Sunday, August 16, 2015

Bakit Nga Ba - Isang Tulakis



Bakit Nga Ba?

Ang ulang tikatik,
Bakit bihira na,   
napupuna mo ba?
Ang mumunting patak, nagbabadyang ambon,
Kasunod na’y buhos kapara ay unos,
Di pa nabubuksan ang payong na tiklop,
basa na ang tuktok. 
Bakit nga ba?

Katulad ng mangga,
Na dati’y Mayo lang kung ating anihin,
Kasabay ng suman kung ating kainin,
Bungang manibalang sinusungkit-sungkit
ng mga  pilyong binatilyo 
Pang-alay sa dalagitang gusto,
Tingnan ngayo’t hambalang nang nakatinda
sa  palengke at  mga bangketa,
mula Enero hanggang Disyembre.
Mga manggang iba ang lasa. 
Bakit nga ba?

Napapansin mo ba,
Ngayon ang babai
Di na mahiyaing katulad nang dati.
Ang pinakatatagong ni ayaw ‘pasilip na mayamang dibdib; 
Noon, sa pagyuku-yuko, para di makita,
tutop ng palad, leeg ng bestida
Pero ngayo’y lantaran nang ibinibilad,
Parang sa talipapa na  isdang nakabutadtad,
Na ayaw nang iuwi, gusto nang mabili,
kahit na palugi. 
Bakit nga ba?

Ang mga mag-asawa,
Ngayon ay iba na.
Hiwalay na agad, munting pagkabisala
Wala nang martir na babai, 
Wala nang matinong lalaki,
Wala nang querida,
Sila’y de-numerong asawa;
Walang ilehitimong anak,
Kundi ilehitimo lamang na ina.
O ama. 
Bakit nga ba?  

Bakit saan nagkasuut-suot
Niyaring diwang nayayamot
Dahil lang sa nabasang tuktok
Di mabuksang payong, nakatiklop,
Mumunting patak ng ulan
Ngayon ay ibinubuhos,
Buhay ko’y inuunos...
Nasaan na ang ulang tikatik?
Napupuna mo ba, ang lintik
Sa kulog ay laging una.
Bakit nga ba?

Mayo 26, 2007

1 comment:

  1. Hi Eve:

    Iyan ang na miss ko for so long a time, ang tulakis.
    I aabangan ko ang bago mong kwento.
    Nararamdaman ko , busy ka na naman dahil walang tawag, walang email.
    Okay Lang dahil sabi mo nga duon tayo sa Sabitan, kwentuhan, kailan,
    tawanan.


    Was off for a while, nagka attack ako ng gout, sa paa, sobrang sakit. In and out ako
    sa doctor's clinic pero ok na 'ko ngayon, thank God.

    Bakit nga Ba? Bakit Hindi?😀😃

    ReplyDelete