Tuesday, June 1, 2021

 

 

04 – UGNAYAN ’53 – SILVER JUBILEE, THE BIG CHANGE

 

Ang pagkikita ng magkakamag-aral nang idaos ang ikasampung anibersaryo ng klase ay nagsilbing appetizer lamang, kumbaga sa pagkain. Ginanahan ang lahat na aba! dapat ay muling magkita-kita. Ngunit para sa mga kababaihang kaiskwela na tumugpa na sa buhay may-asawa, yaon naman ang panahon ng pagpapamilya. Kaya ang nangyari, higit na naging aktibo ang mga kalalakihan na magtawagan, pare, may bote ako, pagharapan natin… Na natutuloy sa kaunting baraha, barya-barya lang daw.  At kwentuhang hindi totoo, sabida. Sa totoo lang, hindi man aminin ng mga pa-machong lalaking ito, miss lang nila ang high school days ng mga unang pag-ibig, unang holding hands, unang sayaw, unang halik?

 

Ang masipag magtawag noon ay ang kaiskwelang personnel manager ng Regent na si Rollie, AVP ng Traders Royal Bank na si Ed at si Totoy, ang valedictorian ng Klase na connected sa isang multi-national company. Ang mga tinatawagan ay sina Net, Ber, Totek at Roger. Na kalaunan ay nadagdagan nina Mon, Resty, Milo at Gerry, whenever he is in town. Sa pagdaraan ng mga araw, nakasama na rin sina Frank at Rading.

 

Doon sa pagharap-harap na iyon ng magkakamag-aral nabuo ang balak na pagdiriwang ng Silver Jubilee ng Klase sa panguluhan ni Ed ng Traders na pumalit kay Erning (Commodore Ramos) na ni hindi nakadalo sa 10th Anniversary noon dahil iyon ang unang araw niya bilang Kapitan ng kanyang barko.

 

Ang Silver Jubilee ng Klase ay ginanap sa Hiyas Cafetorium. Ang sumusunod ay hango sa Aklat: Umalingawngaw ang tuwa at saya sa apat na sulok ng venue. Nalunsad ang career ni Eve bilang emcee ng klase, kasama si Rollie. Pinalakpakan si Dally bilang life of the party. 

 


 

 Sa reyunyong ito nagsimula ang paglaki at paglago ng grupong nagkikita-kita sa tuwina. Noon ay pawang mga lalaki ngunit pagkatapos ng reyunyon, sumama na ang mga babaing kaiskwela, tulad nina Dally, Maring, Claire Eve, Aida, Tess, Amalia at Nenita.

 

Tutunog na ang telepono kapag may balikbayang darating. Dr. Baby, Lettie, Gerry at Romy. Excited na ang lahat. May happening at kainan sa labas. May usapan naman ang grupo sa  bayaran. Divide-divide. Na pinagmumulan ng walang katapusang halakhakan. Saan ka nakakita ng round table na siksikan ang nakaupo para maraming magdi-divide? Pero pag kasama ang valedictorian godfather, masaya na si Dally.

 

Kung bibigyang-pansin, ang majority sa grupo ay taga-section one pa rin. Nasa ika-dalawampu’t limang taon nang tapos ang magkakamag-aral sa high school, wala pa rin bang nabago? At halos mga kabilang sa section one rin ang mga nagiging pangulo o opisyales ng asosasyon. Sadya ba iyon? O dahil sila ang laging magkakasama, nagkikita, nagkakausap, kaya kung may kailangang gawin, sila na rin ang nagkakaturuan, ikaw na… o siya na…at dahil nagkakatulungan, nagiging natural na i-nominate ang isang kilala nang masipag magtrabaho pagdating ng halalan ng bagong pamunuan.

 

Nang sa idaos na halalan ng Alumni Association ng Klase noong Silver Jubilee ay tinanghal na pangulo si Frank. Frank? Sinong Frank? Na marami rin ang hindi nakakakilala. 

 

Sa high school, na ang mga mag-aaral ay nasa alanganing edad, hindi na bata, hindi pa binata, mga teenager na mahiyain o insecure dahil maraming tigidig sa pisngi, kadalasan ay bihira ang nakikisalamuha sa iba. Siksik na lang sa sariling grupo, sa kinabibilangang section, ang kanilang comfort zone. Kaya hindi namin (mga babae) kilala si Frank. Pero si Frank ay tanyag sa kapwa niya lalaki (at mga babae ring kaseksiyon), dahil laging masarap raw ang baon nitong ulam noong high school. Si Frank ay isa sa dalawang kauna-unahang CPA ng Klase, one take, noong panahong iyon na isa sa pinakamahirap na board exams ang accountancy. At ang tanging masasabi namin ay bow!

 

In a way, nagsilbing catalyst si Frank at  ang pagkahalal niya bilang pangulo ang naging simula ng pagbabago. Nadagdagan ang sigla sa pagpasok ng ibang kaiskwela na dati ay sa kani-kaniyang kaseksiyon lamang nakikihalubilo. Iyon ang simula ng mga dayalog na hindi naman ninyo kami kilala noon… na sinasagot na mahiyain din kami, kaya di palabati. 

 

Na kalaunan, sa pagdaraan ng mga araw, umusbong na ang mga bagong pagkakaibigan na ni sa hinagap ay di inakalang mangyayari noong nag-aaral pa sa high school. At iyon ang dakilang pagbabago!

 

Abangan:

05 – UGNAYAN ’53 -  PAMUMULAKLAK NG PAGKAKAIBIGAN

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment