Wednesday, April 28, 2021

01 - UGNAYAN '53 - ANG SIMULA

 

01 - UGNAYAN ’53 – Ang Simula

 

Kailan ba nagsisimula ang isang pagkakaibigan? Iyong pagsasamahan na walang itinatago, walang inililihim, sinasabi ang nasasaloob, sige lang, kwento lang nang kwento, satsat lang ng satsat, kahit di alam, nakakasakit na pala. Nangyayari iyan sa mga bata. Kung maitim ka, tatawagin kang ulikba. Kung sobrang puti, anak-araw. Kung sakang, e sakang, kung pike, e, pike, wala nang pasintabi. Ganyan ang dayalog ng magkakalaro, magkakapit-bahay, magkakaiskwela sa elementarya.

 

Ngunit sa pagdaraan ng mga araw, lumalaki, nagkakaisip, nagkakaroon ng pagbabago ang mga ito. Natututong makinig, magmasid, makiramdam sa pahiwatig o saloobin ng kapwa-bata. Lalo at tumutuntong na sa pagka-teenager. High school na ang graduate ng elementary. May naiba na sa kilos at gawi, sa mga salitang binibitiwan, sa mga ayaw at gusto, sa bagay-bagay man o sa pagpili ng kaibigan.

 

Pinipili ba ang kaibigan? O may hindi maipaliwanag na hatak o halina na nag-aanyaya sa isa na sumama o kumausap sa isang natatanging tao o grupo? Sa high school, maliwanag na mapapansin ito sa mga mag-aaral. Ang marurunong, they gravitate to each other. Section One, e, hindi nakikisama sa lower section. ‘Yan ang reklamo at hinanakit pagdating ng mga reyunyon. Di naman n’yo kami kilala. Di kayo nambabati. Section One kasi, kami taga-lower section. Kani-kaniyang grouping. Ang mga dalaginding, sama-sama, laging nagbubulungan tungkol sa kanilang crush, nagkukwentuhan ng mga tinanggap na sulat ng manliligaw. Ang mga isip-bata, hayun at naglalaro pa sa ilalim ng mga puno. Ang mga dalaga na at magaganda, pinagkakalumpungan ng mga binata na.

 

Sa pagtatapos ng pag-aaral sa high school, malalim na ang pagkakaibigang nabuo sa apat na taong pagsasama. Sa mga kabar-dekada, mayroon ngang ang namuong pagtitinginan noon ay natuloy sa tunay na pagkakaibigan, sa pagtataling-puso. May dalawa ngang kaiskwela na ang golden wedding nila ay kasabay ng golden jubilee ng Klase. Hindi ko lang sigurado kung nagtanan ang mga ito at kung bakit napabilis. May istorya kaya sa likod nito? Wala akong alam. E, kayo?

 

Dumating ang panahong naghiwa-hiwalay na ng landas ang magkakaiskwela, ang magkakabarkada.  Kani-kaniyang paaralan ang pinili. Kani-kaniyang kurso ang pinag-aralan. Iba-ibang larangan ang balak na pasukan. Sa panahong ito naging madalang ang pagkikita ng magkakamag-aral. Doon sa iisang paaralan pumasok, nagkakasalubong, nagkakabatian (kahit hindi magkaseksiyon) paminsan-minsan. Naroroon kasi ang kasabikan na makasalamuha ang mga dati at pamilyar na mukha. Ganito rin ang kaganapan kapag nagkikita sa Quiapo (nagsisimba kapag may gradong malalay?), o bumibili ng sapatos sa Carriedo, o may hinahanap sa Central Market o Divisoria. Masayang makatagpo ng kakilala, lalo at kababayan at kaiskwela pa. Nabubura na ba ang linya ng pagkakaiba ng seksiyong kinabibilangan?

 

Nang matapos sa pag-aaral, doon pumasok ang paghahanap-buhay sa propesyon man o sa business, sa pangangalakal, pagsasaka, pangingisda na siyang kinamulatang trabaho ng iba. At siyempre, ang pagpapamilya. Marahil, sa panahong ito, sampung taon matapos ang high school, nagkaroon na ng pagkakataong, magkita-kita ang ilan. Sa mga babae, ang mga dating  magkakabarkada. Sa mga lalaki, halu-halo na sila, bagaman at sa pagkakatanda ko (ayon sa kwento-kwento), ang grupo ay kinabibilangan ng mga taga seksiyon one pa rin.

 

Ito ang nais kong ikwento sa series na ito, kung paano nabuo ang core group na nagsilbing binhi nang pagkakaisa, pagsasama-sama ng mga magkakaiskwela.

Na nagsimula sa Casa Real - sa pagbaba o  pag-akyat ng tulay (depende kung saan ka galing o pupunta (sa krosing ba o sa Atlag), sa tabing ilog na may nakapundong ilang bangka na sinasakyan natin kung recess kaya nakakagalitan ng mga teachers. Na sa kalagitnaan ng taon ay nalipat ang buong klase sa kinaroroonan ng mga gusaling pinapasukan ng mga mag-aaral na nasa ikalawa hanggang ikaapat na antas ng paaralan. Natatandaan ba ninyo ang Old Building –  

Wow, sarap ng feeling. High school nang talaga, kahit freshman pa lang. Na kinaroroonan rin ng mga sawali building, cafeteria, grandstand at iba pa. Nasa tabi ito ng Kapitolyo ng lalawigan. Nasa gilid ng MacArthur highway. Na sa kabila ay riles ng tren at nakahilerang karinderya. Sa dakong likod ay ang provincial hospital. Sa gawi roon ay ang LEX (bilangguan).

Na nagtapos sa New Building na tahanan ng mga Juniors at Seniors.

 

Ang core group ay nabuo, unti-unti, hindi bigla, maraming pinagdaanan at pakiramdaman, pasensiyahan, pag-unawa, pagtanggap… hanggang dumating ang panahong, feeling pamilya na, kaisang-puso, kapatid… na may pag-aaway at tampuhan, ngunit sa suma’t total, sabi nga ng matatanda (noon), stick together, talagang ganyan ang samahan, may ups and downs, palipasin lang, babalik rin sa dati ang pagtitinginan. At dadalhin ang damdaming ito, magiging bahagi na ng ating katauhan.

Na dinala nga namin. Natin

At kayo rin na mga kabar-dekada, na mag-aaral noon sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas, na makaka-relate sa halos pare-pareho nating karanasan.

 

(Abangan ang simula ng pagtatagpu-tagpo at ang mga susunod pang pinagtagni-tagning alaala.)

Wednesday, April 21, 2021

Sa Pag-ibig, Parehas ang Laban

May nagtatanong, saan raw makakabili ng aking libro na "Sa Pag-ibig..."

Pero, anonymous siya, kaya hindi ko masagot deretso. Anyway, depende kung nasaan ka. Abroad ba? Then, you may go to Lulu.com.

Kung narito ka sa Pilipinas, saan? Kasi, wala iyan sa bookstore.  I still have some copies on hand.

Wednesday, April 14, 2021

UGNAYAN '53 - Paunang Salita

 

 

UGNAYAN ’53 – PAUNANG SALITA

 

BAKIT? Iyan ang tanong. Ano ang nagbunsod sa akin upang gawin ito. Anong ito?  Nang ilunsad ko ang pagsusulat sa blog noong Enero 2008, ito ang aking isinulat.

 

I remember caring for the times of my parents - their lives, their courtship, their romance and how people lived then - BUT only after they were gone and I could not talk to them anymore. Somehow, I don't want this to happen to my children and to all the children and grandchildren of my generation when they find themselves interested in the "good, old days".


I want them to have a glimpse of what we were. The mores, customs, traditions, way of life, idiosyncracies, biases and prejudices, the joys and heartaches of our times, so very different from today's. All these reflected on the short stories (and novel) I wrote for Liwayway through the years. Just simple love stories of our times. Realistic, hindi ma-drama, totoong nangyayari, hindi happy ending lagi, but somehow, one can identify and relate with the characters and the places. Really nothing pretentious. Hindi pam-Palanca. Just something to pass the afternoon by, kung wala nang mapanood sa tv. Tulad sa probinsiya noon, makapananghali, si Inang o si Nanay ay magbabasa na ng Liwayway o Bulaklak o Sinagtala na pampalipas ng oras hanggang sa maidlip.

 

Ngayon, ang nais kong mangyari ay mapagtagni-tagni ang mumunting alaala ng mga kaganapan sa buhay naming magkaka-dekada. Na noon ay isinusulat ko sa isang newsletter. Na sa pagkakataong ito, hangad kong matulad baga sa isang ginintuang aklat (albeit digital) ng mga gunita… sapagkat isang bagay na hindi maitatatuwa, na ang aming Klase ay kakaiba at pambihira, tinutularan ngunit hindi mapantayan (parang komersiyal!)… hindi sa kayamanan sa naabot na antas ng pamumuhay o sa karunungan sa narating na taas ng katungkulan saan man, manapa’y sa kagandahan ng pagsasamahan.

 

A, may nagsabi, hindi raw interesting ang aming Klase. Dahil walang away? Walang samaan ng loob, hinanakitan, tsismisan (di ka makaalis sa umpukan, kasi sa sandaling mawala ka, ikaw na ang pag-uusapan!). Ay naku, naranasan din naming lahat iyan, maganda lamang kaming magdala. Wika nga ay been there, done that.

 

Nais kong humingi ng dispensa sa iba kong mambabasa na hindi namin kabar-dekada. Tunay na ancient na kami sa inyo, but once upon a time, tulad rin ninyo kami. Young and full of life, love and laughter. At sa mga tatahiin ko at pagsusunud-sunuring sandali ng nagdaang mga araw sa aming buhay, matutunghayan ninyo at mauunawaan kung bakit hanggang ngayon, sa kabila ng pandemiya, still going strong pa rin ang UGNAYAN ng mga magkakabar-dekada. Sa ZZZZZZZZZZOOOOOOOOMMMMM!

 

Sa mga kabar-dekada, pipilitin kong makapaglabas ng post minsan isang linggo. Mapapansin ninyo na ang gagamitin ko ay ang simulang letra ng mga tunay na pangalan (or nickname) ng mga kaiskwela. Sa abot ng aking makakaya o natatandaan pa, ang mga pangyayaring isusulat ko ay ayon sa aking pagkaalala. You are welcome na hulaan kung sino ang ikinukweunto ko, mag-comment at mag-input,. Ang blog series na ito ay para sa ating lahat

 

Abangan ang kasunod na post: UGNAYAN ’53 – 1 - Ang Simula.