Sunday, October 16, 2011

Latest Feedback sa Minsan, May Isang Pag-ibig, Talasalitaang Bulakan, Amaya, atbp.


Latest Feedback sa Minsan, May Isang Pag-ibig,

Talasalitaang Bulakan, Amaya, atbp.


Kamakailan, nagdiwang ng kanyang kaarawan ang isang kaanak. Nagkaroon ng salu-salo na dinaluhan ng kanyang pamilya at malalapit na kaibigan. Ang taong ito ay matalino, mapagbasa, malawak ang pang-unawa at isang mag-aaral ng kalikasan ng tao. Tapos siya ng Edukasyon, major sa Pilipino at Psychology.

Kapag nagsalita siya at sinabing maganda o marunong o may sinasabi o dating ang isang tao, maaasahan mong may katotohanan ito, bagama't sa ibang pagkakataon, pumapasok rin naman ang “bias” dito, depende sa kanyang pananaw na batay sa kanyang kinalakhan o kinaugalian. Ngunit sa kabuuan, masasabing obhektibo siya. Bilang pinakamatanda sa angkan, repository siya ng mga mumunting anekdota ng pamilya. Kaya naman, may pabirong nagbansag sa kanya at nilagyan ng dot com ang kanyang pangalan na ikinatawa ng lahat.


Ang ibinigay kong regalo sa kanya ay ang aking aklat na Minsan, May Isang Pag-ibig.

Ilang araw, matapos ang kanyang kaarawan ay nagkausap kami. Sinabi niyang nabasa na niya ang mga kwento sa unang bahagi ng aking aklat.

O, ano, tanong ko.

Maganda, sabi niya. Maganda. Kaya pinipigil ko ang aking sarili, inuunti-unti ko ang pagbasa. Otherwise, mapupuyat ako.

Sabi pa niya, Maganda ang iyong style, gusto ko. You can write about mundane things and yet, you make them interesting to read. Your style is quite different from the usual, na umpisa pa lang, alam mo na ang ending. Sa iyo, alam ko man na ganoon ang ending, how you arrive at that end... ang kakaiba.

Because... sabi ko naman, hindi formula ng story writing ang sinusunod ko. Dahil hindi ko ito alam, hindi ako nag-aral, oido lamang ang pagsusulat ko. Komentaryo nga ng isang kilalang manunulat sa akin, I break the rules.

Heto naman ang isa pa niyang komentaryo: May napansin lamang ako, aniya. Heto na, sa loob-loob ko. Sa isang kwento, mali ang pagkagamit mo ng panlapi sa isang pandiwa.

Sa kanyang sinabi ay naalala ko ang aking Amang. Lumaki ako sa isang kabahayan, na kapag mali ang bigkas o gamit ng salitang tagalog, pang-araw-araw man ito, ako ay pinupuna at iwinawasto. Kaya ngayon, sa aming pamamahay, sa aking mga anak, dala ko rin ito. Aywan ko lamang kung tumitimo. Mukhang hindi masyado...

Nakalulungkot nga na hindi na alam ng mga batang istudyante ang mga tuntuning sinusunod sa balarila. Ni hindi na nga yata alam kung ano ang balarila. Kung noong araw, kayang-kaya at paborito naming subject ang Pilipino, nababalitaan ko ngayon na ang mga bata ay hirap na hirap dito, lalo na raw ang mga nag-aaral sa eksklusibong paaralan. Ironic, di ba?

Minsan ay tinanong ako ng aking anak kung ano ang pagkakaiba ng gamit ng may at mayroon, ng daw at raw, ng rin at din, ng nang at ng. Ang mga ito ay natatandaan ko pa at ginagamit. Ngunit sa totoo lamang, paminsan-minsan, nagiging biktima na rin ako ng maling kalakaran sa pagsusulat at pagbigkas.


Hangad ko na lamang sa pagsusulat sa aking blog ngayon, ay makapagkwento at makipagkwentuhan. Kung ang mambabasa ay may matutuhan (hindi matutunan na palasak na palasak nang bigkasin nang ganito at tinatanggap na raw sa ganitong baybay at bigkas) at may mapupulot na aral, ay matutuwa na ako. Kung sila ay nasiyahan at naaliw, masasabi kong may naiambag na ako, kahit katiting, sa aking kapwa. Na ayon nga kay Shamcey Supsup (kababasa ko lamang sa diyaryo), anuman ang iyong opisyo o trabaho, basta at ginagawa mong ang layon ay makatulong sa kapwa, public service na iyon, hindi na kailangang pumasok pa sa pulitika (dahil tinanong siya kung balak niya ito). Gusto kong isipin na may bahid ng public service ang aking ginagawa. Public service sa mga istudyante na alam kong bumibisita dito sa blog.

Kaya, baka hindi pa kayo nakababasa ng aking aklat na Minsan, May Isang Pag-ibig, humayo na at bumili. Maganda raw ito, sabi ng kaanak kong kritiko :-)

At ayon naman sa aking blog statistics, number one ang Amaya sa mga tagasubaybay na interesado sa mga hindi pangkaraniwang salita na ginagamit rito na noon ay inilathala ko. Tulad ng bana. Para bang may romansa ang paggamit nito, ang aking bana, sa halip na ang aking asawa. Ito'y tulad rin ng pagsasabi ng ang aking maybahay. May pagsuyo, kumbaga.

Tulad rin ng salitang sandil (kung ako'y nagkamali ng dinig, pakiwasto ninyo ako). Ang sandil ay ang iba pang asawa ng rajah, bukod sa tunay at unang kabiyak nito, na tinatawag na hara o harah.

Malapit na ang Undas, ang Todos Los Santos. Panahon na naman upang gunitain ang mga kaanak at kaibigan nating nagtungo na sa sulad. Ngunit ano ba ang kaibhan nito sa saad. Tulad ng banwa at puod. Magkaiba ba sila? At ang ibig sabihin pala ng pangalan ni Bagani, ang anak ni Rahah Mangubat, ay mandirigma. Baka nais ninyong dagdagan ang Talasalitaan ni Amaya, sulatan ninyo ako.

Ang Amaya ay isang bagong karanasan sa telebisyon para sa akin. Ang dayalog nilang gumagamit ng salitang tulad ng hinampo sa halip na hinanakit o sama ng loob na karaniwang ginagamit, dalamhati o lumbay sa halip na lungkot, nalulugod o naaaliw sa halip na natutuwa o nasasayahan – ang nasabing dayalog ay parang nagiging natural na sa pandinig ng nanonood. Nasasanay na ang tainga sa mga nasabing salita. At ako'y natutuwa. Nasisiyahan. Dahil sa totoo lamang, minsan sa panonood ko ng balita sa telebisyon at narinig kong nagkaroon ng bakbakan ang mga sundalo at taong labas, ako'y inaalihan ng pagkaasiwa. Ano ba ang maaaring ipalit sa bakbakan? Labanan? Paglalaban? Sagupaan?

At sa talasalitaang-Bulakan, patuloy akong tumatanggap ng mga karagdagang salita na naghihintay na lamang ng kaunting pagsasaayos. Abangan din ang mga ito. At baka may nais kayong idagdag, email lamang ako sa ---

eve.manunulat@gmail.com

Hihintayin ko kayo...








1 comment:

  1. "Aywan ko lamang kung tumitimo. "

    Marahil ay hindi nga. Dahil naiintindihan ko lang ang "tumitimo" kung ang kasunod na salita ay "puso".

    Hehe.

    ReplyDelete