Sunday, August 1, 2021

06 - UGNAYAN '53 - HAPPY AND SAD UGNAYAN


Sa pagitan ng mga idinaos na reyunyon ay marami ang naging kaganapan. Noon nagsimula ang pagkabuo ng core group. Ang core group ng isang samahan, sa unang tingin ay maaring sabihin (o pagkamalan) na the chosen few o the cream of the crop. Sa kaso ng mga mag-aaral o alumni, sila ang sinasabing nasa top section at naging paborito ng mga guro noong kasalukuyang nag-aaral. Maaaring aminin ito na  totoo sa simula sa kaso ng Klase sa kadahilanang sila ang mga aktibong magkita, madaling magkatawagan, mabilis umaksiyon anuman ang napag-usapang gawin. Hanggang nagkaroon nga ng pagbabago nang mahalal na pangulo si Frank. May nadagdag na mga bagong mukha sa grupo, babae at lalaki. At doon din nagsimula at nag-usbong ang mga bagong pagkakaibigan. Ang magkakaibang grupo o barkada noong high school ay nagkahalo. Na noon ay iniisip na hindi magkakasundo. Na nang panahong ito ay masayang nagsasama-sama sa mga happening.

 

Paboritong bisitahin ng lumalaking grupo ang tahanan ng mag-asawang kamag-aral na sina Mon at Aida. Natatandaan ko ang isang pagtitipon kung saan dumating si Totek na biyudo na noon, na kasama ang bago niyang kabiyak, na nakasisilaw ang kaputian. Bakit ang suot pa nitong bestido ay pula. Agad niyang ipinakilala ito sa lahat, ngunit particular sa isang dalagang kaiskwela na itinukso sa kanya nang siya ay nabalo. Tanda ko pa ang kanyang sinabi na umani ng matinding halakhakan sa paligid, Akala mo, hindi ako makakakuha ng maputi! Ang kuwento sa likod nito ay ang tigas na pagtanggi ng dalaga sa tuksuhan kasi, kay ganda niya at kay puting dalaga, papatol siya sa isang biyudo na tatlo na ang anak, instant family agad. Ang bagong kabiyak ni Totek ay naging bahagi na ng grupo at wala namang naganap na aberya sa kanila ng dalaga sa pagdaraan ng panahon.

 

Naging sabik ang lahat sa ulit-ulit na pagkikita. Hindi ito miting na may agenda na pag-uusapan. Talagang kasayahan lamang. Noong reyunyon sa pamunuan ni Frank at nahalal si Boy Estrella, napagtibay na ang susunod na reyunyon ay idaos pagkatapos ng tatlong taon. Ito ay upang matapat sa ika-tatlumpong anibersaryo ng Klase sa halip na reyunyon tuwing ikalawang taon na pinagtibay noong Silver Jubilee. Kaya nasundan ang muling pagkikita ng grupo. Isang naganap na pagtitipon na ipinang-imbita nina Mon ay ginanap sa parang resort ng isang kaibigan nila sa loob ng Beberly Hills sa Antipolo, may swimming pool kaya nagsipaligo ang marami. Potluck na sa kasamaang-palad, allergic pala sa hipon si Totek, kaya namantal. Pami-pamilya ang dumating – sina Claire, Maring, Eve. At bukod kay Dally, naroon rin ang isa pang dalaga, si Linda, ang binata ng Klase, si Doc Resty.at batay sa mga larawan, naroon si Lettie ang magandang nurse na isang balik-bayan noon. 

 


 

 Marami pang pagtitipon ang naganap, hindi pa tinatawag na ugnayan ang mga ito. Sa tahanan nina Claire sa Sikatuna, kina Maring din, kina Frank sa may Araneta at doon nakilala ng mga kaiskwela si Baby Cayetano na kabiyak niya. At sa tahanan ng aming valedictorian sa White Plains kung saan naman nakahalubilo ng grupo ang kanyang maybahay na si Ofie. Napakasaya ng mga pagtitipong ito kung saan nagiging palagay ang loob ng isa’t isa, kahit sa mga biruan o tuksuhan o asaran, na marahill, may sumasama rin ang pakiramdam, ngunit nagsisilbing hinang upang lalong magkalapit.

 

Natatandaan ko, noong Silver Jubilee ay nabanggit ng aming valedictorian sa isang pag-uusap na marahil, iyon na ang huli niyang reyunyon. Hindi ko alam ang medical history ng kanilang pamilya, bagaman, maagang nawala  ang kanyang kapatid na kamag-aral din namin. Kapag nagbabalik-tanaw ang lahat, hindi maiiwasang maalaala ang mga pagkakataong nakasama siya ng lahat. Naroon ang pagdating ng kamag-aral namin at naging matalik niyang kaibigan, si Gerry, na naging dahilan ng muling pagkikita sa isang Chinese Restaurant. Noon nagbilang si Dally ng mga nakaupo sa round table dahil SOP kasi ang divide-divide sa bayaran ng nakain. Lagi pang itinatanong kung on the house iyong tea at pag hindi ay ipinababalik. Nakakahiya, ngunit nakatatawa, at nakatutuwa. Lalo nang mayroong naman palang godfather. Noon din nagkayayaan pagkakain na magtungo naman sa isang lugar na may music. Ewan kung saan iyong kinapadparan namin sa Cubao na ang tugtog ay…lonely tables just for one, in a bright and crowded room… Comment ni Totoy, parang beer garden ito. Pero enjoy ang lahat.

 

Isang kaarawan niya ang ipinang-imbita sa maraming kaiskwela. Talagang napuno ang kanilang tahanan sa White Plains. Sagana sa pagkain. At may dumating pang combo dala ng isang kaiskwela. Parang nakikita ko pa ang mukha niya nang makita ang combo. Masaya naman ang kinauwian. Lalo at si Doc Resty ay hindi na binitiwan iyong mike.

 

Nang minsan namang nasa Barrio Fiesta kami dahil sa balik-bayang si Romy M., naisipan ng mga lalaki na tawagan siya. Bagong galing siya ng ospital, twice a week siyang nagtutungo rito. Ngunit dumating siya at nagpaunlak na makisaya sa amin. Bagong change oil daw siya.

 

Kalaunan, nabisita rin namin siyang muli sa kanilang tahanan upang ma-update siya sa mga kaganapan sa Klase. Lagi, masaya ang mga pagtitipon at pag-uusap. Sumunod ay sa ospital na namin siya dinalaw. At kahuli-hulihan, siya ay lumisan.

 

Kami ay nawalan, inulila ng aming valedictorian, isang kamag-aral na unti-unti pa lamang naming nakikilala nang lubusan, nadaramang maaaring maging malapit na kaibigan, kaming hindi kasama sa kinabibilangan niyang grupo (sa high school noon, hindi pa masyadong nagkakasama ang mga teenager na lalaki at babae).  Maaga siyang lumisan. Marahil, alam niyang ang anumang layunin na nais isagawa ng Klase ay kayang itaguyod ng mga naiwan.

 

Narito ang excerpt ng isang email ng isa naming kamag-aral tungkol sa kanyang pagpanaw.

 

Nang pumanaw siya ay nasa 7 days trip ako sa 6-7 countries and I did it in few days practically with little sleep.  From the airport derecho ako sa bahay nila sa wake na lang kasi nailibing na siya at ang hinde ko makalimutan ang salubong sa akin ni Leah ang tanging anak nila at eto ang sabi niya - NINONG WALA NA SI DADDY.  I cannot control my tears so I hugged her and kiss her.  I noticed Ofie shared the grief I am experiencing as she knows how deep is the relationship between Amado and me. Totoy is not just a high school classmate, but a REAL friend, my legal counsel, my kumpadre and most of all LIKE MY BROTHER as i do not have any brother just 2 sisters.

 

 

 

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment