Sunday, August 29, 2021

07 - UGNAYAN '53 - TATLUMPONG TAON and still going strong....

 

 

 

SUMIGLA ang grupo ng mga taga-Guiguinto sa pagkahalal kay Mayor Boy Estrella. Naging aktibo sina Roming, Herming, Jaime at Pedro. Pati sina Nomer at Auring, kapwa kaiskwelang naging magkapalaran. Pati mga taga-Balagtas na sina Eladio at Pedrito. Tuloy ang paglaki ng grupo. At tuloy ang tuksuhan at pagpapares-pares sa mga kaiskwelang dalaga at binata pa rin sa kabila ng maraming taong nagdaan, sa kabila ng maraming naging talisuyo (sabi nga, not for lack of opportunities, matibay lang talaga), at sa kabila rin ng mga niligawan (o naging kasintahan, na talaga lamang pihikan, o di ba nakapasa  kay Inang?) Tulad nina Herming at Dally at ni Doc Resty, pinaka-eligible bachelor noon ng Klase.

 

Kilala si Mayor Boy, hindi lamang sa pagiging punong-bayan ng Guiguinto, kundi sa pagiging isang artist o pintor at body builder, kaya naging hang-out ng Klase ang kanyang gym sa loob ng mahabang panahon. Marami sa mga naging ugnayan, reyunyon, Christmas party ng mga sumunod pang pamunuan ang dito ginanap. Sa kagandahang-loob ng kanyang maybahay na si Loida at ng mga magaganda at guwapong anak. Ngunit ang ika-tatlumpong taong anibersaryo ng pagtatapos sa high school sa ilalim ng kanyang termino ay idinaos sa bakuran ng bahay-pamahalaan ng Guiguinto. 

 

Tagumpay ang pagdiriwang na dinaluhan ng maraming guro na waring hindi man nagbago ang anyo. Ang mga taong nagdaan ay hindi nalarawan sa kanilang mukha. Sa mga kodakang naganap, mandi’y hindi naglalayo ang edad ng mga guro at kanilang naging eskwela. Pati kulay ng buhok. Ito sina Miss Juana E. Ladia, Miss Ramona de Leon, Miss Belen Caluag, Miss Benaventura at Miss Tengco. Aba’y Miss pa po sila! 


 

 


Buwan ng Abril noon at napakainit ng panahon. Kasing-init ng pagkikita ng lahat. Dumating ang maraming alumni. Ilan sa mga ito ay nakatakda nang mangibang-bansa kaya dama na rin ng mga magkakaibigan ang napipintong paghihiwalay na bibilang na ng maraming taon bago muling magkasama-sama. Ito ang mag-asawa at magkaiskwelang Simon at Aida, at kalaunan, ang mag-asawa at magkaiskwela ring Nardo at Amalia. Susundan naman ito nina Ruby at Teresita na pipiling na sa kanilang mga kabiyak na naroon na. Ngunit sabi nga, pag may aalis, may darating. Pag may nawala, may bubulaga (‘la lang, rhyme lang po). Kasi, nauuso na ang pagbabalik-bayan ng mga alumni kapag may idaraos na reyunyon. Kaya ang mga magsisialis na ito ay masisilayan rin sa tamang panahon (pag citizen na sila at pwede nang bumisita sa PI – Philippine Islands – pero RP na ngayon, Republic of the Philippines.) Ang unang balikbayan bagaman at hindi kapag may reunion ay si Lettie Abella. Sa pagkakataon ito na ika-30 anibersaryo, ang balikbayan ay walang iba kundi si Gerry Geronimo.

 

Kaya bigay-todo ang sayawan, basta nariyan si Dally. Kapansin-pansin na marami sa mga kalalakihan ng Klase ay kaliwa ang paa at waltz at sweet lamang ang gustong sayaw. (Bakit kaya?) Kaya kakaunti ang nakaka-partner ni Dally. Hanggang dumating si Gerry. Tagaktak ang kanilang pawis sa pagsasayaw ng tango at boogie. Sa gitna ng palakpakan ng lahat.

 


 

Siempre, hindi mawawala ang awitan. Basta, nariyan rin si Dally na pambato ng GSIS choir, ayos na.  (Isa ngang kakilala ko ang nagkomentaryo na ang kulang sa kanilang Klase ay isang Dally. Kahanga-hanga rin ang kanilang Klase ngunit totoo ang kanyang tinuran. Wala silang Dally.)

 

Masasabing isang katangian ng magkakaklase ay ang hilig na umawit. Naroon na marahil ang binhi ng pagtatayo ng isang choir. Nang reyunyon na nasabi ay nagpakitang-gilas ang balikbayan. Inawit ni Gerry ang Mona Lisa na nagbigay-palaisipan sa marami kung kungino niya ito pinatutungkol. Abangan…

 

Sa reyunyon na ito unang naitampok ang first alumni roasted calf na pagsasaluhan, sa kagandahang-loob ng nakaraang pangulo Frank Sacdalan from his bakahan sa Cotabato. And from time to time, a roasted calf would always be a feature of special alumni celebration, Sabi nga, getting to be a habit…

 

Sa ginanap na halalan ng alumni association, tinanghal na pangulo si Jess Gabriel ng Pulilan. Si Frank ay taga-Plaridel. Si Boy ay sa Guiguinto. Si Jess ay mula sa Pulilan. Hinahalo na ang lahat. Feel na ng bawat isa. The best is yet to be. Nagkakaugnay-ugnay na

 

 Abangan ang marami pang magaganap na UGNAYAN.

 

 

 

  

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

                                                                                                         

Sunday, August 1, 2021

06 - UGNAYAN '53 - HAPPY AND SAD UGNAYAN


Sa pagitan ng mga idinaos na reyunyon ay marami ang naging kaganapan. Noon nagsimula ang pagkabuo ng core group. Ang core group ng isang samahan, sa unang tingin ay maaring sabihin (o pagkamalan) na the chosen few o the cream of the crop. Sa kaso ng mga mag-aaral o alumni, sila ang sinasabing nasa top section at naging paborito ng mga guro noong kasalukuyang nag-aaral. Maaaring aminin ito na  totoo sa simula sa kaso ng Klase sa kadahilanang sila ang mga aktibong magkita, madaling magkatawagan, mabilis umaksiyon anuman ang napag-usapang gawin. Hanggang nagkaroon nga ng pagbabago nang mahalal na pangulo si Frank. May nadagdag na mga bagong mukha sa grupo, babae at lalaki. At doon din nagsimula at nag-usbong ang mga bagong pagkakaibigan. Ang magkakaibang grupo o barkada noong high school ay nagkahalo. Na noon ay iniisip na hindi magkakasundo. Na nang panahong ito ay masayang nagsasama-sama sa mga happening.

 

Paboritong bisitahin ng lumalaking grupo ang tahanan ng mag-asawang kamag-aral na sina Mon at Aida. Natatandaan ko ang isang pagtitipon kung saan dumating si Totek na biyudo na noon, na kasama ang bago niyang kabiyak, na nakasisilaw ang kaputian. Bakit ang suot pa nitong bestido ay pula. Agad niyang ipinakilala ito sa lahat, ngunit particular sa isang dalagang kaiskwela na itinukso sa kanya nang siya ay nabalo. Tanda ko pa ang kanyang sinabi na umani ng matinding halakhakan sa paligid, Akala mo, hindi ako makakakuha ng maputi! Ang kuwento sa likod nito ay ang tigas na pagtanggi ng dalaga sa tuksuhan kasi, kay ganda niya at kay puting dalaga, papatol siya sa isang biyudo na tatlo na ang anak, instant family agad. Ang bagong kabiyak ni Totek ay naging bahagi na ng grupo at wala namang naganap na aberya sa kanila ng dalaga sa pagdaraan ng panahon.

 

Naging sabik ang lahat sa ulit-ulit na pagkikita. Hindi ito miting na may agenda na pag-uusapan. Talagang kasayahan lamang. Noong reyunyon sa pamunuan ni Frank at nahalal si Boy Estrella, napagtibay na ang susunod na reyunyon ay idaos pagkatapos ng tatlong taon. Ito ay upang matapat sa ika-tatlumpong anibersaryo ng Klase sa halip na reyunyon tuwing ikalawang taon na pinagtibay noong Silver Jubilee. Kaya nasundan ang muling pagkikita ng grupo. Isang naganap na pagtitipon na ipinang-imbita nina Mon ay ginanap sa parang resort ng isang kaibigan nila sa loob ng Beberly Hills sa Antipolo, may swimming pool kaya nagsipaligo ang marami. Potluck na sa kasamaang-palad, allergic pala sa hipon si Totek, kaya namantal. Pami-pamilya ang dumating – sina Claire, Maring, Eve. At bukod kay Dally, naroon rin ang isa pang dalaga, si Linda, ang binata ng Klase, si Doc Resty.at batay sa mga larawan, naroon si Lettie ang magandang nurse na isang balik-bayan noon. 

 


 

 Marami pang pagtitipon ang naganap, hindi pa tinatawag na ugnayan ang mga ito. Sa tahanan nina Claire sa Sikatuna, kina Maring din, kina Frank sa may Araneta at doon nakilala ng mga kaiskwela si Baby Cayetano na kabiyak niya. At sa tahanan ng aming valedictorian sa White Plains kung saan naman nakahalubilo ng grupo ang kanyang maybahay na si Ofie. Napakasaya ng mga pagtitipong ito kung saan nagiging palagay ang loob ng isa’t isa, kahit sa mga biruan o tuksuhan o asaran, na marahill, may sumasama rin ang pakiramdam, ngunit nagsisilbing hinang upang lalong magkalapit.

 

Natatandaan ko, noong Silver Jubilee ay nabanggit ng aming valedictorian sa isang pag-uusap na marahil, iyon na ang huli niyang reyunyon. Hindi ko alam ang medical history ng kanilang pamilya, bagaman, maagang nawala  ang kanyang kapatid na kamag-aral din namin. Kapag nagbabalik-tanaw ang lahat, hindi maiiwasang maalaala ang mga pagkakataong nakasama siya ng lahat. Naroon ang pagdating ng kamag-aral namin at naging matalik niyang kaibigan, si Gerry, na naging dahilan ng muling pagkikita sa isang Chinese Restaurant. Noon nagbilang si Dally ng mga nakaupo sa round table dahil SOP kasi ang divide-divide sa bayaran ng nakain. Lagi pang itinatanong kung on the house iyong tea at pag hindi ay ipinababalik. Nakakahiya, ngunit nakatatawa, at nakatutuwa. Lalo nang mayroong naman palang godfather. Noon din nagkayayaan pagkakain na magtungo naman sa isang lugar na may music. Ewan kung saan iyong kinapadparan namin sa Cubao na ang tugtog ay…lonely tables just for one, in a bright and crowded room… Comment ni Totoy, parang beer garden ito. Pero enjoy ang lahat.

 

Isang kaarawan niya ang ipinang-imbita sa maraming kaiskwela. Talagang napuno ang kanilang tahanan sa White Plains. Sagana sa pagkain. At may dumating pang combo dala ng isang kaiskwela. Parang nakikita ko pa ang mukha niya nang makita ang combo. Masaya naman ang kinauwian. Lalo at si Doc Resty ay hindi na binitiwan iyong mike.

 

Nang minsan namang nasa Barrio Fiesta kami dahil sa balik-bayang si Romy M., naisipan ng mga lalaki na tawagan siya. Bagong galing siya ng ospital, twice a week siyang nagtutungo rito. Ngunit dumating siya at nagpaunlak na makisaya sa amin. Bagong change oil daw siya.

 

Kalaunan, nabisita rin namin siyang muli sa kanilang tahanan upang ma-update siya sa mga kaganapan sa Klase. Lagi, masaya ang mga pagtitipon at pag-uusap. Sumunod ay sa ospital na namin siya dinalaw. At kahuli-hulihan, siya ay lumisan.

 

Kami ay nawalan, inulila ng aming valedictorian, isang kamag-aral na unti-unti pa lamang naming nakikilala nang lubusan, nadaramang maaaring maging malapit na kaibigan, kaming hindi kasama sa kinabibilangan niyang grupo (sa high school noon, hindi pa masyadong nagkakasama ang mga teenager na lalaki at babae).  Maaga siyang lumisan. Marahil, alam niyang ang anumang layunin na nais isagawa ng Klase ay kayang itaguyod ng mga naiwan.

 

Narito ang excerpt ng isang email ng isa naming kamag-aral tungkol sa kanyang pagpanaw.

 

Nang pumanaw siya ay nasa 7 days trip ako sa 6-7 countries and I did it in few days practically with little sleep.  From the airport derecho ako sa bahay nila sa wake na lang kasi nailibing na siya at ang hinde ko makalimutan ang salubong sa akin ni Leah ang tanging anak nila at eto ang sabi niya - NINONG WALA NA SI DADDY.  I cannot control my tears so I hugged her and kiss her.  I noticed Ofie shared the grief I am experiencing as she knows how deep is the relationship between Amado and me. Totoy is not just a high school classmate, but a REAL friend, my legal counsel, my kumpadre and most of all LIKE MY BROTHER as i do not have any brother just 2 sisters.