakainin, naisaloob
siguro agad.”
“Pero, nabuhayan naman
ng loob, nang ibaba na ni Ople ang isang kaing na talaba, basket ng sugpo at alimango.”
“Galing pa iyon ng
Masili…”
“Pero ni hindi naman
yata nakapagtapat si Ople...”
Tumawa nang tumawa si
Belen. “Buti pa si Benga, sumulat.”
“Kaya lang, tatay ni
Eva ang nakatanggap.”
“Saya natin noon…”
Muli, natahimik silang
lahat. Nang magsalita si Diwa, “Tanda pa ba ninyo iyong piknik natin sa
Pamarawan? Sumakay tayo sa bangka mula sa Atlag?”
“At dala ko ang aking
ukulele, nagkakantahan tayo. Waray-waray, O ang babae, pag minamahal, Moonlight
bay, at pag pauwi na ay mga Christmas carols.”
“O, tanda pa ba ninyo
iyong tayo ang nagsimula ng caroling sa ating lugar?”
“Hindi lamang sa ating
lugar, pati sa iba. Wala naman noong nagkakaroling, napagaya lamang sa atin.”
Naalaala ni Luchi. “Sa
hagdanan namin tayo nagpapraktis ng mga kanta.”
“At ako ang nagturo ng
Pasko ay Sumapit, tayo ay mangagsiawit,” masayang dagdag ni Belen.
“Accompaniment lamang natin ay ang aking ukulele.”
“Uy, hindi, may dala
rin tayong tambol na lata…”
“Dram ng gasolina!”
“At tambourine na ano
ka, inikot na matigas na alambreng sinuutan ng pinitpit na tansan ng sopdrink.”
“Saka pakong de tres at
batingting na kung bakit pupukpukin lang, e, nasisintunado pa!”
Humulagpos ang malakas
na halakhakan na sinundan namang muli ng paikpik na katahimikan. Sapupo ang
lahat ng alaala ng mga awitan nilang iyon sa kalaliman ng gabi, tumutuktok sa
makursunadahan bahay na mukhang
magbibigay kapag tinapatan. Nilalampasan ang kahit malalaking bahay na
mukhang kuripot at masungit ang nakatira. Alaala pa rin nila ang pagbibilang ng
perang tinanggap, mga baryang diyes, beinte lamang, kapag naging piso o
dalawang piso ay parang naakyat na sila sa langit. Ibinibili nila ng miryendang
pansit sa Mabuhay sa bayan, ang natira ay ginagamit sa pagsama sa iskursiyon ng
baryo sa Antipolo kapag Mayo.
“E, yung sayawan natin
sa Bahay-Kubo…”
“Naku,” sabi ni Belen.
“Nang ikinukwento ko yan sa dormitory na nagdaraos tayo ng sayawan sa
bahay-kubo, pinagtawanan ako. Paano raw nagkasya, gaano raw ba kalaki iyon?”
“Sinabi mo sana na
maliit nga iyon pero nakatirik sa malaking bakuran nina Mayor. Na magandang
garden, maraming halaman sa gilid, at sementado. Kaya okey ang pagbu-boogie.”
Sabad ni Sario, “Aba,
sinasabugan pa iyon ng borax para
dumulas pagta-tango.”
Humagikgik si Luchi.
‘Saka, kayong mga lalaki, sumisipsip ng sen
sen para bumango ang hininga. Naalala ko tuloy si Badong.”
“Sinong Badong?” tanong
ni Sario.
“Pinsan ni Ople na
kumukuha ng medicine sa UST na pag bakasyon ay umuuwi rin dito. Ano, akala nyo,
kayo lang mga lalaki ang may Eva, kami rin may Badong,” umirap pa si Luchi.
“Hoy, meron pa rin
tayong Boy. Na piloto ng Blue Diamond,” sabad ni Diwa.
“Aba, e, sino ba ang
nagpakilala sa inyo kay Boy. Ako yata,” agaw ni Sario. “Sayang lang, maaga
siyang nawala, bumagsak sa isang training ang kanyang eroplano.”
“Oo nga, sayang,” ayon
ni Belen. “Naalala ko pa ang kuwento niya na pag nadaraan siya dito sa atin,
pinalilipad niya ang eroplano sa pinakamababang pwede at pag tingin niya,
sinasabi niyang doon ang bahay ni Belen,
ni Luchi, ng barkada.”
“May naging crush pala
naman kayo,” wika ni Sario. “Kaya lang, hindi kayo crush.”
“Aba, iyong ibang crush
namin, crush din kami,” pagmamalaki ni Belen.
“Sino? Pa’no mo
nalamang crush ka rin, aber?” di naniniwalang tanong ni Sario.
Ngumiti si Belen. “Nung
Christmas at Valentine, pinadalhan kami ng card. Lahat kami. Pero sina Luchi,
ang greeting ay Dear, pero sa akin, My Dearest. O, ano’ng ibig sabihin nun?”
“Pero hindi nagtapat?”
“Mahiyain. Pero buti na
ring hindi, wala namang mangyayari,” sagot ni Belen.
Isang dalagita ang
lumapit sa grupo. “Juice po,” alok nito, hawak ang isang bandehadong
kinalalagyan ng nasa tetrapak na inumin.
“Ito lang ba? May
panulak, e, Ineng, nasaan ang itutulak?” reklamo ni Diwa pero kumuha naman ng
isa.
“Dun pa sa komedor, may
puto at sopas,” sagot ng dalagita.
“Aba, e tara. Lipat
tayo ng lugar,” yaya ni Diwa na waring ginutom na.
Nakangiting napailing
si Sario. “May nabago ba? Parang time stood still. Same dialogue.”
“Bakit, may nabago ba
sa iyo?” sabay-sabay na tanong ng mga babae. “Dahil kami, walang nabago.”
“Tumanda lang ang
itsura,” wika ni Diwa, “pero, ang isip at puso… bata pa rin.”
“Tumanda lang nang
bahagya,” singit ni Belen. “Tingnan mo ‘ko, itim pa’ng buhok.”
Hinimas ni Sario ang
kanyang buhok. “Di na ‘ko nagda-dye. Di bale nang puti, huwag lang kalbo.
Nagugustuhan pa rin naman, kahit puti buhok.”
“Aba, at may prospect
ka pa rin? Ngayon?” nandilat pa si Diwa.
“Eligible naman ako,
masama ba? Sabi nga, love is lovelier, the second time around.”
“Uy, naiba na’ng theme
song mo. Tanda ko noong araw, ang kinakanta mo ay catch a falling star and put it in your pocket…” wika ni Luchi.
“At ikaw naman ay I was dancing with my darling…” baling
ni Sario kay Luchi. “At itong si Belen ay goodbye, I hate to see you go but have a good time, na sino kaya’ng
pinatutungkulan,” dagdag pa.
“Ang natatandaan ko ay
si Lando. Gusto niya ay be my love for no
one else can end this yearning…” ani Diwa. “Basta ako’y, tagalog. Irog ako ay mahalin…”
“At si Ople ay I walk along the bridge of sorrows, the
boulevard of broken dreams…” pakantang sambot ni Belen.
Na sinundan ni Sario ng
mahinang paawit rin, “Where Gigolo and Gigolette can take a kiss without
regret, the boulevard of broken dreams.”
“Aba, e, di nga ba
muntik nang iyon ang maging pangalan ng ating barkada? The Gigolo and Gigolette
Club?” wika ni Luchi.
“Hindi lamang pumayag
si Ningning. Baka raw akalain ng mga tao na Gigolo nga kayo at Gigolette kami.”
“Natatandaan ko na,”
sabad ni Sario. “Noon natin pinag-usapan nang husto kung ano ang ipapangalan sa
grupo natin.”
“Sa bahay namin,” wika
ni Luchi.
“Talaga namang iyon ang
una nating headquarters. Nalipat na lamang kalaunan doon sa ginawang swing na
kahoy ng mga karpinterong nagtayo ng bagong bahay nina Belen.”
“Noon mo iminungkahi
ang The Young Dreamers Club. Sabi mo pa nga, ginagaya mo iyong nagpupulong sa
asosasyon ng baryo, Sanggano at mga Kadalagahan, ito po ay mungkahi lamang,
kung inyong pagtitibayin…” pagpapaalala ni Sario sa kay Belen.
Sabi ni Diwa,
“Ipinaliwanag mo pa nga, Belen kung bakit dreamers... Ano nga iyon?”
Umayos sa pagkakaupo si
Belen. “Kasi, ayaw ko ng Gigolo at Gigolette. Sunod iyong kay Ople na The Young
Lovers Club. Mas may kahulugan, malalim, ang young dreamers.”
“A, natatandaan ko na,”
sambot ni Luchi. “Dahil sabi mo, nasa edad tayo na nangangarap kung ano ang
nais nating mangyari sa atin sa hinaharap.”
“Na kung susuriin, ang
sinasabi nating hinaharap noon, ay ang kasalukuyan o ang katatapos lamang na
nakaraan natin ngayon,” ayon ni Sario. “Pero, ano nga ba ang mga pangarap na
iyon?”
“Hindi naman natin sinabi
ng harapan. Siyempre, dyahe rin tayo. Isinaloob na lamang,” sagot ni Belen.
“Ang tanong ay ito,
natupad ba ang mga pangarap na iyon?” tanong ni Sario sa mga kaharap.
“Simpli lang naman ang
pangarap ko,” wika ni Diwa. “Alam kong di ako makapagpapatuloy ng pag-aaral.
Gusto ko lamang magkahanap-buhay, may pagkakitaan. Pagdating ng tamang panahon,
matagpuan ang isang makakasama sa buhay, magkapamilya.”
“Na natupad naman,”
wika ni Sario na tinanguan ni Diwa.
“Si Ningning ay maging
mananahi, dahil lahi sila ng mga mahuhusay na sastre. At nangyari rin,” wika ni
Luchi.
“Ikaw, Luchi?” usisa ni
Sario.
Seryoso si Luchi.
“Nakakahiya, pero ito ang totoo. Gusto kong maging nurse. Tulad ng Ka Ising na
pinsan ko. At talagang tutulungan ako sa pag-aaral ng Nana Cion na kapatid ng
Amang. Kaso, noong araw, may height requirement yata ang pagpasok sa kursong
ito. Di ako umabot sa requirement, kasi wala akong five feet.”
Tumawa si Diwa. “Pareho
tayong four eleven.”
Humagikgik si Luchi.
“Pero ang talagang pangarap ko ay makapunta sa Amerika. Nung araw kasi, mga
nurse at doctor ang madaling nakakapunta abroad.”
Tawa nang tawa si Diwa.
“Sabihin mo kung bakit mo gustong mapunta sa Amerika. Gusto mong magkaasawa ng
Amerkano.”
“Gago,” at hinampas ni
Luchi ng hawak na pamaypay si Diwa. “Biro lang yun. Pero okey na ring hindi ko
natupad ito. Talagang ganoon ang buhay. Masaya naman ako ngayon. Ang mga anak
ko ay propesyunal, naitaguyod, at may hanap-buhay.”
“Ikaw, Belen, ano ba
iyong natatago mong pangarap noon?”
“Noong panahon ng barkada
natin, hindi pa naman malinaw ang gusto ko sa buhay. Parang kung ano lamang ang
immediate concern. Tulad nang pag-aaral sa kolehiyo, sunod ay magkatrabaho,
tapos ay magka-boyfriend, mag-asawa, magkapamilya. Siyempre, habang lumalaon,
kapag nasa estado ka nang ganoon, naiiba at may nadadagdag. Magkaroon ng
sariling bahay, kotse, makapasyal abroad. Simpli rin. Ordinaryo. Karaniwang
pangarap,” mahabang salaysay ni Belen. “O, ikaw, Sario? Alam namin kung ano’ng
pangarap mo, noon pa man.”
“Ano, bakit nyo malalaman?”
di naniniwalang wika ni Sario.
Si Diwa ang
nagpaliwanag. “Pangarap mong mapangasawa ang nililigawan mo noon.”
At nagtawanan ang mga
babae. “Natupad ba?”
Nagseryoso si Sario at
hindi na umimik ang mga kaharap. “Ito ang talagang pangarap ko. Noon pa man,
alam ko na ang gusto ko. Makatapos ng pag-aaral, magkatrabaho. Umasenso ang
buhay. At tulad nang sinabi mo, Belen, kalaunan, magkabahay ng malaki sa
malaking bakuran. Magkaroon ng negosyo, magandang kotse. Cadillac pa nun ang uso na pag mayroon ka, made ka na. At tama kayo, maging
kapalaran sana ang nililigawan ko noon.”
“Pero, alin sa mga
nililigawan mo?” tukso ni Belen.
“Sa isa lang naman ako
seryoso. Pero tama rin si Luchi, hindi man ito natupad, masakit man, talagang
ganoon ang buhay. Iba ang kanyang pinili, hindi ako. Akala ko nga noon, ako.
Kami na. Hindi pala. Ngunit naging maligaya naman ako sa aking naging pamilya.
Sa mga anak na naging doktor. At lahat halos ng iba pang pangarap ay natupad.
Iyong isa lamang ang hindi. Na okey na rin,” at ikinibit pa ni Sario ang
balikat.
“Pero, teka, may
sinasabi ka ngayong love is lovelier the second time around…” tanong ni Diwa.
“Na dati nang nagugustuhan. Dati na? Sino? Tagarito ba?”
Napabulalas ni Belen.
“Alam ko na! Si Eva! Biyuda na si Eva! Dati nang gusto! Si Eva!”
“Aba, oo nga. At nasa
abroad rin,” wika ni Luchi. “Siya ba?”
Ngumiti si Sario.
“Secret…”
“Hoy, kuwento mo na,
sige na, gusto ring malaman iyan ni
Ningning, alang-alang kay Ningning,” at sinulyapan pa nina Luchi ang
kinaroroonan ni Ningning.
“Wala pa naman akong
maikukwento,” wika ni Sario na waring napahinuhod na rin naman. “Di pa nga
nakasisimula, mukhang basted na agad. Kaibigan na lamang daw.”
Umungol si Diwa. “Sabi
lang yun, siempre. Nag-uusap ba kayo?”
“Madalas, sa telepono,
nagkukwentuhan. Kung ano ginagawa niya, niluluto. Minsan nga, tinugtugan pa ako
sa piyano.”
“Wow!” sabay-sabay na
sambitla ng tatlong babae.
At si Belen, wari ay wala sa loob,
nagsabi, “Magandang tema ng kuwento
iyan.”
Sabay-sabay na
napatingin ang mga kaharap kay Belen. Kinatok ni Sario ng tinedor na hawak ang
platito ni Belen. “Teka, Belen, di ba iyan talaga ang pangarap mo? Ang
makasulat ng kuwento?” ang tanong.
Natigilan si Belen.
Parang may kislap ng katotohanang gumuhit sa isipan. Matapos ang mahaba ring sandali
ng di pag-imik ay nginitian ang tatlong kabarkada, ang natitira sa The Young Dreamers Club. Si Sario, si Luchi, si Diwa. Mga kabataan
noon na ang inalagaang mga pangarap ay may natupad. May hindi. Si Luchi ay
hindi naging nurse. Hindi naging kapalaran ni Sario ang nililigawan noon.
Ngunit magaan sa loob na tinanggap kung ano ang bigay ng Maykapal. Na itinuloy
lamang ang buhay nang ayon sa Kanyang Kalooban.
Tumangu-tango si Belen.
“Oo. Tama kayo. Iyon ang tunay ngunit lihim kong pangarap. Ang makasulat ng
kuwento. At kung saka-sakali, kung saka-sakali, ngayon pa lamang siguro
matutupad,” at kinindatan ni Belen si Sario.
Okeyyy, wika ni Diwa.
“Hoy, Sario, iabot mo nga rine yung puto…”
Natatawang
iniusad ni Sario ang plato ng puto sa gawi ni Diwa.
**********
Sa alaala ni Sario mula sa kanyang natitirang kabarkada.
****************
****************