Yes! Halos isang taong absent dito sa blog. Anyare, sabi nga. Wala naman. The usual. Ang nadagdag ang nakahiligang pag-aaral online (libre naman) ng French, kasi para raw nagagamit ang utak nang hindi maging makakalimutin. Next time saka ko ito tatalakayin. Sa ngayon, nais kong ipaalam na ini-edit na noong anak ko iyong content ng aking isasa-aklat na mga kuwento... na mga Kuwentong Seniors. Upang magkaroon kayo ng ideya, narito ang isang bahagi ng aking Paunang Salita sa binubuong aklat.
PAUNANG SALITA
Akala ko ay tapos na ang kabanata ng aking
buhay sa pagsusulat. Ang inasikaso ko naman ay ang pagsasa-aklat ng mga
napiling kuwento, Minsan, May Isang
Pag-ibig, at ng tatlong nobela, Sa
Sukatan ng Pag-ibig, Sa Timbangan ng Pagmamahal, Mahirap Ba Akong Mahalin,
at Sa Pag-ibig, Parehas ang Laban. Teka muna, nakabili na ba kayo nito? Kasunod
kong balak ay ang pag-aaral na magpinta. Bago ang pagsusulat, ito ang aking
unang hilig nang bata pa ako, kulayan ang lahat ng mga illustration sa
Liwayway, mag-drawing, mag-watercolor.
Ngunit noong 2015, nahilingan akong
muling sumulat at tulad nang inaasahan, ang naging bunga ng panulat ay hango sa
mga karanasan sa buhay at pag-ibig ng mga seniors. Seniors, na bunga ng isang
naiibang henerasyon. Na kapag natatapunan ng tingin ngayon, ang tanging
nakikita ay ang kulubot na balat, ang ugatang kamay, mga bisig na lawlaw, mga
pisnging laylay, ang antipara ng mata na kapag nawaglit ay nag-aaninaw ng
binabasa, ang lumuluwag na denture, ang hearing aid na ayaw isuot, ang kakambal
na walking cane. Ang paulit-ulit na kuwento ng mga danas na karamdaman at gamot na “maintenance”.
Nalilimutan ng marami na minsan, isang
panahon, sila ay nakaranas na umibig at mabigo, lumigaya at masiphayo,
humalakhak sa tuwa, sa lumbay ay lumuha. Na sa pagdaraan ng mga taon, maraming
gunita silang nababalikan na naghahatid ng ngiti sa kanilang mga labi, kislap
sa mga malalabo nang paningin. At minsan… ay luha at buntong-hininga.
Dahil rin sa mga alaalang iniwan ng mga taon
sa kanila, ang mga seniors ay namamalaging bata sa kanilang puso at diwa, sa
kanilang pakiramdam. Na kapag sila ay nagkasama-sama at napag-usapan ang makulay na nakaraan ay naroon
pa rin ang taginting ng mga tawa, ang kilig. Maliban kapag sinusumpong ng
rayuma o vertigo o pagtaas ng presyon dahil sa nakaing litson sa dinaluhang
reyunyon ng kanilang klase. Kaya kung tutuusin, katulad ng isang magandang
lumang himig na hinuhuni o inaawit, ang mga seniors ay walang pagkupas. Lalagi
silang buhay sa alaala ng kapwa nila seniors, at kung minsan, kung sa isang
pambihirang pagkakataon ay muling nagkatagpo ang isang naghiwalay ng landas ng
kanilang kabataan, yaon ang kuwento ng kanilang buhay. xxxxxx
Kasama rito sa aklat ang kuwentong Ipanalangin Mo Siya, Ipanalangin Mo Kami, ang
aking katha na nanalo ng unang gantimpala sa Carlos Palanca Awards for
Literature taong 1998. Ang kuwentong ito ay kasama sa 1998 Aklat Likhaan ng UP,
sa maiden issue ng Our Own Voice, isang internet magazine at sa coffee table
book na inilathala ng Philippine Women’s University.
Abangan ninyo.
No comments:
Post a Comment