Monday, October 29, 2012


  
ISANG GABI SA KARNABAL


NANGHAHABA ang leeg ng mga tao sa panonood ng maputing babae na namimisekleta sa ibabaw ng munting entablado.  Ang babae na nadaramtan ng karampot na telang kumikislap sa tama ng mga higanteng ilaw.  Yuyuko. Tutuwad.  Itataas ang isang hita't binti.  Ididipa ang mga kamay.  Walang hawak.  At uungol ang mga tao sa kasiyahan.  Ang mga bata ay mapapapalakpak.

Hindi sa maputing babae na namimisekleta nakatuon ang pansin ni Rodante.  Ang kanyang mga mata ay walang kurap na nakatitig sa isang batang lalake.  Isa sa maraming nanonood.

Mga walong taon siya.  Ang kanyang mga mata.  Ang ilong.  Ang gilit niya sa baba.  Maaaring siya na nga.  Siya...

Bigla, nagkilusan ang mga tao.  Kleng kleng kleng.  Nakita ni Rodante, dumarating ang isang munting tren.  Saka lamang niya napansin, nakatayo siya sa daraanang riles.  Sa isang iglap, nakatabi siya.

Matanda, bata, babae, lalake, may hawak na lobo, lolipap, apa ng sorbetes, humahagikgik, ngumangalngal, walang kibo't daldal nang daldal ang mga sakay ng treng nagdaan sa harapan ni Rodante.

Wala na ang batang lalake nang muling tapunan ito nang sulyap ni Rodante sa dating kinatatayuan.  Nasaan siya?

Kanyang naisip, hindi kalakihan ang nabububungang karnabal upang hindi niya malibot.  Huwag lamang uuwi.  Huwag lamang maisipang umuwi ng batang lalaking iyon.  Na may mabilog na mga mata at matangos na ilong.  May gilit sa baba.  At mga... mga walong taong gulang.

Sa Merry-Go-Round huminto si Rodante.  Nagkakagulo ang mga bata.  Pinagpapawisan ang mga nakapila at kumukuha ng tiket na mga magulang.

“Tita, sakay tayo.”

Ang tinig.  Bakit natitiyak niyang ganoon ang tinig ng batang lalaking iyon.  Nilingon niya ang bata at ang kasama nitong babae.  Sinundan niya ng tanaw ang pakikipagsiksikan ng mga ito.  Ang pag-alis ng babae sa Merry-Go-Round ng pamigil na lubid sa may pintuang katabi ng ticket booth.  Ang paghugos ng mga sasakay.  Ang paglundag ng batang lalake sa pinakamalaking kabayo sa hilera.  Ang kabayong malapit sa labas.  Sa kinatatayuan ng mga nanonood.  Sa kinatatayuan niya.

“Rod, kakapit ka.”

Ang lamig na gumapang sa gulugod ni Rodante ay kumalat sa kanyang buong katawan.  At wari, haliling naging yelo at apoy ang dugong dumadaloy sa kanyang mga ugat.  Rod.  Ang pangalan ng bata ay Rod.  Sa kanyang pangalang Rodante?
Nagsimulang umikot ang  Merry-Go-Round.  Lumundag-lundag ang mga kabayo.  At humigpit ang pagkakahawak ni Rodante sa bakod na bakal.  Nais niyang maliyo.  At maduwal.  Talagang mahina ang kanyang pakiramdam sa anumang bagay na umiikot.


TULAD ng ferris wheel.





“Bakit?”  nag-aalala ang tinig ni Liza.

“Nahihilo ako,”  sagot niya.

“Huwag kang titingin sa ibaba.  Sa akin na lang.”  Tumawa si Liza.

Kayumanggi si Liza.  Maigsi ang buhok na ang pagkagupit ay ang uso nang mga taong iyon na may kaunting bangs sa noo.  Singkit si Liza.  Nawawala ang mga mata kapag tumatawa.  Na gustung-gusto niya.

“Tama na,”  at tinampal siya sa hita ni Liza.  “Baka ako malusaw.”

Ang kamay na ipinanghampas ni Liza ay hinuli niya.  At ikinulong sa kanyang mga palad.  Matagal.  Saka muling ipinatong sa kanyang hita.  Hindi pa rin niya pinawawalan.  Kung ilang saglit, pilit na inaalis ni Liza ang kamay nito sa pagkadantay sa kanyang hita.  Ngunit sa higpit ng kanyang hawak, unti-unti nadama niya ang pagpayag.  Ang pagkaliyo ay kanya nang nakalimutan.  Nasa kaitaasan sila ng feris wheel.  Nakahinto.  Sa ibaba ay may sumasakay.

Sa paligid.  Ang City Hall.  Damdam niya'y maaabot ng kanyang kamay ang mukha ng malaking orasan.  At heto lamang ang Intramuros.  Hayun lamang ang Lyceum.  Doon ang Quezon Bridge.  Doon naman ang Jones.

Mainit ang palad ni Liza.  Pakiramdam niya'y nasa ituktok siya ng daigdig.  Na may nagsala-salabat na ilaw na iba't ibang kulay.


Nagsimulang kumilos ang ferris wheel.  Bumababa sila.  Tumataas.  Muli ang pagkaliyo.  At nabitiwan niya ang kamay ni Liza.


NAKAKAHILO, ano ho...

Tinutop muna ni Rodante ang kanyang bibig bago nilingon ang nagsalita.  Ang babaing kasama ng bata.  Ngumiti siya.  “Oo nga ho.  Pero ang mga bata.  Tingnan n'yo.”

Napailing ang babae.  “Naku, ito ngang kasama ko...”

“Pamangkin n'yo?” sambot ni Rodante.

Ngunit may kung anong hawak ang babae na nahulog at dinampot.  At ang tanong ni Rodante ay hindi nasagot.

Maraming hawak na tiket ang bata.  At sa muling pag-ikot ng Merry-Go-Round kasama pa rin ito sa mga nakasakay.


"DOON naman tayo sumakay,”  yaya niya kay Liza nang makababa sila sa ferris wheel.

“House of horrors.”  Kinilig si Liza.  “Nakakatakot yata.”

“Kasama mo naman ako.”   At pinalaki niya ang kanyag dibdib.

Ang background na mga nakapangingilabot na tili, alulong ng mga hayup, hinaing, daing at  sari-saring nakatatakot na kaluskos ay umapekto kay Liza.  Kay higpit nang pagkakapit nito sa kanyang bisig.  Kaylapit ng pagkakasiksik sa kanilang pagkakaupo, sa animo tren na gumugulong sa riles sa loob ng madilim na toldang pinasukan nila.  Kalansay rine na ang isang butong bisig ay tumama sa mukha ni Liza.  Nakupo! Nagliliyab na mga mata roon.  Ayoko na.

At panay ang himas niya sa likod, sa buhok, sa balikat ni Liza.  Karton lamang iyong skeleton.  At bombilya lang iyong mga mata.  Bago sila lumabas ng toldang iyon, di miminsang nahalikan niya si Liza.


ANG batang lalaki ay bumaba sa kabayo.  Tumalon sa hagdan.  Sumuot sa bakal na bakod.  “Ang sarap, Tita.”
Tumawa ang bata at ang tawa ay umabot hanggang sa mga mata.  Tulad ni Liza.  Liban sa singkit ang mga mata ni Liza.  Siya, ang mabilog ang mga mata.  Tulad ng bata?

Pumila ang babae at ang batang lalaki sa mga sasakay sa tren.  Sumandal si Rodante sa bakod na bakal ng Merry-Go-Round at nagsindi ng sigarilyo.


TUTURUAN kita, Liza.

Umiling si Liza.  “Sayang lang.  Hindi ako tatama.”

Pinilit niya si Liza.  “Ang dali lamang.  Basta, ganito ang hawak sa baril.  Dito ang tingin.  At kalabitin mo.”

Walang laruang bibe na tinamaan si Liza.  Ngunit sa kanilang pagtuturuan ay di mamakailang nagkahawakan sila ng kamay, nagkabungguan ng mga bisig.
Iba na ang kanyang pakiramdam nang sila ay palabas ng karnabal.

“Pumunta muna tayo sa Luneta, Liza...”

Tumanggi si Liza.  “Gabi na.  Magagalit ang matron sa dorm.”

“Sandali lamang tayo, Liza.”

Iba pa ang Luneta noon.  Ibang-iba.

“Rodante, huwag...”

“I love you, Liza.  I love you.”

“Huwag... huwag...”  tutol pa rin nito ngunit dama na niyang tangay na rin ito ng damdaming umaalipin sa kanya ng mga sandaling iyon.

May pera siya at may malapit na motel.  Nang pauwi na sila, nang hindi na mapigil ni Liza ang pag-iyak sa loob ng taksing kanilang sinasakyan, saka siya nakaramdam ng pangamba.

“'Pag may nangyari...”  impit at halos di lumabas ang tinig ni Liza.

“Walang mangyayari,”  parang gusto niyang mainis na hindi mawari kay Liza.  Bakit ganoon?  Bakit pumayag si Liza?  Kahit na ba niya pinilit.  Ilan ngang taon si Liza.  Labingwalo.  Sa labinsiyam niya.  Kapwa nag-aaral pa.  Kapwa napakabata para mag-asawa.  Hindi pa handa sa pagpapamilya.  At siya.  Tiyak, tatamaan siya sa kanyang ama.  At pagkatapos, ipakakasal siya.  Sila ni Liza.  At isang bagay ang natitiyak niya.  Ayaw pa niyang mag-asawa.  Kahit na may mangyari kay liza.  Dahil gusto pa niyang magpakasawa sa buhay na malaya.  Basta.

May nangyari kay Liza.

“Rodante, iba ang pakiramdam ko.”

Ang panahong iyon.  Na ang labinsiyam na katulad niya ay walang muwang sa pag-iingat sa pakikipagtalik.  Nalito siya sa sinabi ni Liza. 

“Pero, bakit?”  At ang kanyang tinig ay may himig ng pagbabangong-puri.

“Bakit na ano?”  Kuminig ang tinig ni Liza.  Ang labi ay kumatal.  Lumaki ang mga mata at sa mukha ay lumarawan ang isang di matingkalang pangamba.

“Bakit magkakaganoon?”  Saan nanggaling ang kanyang tinig.

“Ano... ano'ng ibig mong...ano'ng ibig mong sabihin?”  hindi niya makakalimutan ang tinig ni Liza nang sabihin iyon.

“Malay ko... malay ko na ako nga, Liza.”  At naniniwala na siya sa kanyang sinabi.

“Rodante!  Walang hiya ka!  Walang...”

Iyon ang unang reaksiyon ni Liza.  Ang ikalawa.  Sa koridor ng kolehiyo isang tanghaling kakaunti ang mga tao. 

“Rodante, please, maawa ka sa akin.  Ikaw lang.  Alam mong ikaw lang, Rodante...”

Umiling siya.  Na may kasama pang ismid.  “Kung pumayag kang minsan sa akin, Liza, paano ako makatitiyak na di ka rin pumayag sa iba.  Sa ibang pagkakataon.”

At ang ikatlo at huling reaksiyon ni Liza.  “Kung ganoon, Rodante, itinatanggi mo na ang dinadala ko'y sarili mong anak.”

Mabilis ang kanyang sagot.  “Itinatanggi ko.”

Hindi nagbago ang mukha ni Liza.  Walang damdaming nakalarawan.  Pagkuwa'y nagkibit ito ng balikat.  “Kung ganoon, ito'y paalam.  Hindi mo anak itong dinadala ko.  Ito ay anak ng lalaking magmamahal at pakakasal sa akin sa kabila ng aking kalagayan.”

Nakatapos siya ng pag-aaral.  Nagkahanapbuhay ng matatag.  Nagbilang ng mga kasintahan.  Hindi na siya ang labinsiyan na bagong-tao na hindi marunong mag-ingat sa pakikipagtalik.  Matalino na siya sa bagay na iyon.  Ngunit nanatili siyang binata.  Hanggang sa manawa.  Nais na mag-asawa'y walang mapusuan.  Dahil sa isang pag-ibig na di makalimutan.

Hinanap niya si Liza.  Sa dating tinitirahan.  Ipinagtanong sa mga dating kakilala.  Walang balita.

At higit sa lahat ang ginawa niyang paghahanap sa isang batang lalake o babae na mga edad walo.  Kayumanggi at singkit ang mga mata.  Na tumatawa.  Tulad ni Liza.  Tuwing Linggo sa Luneta. Rizal Park na ngayon.  Mga batang kumakain ng sorbetes.  Nakasakay sa see-saw.  Umiindayog sa swing.  Nagtatakbuhan sa damuhan.  Liza.  Liza.  Nasaan ka?  Nasaan ang ating anak?  Anak.  Aking anak.  Patawarin mo ako.  At muli, lakad.  Sabado ng hapon sa Manila Zoo.  Sa Manila Aquarium.  Sa Fort Santiago na pasyalan ng mga bata at matanda.  Sa mga bangketa. Restoran.  Sinehan.  Lalo't may pelikulang para sa mga bata. 

At karnabal.  Sa lahat ng mga karnabal na idinaos sa iba't ibang panig ng lunsod at mga karatig  Sa nabubungungang karnabal sa Cubao.  At wari, dito na niya sinapit ang dulo ng kanyang paghahanap.  Sa isang batang lalake na edad walo.  May mabibilog na mata, matangos na ilong, gilit sa baba, tulad ng sa kanya.



TABI kayo tabi...

Kleng kleng kleng.  Dumarating ang tren.  At lumakad palapit si Rodante.  Ang batang lalaki ay nakita niya.  Magulung-magulo sa pagkakaupo.  Kumakaway.  Sa dako niya.  Kinakawayan siya?  Napataas ang kanyang kamay.

“Mommy! Mommy!”

“Rod...”   Tumaas ang kamay ng isang babaing nakatayo sa dakong harapan niya.


At muling napahakbang si Rodante.  Si Liza.  Si Liza nga!  Hindi siya maaaring magkamali.  Sa wakas magkikita na rin sila.  At maitutuwid na rin niya ang nagawang pagkakasala rito. 

Humakbang si Rodante.  Kasabay ng paghakbang ni Liza,  palayo.  Pasalubong sa isang palapit na lalaki.  “Joel, nakita mo si Rod?”

Napahinto si Rodante.  Kasabay ng pagtigil ng lahat sa kanyang paligid.  Ang Merry-Go-Round.  Ang ferris wheel.  Ang mga yabag ng mga kabayo sa kuwadra.  Ang kleng kleng ng dumaraang tren.  Ang paglalaho ng mga ilaw at mga tao.  Liban kay Liza at sa kausap nito. 

“Naku ang anak mo, Joel.  Ang gulu-gulo sa tren.”

At napagmasdan ni Rodante.  Mabilog din ang mga mata ni Joel.  At matangos din ang ilong.  Kaya lamang...

Inakbayan ng lalaki si Liza.  Sumalubong sa nakababa nang batang lalaki. 

“Daddy...  Daddy...” 

At isang bisig ng lalaki ay umakbay sa bata.  “O gusto mo pa, anak?”

Patda sa pagkakatayo si Rodante.  Bakal ang kanyang mga paang hindi niya maikilos.  Upang iwanan ang tanawing naladlad sa kanyang mga mata.  Naku, ang anak mo, Joel, tinig ni Liza.  Daddy... Daddy, ang batang lalaki.  O gusto mo pa, anak.  Ang lalaking umakbay kay Liza.  Ama ng bata?  Bakit hindi?.  Mabilog din ang mga mata nito at matangos ang ilong.

Kaya lang... kaya lang... ay walang gilit ito sa baba.  Tulad ng gilit sa kanyang baba.


At ang pangalan ng bata ay Rod!  Ang pangalan ng bata ay Rod!

Ito'y anak ng lalaking magmamahal at pakakasal sa akin sa kabila ng aking kalagayan.


Rod... anak ko...

Ngunit wala na si Rod at si Liza at ang lalaking umakbay rito.  Nag-iisa na lamang siya, si Rodante, sa gitna ng magulo, maingay, maliwanag, nabububungang karnabal na iyon.

Mayo 29, 1972  Liwayway

No comments:

Post a Comment