Sunday, November 13, 2011

MAY ALAM BA KAYONG LUMANG-LUMANG AWITIN?


MAY ALAM BA KAYONG LUMANG-LUMANG AWITIN?


Ano ang pinakalumang awitin ninyong alam? Iyong awit na hindi sa ating panahon (na luma na rin, kung tutuusin, ngunit hindi natin tinutuus dahil raw in denial tayo! Pero baka sa isang taon, mapunta na tayo sa acceptance :))

May natutuhan kaming awit sa elementarya. Ito ang awit ni Maria Clara. Masasabi sigurong luma ito, katha ni Dr. Jose Rizal sa wikang Kastila.. Ewan lang kung sino ang naglapat ng musika.

Tamis mabuhay sa sariling bayan...

Ngunit hanggang doon lamang ang alam ko, bagaman at ang himig ay hindi ko pa nalilimutan. Kaya... nagpunta ako sa internet at nakuha ko ang buong lyrics ng awit. Kaso, iba ang himig niya sa natutuhan namin noon. Iyon pa man, natutuwa akong maaawit ko na ito sa himig na sa palagay ko'y unang inilapat dito.

AWIT NI MARIA CLARA ni Dr. Jose P. Rizal (1887)
Titik sa Tagalog ni J. Hernandez na siya naming napag-aralan noon,
(may ibang bersiyon)

Tamis mabuhay sa sariling bayan
Magiliw ang lahat sa halik ng araw
Ang hangin may samyo, nagbibigay buhay
Kamataya'y langit pag-ibig ay banal.

Magiliw na halik sa tuwing umaga
Sa bunso'y pamukol ng irog na ina
Ang bisig ng bunsong may ngiti sa mata
Sa leeg ng ina'y ikakapit niya.

Tamis ng mamatay ng dahil sa bayan
Magiliw ang lahat sa halik ng araw
Ang hangin may samyo ng kamatayan
Sa wala ng bayan, ina at kasintahan.

Siempre, iba pa iyong awit na pambata (?) na itinuro sa akin ng aking Amang. Sa saliw ng kanyang gitara, inaawit ko ang “Isang Gabing Tahimik”. Wala akong kilala na nakaaalam ng awit na ito. Kahit sa aming pamilya, sa akin lamang itinuro ito ng aking Amang.

Natatandaan ko ang kapatid kong panganay na nag-aral ng voice culture kay Maestra Dalisay Aldaba, (magkalapit lamang ang aming bahay sa Malolos). ang kauna-unahang Filipina na umawit sa New York City Opera noong 1940s ng papel ni Cio Cio San sa Madama Butterfly ni Puccini (ang iba pang Filipina na umawit nito ay sina Isang Tapales at Jovita Fuentes, sa Italy noong 1920s at 1930s.) Naaalaala ko pa ang bokalisasyon niya at ang kanyang “sulle sulle labbra...” Pero hindi inawit ng aking kapatid ang aking “Isang gabing tahimik, maliwanag ang buwan...”

Ang sumunod sa panganay na kapatid kong lalaki ay mahilig tumugtog ng gitara. Paborito niyang awit ay “La Paloma”. Para ko pang naririnig ang kanyang “... at kung sa 'yung bintana'y may dumapong ibon, giliw kausapin mo at ako ay yaon...” Pero hindi ko rin narinig na tinugtog niya ang aking awit na “Isang gabing tahimik, maliwanag ang buwan, basang-basa pa ng hamog ang mga halaman...”

Sapagkat ayaw kong malibing na lamang sa limot ang nasabing awit, itinuro ko ito ngayon sa aking apo na nasa abroad. Nakatutuwa na kabisado na rin niya ito at ang dila niyang sanay sa wikang ingles ay bihasa rin sa pagbigkas ng tagalog. Siguro, nakatulong iyong sa minsan-minsan naming pagdalaw roon, at paghehele sa kanila nang sila'y sanggol pa, ang inaawit ko ay “meme na bunso, sa iyong duyan, babalik na 'gad ang iyong tatay...”

Isang tunay na lumang awitin na alam ko ay ang natutuhan ko mula sa aking mga magulang. Natatandaan ko, paminsan ay nagduduweto ang aking Amang at Inang at siempre, sa saliw ng tugtog sa gitara. Natutuhan ko ito sa dalas ng pakikinig sa kanila (ito lamang yata ang alam na kanta ng aking Inang, o baka theme song nila!) Minsan ko lamang narinig ito sa telebisyon, na ang umawit ay si Bert Marcelo. Talagang luma. Ngunit hindi ko na matandaan ang mga titik ng buong awit. Pira-piraso na lamang ang naiwan sa aking gunita. Kaya, kung sinuman sa makababasa ang nakaaalam nito, maaari bang email ninyo sa akin sa

eve.manunulat@gmail.com

Ganito iyon...

Kung ang kasawian ng isang pag-ibig
Ay matatawag nang pangalawang langit
… ang nakakaparis
...dibdib

(refrain) Gaya nang nangyari, sa isang umirog
na nagkatiwala sa tamis ng sagot...

Wala na. Hanggang doon na lamang.

Ang aking kwento ngayong Nobyembre na pang-Todos Los Santos ay umiikot sa isang lumang awitin. Alam pa kaya ninyo ito?

Abangan!!!




1 comment:

Amen! said...

Ito pong awitin na ito ay narinig ko sa aking nanay. Pero ayon po sa kanya, di na nya lubos na matandaan ang kabuoan ng kanta. Maari nyo po ba akong matulungan kung alam ninyo ang awiting ito?

"Sabi ng nanay, noong araw ay kaiba, pag nag-asawa binata at dalaga, sabi ng nanay ko noong ligawan siya ng mahal kong tatay, nag-igib ng tubig, nag-sibak ng kahoy sa paninilbihan..."

Hanggang dyan na lang po ang natatandaan nya sa awiting ito. Nais ko po sanang awitin ito ng buo sa kanya.