Monday, May 15, 2017

Thursday, May 4, 2017

Flowers are blooming in May

Flowers that speak of romancing
Hearts that are carefree and gay
Beautiful moments together...

Miss Gutierrez, guro at ina, kwento sa Liwayway ngayon

Para sa buwan ng mga Nanay, mababasa sa isyu ng Liwayway ngayong linggong ito ang aking kuwentong may pamagat na...

Miss Gutierrez, Martir o Uliran?
















Kayo na ang humatol...

Saturday, April 29, 2017

BAGONG NOBELA IN THE MAKING

MGA PINAGKAKAABALAHAN

1. May ginagawa akong bagong nobela. Maigsi lamang, hindi siguro aabot ng dalawampu't limang kabanata. Nasa ika-21 na ako. Kung mailalabas ito sa Liwayway, okey. Kamakailan nang hinihingan nila ako ay hindi pa ako handa. Kaya ngayon ay naghahanda na ako. Sakali naman at hindi ito matuloy, print on demand sa States ang naghihintay sa akin. Sa kasalukuyan, apat na libro na itong naghihintay sa inyong pagbasa. Bili na:-) :D

2. Mahilig akong magkuha ng litrato. Ang isa sa mga una kong binili nang magkatrabaho ako after college ay isang Kodac Brownie. Minsan ay ilalagay ko rito ang ilang natirang litrato na hindi tinangay ni Ondoy. Pero ngayon, narito ang ilang kuha ko sa aking camera phone.


Lumang bahay sa Calle Zulueta. Tirahan ng aking teacher sa piano. Mi sol do, mi sol do, fa re re, fa sol re, fa sol re, mi do do. Subukan ninyong tugtugin ito, ang una kong piyesa, Frolics of the Lamb. 


Eskwelahan sa Calle F. Estrella na pinagtapusan ko ng elementarya. Bahagyang nabago na, nakumpuni, napinturahan, ngunit ang tunay na larawan nito ay mababasang malinaw sa aking nobelang Sa Pag-ibig, Parehas ang Laban. Eksena ng kabataan at kawalang-malay. Unang pag-ibig, unang kasawian...


Hanggang kailan ko makikita ang natitirang bukiring ito?

Kuwento sa Liwayway sa buwan ng Abril 2017

ISIP  VS  PUSO

Nang piliin ba ninyo ang kaisang-dibdib, ano ang ginamit ninyo? Ang inyong isip? O ang inyong puso? Malamang na ang inyong puso. Ang isip ay pumasok lamang sa checklist. Siyempre, at the back of your mind, mayroon pa ring checklist, tulad nang sumusunod:

-Presentable ba naman, pwedeng iharap sa pamilya at mga kabarkadang pintasera...
-okey ba ang pamilyang pinagmulan, kahit di mayaman, respectable naman...
-kahit drop-out kung sakaling di nakatapos, ambisyoso naman at masipag, responsableng tao, may hanap-buhay na kayang bumuhay ng pamilya...

Ngunit dumarating ang sandaling talagang kailangang mamili kung alin ang gagamitin, isip vs puso. At ang sandaling ito ay dumarating sa dapit-hapon ng isang buhay. 

Maghanap na ng kopya ng Liwayway na itong lumabas ng Abril 24.

 

Thursday, March 23, 2017

Panaghoy, Kuwento ng Linggo sa Liwayway



Ang kuwentong ito ay nalathala sa Liwayway na may petsang ika-20 ng buwan ng Marso bagaman at lumabas sa mga newsstand noon pang ika-14 o sinundang linggo. Ganoon yata ang kanilang sistema.

Panaghoy! Sa buhay ko ay dalawang beses pa lamang siguro akong nakarinig ng panaghoy na kapwa nagmula sa lalaki. Ang pinakahuli ay sa isang inulila ng kabiyak. Ang una ay sa isang inulila ng anak. 

Kahambal-hambal na tunay.

Sana'y nailarawan kong maliwanag ito sa aking kuwento. Narito ang bahaging iyon...

...noon sila nakarinig ng isang nakalulunos na panaghoy, humulagpos na panawagang waring sa kaibuturan ng sarili nagmula, ulit-ulit, walang kawawaang mga salita na makawindang-dibdib, puno ng panggigipuspos.

Bili na kayo. Baka mayroon pa sa National Bookstore!

Thursday, March 9, 2017

Live in the moment



Live in the moment, may nagsabi. In other words, be in the moment daw. Huwag iyong narito ka ngayon, lumilipad na ang isip mo sa kung saan. 

Tuloy ang nangyayari sa kasalukuyan ay parang nagdaraan lamang sa paningin, walang kinakanting damdamin sa sarili. Walang saya, walang lungkot, walang lugod o pagkagiliw, may indifference, dedma lang kumbaga.

Parang walang kahulugan ang mga bagay na nakikita. Hindi gumagana ang imahinasyon. Walang naaalaala. Zero. Parang zombie. Existing. Not living. Humihinga, inhale, exhale, tapos na. 

Ang paningin ay nakatuun at ang katauhan ay nakaabang  o naghihintay sa isang malaki o bonggang happening sa hinaharap. Kaya dumaraan ang maraming mumunting kaganapan sa paligid na hindi nabibigyan ng pansin. Gano'n ba...



Halimbawa, tulad ng isa kong kaibigan, paglabas raw niya ng pintuan ng bahay, pagdaraan sa munti niyang hardin, hihinto siyang saglit, pararaanan ng tingin ang mga halaman. Ang higanteng dapo ay kakalabitin at pupurihin, hello there, ganda mo! 

At ang natutuyong mayana ay tatanungin, bakit? Minsan, sa isip  lang niya kinakausap ang mga halaman,  minsan, malakas basta walang tao sa paligid. Baka kung ano isipin...



Paglalakad naman daw niya patungong istasyon ng traysikel, binabati rin niya ang nadaraanang pusa ng kapit bahay na nagbibilad sa umagang sikat ng araw. At ang mga tuta sa bahay sa kanto, na pagdaraan niya ay sumusungaw sa rehas na bakal ng bakod at siya ay tinatahulan. Hello, sasabihin niya, at lalo siyang tinatahulan. 



Ang mga bangketa, minsan ay malinis, kadalasan ay puno ng mga dahong natuyo at nalagas sa mga puno sa loob ng bakuran. Naiisip raw niya, hindi ba nagwawalis ang nakatira sa mga nasabing bahay? Walang katulong? Matatanda na? Nasaan naman ang mga streetsweeper? 



Bago dumating ang istasyon ng traysikel ay nadaraanan niya ang Isang matandang babaeng nagtitinda ng diyaryo, tabloid lang, at sigarilyo. Lagi, nginingitian siya nito. Hindi niya alam kung sino ang kauna-unahang ngumiti sa kanila, basta, lagi na silang nagngingitian. Kapag wala Ito sa puwesto ay iniisip pa niya kung may nangyari.



Marami siyang nasasalubong sa kanya raw paglalakad.  Kahit  nakatikom ang kanyang bibig, kapag nagtama ang paningin nila ng kanyang nakakasalubong at bahagyang kumilos ang kanyang mga labi kahit hindi pa ito matatawag na ngiti, sigurado raw na gaganti ng ngiti ito. Kapag nagandahan siya sa baby na kalong ng nakasalubong, ay, kay ganda! sasabihin niya. At ngingitian siya ng may dala. Ang mga batang naglalakad na tumitingin sa kanya ay nginingitian rin niya, minsan nga ay kinikindatan pa at nahihiyang gumaganti rin ang mga ito ng ngiti.



Sa sinakyang traysikel, minsan ay nakikipag-usap siya sa kasabay lalo sa mga naunang bumati sa kanya. Na takang-taka na namamalengke pa siya sa kanyang edad. Kaya pa ba niyang buhatin ang tatlong bayong na dala lalo at puno na ito ng pinamili? Sa kanilang pag-uusap, kadalasan ay nalalaman na niya kung tagasaan ang mga ito, kung may pamilya, saan nagtatrabaho. Ang mga drayber ng traysikel, kapag magalang makipag-usap, nakikipag kwentuhan rin siya.

Bago raw dumating ng palengke ay may nadaraanan siyang eskwelahan ng mga batang nasa high school. Minsan ay may aktibidad na nangyayari sa grounds at tumitigil siya upang manood at magbalik-tanaw sa nakaraang araw nang siya ay nasa ganoon ring gulang, nakikipagkwentuhan sa mga kaiskwela, humahalakhak na parang anong sarap mabuhay!

May isang pulubi, isang payat na lalaking naka-wheel chair, wari ay kilala na siyang nagbibigay. At isang kabataang ale na nagbabantay ng mga sasakyang nakaparada, na minsan ay may dalang kariton na sinasakyan ng alaga nitong aso.



Sa palengke, alam niya ang bahay ng kanyang suki. Kinukwentuhan siya, dahil interesado siya, ng tungkol sa pamilya. May bumili ng bahay, may naghousewarming, may nagpiyesta at iniimbitahan pa siya. Alam niya na nakapasa sa board exam ang anak ng maggagatas, na scholar sa PUP ang panganay ng maggugulay, na may high school reunion ang tindera ng karne at di matapos ang kanilang kwentuhan tungkol sa mga dating kaiskwela.



Tanong sa akin ng kaibigan kong ito, am I living in the moment? Dahil interesado ako sa nangyayari sa paligid?



Tumango ako. Pero naisipan ko lamang ding itanong, e interesado ka rin ba sa nangyayari sa bayan?



Tumaas ang kanyang kilay. Aniya, nagsisimula lamang ako sa aking sarili at sa aking abot-kamay. Of being positive. Looking at the bright side. Sabi nga, it is better to light a candle than curse the darkness. Kung nagdidilim sa paligid, magsindi ng kandila. At ang munting ilaw ng aking kandila ay magbibigay liwanag na rin kahit bahagya sa karimlan. 

Naisip ko lang, living in the present or whatever, ngunit ang kaibigan kong ito, definitely, is living an interesting life and enjoying every moment of it. 

Naisip ko pa rin, iyon kayang mga nakaluluwag sa buhay na sa mga supermarket namamalengke at sa kotse sumasakay pagtungo rito, ano ang kanilang nakikita at napapansin?

Iba naman siguro. Well, to each his own...