Tuesday, January 10, 2023

11 - UGNAYAN '53 - BALIK-TANAW SA PASKONG NAGDAAN

 

 

11 – UGNAYAN ’53 – Balik-tanaw sa Paskong Nagdaan

MULI, uulitin ko. Naiiba ang aming Klase. Pinaparisan at marahil ay nahihigtan dahil alam n’yo na, ngunit wika nga, been there, done that. Sa amin nanggaling ang binhi ng ideya, kaya improve na lang sila.

Ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ay lagi nang kasama sa mga aktibidad ng Klase. Unang linggo pa lamang ng Disyembre ay nakatakda na ito. May concensus agad: Kadalasan ang venue ay sa kina Mayor Boy sa Guiguinto at minsan ay kina Turing Enriquez sa Sta. Rita. Laging may palaro na ang punong-abala ay si Dally. Mga palaro na ang trip to Jerusalem ay nagkakatulakan sa pag-agaw ng silyang uupuan. Siempre, hindi nawawala ang mga give-away, na kahit token lamang ang premyo, lahat ay uuwing may bitbit, donasyon ng mga taga Metro Manila at Malolos. Potluck ang pagkain na sobra-sobra, kaya may balot-balot pa sa pag-uwi.

Ngunit mabilis ang lakad ng panahon. Inayawan na ang strenuous na palarong Trip to Jerusalem at Form a Group of 3 or 4 or 5. Bumabagal na ang mga kilos, may sumasakit na sa katawan. Pwede ba, kantahan na lamang? At nangyari nga iyon at naging aktibo ang Choir sa pamamahala  ni Maestrang Marina. Remember the theme song? Gaano ko ikaw kamahal? At Ikaw ang Mahal Ko? At Oh Holy Night?

Noon naisipan na sa pagdiriwang ng Kapaskuhan ay magdaos ng PANULUYAN nang ipakita ko ang makinilyadong tula tungkol dito na nakuha ko sa mga papeles ng aking Amang. Agad ko itong pinaghiwa-hiwalay at agad akong nag-assign ng mga taong gaganap sa mga karakter sa panuluyan. Wala nang tanong-tanong, walang tumututol, lahat ay agree, at kani-kaniyang hanap ng isusuot. Iyong unang taon ay medyo kulang, wika nga. Nangangapa pa kumbaga. Ngunit nang ikalawang pagkakataon na isinadula ang PANULUYAN, ay naku, big production na ito. Nagtayo pa mandin ng dingding ng kunwari ay mga bahay na kakatukin nina Jose at Maria. Isa pa! Kailangang tunay na birhen ang gaganap na Maria. May nagprisinta pa nga, ngunit denied. Kaya si Herming ang pinili, and winner. At si Rolly ang San Jose.

Tulad sa naganap na tunay na Panuluyan, naglakad ang mag-asawang naghahanap ng tirahan sa malaking bakuran ng inakupahan naming resort doon sa malapit sa Ople diversion road. Kumatok sila, hindi pinatuloy. Ilang bahay iyon, hanggang makarating sila sa may kural ng hayop at doon isinilang ang Mesiyas. Dumating na una ang mga shepherd – sina Ana at Giliw. Gayundin ang Tatlong Hari – sina Totek, Milo at Ruben. Habang nagaganap ang panuluyan, ang Choir naman ang nagpro-provide ng background music. Oh Holy Night… Silent Night… Joy to the World… Anong saya ng lahat… Parang kahapon lamang… Nang magkakasama pa tayong lahat…

(Matagal na ring hindi ko nabisita ang blog na ito dahil sa kaabalahan sa trabaho sa bahay. Ngunit nito lamang, kinailangang mag-save o gumawa ako ng backup ng mga nakalagay sa aking computer dahil matanda na rin ito at baka mag-conk out ay mawala ang maraming dokumento. Noon ko nakita ang mga larawang ngayon ay ibinabahagi ko sa inyo, mga mahal na kamag-aral.

                        MALIGAYANG PASKO

 
 
 
 



MANIGONG BAGONG TAON SA ATING LAHAT!