Friday, October 21, 2011

KAYO BA AY MAY ALAGA SA BAHAY?


KAYO BA AY MAY ALAGA SA BAHAY?

Aso... pusa... bibe... unggoy... pagong... ahas... tigre?
Napatunayan na sa isang pag-aaral na ang pag-aalaga ng hayop, lalo na ng aso o pusa ay nakatutulong sa kalusugan ng isang tao. Nakakababa raw ng presyon ng dugo dahil nakaka-relaks silang kasama (huwag lamang pasaway dahil baka high blood lalo ang abutin). Ngunit totoong ginagamit na ang mga aso sa pagdalaw sa mga ospital at pagdalaw sa mga bata at matatandang maysakit.

Lumaki ako sa isang kabahayan na may mga alagang aso at pusa. Bukod sa kalapati, manok, baboy, gansa at bibe. Noon, ang mga bahay sa probinsiya ay hindi pa ang kalaunan ay nausong bungalow. Karaniwan nang bahay ay ang mga may silong na kung minsan ay nababakuran dahil nagsisilbing taguan o imbakan ng palay o talaksan ng kahoy na panggatong. Dili kaya ay hilera nang nakasabit na pugad ng manok na pinangingitlugan o pinaghahalimhiman ng sisiw. Ito ang mga nakikita sa mga kanayunan o baryo. Sa poblacion o kabayanan, ang mga bahay ay karaniwan namang dalawang grado na ang silong o ibaba ay mga establisimento tulad nang tindahan o kalakalan. Nabanggit ko ito dahil noon, ang aming alagang aso ay nasa itaas ng aming bahay at hindi nakakawala sa bakuran.

Ang unang aso sa aming bahay ay isang asong lokal o katutubong Pinoy. Hindi siya kalakihan, balingkinitan kumbaga ang pangangatawan. Dalawa ang kulay ng kanyang balahibo, kabuuang puti at tila mapang nakabalatay sa katawan at bahagi ng mukha na itim na itim. Ang maganda sa kanya ay ang kanyang malago, mahaba ang balahibong buntot na puting-puti naman.

Isang anekdota ng asong ito, na ulit-ulit na naisasalaysay sa pagdaraan ng mga taon, ay ang pagkakataong nagtungo sa bahay namin ang bantog na aktor na si Rogelio dela Rosa, ninong sa binyag ng aking pinsan. Nagbabakasyon noon ang aktor sa bahay ng aking pinsan. Nakita ni Rogelio si Darling. Ito ang pangalan ng aming aso. Nagustuhan niya ito at inalok kami na bibilhin niya, kung payag kami. Na magalang namang tinanggihan ng panganay kong kapatid na siyang kausap niya. Kung bakit napunta si Roger sa aming bahay noon ay “another story”, 'ekanga nga ng mga taga-Malolos.


Ang sumunod naming aso ay si Terry, isang mistisong terrier, kung anong klase, hindi namin alam. Hindi ko na matandaan ang hitsura niya, ang alam ko lang ay napakatapang niya at kung ilan na ang mga nakagat. Nakatali siya sa may kusina ng matanda naming bahay, sa tabi ng hagdanan, tabi ng banggerang sabitan ng mga nahugasang pinggan at baso, at sa tabi ng yerong lababo na may inuminang banga na may gripo.

Kilala si Terry sa aming neighborhood. Kapag nakawala ito at nakapanaog ng hagdan, hahabulin na niya ang mga manok na gumagala sa paligid. Sa kabi-kabila ay maririnig na ang sigawan na “nakawala si Terry... nakawala si Terry!”


Ngunit si Nancy, isang purebred German Shepperd ang aso ng aking kabataan. Anak raw ito ng isang intelligence dog, ayon sa aking Amang na siyang nag-uwi nito mula sa kinadestinuhan sa Baguio City. Mayabang ako noon. Kami lamang yata ang may asong tulad ni Nancy sa aming lugar, at kahit na sa karatig. Kaya ko ito alam ay sa dahilang nang mahusto sa gulang si Nancy, inihanap ito ng makaka-mate para magkaroon kami ng tuta, ngunit walang may ganoong aso sa aming lugar.

Matalino si Nancy, alam niya ang hierarchy ng pamilya. Kapag naroon ang aking Amang, siya ang amo ni Nancy. Kapag umalis na siya upang magtungo sa destino, ang aking Inang ang amo ni Nancy. Sa aming magkakapatid, alam din niya kung sino ang susundin. At marunong na siya ng sit, lie down, don't eat, shake hands. Up, down.

Itim ang kanyang kulay at brown sa dakong dibdib at paa. Tayo ang kanyang mga tainga at mahaba ang kanyang buntot. Sa ilalim ng katre ng aking Inang siya natutulog ngunit paggising niya, agad nang kasunod na lalabas si Nancy.

Ang nakatutuwa kay Nancy, kapag kauuwian mula sa destino ng aking Amang, wari ay nalalaman niya ito. Sa araw at oras ng kanyang pagdating, alisaga na si Nancy, balik-balik na sa paglalakad sa kabahayan, dudungaw sa may bintana at waring alam niyang malapit na ang kanyang hinihintay. Di nga kalaunan, humihinto na ang kinasasakyan ng aking Amang at hindi na magkamayaw sa pagsalubong, hindi lamang kami, kundi pati si Nancy.


Hindi nakapagtataka na nang magkaroon ako ng sariling pamamahay, ang una kong naisipan ay ang mag-alaga ng aso, (bukod sa pusa, itik, lovebirds, goldfish, pagong). Isang tuta na maputing krema ang balahibo ang una naming aso na pinangalanan ng aking mga anak ng Casper. Sa kasamaang-palad, sabi nga ay being true to its name, agad pumanaw si Casper at naging multo na nga. Sabi tuloy ng kanilang Papa, ang susunod na aso ay siya ang magpapangalan.


Gasti ang ipinangalan ng aking asawa sa ikalawa naming aso, nanggaling sa binaligtad na salitang “Tigas”, para raw mahaba ang buhay. Na totoo rin naman. Malinis na “light brown” ang balahibo ni Gasti na lumaking mabait sa amin, at kahit na sa iba pang hayop naming alaga, ngunit matapang sa mga taong lumalapit sa aming gate. Galit siya sa mga kartero at magdia-diaryo. At sa magnanakaw.

Minsan, may nagnakaw ng bisikleta sa aming kapit-bahay sa aming likuran na sa aming bakuran dumaan. Walang tantan na pagtahol ang ginawa ni Gasti at walang tigil na pagtakbo, paikot-ikot sa aming bakuran, na ikinagising namin at hindi na ikinatulog hanggang kinaumagahan. Noong umaga ko natuklasan na may saksak ng icepick sa dakong balikat ito na buti na lamang at hindi niya ikinamatay.

Tulad ni Nancy sa aking Inang noon, si Gasti ay laging nakasunod sa akin, nakabantay kung ako ay nagbubungkal o nagtatanim sa munti kong hardin. At ang hindi ko malilimutan sa kanya ay ang mga pagkakataong wari ay giliw na giliw siya sa akin at ako ay kanyang kinakagat sa aking bisig. Iyong maliit na kagat na halos magkadaiti ang ibaba at itaas na mga ngipin, ngunit hindi naman itinutuloy, kaya hindi man nagmamarka sa aking balat, hindi ako nasasaktan. Tulad sa isang kaibigan, hinding-hindi ko malilimutan ang aso naming ito.


Kasabay na aso ni Gasti ay sina Ali at Marble. Ali dahil panahon na ni Muhammad Ali noon at si Marble, na magandang aso, kulot ang mahabang balahibo, dahil kakulay ng paborito naming ice cream. Kapag nag-away ang dalawang ito, si Gasti ang kanilang pinag-aawayan, talagang hindi namin maawat, kailangang bombahin pa ng tubig.

Marami pang sumunod kay Gasti tulad ni Datung (Datung dahil ibig sabihin raw nito ay kuwalta), na halos kamukha niya ang kulay ngunit higit na maliit ang pangangatawan, kaya di kataka-takang napakataas nitong lumundag. Laking takot ko nang bumuwelo pa ito minsan at nilundag ang bakod sa aming likod-bahay at lumipat sa aming kapit-bahay kung saan may alagang sasabunging tandang. Pati ako ay napaigpaw ng bakod para lamang mahuli si Datung.

Si Chris na kasunod ni Datung ay regalo ng aking mga anak sa akin isang Pasko, kaya Chris ang kanyang pangalan. Kasunod ni Chris ay si Aliw na binili ko sa bangketa sa Escolta. Napakalaking aso nito, parang bariles ang katawan. Kakulay at halos kamukha siya ni Gasti.

Pangarap ko na noon pa ang magkaroon ng asong puting-puti ang kulay ng balahibo at kalaunan, natupad rin ito. Binigyan ako ng isang kaibigan ng tutang Japanese Spitz. A, si Peewee, ang pangalang ibinigay ko rito, ay nakuha ko nang isang buwan pa lamang kaya gumigising pa ako ng madaling-araw upang painumin ito ng gatas. Mayroon akong munting bote at munting tsupon at powdered milk na ang brand ay tulad sa ibinigay ko sa aking anak noon. Nagtiyaga ako sa pag-aaruga rito. Kasama namin siya sa aming kuwarto at nang lumaki at nakakalundag, natutulog siya sa dakong paanan ko. Alam ko ring paminsan-minsan, unti-unting itinutulak ng aking katabi si Peewee upang bumaba ng kama. Na kapag nababa nga, ay bumabalik namang muli.

Ganoon ang aming buhay ni Peewee, na hanggang sa pag-uwi sa probinsiya ay isinasama ko, na miss na miss ko nang ako'y nagbakasyon sa aking kapatid sa Virginia, na isinama ng loob ng aking mga anak na una ko pa raw kinukumusta kapag ako'y tumatawag sa telepono... hanggang dumating ang aming paghihiwalay habang siya ay nasa pangangalaga ng aming beterinaryo. Ayoko nang pagbalikan ang dahilan ng kanyang maagang pagpanaw. Ngunit ang aking panangis ay narinig hanggang sa aming mga kapit-bahay. Ewan, nakatatawa siguro sa iba, ngunit, kahit sa aking pag-iisa, o kahit sa paglalakad, sa mga araw na sumunod sa pagkawala ni Peewee, maalaala ko lamang ito ay tutulo na ang aking luha.


Noon ako inuwian ng aking anak ng isang tuta. Bucktooth siya. Medyo maliit na tayo ang mga tainga. Makalawang na puti o krema ang balahibo, na madalang pa noon. Payat at kumpara kay Peewee, masasabing pangit si Odie, ang ipinangalan naman dito, galing sa asong kasama ni Garfield.

Naibsan ang aking pangungulila kay Peewee dahil may asikasuhin na naman ako. Isang asong lumaking malagung-malago ang balahibo, lalo ang dakong paikot ng leeg na animo “mane” ng isang leon. Hindi siya kalakihan, ngunit proporsiyunal ang kanyang katawan at matikas ang kanyang tindig. Sa madaling-sabi, naging guapito rin si Odie nang magbinata. At naging palikero pa!

Kaiba sa mga naging aso namin (maliban kay Gasti), very close sa akin si Odie. Hindi man siya nakakasampa sa aming katre, sa may pinto naman ng aming kuwarto siya humihiga sa gabi, kaya paggising namin sa umaga, siya ang bubungad sa amin pagbukas ng aming pinto. Paborito kong marinig ang ungol niya kapag gusto niyang lumabas ng bahay para may gawin. Haharap siya sa pintuan at uungol na parang nagsasalita.


Isang pangyayari ang namagitan sa pag-asawahang may-ari ng ina ni Peewee na nagbunsod sa paghihiwalay ng mga ito. Ang ina ni Peewee ay ibinigay sa akin at may isang panahon na pito ang asong Japanese Spitz na alaga namin. Na ang tatay ay si Odie.

Nang mawala silang lahat, nagkaroon ako ng isang uri ng asong pinangarap ko rin. Dachshund. Ibinigay ito ng isang kabarkada sa kolehiyo na ang pangalan ay Antonio, kaya ang tuta ay pinangalanan ko ng Tanya, dahil isa itong babae. Brown ang kulay ni Tanya, mahaba ang laylay na tainga, makintab ang nakadapa at hapit sa katawan na balahibo. Isang asong malambing at napakabait na pumapayag yakapin, bali-baligtarin, himasin. Nakasabay ni Tanya kalaunan si Buffy, isang asong taga-Calamba, inuwi ng aking partner galing sa isang kasama sa trabaho.

Hindi naglaon ay nadagdag din si Bantay.
A. maganda ang istorya ni Bantay. Umuulan noon, masungit ang panahon. Sabi ng aking anak, “Mama, may tutang naliligaw, nasa tapat ng ating bahay.”

Agad naman akong lumabas ng kalsada at nakita ko ang may kalakihan na ring tuta, ngunit di pa matatawag na ganap na aso, na ang kulay ay dirty white na may batik na bilog-bilog na grey. Para bang pekeng dalmatian.

“Ay, kawawa,” sabi ko.

“Kunin natin,” sabi ng anak ko.

“May nagmamay-ari diyan, nakalabas lamang ng gate,” sabi ko naman.

“Nauulanan,” katwiran ng anak ko.


Ayaw kong masabing kinuha ko ang tuta, pero dahil nauulanan at naaawa kami, binuksan ko ang aming gate. Dyaran! Pumasok ang tuta sa loob ng aming bakuran. Takbo agad ito sa may patio at sumuot sa ilalim ng isang mesa. Agad naming isinara ang gate at nagtimpla ako ng gatas ebaporada, ibinigay sa gilid ng sinuutan ng tuta. Unti-unti lumabas ito at ininom ang gatas. Tinuyo ko ang basa niyang balahibo at hinimas-himas.

Sa simula, ito ay mailap, ngunit kalaunan, naging maamo na. Malimit ko siyang kalungin at ito ay wari niyang natandaan. May panahong malaki na siyang aso, mabigat at di ko na kayang buhatin, ngunit nais pa rin niyang kumalong o kumandong sa akin. Siya ay tunay na naging bantay ng aming tahanan. Pero, sa unang linggo ng kanyang pagdating, nilibot ng aming kasambahay ang mga kalye sa paligid at ipinagtanong ang may-ari sa kanya, ngunit wari, siya ay talagang para sa amin.


Sina Tanya, Buffy at Bantay ay biktima ni Ondoy. Kasama namin silang nabaha. Kung kami sa pamilya ay umalis ng bahay nang umabot na sa dining table ang lalim ng baha, at umakyat ng aming bubungan, tumawid ng isa pang bubungan ng katabing kapit-bahay upang makarating sa ikatlong bahay na may ikalawang palapag, isa sa aking anak ang nagpaiwan upang mabantayan ang tatlong aso. Sama-sama silang nasa ibabaw ng mesa habang hinihintay ang paghupa ng baha. Hindi naglaon, isa-isang dinapuan ng sakit ang tatlong aso, halos sunud-sunod na pumanaw. Hinding-hindi namin sila malilimutan.

Sanay kaming may kasamang aso. Sa isang pag-uwi sa Bulacan at pagdalo sa miting ng mga kaklase sa high school, bumalik kami sa Marikina na dala na si Bossing. Isang aso who lives up to his name na bossy. Para siyang pusa na lalapitan ka kung gusto niya at di ka papansinin kung wala siya sa mood. Iba siyang tumingin. Iba ang kanyang mga mata, parang wolf. Naka-slant. Siya ang aso namin ngayon.

At saka si Ligaya. Si Ligaya ay isang hiwaga. Ang talaga niyang pangalan ay Gaia, na earth goddess daw. Ngunit mas gusto kong tawagin siyang Ligaya. Ang kanyang angking kabaitan ay may hatid na ligaya sa aming pamilya.

Galing si Ligaya sa isang rescue and rehabilitation center. May misgivings ako nang iuwi siya ng aking anak dahil malaki na siya, baka may bad habits na, baka mangagat. Ngunit kahanga-hanga siya. Siya lamang ang asong hindi nagkalat sa loob ng bahay. Siya ay turuang lumabas upang gawin ang dapat gawin. Madali siyang nadisiplinahan ng aking anak. O dati na siyang disiplinado. Tunay siyang well-behaved. Hindi siya lumalakad nang nauuna sa aking anak, nauupo kapag inutusang maupo, madaling sawayin.

Sa amin, siya ay naging palaisipan. Saan kaya galing si Ligaya? Parang sanay siya sa isang tahimik na pamamahay. Mga matanda ba ang dati niyang kasama? Lagi siyang nakaupo o nakahiga sa kung saan naroroon ang aking anak o kung wala ito, ay sa isa sa amin. Parang ayaw niya nang maingay, naghahanap ng mapupuntahan kapag malakas ang tugtog o palabas sa telebisyon. Tinatahulan niya ang nagsisigawang mga bata sa kalye sa tapat ng aming bahay. Ang dati bang nagmamay-ari sa kanya ay galit sa magugulong bata? At takot siya sa malakas na buhos ng ulan. Karaniwan na sa mga aso ang takot sa kulog, ngunit si Ligaya ay waring balisa kapag umuulan.

Biktima rin ba siya ni Ondoy? Nawala siya o nakawala nang nananalasa si Ondoy at baha sa buong paligid?
Minsan, hindi ko mapigilan, tinatanong ko siya, sino ka ba, Ligaya? Saan ka ba nanggaling?

Na para namang inaasahan kong siya ay sasagot. Bagaman at tumitingin siya sa akin na para bang nauunawaan ang aking sinabi.


Masarap mag-alaga ng aso o pusa, mga hayop na karaniwang inaalagaan. Ngunit sino ang makagugustong mag-alaga ng tigre?


Abangan ang kwento ng buwan ng Oktubre...

Na tungkol sa isang GUSTONG MAG-ALAGA NG TIGRE !!!

2 comments:

  1. Ganda naman po ng story niyo po sa mga naging alaga niyong aso.. Medyo naibsan po ang pangungulila ko sa kakapanaw kong alagang tuta na si casper.. Inka ng asbi mo nga being true to its name... Isang araw palang na lumipas na siyay pumanaw ngunit hindi ko na mabilang kung ilang beses ako napapaluha at umiyak dahil naaalala ko siya saan man ako tumingin at lalo na sa pagtulog ko kasi sa mga bisig ko siya lagi natutulog.. Haaaay.... Maraming salamat sa kwento niyo..

    ReplyDelete
  2. Hi Macoy,

    Nang makita ko ang iyong comment, binalikan kong basahin ang artikulo ko tungkol sa mga naging alaga naming aso. At na-miss ko sila tuloy. Alam ko rin ang naging damdamin mo nang mawala na ang iyong aso.

    Tanging masasabi ko ay kung ready ka na, mag-alaga kang muli. Ngunit kung handa ka na. Kasi, ang huli naming aso, si Gaia o Ligaya, ay wala na rin sa amin at hindi pa kami nakaka-recover. Pagbukas ko ng pinto ng aming kuwarto, o sa gabing bago ako matulog, para pa ring inaasashan kong makikita siya sa kanyang karaniwang kinalalagyan.

    ReplyDelete