Tuesday, June 29, 2021

05 – UGNAYAN ’53 - PAMUMULAKLAK NG PAGKAKAIBIGAN

 

 

Marami ang nagsabi na kapag pinagbabalikan nila sa isip ang nakaraang panahon ng pag-aaral nila sa high school, tunay na makipot, hindi malawak, ang kanilang ginagalawan. Alalaon baga, hindi man sadya o inisip, parang nilagyan nila ng hangganan ang kanilang mga kilos o galaw. Hanggang dito lang ako… okey na ako sa aking grupo… ito ang aking barkada… sa aking ka-seksiyon… sa mga kasakay ko sa service na diyip ni Erning or Vic o weapon carrier na kinombert para sa taga-Guiguinto o Pulilan o Plaridel… mga taga-ibang bayan na dumadayo ng pag-aaral sa kabisera ng lalawigan. At naging masaya naman ang samahan sa kani-kanilang grupo sa buong panahon ng pag-aaral. Hanggang naghiwa-hiwalay nga at muling nagkatagpo-tagpo sa mga sumunod na reyunyon.

 

At hindi naman matatawaran na ang pagkakaibigang nabuo ng mga panahong iyon ay tumibay, lalo at nagkaroon pa rin ng komunikasyon kahit paano. Tulad ng barkadahan ng tatlong dalaginding noon na tanyag at kilala sa pagiging cute at may kani-kaniyang natatanging charm na umaakit sa maraming baguntao. Ibig sabihin, mga nagkaka-crush sa kanila. Mga manliligaw. Sila ang laging focus sa anumang field demonstration dahil sila ang nasa tuktok ng pyramid. Ganoon sila ka-cute. Nagkahiwa-hiwalay, nagkalayu-layo. Ngunit sila ay naging magku-kumare. Upang wari ay patibayin pang lalo ang pagkakaibigan na nais ipamana hanggang sa mga anak. Inaanak ng isa ang anak noong isa. At noong isa iyong anak ng isa. At sali-salimuot na. Ekis-ekis na. Ibinubuhol na ang tali ng pagsasamahang nabuo noong high school.

 

May isang grupo pa rin akong alam na ganito rin. Naging magkumare rin, dahil magkabarkada rin sila sa high school. Kung hindi iyong kaiskwela, iyong asawa naman ng kaiskwela ang kinukuhang kumpare o kumare. Para ba huwag magkalayu-layo. Huwag mapatid ang taling bumibigkis sa pagkakaibigan. At sa mahigit na tatlong daang magkakamag-aral noon, ilang beses na naulit ang ganito. Una ay sa binyag ng mga anak. Sunod ay sa kasal ng anak. Kalaunan, ay sa renewal of vows ng kaiskwela, kinukuhang ninong ang kabarkada. Bagaman may alam din ako na sa sikretong pagpapakasal pa lamang ay naging ninong at ninang na ang mga kabarkada.

 

Ngunit ang nais kong bigyan ng pansin ay ang pamumuo ng pagkakaibigan ng mga magkakaiskwelang hindi magkakabarkada o magka-seksiyon noong high school. Nagkikita, oo. Nagbabatian? Tangu-tango siguro. Nagkakasama? Sa mga school activities. Ngunit ganoon lamang. Walang namamagitang relationship.

 

Tulad ng aking karanasan sa isang Johnny-come-lately na  pagkakaibigan. Nagkasama sa isang lakaran, isang miting o ngayon ay tinatawag na  ugnayan, nagkakuwentuhan, nagkahulihan ng loob, napalagay ang kalooban, iyon bang masasabi ang lahat nang walang pag-aalala na baka mabigyan ng ibang kahulugan. At isang araw ay matatanto mo na lamang na may bago, ngunit waring, dati nang kaibigan. Na noong high school ay ni hindi mo nakakausap. O kinakausap. At ito ay kasama sa mga dakilang pagbabago, ang pamumulaklak ng pagkakaibigan.

 

Ganito ang naganap sa dalawang magkaiskwela na naging matalik na magkaibigan nang sila ay naging binata, magkakilala noong high school (sapagkat kilala ng lahat ang naging valedictorian) ngunit lumawak ang pagkakaibigan, naging malalim ang pagsasamahan na humantong hanggang magkaroon ng kani-kanilang pamilya. At tulad nang inaasahan, inaanak ni Gerry ang tanging anak ni Amado at inaanak naman nito ang pangalawang anak niya. Hindi lamang iyon, nagkatulungan pa sila sa kani-kanilang hanap-buhay. Si Amado ang Legal Counsel ng kompanya ni Gerry. Kumbaga, nagkakatulungan.

 

Isang kaiskwela, si Dally na nagtrabaho sa GSIS, ang hayagang nagsabi na kung may problema o katanungan ang sinuman tungkol sa loan, pension o anupaman, baka aniya siya ay makatulong. Bukas siya sa pagtulong sa lahat ng kaiskwela, barkada man ito noon o kaiskwela lamang. Kung paanong sa probinsiya, nakahanda naman ang taga-munisipyo o kapitolyo o taga-bangko na umasisti, sabihin lamang na Class ’53, kahit di naman kabarkada. O kaseksiyon,

 

Ito ay nagmula nga sa isang laganap na perception, tulad sa paghahalal ng pamunuan ng alumni association, salat man ito sa katotohanan, na ang karaniwang pinipili ay nasa top section. (Tinalakay na ito sa mga salaysay na nalathala sa Aklat ng Ginintuang Alaala ng Klase). Kaya nang sa ika-25 Anibersaryo ng Klase at nahalal si Frank, nagkaroon ng pagbabagong tinatanaw ang lahat. Sinong Frank? Iyong pumasa sa CPA ng one take!

 

Naging masigla ang pamunuan ni Frank. Malimit nang magkita-kita ang lahat, sama-sama sa mga lakaran, naging laman ng pistahan, kaarawan, mga handaan. Kabilang dito sina Claire, Lor, Amalia, Dally, Tess, Mario, Nardo, Ruben, Totek, Net, Ed, Weling, Jess. Nagiging barkada na. Unti-unti na ring napapasama ang mga kabiyak ng puso ng mga ito, pati ang mga anak na matunog nang tumawag nang Tita at Tito sa mga kaiskwela ng kanilang magulang. Kumbaga sa pamilya, dumadami ang miyembro, lumalaki ang angkan. Tumatamis, tumitibay ang samahan.

 

At isang bagay ang mahalagang malaman ng marami tungkol dito. Si Frank, ang pangulo, ay nakabase sa Mindanao kung saan naroon ang negosyo niyang pamimili ng livestock for slaughter. Nakakasama lamang siya ng grupo kapag siya ay nauuwi. Dito pa lamang ay masusukat na ang umuusbong na uri ng pagsasamahan ng magkakaiskwela. Nagtutulungan ang lahat. May panaghilian ba? May nagrereklamo? Tsismis? (Bawal jumingle, mapag-uusapan ka). Mawawala ba ito? Ngunit sa pagdaraan ng panahon, unti-unti, naayos ang lahat. Nagkaroon ng pagtanggap, acceptance, natutong magpuno sa kakulangan ng mga kasama. Nanaig ang kusa, ang initiative na ano ba ng maitutulong kapag may gagawin, ang pag-aalay ng personal na kakayahan na makapagpapasaya sa isang binabalak na pagtitipon. Noon na marahil nagsimula ang layunin ng bawat isa na maging tagumpay ang mga gaganaping reyunyon ng Klase. Parang binhi na nahasik, nag-ugat, hindi naman lubhang pinag-isipan, nadama lamang.

 

Kaya nang idaos ang ika-27 anibersaryo ng pagtatapos sa high school ng Klase na ginanap sa “new building” (tawag noon sapagkat bago pa), ito ay dinaluhan ng marami. Isang malaking tagumpay. 

 

 Mama_06 29 2021.png

 

At sa idinaos na halalan, tinanghal na pangulo ng Alumni Association ng Klase si Boy Estrella ng Guiguinto.

 

Sinong Boy?

 

 

 

 

 


 

 

 

 

 

 

 

 


 

 

 

Tuesday, June 1, 2021

 

 

04 – UGNAYAN ’53 – SILVER JUBILEE, THE BIG CHANGE

 

Ang pagkikita ng magkakamag-aral nang idaos ang ikasampung anibersaryo ng klase ay nagsilbing appetizer lamang, kumbaga sa pagkain. Ginanahan ang lahat na aba! dapat ay muling magkita-kita. Ngunit para sa mga kababaihang kaiskwela na tumugpa na sa buhay may-asawa, yaon naman ang panahon ng pagpapamilya. Kaya ang nangyari, higit na naging aktibo ang mga kalalakihan na magtawagan, pare, may bote ako, pagharapan natin… Na natutuloy sa kaunting baraha, barya-barya lang daw.  At kwentuhang hindi totoo, sabida. Sa totoo lang, hindi man aminin ng mga pa-machong lalaking ito, miss lang nila ang high school days ng mga unang pag-ibig, unang holding hands, unang sayaw, unang halik?

 

Ang masipag magtawag noon ay ang kaiskwelang personnel manager ng Regent na si Rollie, AVP ng Traders Royal Bank na si Ed at si Totoy, ang valedictorian ng Klase na connected sa isang multi-national company. Ang mga tinatawagan ay sina Net, Ber, Totek at Roger. Na kalaunan ay nadagdagan nina Mon, Resty, Milo at Gerry, whenever he is in town. Sa pagdaraan ng mga araw, nakasama na rin sina Frank at Rading.

 

Doon sa pagharap-harap na iyon ng magkakamag-aral nabuo ang balak na pagdiriwang ng Silver Jubilee ng Klase sa panguluhan ni Ed ng Traders na pumalit kay Erning (Commodore Ramos) na ni hindi nakadalo sa 10th Anniversary noon dahil iyon ang unang araw niya bilang Kapitan ng kanyang barko.

 

Ang Silver Jubilee ng Klase ay ginanap sa Hiyas Cafetorium. Ang sumusunod ay hango sa Aklat: Umalingawngaw ang tuwa at saya sa apat na sulok ng venue. Nalunsad ang career ni Eve bilang emcee ng klase, kasama si Rollie. Pinalakpakan si Dally bilang life of the party. 

 


 

 Sa reyunyong ito nagsimula ang paglaki at paglago ng grupong nagkikita-kita sa tuwina. Noon ay pawang mga lalaki ngunit pagkatapos ng reyunyon, sumama na ang mga babaing kaiskwela, tulad nina Dally, Maring, Claire Eve, Aida, Tess, Amalia at Nenita.

 

Tutunog na ang telepono kapag may balikbayang darating. Dr. Baby, Lettie, Gerry at Romy. Excited na ang lahat. May happening at kainan sa labas. May usapan naman ang grupo sa  bayaran. Divide-divide. Na pinagmumulan ng walang katapusang halakhakan. Saan ka nakakita ng round table na siksikan ang nakaupo para maraming magdi-divide? Pero pag kasama ang valedictorian godfather, masaya na si Dally.

 

Kung bibigyang-pansin, ang majority sa grupo ay taga-section one pa rin. Nasa ika-dalawampu’t limang taon nang tapos ang magkakamag-aral sa high school, wala pa rin bang nabago? At halos mga kabilang sa section one rin ang mga nagiging pangulo o opisyales ng asosasyon. Sadya ba iyon? O dahil sila ang laging magkakasama, nagkikita, nagkakausap, kaya kung may kailangang gawin, sila na rin ang nagkakaturuan, ikaw na… o siya na…at dahil nagkakatulungan, nagiging natural na i-nominate ang isang kilala nang masipag magtrabaho pagdating ng halalan ng bagong pamunuan.

 

Nang sa idaos na halalan ng Alumni Association ng Klase noong Silver Jubilee ay tinanghal na pangulo si Frank. Frank? Sinong Frank? Na marami rin ang hindi nakakakilala. 

 

Sa high school, na ang mga mag-aaral ay nasa alanganing edad, hindi na bata, hindi pa binata, mga teenager na mahiyain o insecure dahil maraming tigidig sa pisngi, kadalasan ay bihira ang nakikisalamuha sa iba. Siksik na lang sa sariling grupo, sa kinabibilangang section, ang kanilang comfort zone. Kaya hindi namin (mga babae) kilala si Frank. Pero si Frank ay tanyag sa kapwa niya lalaki (at mga babae ring kaseksiyon), dahil laging masarap raw ang baon nitong ulam noong high school. Si Frank ay isa sa dalawang kauna-unahang CPA ng Klase, one take, noong panahong iyon na isa sa pinakamahirap na board exams ang accountancy. At ang tanging masasabi namin ay bow!

 

In a way, nagsilbing catalyst si Frank at  ang pagkahalal niya bilang pangulo ang naging simula ng pagbabago. Nadagdagan ang sigla sa pagpasok ng ibang kaiskwela na dati ay sa kani-kaniyang kaseksiyon lamang nakikihalubilo. Iyon ang simula ng mga dayalog na hindi naman ninyo kami kilala noon… na sinasagot na mahiyain din kami, kaya di palabati. 

 

Na kalaunan, sa pagdaraan ng mga araw, umusbong na ang mga bagong pagkakaibigan na ni sa hinagap ay di inakalang mangyayari noong nag-aaral pa sa high school. At iyon ang dakilang pagbabago!

 

Abangan:

05 – UGNAYAN ’53 -  PAMUMULAKLAK NG PAGKAKAIBIGAN