Sunday, February 14, 2021

KUMUSTA NA SA LOCKDOWN

 

 

Kumusta na? Kay tagal na nating hindi nagkakaulayaw. Marami nang nangyari sa paligid. Mga kaganapang nagpasikdo ng dibdib, nagtanim ng takot, nagdala ng pangamba. Na buong tapang nating nilabanan sa kani-kaniyang pamamaraan.

 

Marami ang nag-aral, natuto, naging eksperto sa pagluluto ng iba’t ibang uri ng ulam, ng kakaning pangmiryenda, ng cakes at cookies na naglunsad sa kanila sa online negosyo ng selling at food delivery. Ito ay mga propesyunal na natigil sa pag-o-opisina, mga OFW na hindi nakabalik abroad, mga trabahador sa mga planta at pabrika, mga entertainers at artista, lahat-lahat na. Sila ang masasabi nating maliwanag na naapektuhan. Siyempre, sa kabuuan ay ang ekonomiya, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba pang dako ng daigdig.

 

Isa pang natutuhan nila ay ang how to cope with the lockdown. The quarantine! Mantak mong dati ay lumalabas ka ng bahay na bihis na bihis, papasok sa trabaho, maraming nakikita at nakakausap, nakaka-shopping, nakakapanood ng sine, nakakapasyal… sunod ay biglang nahinto ang lahat ng aktibidad! Saklap, ano? Ngunit after a while, and now, a year this March, naka-adapt naman, di ba? No choice. Dapat kasi. May protocol. (Mga di-gamiting salita na ngayon ay madulas na sa dila kapag sinambit, naging araw-araw nang bahagi ng bokabularyo – protocol, lockdown, quarantine at frontliners.)

 

Sabi nga, paradigm shift. Baguhin lang ang perspective. How you look at things. Simple lang. Kung tutuusin, madali namang gawin, ibukas lang ang isip. Isang word, isang salita lamang ang tandaan. GRATITUDE. Cultivate the attitude of gratitude. Be grateful. Be thankful. Ay, salamat po, at titingala ka pa, kasabay ang isang buntung-hininga sa pagsambit nito.

 

Itatanong mo, ano ang ipagpapasalamat mo? May namamatay, nagkakasakit, marami ang nagugutom, nawalan ng hanap-buhay. Totoo iyan, dami ngang problema. Pero may magagawa ka ba? Kung mayroon, gawin mo. Kung wala, asikasuhin mo na lamang ang iyong sarili, ang iyong pamilya at huwag nang dumagdag pa sa marami nang problema. At tuwing magigising sa umaga at bago matulog sa gabi o kahit na sa tuwi-tuwina, subukan mo lang, magpasalamat ka---- sa sumisikat na araw, sa pumapatak na ulang dinidilig ang uhaw na lupa, sa nagliliparang ibon, sa mga masisipag na delivery people na naghahatid ng order ng mga tao, sa mga medical frontliners, sa mga trabahador at empleyado at taong-gobyerno at pribado na tuloy pa rin sa pagpasok sa kani-kanilang trabaho upang tuloy ang pag-usad ng ekonomiya… ipagpasalamat mo ang anumang maisip mong nangyari ng araw na iyon… Ganoon lamang, hanggang maging habit ito, na taos sa puso mo.

Kung laging thankful ang isang tao, nagiging iba ang aura niya, ang pakiramdam. Ang ine-exude na energy ay positive. At alam naman natin, positive in, positive out. Nahahawa ang mga nasa paligid. Di ba, masaya?

 

Ikaw, ano ang ginawa mo? Paano ka nag-cope? Share mo naman. Ako, dahil nasa bahay lang since ipinanganak ang aking panganay na sinundan naman agad ng dalawa pa, medyo sanay nang matigil dito. Noon pa man natutuhan ko na ang pagmaneho ng libreng oras. Kaya lang, dahil naman nagretiro ang aking kasambahay of fifty years, yes! Nag- golden aniv na kami ni Manang, ngayong wala na siya ay dumami ang aking trabaho sa bahay. Nawalan ako ng panahong magsulat sa Liwayway, pati na nga rito sa blog.

 

Ngunit kapag nai-post ko ang sinulat kong ito, baka magising at ganahan at humanap ng oras na makahabing muli ng mga kuwento o makipagkuwentuhan dito sa blog.

 

Abangan! Siyanga pala, Happy Valentines Day sa lahat, umiibig man o hindi, iniibig man o hindi. Ngiti lamang… at pasalamat!