Friday, July 26, 2013

Artful Conversations Summer Series



ARTFUL CONVERSATIONS

Mula sa blog ng aking anak ay nakita at nabasa ko ang post na ito -

Isang painting ni Gustave Cailebotte, Skiffs, 1877, kasama sa Collection ni Mr. & Mrs. P. Mellon, National Gallery of Art, Washington.  


At ang trabaho ng aking mga apo habang pinagagana nila ang kanilang mga isipan sa paghabi ng tula o anupaman habang matamang pinagmamasdan at inilalagay nila ang mga sarili sa mga taong nakapinta sa kuwadro.

Katha ni Lizzie, 9 na taon -

Boating
Gliding, rowing
Now shady, now light, almost all green
Water fall?
Cool, slow, quiet
Relaxed and happy
Lovely summer.

Katha ni Aurora, 11-1/2 na taon -

Currents
Rushing, gliding
Force: smooth, big
Where are they taking us?
Shadows, reflections, ripples
Longing, wanting
Never done.

Ang kanilang ina -

Clique
Owning, rowing
Green, cool, private
Is this paradise for them?
Quiet, breezy, warm
Lovely, rich
Ours.

Natuwa ako at in a way inspired.  Mahilig ako sa tula.  Siguro, dahil nagising ako sa Florante at Laura na kinakabisa ng mga nakatatanda kong kapatid na nag-aaral sa high school nang lumalaki ako.  Nang nasa kolehiyo ay dinaanan ko rin ang mga tula ni Villa at Walt Whitman at Emily Dickinson.  At mga best loved poems.  Ngayon, para laging gising at aktibo ang aking utak, naging ugali ko na ang magkabisa ng mga tulang itinuro  noong high school from English and American poets.  Kay Shakespeare, kabisado ko ang To Be or not To Be,  All the World is a Stage, Let me not to the marriage of true minds, admit impediments; Sa Thanatopsis ay ang So Live, that when thy summons comes;  Native Land, Breathes there the man with soul so dead;  ang tula tungkol kay Abou Ben Adhem at mga love poems ni Elizabeth Barrett Browning.  Marami akong libro ng tula na maya't maya ay aking tinutunghayan, binabasa, kinakabisa ang magustuhan.  Ngunit sa pagkakataong ito, pagkabasa ko ng blog ng aking anak, iba ang aking nasumpungang gawin.  Ang isalin sa tagalog ang isang maiksing taludtod na kuha sa mahabang tula ni Robert Browning, na alam kong pahapyaw ko lamang nakuha ang tunay na kahulugan, kaya paumanhin sa nakaalam ng orihinal sa Ingles. 

PIPPA PASSES.

Ang panahon ay tagsibol
Ang araw ay nagsimula na.
Ikapito ang oras ng umaga;
Tigib ng perlas na hamog ang burol;
Nasa pakpak na niya ang ibon;
Sa sanga ay umuusad ang kuhol.
Ang Diyos ay nasa langit -
Nasa mabuting kalagayan ang lahat
sa daigdig.

Saturday, July 13, 2013

TALASALITAAN HULYO 2013

Isang kaibigan ang kung ilang taon nang nahilig sa crossword puzzle.  Mainam raw ito sa mga seniors upang hindi kalawangin ang utak at malayo sa alzheimer.  Kaya tunay namang naging bihasa na siyang gumawa nito.  Kumbaga ay isang upuan lamang, tapos agad.  Kainaman nito, sabi pa niya, nadadagdagan ang kanyang bokabularyo.  O iyong mga nalilimutan na ay muling nananariwa. 

English crossword puzzle ang ginagamit niya.  Ngunit sumubok na rin siya ng Pilipino crossword.  At nasagot naman niyang lahat.  Hamon pa niya sa akin, alam mo ba ang iba pang tawag sa bula?

Ano, tanong ko.

Bulubok, sagot niya.

Tumango ako na sinundan ng bahagyang iling.  Tama, pwede rin, amin ko.  Ngunit sa aking pagkaintindi, kahit ang bula ay maaari ring tawagin na bulubok,  may kaibhan ang mga ito.

Tama rin na kapag may bumulubok, karaniwan nang may nagiging resultang bula.  Ang bula, tulad sa bula ng sabon, ay nariyan na, nakikita mo na, pwede mo pang hawakan, tusukin upang maglaho ang nasa loob nitong hangin. O pwedeng hipan at ipalipad sa hangin, tulad nang ginagawa ng mga bata.

Samantala, ang bulubok ay may kasama o kasabay na sound o ingay.  Tulad nang pinakukulong tubig sa kaserola, kapag dumating sa boiling point, bumubulubok ito at may namumuong mumunting bula sa ibabaw. 

Siya naman ang napatango, ngunit di naman nasundan ng iling.

Naisipan ko tuloy na balikan ang aking Talasalitaan at isulat rito ang ilang mga salita na halos magkatulad ang kahulugan, ngunit may katiting o kapiraso (ang mga naunang salita ay masasabing halimbawa) pa ring kaibhan.

MGA SALITANG HALOS MAGKASINGKAHULUGAN, NGUNIT MAY KAIBHAN:


1.  sibad, sumibad; haginit, humaginit; hagibis, humagibis -
    Lahat ng mga pandiwang ito ay pawang nagbabadya o nagpapakita ng     kabilisan ng pagkilos.  Makikita ang kaibhan ng mga ito sa gamit.
        Sumibad ang kotse.  (Mabilis na pinatakbo.  At bigla.)
        Sumibad ng alis si Jaime.  (Biglang umalis na lang, halos di nagpaalam.)
        Humaginit ang malakas na hangin. (dala ito ng bagyo)
        Humahaginit ang mga sasakyan sa highway. (mabibilis ang patakbo)
        Si Pedro, lagi na lamang humahagibis.  Hindi mo na makapa.  Lagi na lamang may pinupuntahan at inaasikaso.  (Ang hagibis ay naglalarawan ng isang mabilis na pagkilos.)
 

2.  kumpol;  hitik -
    Ibig sabihin, marami ang mga ito.  Maraming sama-sama.  Ngunit malaki ang kaibhan.
        Binigyan ni Jerry ng isang kumpol na bulaklak si Nene.  (sa isang sanga ay sama-sama ang maraming bulaklak, nakakumpol, tabi-tabi)
        Ang punong-mangga namin ay hitik sa bunga.  (Ibig sabihin, marami ang bunga nito, na ang iba ay kumpol-kumpol.  Sama-sama ang bunga sa isang sanga at dahil maraming mga sanga na maraming kumpol-kumpol, kaya makikitang hitik sa bunga ang puno.)


3.  alukin;  dulutan -
    Pagbibigay ng isang bagay sa ibang tao.
        Alukin mo ng maiinom ang iyong bisita.  (Sa akto ng pag-aalok, hindi pa ito tinatanggap ng inaalok at binibigyan mo sila ng pagkakataon na tumanggi kung ayaw ng mga ito.)
        Inalok ko siya ng tulong ngunit tinanggihan niya ako.  Mataas ang kanyang pride.  (she declined your offer of help)
        Dinudulutan na ng kasambahay ang mga bisita niya ng pampalamig. (sa akto ng pagdudulot, parang given na, na tatanggapin nila ang idinudulot na pampalamig.  Na pwede rin naman nilang tanggihan.)
 

4.  hinuha;  akala;  sapantaha -
    Ito ay aksiyon ng isang tao, in relation sa iba, na nagaganap sa kanyang isipan.
        Akala ko ay dadalo ka sa sayawan.  (kasi, siguro, nagkausap na kayo before at ayon sa mga pananalita ng iyong kausap ay dadalo siya, kaya inakala mo na siya ay darating.)
        Hinuha ko'y hindi dadalo si Neneng sa reunion, kasi ay ayaw niyang magkita sila ng dati niyang boyfriend na kaseksiyon niya.  (maaaring may kausap ka at pinag-uusapan ninyo si Neneng at ang darating na reunion. Kung nakausap mo man si Neneng before, maaaring may
pananalita rin siyang nagbabadya na baka hindi siya dadalo, kunwari ay may ibang pupuntahan.  Ngunit, kayo, na kaiskwela, ay nakaaalam ng tunay na dahilan.)
        Sagot naman ng iyong kausap tungkol kay Neneng:  Iyan rin ang aking sapantaha.  (Ang hinuha, sa aking palagay, ay ginamitan pa ng kaunting paglilimi-limi o pagtitimbang-timbang o pagbubulay-bulay ng mga underlying reasons.  Ang sapantaha, na halos kasing-
kahulugan ng hinuha, ay parang mas biglang pagdating sa isang konklusyon.  Ayon sa gamit, doon lamang papasok ang pagkakaiba.)
 

5.  ibalot;  isupot -
    Simpli lang ito.  Sa isupot, ang lalagyan, papel o tela o plastik,  ay may     tatlong gilid na sarado na.  Sa ibalot, walang saradong gilid.  Karaniwan ay malapad na papel o plastik o tela, na nilalagyan ng bagay  sa gitna nito saka tatakpan ng mga sobra sa gilid. 
 

6.  lapat; sukat; hulma -
    Lahat ng mga salitang ito ay nagbabadya na tama o ayos ang anumang     bagay na inilapat, isinukat at hinulma.  Narito ang katiting na pagkakaiba:
        lapat – maisasaisip mong dalawang bagay na malapad o flat ang pinagpapatong at mailalarawan mo pang walang siwang sa pagitan nila.  Lapat na lapat
        Sukat – kapag bumili ka ng ready to wear na damit sa department store at isinuot ito, paikut-ikot ka sa harap ng salamin sa loob ng fitting room, at makikita mong hustung-husto ito sa iyo, sukat na sukat na para bang ginawa ng isang modista, tinabas na gamit ang medida sa pagsukat ng iyong katawan, iyan ang sukat.  Minsan naman, may hand me down na damit ang ate mo, ibibigay sa iyo, sasabihin, isukat mo at malaman kung husto, kapag ayos, sasabihing ayyy, sukat pala saiyo.
        Kung hindi ayos, hindi pa sukat, maluwang kasi.
        Hulma – Iba naman ang hulma.  Tumutukoy ito sa mga bagay na inilalagay sa isang hulmahan o molde.  Kapag nagpagawa ka ng sapatos na made to order sa Marikina, iginagawa ka ng sapatero ng sarili mong hulmahan.  Lahat ng sapatos na gagawin na gagamitan ng iyong hulmahan ay tiyak na sukat na sukat sa paa mo.  Hindi ka kakalyuhin.  Para rin sa paggawa ng denture ng mga seniors.  O
hulmahan ng cupcake o baking pan para makuha ang gustong korte ng cake o gelatine.  Kapag nakahulma, ayos ang sukat nito.
 

7.  iturok; itarak; itusok -
    Lahat nang ito ay may kinalaman sa matutulis na bagay.
        Iturok – karaniwan nang ginagamit ang salitang ito sa pag-iniksiyon.
        Iturok mo ang heringgilya sa bisig ng maysakit, utos ng doktor sa nars. 
        Itarak – gamit naman ito sa patalim o balisong.  Itatarak na niya ang patalim sa tapat ng kanyang puso nang dumating ang kanyang kasintahan at iniligtas siya sa balak na pagpapatiwakal.
        Itusok – kung malaki ang gamit na pantarak, tulad ng patalim, parang maliit naman ang gamit na pantusok, bagamat matulis rin at matalim at nakaduduro.  Tulad nang karayom, aspili, pako. Minsan, icepick.  Dahil talagang matulis ito.
 

8.  bistay;  sala -
    Kapag may binibistay o sinasala, ibig sabihin, may ibinubukod.  Lagi, may ginagamit na kasangkapan kapag nagbibistay o nagsasala.  Karaniwan, ang binibistay ay mga butil o tuyong bagay.  Tulad ng palay na binayo, tinatahip, binibistay (ng mga magsasaka na malayo sa kiskisan o kono)     Ang mga sinasala, karaniwan ay fluid o tubig o sabaw o juice.  Sa juice,  baka ayaw ng pulp bits.  Sa     sabaw, iyong mga nakasamang maliliit na     buto sa pagpapakulo.  Sa tubig, o inumin, baka nahulugan ng  langgam o     duming lumulutang.  Gamit dito ay collander o salaan.  Sa bistay, gamit ay butas-butas na parang bilao.
Minsan, ginagamit rin ang salitang sinasala kapag may pinipili.  Halimbawa, sinasalang mabuti ang mga aplikante sa pusisyon ng kalihim.  Ibig sabihin, tinitingnang mabuti ang mga kwalipikasyon bago pumili nang hihirangin.


9. sansala;  saway -
    Ang kaakibat na aksiyon o salitang gamit kapag ginagawa ito ay pagpigil sa isang gumagawa na bagay na nais ipahinto ng sumasansala o sumasaway.
        Sansala – Sinansala niya ang kaibigang nagagalit at gusto nang  magwala at pinayuhang ito ay huminahon.  Para bang may kasamang pakikipag-usap sa isang kapareho o katulad sa idad o katayuan, kapag sansala ang gamit.
        Saway – Karaniwan, mga bata o nakababata ang sinasaway ng sumasaway.  Sa idad, sa pusisyon, sa katayuan sa buhay.  Kadalasan nga ay may kasama pang banta, kapag makulit ang sinasaway.
 

10.  mabagsik;  mabangis;  mabalasik -
    Lahat ng ito ay nagbabadya ng katapangan na ikatatakot ng makakakita.
        Mabagsik – Mabagsik ang mga asong rottweiler.
        Mabangis – Mabangis ang mga leon sa gubat.
        Mabalasik – Mabalasik ang mukha ng asawa ni Petra dahil matalim tumingin, abot ang malagong kilay at laging nakakunot ang noo.
    Sinasabi ring mabagsik ang isang asawang seloso na ayaw palalabasin     ng bahay ang babae.  Nanggugulpi kapag sinuway.  Na kapag nilabanan     mo ay nagiging mabangis na parang tigre.  Parang manlalamon ng tao.      Minsan naman, hindi lahat ng mabalasik ang mukha ay talagang     matapang at abusado sa asawa o kapwa.  Baka defense mechanism  lamang nila ito.  Inuunahan ka na, para huwag mo silang kayanin.
   
Ang mga naritong salita at ang paliwanag sa kanilang pagkakaiba ay ayon lamang sa aking kinalakhang lugar, sa gamit sa aming pamilya at sa mga natutuhan sa paaralan.  Maaaring nagkaroon na ng ibang pakahulugan at ibang gamit ngayon, at kahit noon pa, at inaanyayahan ang makababasa na may ibang kaalaman na ibahagi ang mga ito sa amin.  


Salamat.