Monday, October 29, 2012

FERRIS WHEEL

Nitong nakaraang buwan ng Setyembre, nagkaroon kami ng pagkakataon na makapamasyal sa dakong Makati.  Hindi kalayuan ang Marikina sa Makati, ngunit dahil sa trapik, bihira na kaming magtungo rito.  Unang-una ay marami nang mall at sinehan sa gawi namin, di tulad noong araw na talagang dumadayo kami rito upang manood ng sine.

Sa MOA ay buong araw kaming naglibot, nananghalian sa isang tipong Greek restaurant at sa bandang hapon ay nanood ng mga sasakyang yao't dito sa kahabaan ng lansangang nasa tabi ng dagat.

Noon ko nakita ang malaki, matayog na ferris wheel.  Pumasok sa isip ko na sumakay rito, ngunit sa mga oras na iyon, waring hindi ito umaandar.  Nagkuha na lamang ako ng larawan nito.  Tuloy naalaala ko ang isang panahong ang pagkakaroon ng karnabal na may mga sasakyang tulad ng ferris wheel at carousel ay big deal na big deal sa isang pistahan.  Sugod na ang barkada sa patyo ng simbahan kung saan nakatayo ang mga ganitong sasakyan at nakahilera ang maraming booth na tinatayaan ng beto-beto, saka mga kubol na kinaroroonan ng kuno ay pinakamaliit na tao sa mundo o ng taong isda o sirena.   Pero dahil wala namang pera ang aming mga kasama para mapanood ang mga ito, nagkakasya na lamang kami sa pangungukot ng butong pakwan o nilagang mani.  Ni hindi nga makabili ng cotton candy.  Ganda-ganda pa naman!

Sa pagsapit ng panahon ng Kapaskuhan, muling mabubuhay ang mga karnabal na pupuntahan ng pami-pamilya.  Higit na maraming rides ngayon.  Higit na maraming panoorin.  High tech pa ang karamihan.  Lalo na sa mga may kakayahan na makapunta sa Disneyland o Disneyworld, anytime of the year.  Ngunit ang mga ito ay para sa henerasyon ngayon ng mga kabataan.  Kung paanong sa aming mga anak at sa kanilang mga kaibigan, ang Payanig sa Pasig ang nakapanikit sa kanilang alaala.  At Holiday on Ice sa Araneta.

At kung paanong sa amin namang gunita, ang nakatatak ay ang karnabal ng aming kabataan.

Narito ang kwento para sa buwan ng Oktubre.  Na siempre, nagsimula at nagtapos sa isang karnabal.

  
ISANG GABI SA KARNABAL


NANGHAHABA ang leeg ng mga tao sa panonood ng maputing babae na namimisekleta sa ibabaw ng munting entablado.  Ang babae na nadaramtan ng karampot na telang kumikislap sa tama ng mga higanteng ilaw.  Yuyuko. Tutuwad.  Itataas ang isang hita't binti.  Ididipa ang mga kamay.  Walang hawak.  At uungol ang mga tao sa kasiyahan.  Ang mga bata ay mapapapalakpak.

Hindi sa maputing babae na namimisekleta nakatuon ang pansin ni Rodante.  Ang kanyang mga mata ay walang kurap na nakatitig sa isang batang lalake.  Isa sa maraming nanonood.

Mga walong taon siya.  Ang kanyang mga mata.  Ang ilong.  Ang gilit niya sa baba.  Maaaring siya na nga.  Siya...

Bigla, nagkilusan ang mga tao.  Kleng kleng kleng.  Nakita ni Rodante, dumarating ang isang munting tren.  Saka lamang niya napansin, nakatayo siya sa daraanang riles.  Sa isang iglap, nakatabi siya.

Matanda, bata, babae, lalake, may hawak na lobo, lolipap, apa ng sorbetes, humahagikgik, ngumangalngal, walang kibo't daldal nang daldal ang mga sakay ng treng nagdaan sa harapan ni Rodante.

Wala na ang batang lalake nang muling tapunan ito nang sulyap ni Rodante sa dating kinatatayuan.  Nasaan siya?

Kanyang naisip, hindi kalakihan ang nabububungang karnabal upang hindi niya malibot.  Huwag lamang uuwi.  Huwag lamang maisipang umuwi ng batang lalaking iyon.  Na may mabilog na mga mata at matangos na ilong.  May gilit sa baba.  At mga... mga walong taong gulang.

Sa Merry-Go-Round huminto si Rodante.  Nagkakagulo ang mga bata.  Pinagpapawisan ang mga nakapila at kumukuha ng tiket na mga magulang.

“Tita, sakay tayo.”

Ang tinig.  Bakit natitiyak niyang ganoon ang tinig ng batang lalaking iyon.  Nilingon niya ang bata at ang kasama nitong babae.  Sinundan niya ng tanaw ang pakikipagsiksikan ng mga ito.  Ang pag-alis ng babae sa Merry-Go-Round ng pamigil na lubid sa may pintuang katabi ng ticket booth.  Ang paghugos ng mga sasakay.  Ang paglundag ng batang lalake sa pinakamalaking kabayo sa hilera.  Ang kabayong malapit sa labas.  Sa kinatatayuan ng mga nanonood.  Sa kinatatayuan niya.

“Rod, kakapit ka.”

Ang lamig na gumapang sa gulugod ni Rodante ay kumalat sa kanyang buong katawan.  At wari, haliling naging yelo at apoy ang dugong dumadaloy sa kanyang mga ugat.  Rod.  Ang pangalan ng bata ay Rod.  Sa kanyang pangalang Rodante?
Nagsimulang umikot ang  Merry-Go-Round.  Lumundag-lundag ang mga kabayo.  At humigpit ang pagkakahawak ni Rodante sa bakod na bakal.  Nais niyang maliyo.  At maduwal.  Talagang mahina ang kanyang pakiramdam sa anumang bagay na umiikot.


TULAD ng ferris wheel.





“Bakit?”  nag-aalala ang tinig ni Liza.

“Nahihilo ako,”  sagot niya.

“Huwag kang titingin sa ibaba.  Sa akin na lang.”  Tumawa si Liza.

Kayumanggi si Liza.  Maigsi ang buhok na ang pagkagupit ay ang uso nang mga taong iyon na may kaunting bangs sa noo.  Singkit si Liza.  Nawawala ang mga mata kapag tumatawa.  Na gustung-gusto niya.

“Tama na,”  at tinampal siya sa hita ni Liza.  “Baka ako malusaw.”

Ang kamay na ipinanghampas ni Liza ay hinuli niya.  At ikinulong sa kanyang mga palad.  Matagal.  Saka muling ipinatong sa kanyang hita.  Hindi pa rin niya pinawawalan.  Kung ilang saglit, pilit na inaalis ni Liza ang kamay nito sa pagkadantay sa kanyang hita.  Ngunit sa higpit ng kanyang hawak, unti-unti nadama niya ang pagpayag.  Ang pagkaliyo ay kanya nang nakalimutan.  Nasa kaitaasan sila ng feris wheel.  Nakahinto.  Sa ibaba ay may sumasakay.

Sa paligid.  Ang City Hall.  Damdam niya'y maaabot ng kanyang kamay ang mukha ng malaking orasan.  At heto lamang ang Intramuros.  Hayun lamang ang Lyceum.  Doon ang Quezon Bridge.  Doon naman ang Jones.

Mainit ang palad ni Liza.  Pakiramdam niya'y nasa ituktok siya ng daigdig.  Na may nagsala-salabat na ilaw na iba't ibang kulay.


Nagsimulang kumilos ang ferris wheel.  Bumababa sila.  Tumataas.  Muli ang pagkaliyo.  At nabitiwan niya ang kamay ni Liza.


NAKAKAHILO, ano ho...

Tinutop muna ni Rodante ang kanyang bibig bago nilingon ang nagsalita.  Ang babaing kasama ng bata.  Ngumiti siya.  “Oo nga ho.  Pero ang mga bata.  Tingnan n'yo.”

Napailing ang babae.  “Naku, ito ngang kasama ko...”

“Pamangkin n'yo?” sambot ni Rodante.

Ngunit may kung anong hawak ang babae na nahulog at dinampot.  At ang tanong ni Rodante ay hindi nasagot.

Maraming hawak na tiket ang bata.  At sa muling pag-ikot ng Merry-Go-Round kasama pa rin ito sa mga nakasakay.


"DOON naman tayo sumakay,”  yaya niya kay Liza nang makababa sila sa ferris wheel.

“House of horrors.”  Kinilig si Liza.  “Nakakatakot yata.”

“Kasama mo naman ako.”   At pinalaki niya ang kanyag dibdib.

Ang background na mga nakapangingilabot na tili, alulong ng mga hayup, hinaing, daing at  sari-saring nakatatakot na kaluskos ay umapekto kay Liza.  Kay higpit nang pagkakapit nito sa kanyang bisig.  Kaylapit ng pagkakasiksik sa kanilang pagkakaupo, sa animo tren na gumugulong sa riles sa loob ng madilim na toldang pinasukan nila.  Kalansay rine na ang isang butong bisig ay tumama sa mukha ni Liza.  Nakupo! Nagliliyab na mga mata roon.  Ayoko na.

At panay ang himas niya sa likod, sa buhok, sa balikat ni Liza.  Karton lamang iyong skeleton.  At bombilya lang iyong mga mata.  Bago sila lumabas ng toldang iyon, di miminsang nahalikan niya si Liza.


ANG batang lalaki ay bumaba sa kabayo.  Tumalon sa hagdan.  Sumuot sa bakal na bakod.  “Ang sarap, Tita.”
Tumawa ang bata at ang tawa ay umabot hanggang sa mga mata.  Tulad ni Liza.  Liban sa singkit ang mga mata ni Liza.  Siya, ang mabilog ang mga mata.  Tulad ng bata?

Pumila ang babae at ang batang lalaki sa mga sasakay sa tren.  Sumandal si Rodante sa bakod na bakal ng Merry-Go-Round at nagsindi ng sigarilyo.


TUTURUAN kita, Liza.

Umiling si Liza.  “Sayang lang.  Hindi ako tatama.”

Pinilit niya si Liza.  “Ang dali lamang.  Basta, ganito ang hawak sa baril.  Dito ang tingin.  At kalabitin mo.”

Walang laruang bibe na tinamaan si Liza.  Ngunit sa kanilang pagtuturuan ay di mamakailang nagkahawakan sila ng kamay, nagkabungguan ng mga bisig.
Iba na ang kanyang pakiramdam nang sila ay palabas ng karnabal.

“Pumunta muna tayo sa Luneta, Liza...”

Tumanggi si Liza.  “Gabi na.  Magagalit ang matron sa dorm.”

“Sandali lamang tayo, Liza.”

Iba pa ang Luneta noon.  Ibang-iba.

“Rodante, huwag...”

“I love you, Liza.  I love you.”

“Huwag... huwag...”  tutol pa rin nito ngunit dama na niyang tangay na rin ito ng damdaming umaalipin sa kanya ng mga sandaling iyon.

May pera siya at may malapit na motel.  Nang pauwi na sila, nang hindi na mapigil ni Liza ang pag-iyak sa loob ng taksing kanilang sinasakyan, saka siya nakaramdam ng pangamba.

“'Pag may nangyari...”  impit at halos di lumabas ang tinig ni Liza.

“Walang mangyayari,”  parang gusto niyang mainis na hindi mawari kay Liza.  Bakit ganoon?  Bakit pumayag si Liza?  Kahit na ba niya pinilit.  Ilan ngang taon si Liza.  Labingwalo.  Sa labinsiyam niya.  Kapwa nag-aaral pa.  Kapwa napakabata para mag-asawa.  Hindi pa handa sa pagpapamilya.  At siya.  Tiyak, tatamaan siya sa kanyang ama.  At pagkatapos, ipakakasal siya.  Sila ni Liza.  At isang bagay ang natitiyak niya.  Ayaw pa niyang mag-asawa.  Kahit na may mangyari kay liza.  Dahil gusto pa niyang magpakasawa sa buhay na malaya.  Basta.

May nangyari kay Liza.

“Rodante, iba ang pakiramdam ko.”

Ang panahong iyon.  Na ang labinsiyam na katulad niya ay walang muwang sa pag-iingat sa pakikipagtalik.  Nalito siya sa sinabi ni Liza. 

“Pero, bakit?”  At ang kanyang tinig ay may himig ng pagbabangong-puri.

“Bakit na ano?”  Kuminig ang tinig ni Liza.  Ang labi ay kumatal.  Lumaki ang mga mata at sa mukha ay lumarawan ang isang di matingkalang pangamba.

“Bakit magkakaganoon?”  Saan nanggaling ang kanyang tinig.

“Ano... ano'ng ibig mong...ano'ng ibig mong sabihin?”  hindi niya makakalimutan ang tinig ni Liza nang sabihin iyon.

“Malay ko... malay ko na ako nga, Liza.”  At naniniwala na siya sa kanyang sinabi.

“Rodante!  Walang hiya ka!  Walang...”

Iyon ang unang reaksiyon ni Liza.  Ang ikalawa.  Sa koridor ng kolehiyo isang tanghaling kakaunti ang mga tao. 

“Rodante, please, maawa ka sa akin.  Ikaw lang.  Alam mong ikaw lang, Rodante...”

Umiling siya.  Na may kasama pang ismid.  “Kung pumayag kang minsan sa akin, Liza, paano ako makatitiyak na di ka rin pumayag sa iba.  Sa ibang pagkakataon.”

At ang ikatlo at huling reaksiyon ni Liza.  “Kung ganoon, Rodante, itinatanggi mo na ang dinadala ko'y sarili mong anak.”

Mabilis ang kanyang sagot.  “Itinatanggi ko.”

Hindi nagbago ang mukha ni Liza.  Walang damdaming nakalarawan.  Pagkuwa'y nagkibit ito ng balikat.  “Kung ganoon, ito'y paalam.  Hindi mo anak itong dinadala ko.  Ito ay anak ng lalaking magmamahal at pakakasal sa akin sa kabila ng aking kalagayan.”

Nakatapos siya ng pag-aaral.  Nagkahanapbuhay ng matatag.  Nagbilang ng mga kasintahan.  Hindi na siya ang labinsiyan na bagong-tao na hindi marunong mag-ingat sa pakikipagtalik.  Matalino na siya sa bagay na iyon.  Ngunit nanatili siyang binata.  Hanggang sa manawa.  Nais na mag-asawa'y walang mapusuan.  Dahil sa isang pag-ibig na di makalimutan.

Hinanap niya si Liza.  Sa dating tinitirahan.  Ipinagtanong sa mga dating kakilala.  Walang balita.

At higit sa lahat ang ginawa niyang paghahanap sa isang batang lalake o babae na mga edad walo.  Kayumanggi at singkit ang mga mata.  Na tumatawa.  Tulad ni Liza.  Tuwing Linggo sa Luneta. Rizal Park na ngayon.  Mga batang kumakain ng sorbetes.  Nakasakay sa see-saw.  Umiindayog sa swing.  Nagtatakbuhan sa damuhan.  Liza.  Liza.  Nasaan ka?  Nasaan ang ating anak?  Anak.  Aking anak.  Patawarin mo ako.  At muli, lakad.  Sabado ng hapon sa Manila Zoo.  Sa Manila Aquarium.  Sa Fort Santiago na pasyalan ng mga bata at matanda.  Sa mga bangketa. Restoran.  Sinehan.  Lalo't may pelikulang para sa mga bata. 

At karnabal.  Sa lahat ng mga karnabal na idinaos sa iba't ibang panig ng lunsod at mga karatig  Sa nabubungungang karnabal sa Cubao.  At wari, dito na niya sinapit ang dulo ng kanyang paghahanap.  Sa isang batang lalake na edad walo.  May mabibilog na mata, matangos na ilong, gilit sa baba, tulad ng sa kanya.



TABI kayo tabi...

Kleng kleng kleng.  Dumarating ang tren.  At lumakad palapit si Rodante.  Ang batang lalaki ay nakita niya.  Magulung-magulo sa pagkakaupo.  Kumakaway.  Sa dako niya.  Kinakawayan siya?  Napataas ang kanyang kamay.

“Mommy! Mommy!”

“Rod...”   Tumaas ang kamay ng isang babaing nakatayo sa dakong harapan niya.


At muling napahakbang si Rodante.  Si Liza.  Si Liza nga!  Hindi siya maaaring magkamali.  Sa wakas magkikita na rin sila.  At maitutuwid na rin niya ang nagawang pagkakasala rito. 

Humakbang si Rodante.  Kasabay ng paghakbang ni Liza,  palayo.  Pasalubong sa isang palapit na lalaki.  “Joel, nakita mo si Rod?”

Napahinto si Rodante.  Kasabay ng pagtigil ng lahat sa kanyang paligid.  Ang Merry-Go-Round.  Ang ferris wheel.  Ang mga yabag ng mga kabayo sa kuwadra.  Ang kleng kleng ng dumaraang tren.  Ang paglalaho ng mga ilaw at mga tao.  Liban kay Liza at sa kausap nito. 

“Naku ang anak mo, Joel.  Ang gulu-gulo sa tren.”

At napagmasdan ni Rodante.  Mabilog din ang mga mata ni Joel.  At matangos din ang ilong.  Kaya lamang...

Inakbayan ng lalaki si Liza.  Sumalubong sa nakababa nang batang lalaki. 

“Daddy...  Daddy...” 

At isang bisig ng lalaki ay umakbay sa bata.  “O gusto mo pa, anak?”

Patda sa pagkakatayo si Rodante.  Bakal ang kanyang mga paang hindi niya maikilos.  Upang iwanan ang tanawing naladlad sa kanyang mga mata.  Naku, ang anak mo, Joel, tinig ni Liza.  Daddy... Daddy, ang batang lalaki.  O gusto mo pa, anak.  Ang lalaking umakbay kay Liza.  Ama ng bata?  Bakit hindi?.  Mabilog din ang mga mata nito at matangos ang ilong.

Kaya lang... kaya lang... ay walang gilit ito sa baba.  Tulad ng gilit sa kanyang baba.


At ang pangalan ng bata ay Rod!  Ang pangalan ng bata ay Rod!

Ito'y anak ng lalaking magmamahal at pakakasal sa akin sa kabila ng aking kalagayan.


Rod... anak ko...

Ngunit wala na si Rod at si Liza at ang lalaking umakbay rito.  Nag-iisa na lamang siya, si Rodante, sa gitna ng magulo, maingay, maliwanag, nabububungang karnabal na iyon.

Mayo 29, 1972  Liwayway
FOR MY PHILIPPINE BLOG FOLLOWERS – friends and relatives

I now have limited copies of my book, Minsan, May Isang Pag-ibig.  Just in time for Christmas giftgiving.  You may wish to include this item as gift to friends, or your friends to their friends, specially those belonging to the 20% discount generation.  Or to the young who might want to have a glimpse of how things were in the past.

MINSAN, MAY ISANG PAG-IBIG
Dalawampung kuwento ng pag-ibig ni:  Evelyn L. Estrella-Sebastian
www.estrella-eve.com,  eve.manunulat.com (email me for details)

 
To recap:  This is a collection of twenty short stories, inspired by the many women I met in the ten years I lived in a Ladies' Dormitory.  Young women who spoke different languages, lived their regional idiosyncratic ways and carried their hopes for a future in the city.  Women who became immigrants to America where they sought and found the fulfillment of their dreams and the ending of their stories that began in a dormitory in the Philippines.

This book is also about Filipino traditions and friendship unheard of today.
But most of all, this book is about first love. 


O, email na kayo!

Thursday, October 25, 2012

HARANA AT IBA PANG SAGOT 
SA KOMENTARYO

Iba't iba ang natatanggap kong komentaryo sa aking blog.  May nagtutuwid sa isang kamaliang napuna nila.  May humihiling ng artikulo sa isang partikular na paksa na marahil ay kailangan nila sa pag-aaral.  Mayroon namang wari ay naghihinga lamang ng kanilang sama ng loob.  Nais kong pasalamatan silang lahat.  At muli kong inuulit, welcome ang inyong feedback at comments.  Higit sana ngang mainam kung magka-konek tayo sa pamamagitan ng email.  Kaya lang, anonymous kayo!  Ako nama'y pwedeng sulatan sa eve.manunulat@gmail.com

Tulad nito:  Hi,pagtutuwid lang po. Hindi iyon Burikot kungdi Binukot o binucot. yun lang po. pero maganda ang blog. on TALASALITAAN NI AMAYA.   Anonymous

Salamat sa iyo, maging sino ka man (awit ito).  Para sa iyong kaalaman, itinama ko na ang kamaliang nagawa ko.  Pasensiya na.  Noon kasing pinapanood ko ang Amaya ay masyado akong nagmamadali sa pagkopya ng salita sa screen at parang kinahig ng manok ang aking sulat.  Kaya, ayun, mali!  Salamat ulit!

Narito naman ang dalawang nagpadala ng komentaryo na tungkol sa iisang kwento.  Maganda sigurong magkatagpo ang mga sumulat nito dahil parang iisa ang kanilang sentimyento.

ang sa kin kailangan ba tlgang iasa ng biyenan ko ang lahat ng gastuhin nila gayun lam naman nilang me pamilya na ang anak nila at me dalawang anak na nag aaral?di talaga maiiwasn magkaroon ng sama ng loob sa mga biyenan! me joke pa nga frend ko ang tawag daw sa AMA -Haligi ng tahanan INA - ilaw ng tahanan ANO RAW ang tawag sa BIYENAN? then im asking what? ang BIYENAN- Anay ng Tahanan nakakatawa pero kung minsan totoo eh!Ano sa palagay nyo  Anonymous


Alam mo, marami na akong narinig na kwento tungkol sa mga monster-in-law.  Mga tunay na karanasan.  Minsan, hindi sa pinansiyal na problema, kundi sa relasyon sa bahay, sa pakikisama, sa pakikitungo sa mga manugang.  Dito pa naman sa atin sa Pilipinas, kapag nag-asawa ang isang tao, buong pamilya ang pinakasalan mo.  Kung swerte ka naman, masaya ang buhay.  Hindi sila tatawaging Anay ng Tahanan.  Manapa'y Karamay sa Tahanan.  Kasi, kung pareho kayong nagtatrabahong mag-asawa, ang biyenan ang nag-aalaga at nagpapalaki sa inyong mga anak.  Sila ang sumusubaybay sa mga ito.  Sila ang inyong nahihingan ng tulong sa oras ng pangangailangan.  Emosyonal, kundi man pinansiyal. Takbuhan kapag nagigipit.  Kung swerte ka...

Haha! Natutuwa po ako sa blog ninyo lalo na sa kwentong biyenan! Sana po makabisita rin kayo sa blog ko at magiwan ng comment kung nais ninyo! :) Kwentuhang Biyenan on KWENTONG BIYENAN AT MANUGANG

Salamat sa iyo.   Baka bisitahin ka ni Anonymous.  Magugustuhan niya ang mga salaysay mo tungkol sa biyenan.

Salamat po sa artikulo. Maaari po ba kayong maglathala ng artikulong tungkol sa Harana? Salamat po ulit. on Kundiman
Anonymous


At sa iyo, na matagal nang humiling ng artikulo tungkol sa kundiman, muli, sa pananaliksik ng isa kong kaibigan at tagasubaybay na si Rolly Estrada, narito ang HARANA.

                    HARANA

    Ang harana ay isang paraan ng panliligaw o panunuyo sa pamamagitan ng pag-awit sa tapat ng durungawan ng dalagang nililiyag ng isang talisuyo. Sa saliw ng gitara, ang mga titik at ang  malumanay na himig ng awit ay pawang nagpapahayag ng  pag-ibig.

    Ilarawan ninyo sa isip: sa isang nayon, isang gabing tahimik, malamig ang simoy ng hangin, maliwanag ang buwan at sa langit ay nagkikislapan ang libu-libong bituin.  Ang katahimikan ay pinukaw ng bagting ng gitara, kasabay ang pag-awit ng isang nagsusumamong tinig:  Dungawin mo, hirang, ang nananambitan/kahit sulyap mo man lamang, iyong idampulay . . . Pamaya-maya, pagkatapos ng isa pang awit, bubukas ang durungawan at manunungaw ang dalagang hinaharana.   Di ba't nakaparomantikong tanawin na pangkaraniwan nasasaksihsn sa mga kabayanan at kanayunan, sa halos lahat ng mga lalawigan sa ating bansa?

    Ang panghaharana ay malaon na – marahil, nagsimula ito ng dakong 1920's at namumukadkad pa rin hanggang noong 1950's.  Nagsimulang bumaba ang popularidad noong 1960's at noong 1970's ay bihira nang marinig.   Sayang nga lamang, dahil salat ang nasusulat na  kasaysayan na nauukol sa kaugaliang ito.  Ngayon, ang harana ay itinuturing na isang patay na tradisyon  May mga pagtatangkang buhayin ito noong magtatapos and unang milenyo, nguni't nabigo nga lamang.

    Ang musika ng harana ay batay sa habanera na may impluwensiyang Espanyol . .  Saan ba nagmula ang salitang harana? May isang maliit na pananaliksik kaming ginawa Maaari – inuulit namin, maaari – itong batay sa salitang Mehikano na jarana, na ang ibig sabihin ay munting gitara.


    May mga nag-aakalang ang harana ay pareho sa kundiman.  May mga pagkakahawig at  may mga  pagkakaiba ang dalawa:

1. Ayon sa aming nabasa, sa aspetong teknikal,, ang musika ng harana ay nasa 2/4 time, ang sa kundiman nama'y ay sa 3/4 time. (Hindi kami musikero, kaya hindi namin alam ang kahulugan nito; bahala na ang mga talagang nag-aral ng musika.)
2. Ang mga titik ng musika ng harana ay talagang Tagalog na Tagalog, gaya halimbawa ng panambitan, pagkagupiling, idampulay . . . Dito sila nagkakahawig sapagkat dalisay na Tagalog din ang mga titik ng musikang kundiman gaya ng pakiusap, matimtiman, salat,  karimlan, kasawian, kapighatian, kamatayan.  Ang pagkakaiba:  ang liriko ng harana ay pagsusumamo na sagutin sa pananambitan, samantalang ang sa kundiman ay may pagka-fatalistic. kadalasa'y sawi, nakahanda sa pagdurusa, susuungin kahit kamatayan upang patunayan ang pagmamahal.
3. Ang harana ay inaawit ng isang lalaki, ang kundima'y karaniwang babae ang umaawit, bagama't ang huli maari ring awitin ng isang lalaki sa paghaharana.
4. Ang tema ng kundiman ay pagpapakumbaba at pagiging handa sa pagdurusa o kamatayan.  pagtitiis kahit na mayapakan o mayurakan ang karapatan.  
5. Ang harana ay awiting karaniwang kung gabi inaawit.; ang kundiman, palibhasa'y pormal, ay madalas ding inaawit sa mga tanghalan, maging anumang oras
6. Ang harana ay inaawit sa saliw ng gitara, at kung magkaminsa'y ng bandurya o biyulin; ang kundiman ay inaawit din sa saliw ng gitara nguni't kadalasang sa saliw ng isang buong orchestra sa isang konsiyerto sapagka't  operatic ang dating.

    May pagkakahawig at pagkakaiba man, ang musika't letra ng harana at kundiman ay sumasalamin sa tunay na damdaming Pilipimo, ituring mang ito ay kapintasan o katangian: mapagpaubaya, matiisin, matiyaga, mapagpakumbaba, mapagmahal, magalang, mapagwalang-kibo, marunong tumanaw sa nakaraan, nakahanda sa anumang daluyong ng buhay, nakasunod    sa hihip ng hangin tulad     ng kawayan,  
   
    Upang lalo ninyong manamnam ang pagkakahawig at pagkakaiba ng harana at kundiman, narito ang apat na awitin – dalawang harana at dalawang kundiman –     na pinili namin.  Maaring ninyong pakinggan ito,  i-Google ang pamagat ng awit     at ang pangalan ng mang-aawit.

            MGA AWITING PANG-HARANA

1. Dungawin Mo Hirang  (Inawit ni Ruben Tagalog)
       
        Giliw ko'y pakinggan, aawit na mapanglaw
        Na nagbuhat sa isang pusong nagmamahal
        Huwag mong ipagkait, awa mo'y ilawit
        Sa abang puso kong naghihintay sa pag-ibig.

        Dungawin mo, hirang, ang nananambitan
        Kahit sulyap mo man lamang iyong idampulay
        Sapagka't ikaw lamang, ang tanging dalanginan
        Ng puso kong dahil sa 'yo'y nabubuhay.

2. O Ilaw (Inawit ni Ruben Tagalog)
       
        O ilaw, sa gabing mdilim
        Wangis mo'y bituin sa langit
        O tanglaw sa gabing tahimik
        Larawan mo, Neneng, nagbigay pasakit,
        Ay . . .
        Gising at magbangon, sa pagkagupiling
        Sa pagkakatulog na lubhang mahimbing
        Buksan ang binta at ako'y dungawin
        Nang mapagtanto mo ang tunay kong pagdaing.

                    MGA KUNDIMAN

1. Nasaan Ka Irog  (Inawit in Sylvia la Torre)
           
            Nasaan ka irog?  Nasaan ka irog?
            At biglang naparam ang iyong pag-giliw
            Di baga sumpa mong ako'y mamahalin
            Iyong itatangi, iyong itatangi magpahanggang libing.
            Subali't nasaan ang gayong pagtingin?
            Nasaan ka irog, at natitiis mong ako'y mangulila?
            At hanap-hanapin, ikaw sa alaala
            Nasaan ang sabi mong ako'y iyong ligaya?
            Ngayong nalulungkot, ngayong nalulungkot
            Ay di ka makita,
            Irog ko'y tandaan . . . .
            Kung ako man ay iyong ngayo'y siniphayo
            Mga sumpa't lambing pinaram mong buo
            Ang lahat sa buhay ko ay hindi maglalaho't
            Magsisilbing bakas ng nagdaan 'tang pagsuyo.           
            Nasaan ka irog?  Nasaan ka irog?

2. Ibong Sawi (Inawit ni Conching Rosal)
       
            Ako'y isang ibong sawi na hindi na makalipad
            At sa puso'y may sugat, wala pang lumingap
            Inabot ng hatinggabi, sa madilim na paglipad
            Saan kaya ngayon ang aking pugad?

            Sa mata mo'y may isang langit ng pangarap
            Sa puso mo'y mayroon kang pugad ng paglingap
            Kung ako'y mamamatay sa kapighatian
            Sa puso mo lamang muli akong mabubuhay.

            Ibig kong mamungad sa puso mo irog . . .
            Sa puso mo lamang, muli akong mabubuhay.

    BAGAMA'T ang kasikatan ng harana ay natimo na noon sa pambansang kamalayan, nagkaroon pa rin ng iba't ibang kaugalian sa iba't ibang lalawigan ng nauukol sa harana.  Sa Cavite, halimbawa, ang harana ay may apat na yugto o stages ayon sa isang artikulong nabasa namin:

1. Panawagan.  Sa bahaging ito, ang mga nanghaharana ay nasa ibaba ng durungawan. Mga dalawa o tatlong awitin ang iparirinig sa hinaharanang dilag, nagsusumamong sila ay pagbuksan.

2. Pagtatapat.  Dininig ng dalaga ang panawagan.  Binuksan ang bintana at nag-anyayang ang mga naghaharana ay tumuloy ng bahay. Sa loob ng bahay, kung saan nagmamanman ang magulang at iba pang kaanak ng dalaga, magsisiawit muli ang mga haranista. Ito ang bahaging ipinararamdam ng binata ang paghanga sa kagandahan at katangian ng dalaga.


3.  Panagutan.  Pagkatapos ng dalawa o tatlong awit ng pagtatapat, hihilinging         umawit naman ang dalaga,  Sinasabing kapag maganda ang tinig ng isang     dalaga, higit na madalas siyang haranahin.

        Ang sagot na awit ng dalaga ay maaring may pahiwatig: kung wala o  mayroong maaasahan ang lalaki sa luhog na pag-ibig,  Masisinag ito sa mga  letra ng awit ng babae.

4. Pamamaalam. Kung ang pahiwatig ng dalaga ay positibo, ang mga awit ng pamamaalam ay mabilis at masigla.  Hindi naman nangangahulugan na ang lalaki ay sinagot na ng dalaga.  Itinatakda ng panahon at ng mga kaugalian na iyon ay simula pa lamang ng panunuyo ng binata, na kung minsa'y paglilingkod sa pamilya ng dalaga, gaya halimba ng pagtulong sa mga gawaing bukid, pagsisibak ng kahoy na panggatong at pag-iigib ng tubig.  Kailangang patunayan ng binata na siya ay magiging isang mabuting asawa. Pagkatapos ng ilang panahon – maaaring bumilang ng taon – ang ligawan ay muuwi rin sa pamanhikan, kung saan hihilingin ng pamilya ng binata sa pamilya ng dalaga ang kamay nitong huli. Na mauuwi – sa wakas! --sa huling kabanata ng suyuan na nagmula sa isang harana: ang kasalan.
   
    Sa dakong Ilokos, ang harana ay tinatawag na tapat. Ito ay panghaharana rin, at ang dalaga ay sumasagot sa pamamagitan ng awit, nagpapahiwatig na ang lalaki ay dapat manuyo nang mahabang panahon,  Sasagot ang binata ng mga awit na higit pang marubdob at ang pagpapalitan ng awit ay matatapos sa pagkakaunawaan ng dalawang panig.


    Pareho ang tubad-tubad ng mga Maranaw sa tapat ng Ilokos bagama't sa bahagi ng sagutan ang mga Maranaw ay gumagamit ng berso o tula;

PINAKAPOPULAR na mang-aawit ng harana  si Ruben Tagalog, na tinagurian ding Hari ng Kundiman. Bagama't Tagalog ang apelyido, si Ruben ay isang Bisaya, taga Iloilo siya. Mga ilan taon din noong dekata 50 na lumaganap ang lingguhang palatuntunan ni Ruben sa radyo, may pamagat na Harana ni Ruben Tagalog.  Kasama niya sa panghaharana si Ading Fernando na kung minsan ay bumabanat ng mga awit na wala sa tono bilang bahaging komedya ng palatuntunan.

    Si Sylvia la Torre naman ang dalagang nililiyag ni Ruben.  Lagi namang nakabantay kay Sylvia ang gumaganap na mahigpit na tiyahin (o ina ba? Di na namin matandaan) na si Conching Rosal.   Ang setting ay isang nayon sa Batangas, kung kaya nga kung nayayamot si Conching – na kung tawagin ng mga binata ay Aling Konsing –
ay bubulalas ng – sa puntong Batanggenya: “Ala,  e . . . gusto ba ninyong magkaroon ng gripo sa tagiliran?”  Ibig sabihin, gagamitan sila ng balisong ni Aling Konsing.

    Umaawit din noon ng mga harana si Larry Miranda, Cenon Lagman, Diomedes Maturan, Roberto at Ric Manrique, Jr.

    Inilarawan din sa pelikula ang harana.  Natatandaan namin si Rudy Concepcion na hinaharana si Rosario Moreno sa Pakiusap.   Hinarana din ni Rogelio de la Rosa si Mila del Sol sa pelikulang Sarung Banggi. Nakatitiyak kaming marami pang pelikulang Tagalog ang may mga eksenang haranahan.

NOONG 1998, may isang awit na ginawa ang Parokya ni Edgar na ang pamagat ay Harana.  Sa kilalang estilo ng pag-awit ng grupo, ganito naman ang mga titk ng awit na ito:
        Uso pa ba ang harana?
        Marahil ikaw ay nagtataka
        Sino ba 'tong mukhang gagong
        Nagkandarapa sa pagkanta
        At nasisintunado sa kaba.
        Meron pang dalang mga rosas
        Suot nama'y maong na kupas
        At nariyan pa ang barkada
        Sa awiting daig pa ang minus-one at sing-along.
        Puno ang langit ng bituin
        At kay lamig po ng hangian
        Sa 'yong tingin ako'y nababaliw. Giliw
        At ang awitin kong ito sana'y maibigin mo.
        Ibubukas ko ang buong puso ko
        Sa isang munting harana para sa iyo
        Hindi ba't parang isang sine, isang pelikula romantiko
        Hindi ba't ikaw ang bidang artista
        At ako ang leading man
        Sa istoryang magwawakas sa pag-ibig na wakas.

    Harana ang pamagat nito, ngunit makikita ang kaibhan sa kinaugaliang pamantayan ng musika at letra ng harana.   Gayunpaman, alam ba ninyong nanalo ito bilang  International Viewers' Award for MTV Southeast Asia na ginanap sa Hongkong?

SADYANG isang nakagandang tradisyon ng harana, lalo na doon sa mga lumaki't nagkaisip sa lalawigan.  Gaya ng nabanggit namin, kulang ang nasusulat na mga impormasyon tungkol dito. Bakit ba ganoon?  Pinababayaan nating maglaho ang mga magagandang kaugalian ng ating kahapon. - Sa pananaliksik ni Rolly C. Estrada     





Salamat, Rolly! 


   

Monday, October 8, 2012

An Early Bird's Feedback on:   
MAHIRAP BA AKONG MAHALIN

October 5 – Hi Eve:  Katatanggap ko lang ng libro ngayong umaga.

October 6 – Dear Eve:  Nasa gitna na ako ng libro.  Inabot ako ng 3:30 am, so ngayon, segurado ako, matatapos ko.  Ang kulay ng book cover- favorite namin ni ... iyon ang kulay ng aking yoga mat, ng cell phone, ng jackets, t-shirts at ng flower sa i-phone ko at sa video phone..... Habang binabasa ko ang libro, ang daming “flashbacks” sa aking buhay...

October 6 – Dear Eve:  Natapos ko na ang libro.  Super!  Sana meron pang isang --- sa mundong ito.  Sobrang bait naman ni ---  Napaisip tuloy ako--- Gustung-gusto ko ang ending.

Maghihintay ako ng susunod na nobela mo.  Simulan mo na... I am so very proud of you.  You are truly the writer who brings out the best in people after reading your stories.  You should have seen my reaction while I was reading... yung puntong nag-meet sina ----  At sa iba pang part ng story.  I was emotional.  

 
Hindi ako mahirap mahalin!  Ikaw din!!!

Ruby

Monday, October 1, 2012

MAHIRAP BA AKONG MAHALIN   
        NILALAMAN
-1-
Biru-biro Kung Sanlan 
-25-
Labintatlo sa Unang Hapunan
-43-

Sa Piitan ng Isang Alaala
-55-

Pamumulaklak ng Isang Pag-ibig
-73-

Sapagkat Magaling ang Mag-asawa 
Kaysa Mangagningas ang Pita
-93-

Nahuli sa Akto
-116-

Pagdating at Paglisan
-133-

Pamanhikang Walang Nobyo
-154-

Gumuhong Pedestal
-177-

Kakapit Sa Patalim
-208-

Paglulubid ng Buhangin
-234-

Dokumentong May Lamat
-260-

Salu-salo
-282

Unang Gabi
-299-
Iisa Lamang ang Tatahaking Landas
-310-

Pagtalikod ng Isang Martir
-329-

A Season for Everything Under the Sun
-341-

Mahirap Ba Akong Mahalin?