Wednesday, October 26, 2011

Gustong Mag-alaga ng Tigre


GUSTONG MAG-ALAGA NG TIGRE


Kung ang hinahanap mo'y isang dalagang habang tinitigan ay lalong gumaganda, nariyan si Marcia. Kung iisa-isahin mong titigan ang bawat parte ng kanyang sandaan at sampung libra na limang talampakan at apat na daling kabuuan, ay wala ka namang mapupunang katangiang higit sa karaniwan. Iyon ang nakapagtataka kay Marcia.

“Ilang taon ka na ba, Marcia?” ang tanong ko.

Ikinumpas ni Marcia ang kanyang kamay na wari bang may binubulas na kulisap. “Ang dalaga'y hindi tinatanong kung ano ang edad, Kuya.”

“Tumatanda ka nang dalaga. Marcia,” ang ulos ko.

Napabalikwas si Marcia. Isang tinging matalim at astang nagpatingkad sa tigas ng guhit ng mga panga at walang kasali-salitang nilayasan ako.

At ang mga tingin ng mga singkit na matang iyon at asta ng prominenteng pangang iyon ang hindi nagustuhan ng mga naging kasintahan ni Marcia. Mga kilos na palaban. Hindi mahapayang gatang. Ikaw, e. Kung ano ka, e. ganoon ang mga pahiwatig.

Ngunit si Marcia nga ay lalong gumaganda habang tinitigan. Marami ang nahahalina at ito'y di nawawalan ng talisuyo. Ang totoo'y may kasiya-siyang disposisyon naman si Marcia. Magandang ngingiti. Nakakikiliting tumawa. Nakaiigayang tingnan kung lumakad, kumilos, maupo, kumumpas. Buhay ang tinig kung mangusap. At alam ang sinasabi. Hindi bolera. Talagang palabasa at malawak ang kaalaman sa mga bagay-bagay.

Ito si Marcia habang hindi naiinis at walang ikinagagalit. O wala pa kayong pinagtatalunan. Pero, kuwidaw, oras na nagtsoke na kayo, lalabas na ang natural. Hindi mo matatalo, lalo na't alam niyang siya ang tama. Hindi mo rin mauuto. Paniningkitan ka ng mga mata niya. At siyempre, ikaw na lalaki ka, hindi mo matatanggap na talo ka na sa diskusyon ay titingnan ka pa na parang wala kang silbi.
Kaya laging naghihiwalay si Marcia at kung sinuman ang kasintahan nito. At ito ang aking malaking problema. Gusto ko nang mag-asawa ngunit naipangako ko sa sariling hindi ako lalarga hangga't hindi pa nakatatagpo ng makakaisang-palad si Marcia. Dadalawa kaming magkapatid, ulila nang lubos, ang kapisan lamang ay isang maykaya, pero tumatanda na ring ale.

Isang gabi ay nilapitan ako ni Marcia. “Talaga bang disidido ka nang mag-asawa. Kuya?”

Kumibit ang balikat ko. “Medyo naiinip na si Chato.”

Nakapangalumbabang tiningnan ako ni Marcia. “Hindi naman kita pinipigil. Narito naman ang tiya.”

“Tulad nang nasabi ko, labas dito ang tiya. Tayo ang magkausap. At ikaw muna, bago ako.”

Kaylalim ng buntung-hininga ni Marcia. “Hindi yata ako makatagpo ng talagang gusto ako.”

Si Romy ang unang kasintahan ni Marcia. Kung talagang gusto siya ni Romy at kung talagang gusto niya si Romy ay isang bagay na hindi tiyak. Ngunit sila ay naging magkasintahan. May mutuwal na atraksiyon, kung ganoon.

Ngunit hindi ko masyadong kursunada si Romy. Dahil mukha itong pikon. Parang walang pasensiya. Hindi ito magtatagal at mag-aaway, naisip ko noon. Di nga't kaagad nangyari. Sa walang kakwenta-kuwentang bagay.

“Gusto yata akong ikulong. Ayaw raw niya ng babaing layas nang layas. Para sa mga amiga ko lamang ako nagpupunta.”

“Kung mahal mo siya, siguro naman ay maluwag sa loob na susundin mo ang kanyang gusto,” ang aking wika.

“At kung mahal naman niya ako, mauunawaan niyang gusto ko ring nakakasalamuha ang iba ko pang kaibigan,” ang sagot.

At minsan pa.

“Huwag daw akong dumalo sa party nina Zeny.”

“Ano ang reklamo?” ang tanong ko.

Dumabog si Marcia. “Naroon daw ang kapatid ni Zeny. Si Edgar.”

“Seloso,” ang puna ko.

Umiling si Marcia. “Hindi. Talaga lamang na ganoon si Romy. Lagi akong tinetesting kung ako raw ay mapasusunod niya. Sapagkat ganoon daw ang gusto niya sa babae. Masunurin.”

At natural na hindi sumunod si Marcia. Ang ginawa pa ay kung alin ang ayaw. Dumalo sa parti nina Zeny at hindi nagtagal, pumapanhik na ng ligaw sa amin si Edgar.

Mukhang responsible si Edgar. Siya ang tipong maaari kong pag-iwanan ng isang kapatid. Tapos ito ng karera at may matatag nang hanapbuhay. Ang totoo'y gusto nang mag-asawa ni Edgar. Ngunit ayaw pa ni Marcia.

“Gusto ko munang makatapos ng pag-aaral, makapagtrabaho,” ang katuwiran.

“Ano ang kanyang sabi?” tanong ko.

“Handang-handa na raw siya at gusto na niya at kung di raw ako magbabago ng loob ay....”

Nasa huling taon na nang pag-aaral sa kolehiyo si Marcia at kung gusto pa niyang magtrabaho pagkatapos at ayaw pa niyang mag-asawa ay hindi ko naman pipilitin. Sa kabilang dako'y hindi ko rin naman masisisi si Edgar kung gusto na nitong mag-asawa.

Sa ikalawang pagkakaaon, nawalan na naman ng kasintahan si Marcia. At dito na ako pumasok.

“Sa loob ng nakaraang panahon, marahil naman ay hindi mo ako mapipintasan Marcia,” ang sabi ko.

“You're da bes,” ang bira at naisaloob ko, kung ito nga'y nobya ko, malamang na hindi ko patuluyan. Kung sumagot, hindi kanais-nais.

“Ang ibig kong sabihin, siguro naman ay matatawag na akong maunawaing kapatid. Kahit na bata ka pa'y hinayaan na kitang mag-boyfriend, basta ilalagay nga lamang sa lugar ang lahat,” ang patuloy ko.

“Go straight to the point, Kuya,” ang sabi at naisip kong talaga ngang iiwan si Marcia ng kasintahan nito. Walang pasensiya. Hindi marunong maghintay sa mga boladas ng kausap. Hindi maalam magbigay ng kunsuwelo.

“Okey,” ang pormal kong wika. “Nakadalawa ka na at di mo nakasundo. Gusto ko naman sana na bago ka pumili ng ikatlo ay pakaisipin mo munang mabuti. Kahit na sa panahong ito ay di lubhang napipintasan ang babaing nagbibilang ng nobya, kahit paano ay mainam na rin ang malinis ang reputasyon.”

Nakinig naman si Marcia. Tapos na ito sa kolehiyo at nag-oopisina na nang muling pumili ng magiging nobyo. Si Vic. At boto na ako kay Vic. Nang muling mangyari ang dating mga pangyayari.

“Hihinto raw ako sa pag-oopisina pag mag-asawa na kami.”

“Kaya niya marahil ang magpamilya,” ang paliwanag ko.

“That is beside the point,” matabang na sagot ni Marcia. “Ipinaliwanag ko sa kanyang sayang naman ang aking pinag-aralan. At kahit paano ay makatutulong din ang aking suweldo. Saka higit sa lahat...” napatigil si Marcia.

“Ayaw mong tumigil sa bahay,” ang salo ko.

Tumango si Marcia. “Iyon ang pinaghiwalayan namin.”

Beinte tres lamang si Marcia nang magkalas sila ni Vic. At ngayon ay beinte sais na ito. Ako naman ay treinta'y dos at naiinip nang talaga ang aking kasintahan. Ngunit waring nadala na si Marcia. Parang tinabangan na sa aking pakiwari

“Sa mga nagkakamali sa iyo ngayon, wala ka ba namang nakukursunadahan,” pabiro ang pasok ko sa suliraning kaharap naming magkapatid.

May nagdaang kislap sa mga mata ni Marcia. “Sino?” tanong kong nabuhayan ng loob.

Muling nalambungan ng lungkot ang mukha ni Marcia. “Ayoko nang mabigong muli.”

“Pero kung talagang mahal mo siya.”

“Mahal,” maigsing sagot ni Marcia.

“Puwes, huwag mong sikilin,” ang payo ko. “Ang tandaan mo'y ang mga leksiyon ng nakaraan. Ang totoo'y masyado kang matalim, Marcia.”

“Matalim,” medyo naningkit ang mga mata ni Marcia.

“Ang kutsilyo lamang ang dapat na matalim. Ang babae, kapag nagsalita ay hindi dapat na iiwa. At hindi kontrabida. Dapat ay pasensiyosa. At masunurin.”

Matagal na nagmuni-muni si Marcia. Kapagkuwa'y tumangu-tango. “Marahil nga'y may katwiran ka.”

Nakatutuwang ang napili ni Marcia ay kursunada rin naming lahat sa bahay. Lalo na ang aking tiya na matagal nang nag-aalala sa buhay at pag-ibig ni Marcia.

Si Ramon. Na kay Ramon ang lahat ng katangiang mainam sa nakaraang mga kasintahan ni Marcia. At wari namang tinotoong iwaksi ni Marcia ang mga kapintasang pinagkagalitan nila ng mga dating kasintahan noon.

Ang mga kuwento niya.

“Kung sabihin daw ba niyang huminto ako sa pag-oopisina, papayag ako. Ang sagot ko'y kung iyon ang gusto niya, hihinto ako.”

“Anong sabi?” nasasabik kong tanong.

Kumunot ang noo ni Marcia. “Hindi umimik. Saka noong minsan, sinabi sa aking huwag ko nang isusuot iyong isa kong mini. Natural, hindi ko na nga isinuot.”

“At hindi rin umimik pagkatapos,” ang hula ko.

Lumalim ang kunot ng noo ni Marcia. “Totoo iyon. At ang nakapagtataka, nang sabihin niyang ipipisan niya ako sa kanyang pamilya matapos kaming ikasal at pumayag ako, para ba siyang nainis.”

Ang kutob ng loob ko'y hindi nagkabisala. Isang hapon ay dinatnan ko sa bahay sina Marcia at Ramon sa isang situwasyong ang nakakawangis ay bulkang nagmumunti-muntikanang pumutok. Nakakahiya mang aminin ay naupo ako sa patyo sa karatig ng sala at nakinig sa kanilang usapan.

Si Marcia, sa malumanay na tinig, “Sabihin mo nang ayaw mo na sa akin at di kita pipigilin. Nang magdahilan kang masakit ang ulo mo'y nakita kitang kasama mo si Susan.”

“Bakit di mo ako sinita?” tinig ni Ramon.

Sinita. Ang sabi ko kay Marcia noon, ayaw ng lalaki nang sinisita. Kung magkukuwento ang lalaki, magkukuwento ito kahit hindi mo usisain, paliwanag ko pa.

Muli, si Ramon. “Akala ko noon, nakita ko na sa iyo ang mga katangiang hinahanap ko sa isang mapapangasawa.”

Si Marcia, sa pigil na tinig. Ngunit sa himig na kilalang-kilala ko na. “Aber, anong mga katangiang iyon? Maganda? Mabait? Masunurin? Ganoon ba? Nakalimutan mo na ba na noong pigilin mo akong magsuot ng mini ay sumunod ako. Hindi ko isinuot kahit na gustug-gusto ko. Sinabi mong ipipisan mo kamo ako sa mga magulang mo. Tumutol ba ako? Hindi. Dahil gusto mo. Kahit na mas gusto kng nagsasarili tayo. Hindi ako kumibo.”

Sa nababasag na tinig ni Marcia ay nakisabay ang mariing tinig ni Ramon. “Bakit ka napapigil? Bakit ka hindi tumutol? Bakit ka hindi kumibo?”

“Ano'ng ibig mong sabihin?” may nanulay na magkahalong inis at ngitngit sa tinig ni Marcia.

Si Ramon. “Kung kailangan ko ng pamunasan ng paa... if I need a doormat... ay pupunta ako at doon hahanap sa supermarket, Marcia. Naiintindihan mo ba?”

“Aaa....” tinig ni Marcia. Ngunit wala namang kasunod. Ang narinig ko”y ang lagapak ng tsinelas nito sa mga baitang papanhik sa itaas sa kanyang silid. At ilang saglit pa'y kaharap ko na si Ramon. At di ko alam ang sasabihin.

Hindi ko inaasahan ang kanya namang sinabi. “Kailan ba kami pwedeng pakasal?”

Ang pagkalito ay nalarawan marahil sa aking mukha. At si Ramon ay nagpaliwanag. “Mahal ko si Marcia. At kasama kong minahal ang ugaling yaon na siyang kabuuan ng kanyang likas na panghalina. Kung bakit siya nais supilin ng mga nauna niyang kasintahan ay siyang hindi ko matanto. Matagal ko na siyang kakilala. At nagtataka nga ako at parang naiba siya. Nagbago.”

“Kagagawan ko,” napapahiyang sagot ko. “Akala ko, ang lahat ng lalaki ay pareho ko. Gusto ko ng masunurin,” ang dagdag ko pa.

Ngumiti si “Ramon. “Sinunod ka ni Marcia dahil gusto rin niya ang kanyang ginagawa. Mahal ako ni Marcia, ito'y nadama kong totoo. Kaya ninais kong mapalabas ang kanyang natural. Ninais kong mawala sa kanya ang pretensiyon. Pinagalit ko siya. At nakita mo sana. Walang sinabi, pero ang mga mata. At ang asta. Parang tigre!”

“At gusto mong mag-alaga ng tigre!” napapangiti kong tanong.

“Kulang lamang siya sa palo,” pabiro, kasabay ang tawang wika ni Ramon.

At buong kasiyahang nausal ko sa sarili. Okey ka, bayaw...


LIWAYWAY, Marso 25, 1974







No comments:

Post a Comment