Tuesday, November 2, 2010

KANDILA SA HARAP NG BAHAY


KANDILA SA HARAP NG BAHAY


TUWING Araw ng mga Patay, lagi siyang nagtutulos ng kandila sa harap ng kanilang bahay. Isang mahaba at matabang kandila ang sinisindihan niya pagkagat ng dilim, itinatayo sa isang tanging patungan na hindi delikadong pagmulan ng sunog, iwanan man sa buong magdamag.

Bakit, tanong noon ng kanyang asawa. Para kanino iyan. Dahil wala silang patay, buhay pa ang kanilang mga magulang.

Nakaugalian, ang sagot niya. Kapag araw raw ng mga patay, ang mga kaluluwa ay namamasyal. Kaya nagsisindi ng kandila ay para sila maliwanagan sa kanilang dinaraanan.

Tumangu-tango ang kanyang asawa. May narinig na akong ganyan, anito. Kaya lang, iba ang dahilan nila sa pagsisindi ng kandila. Ginagawa raw ito ng mga taong hindi makadadalaw sa libingan ng kanilang mga mahal sa buhay. Dahil malayo. Narito sila sa Maynila. Naroon sa probinsiya ang libingan ng kanilang mahal.

Siya naman ang tumangu-tango. Narinig ko na rin iyan, ayon niya. At sa kanyang sarili, kung alam mo lang. Dahil hindi niya ipinagtatapat kahit kanino man ang tunay na dahilan. Buong akala niya ay maipaglilihim niya habang buhay ang bagay na iyon.


“VIC, kausapin mo nga ‘yang anak mo. In love yata,” sabi ni Lita.

“Problema? Bakit, gusto na bang mag-asawa?” tanong niya, pabiro.

Natatawang umiling si Lita. “Hindi, a… Wala na nga si Lilet. Iyong anak ni Mrs. Cruz diyan sa kanto. Umalis na sila noong isang Linggo. Immigrant.”

Napatango siya. “Hanggang piyer pala ang anak mo, ha!”

Humagikgik si Lita. “Hanggang piyer pala! Talagang sa bibig nahuhuli ang isda. Ayaw mo pang amining high school ka na noong panahon ng Hapon.”

“Tumigil ka nga, ‘oy. Grade one lang ako…”

Hanggang piyer, ha, ha, ha! Napatawa na lamang siya sa kapilyahan ng asawa. Pero, ang totoo’y grade six siya.


NATAGPUAN niya si Jojo sa likod-bahay. Nakahiga sa kawayang papag na nasa ilalim ng puno ng niyog. Nakaunan sa sariling bisig. Nakatingin sa kawalan.
Mula sa kinatatayuan ay pinagmasdan niya ang anak. Simpatikong binatilyo, masayahing tulad ng ina nito. Paborito ng mga kapatid, palibhasa’y malaki ang agwat ng gulang sa sinundan. Napakabata pa ni Jojo. Katorse, second year high school. May problema na sa pag-ibig. Pero siya’y dose lang noon. Grade six.

“Jojo…” naupo siya sa tabi ng nakahigang anak. “Chess tayo.”

Umiling si Jojo. “Mamaya na lang, Dad.”

Itinuloy niya ang pag-aayos ng mga chess pieces sa chessboard. “Bakit? Wala ka ba sa mood? May problema ba?”

Hindi sumagot si Jojo.

“Umalis na pala sina Mrs. Cruz sa kanto…” hindi siya tumitingin kay Jojo ngunit hindi nalingid sa kanya ang pagkabigla nito. “Di ba kaibigan mo iyong teen-ager doon. Si Lilet?”

Bumangon si Jojo, umupong pasandal sa puno ng niyog. Itinira ang pawn sa harap ng queen, dalawang lundag. Hindi sumagot.

“Magandang bata iyang si Lilet. Balita ko’y steady niya iyong barkada ninyong si Jim,” ginaya niya ang tira ni Jojo.

“Si Jim? Hindi. Akala lang iyon ng iba,” tutol ni Jojo.

“Sabagay,” ayon niya. “Kung barkada nga lang ninyo, wala sigurong magugustuhan si Lilet.”

“Dad naman,” agaw ni Jojo. “Crush nga ni Lilet ang isa sa barkada namin.”

“Sino naman ang magugustuhan sa inyo, aber?”

“Dad, ako! Ako!” biglang amin ni Jojo, sabay dukot sa bulsa, may kinuha. Isang liham. Mula kay Lilet para kay Jojo. Tinakpan ni Jojo ang ibang bahagi ng sulat. Ngunit ipinabasa sa kanya ang ilang linya. I love you, Jojo! I’ll never forget you. Always pray to God that we’ll meet again and will be together, forever.

“Aba, okey ka pala,” sambitla niya.

“Hindi okey, Dad. Nasa States na sina Lilet. Paano kung makakita na siya ng iba roon,” himutok ni Jojo.

Umiling siya. “Hindi mo ba naisip na iyan din ang nasasaloob ni Lilet, paano kung makakita ka na rin ng iba pagkaalis niya?”

“Hindi mangyayari iyon,” mahigpit na tanggi ni Jojo. “Si Lilet ang first love ko. And she’ll be the last.”

“Bago ka pa lang kaya mo nasasabi iyan. Pag nagtagal na, magugulat ka pa, nalimutan mo na pala si Lilet. May iba ka nang gusto.”

Ulit-ulit na umiling si Jojo. “First love never ever dies.”

Mataman niyang tiningnan ang anak sa pagkakayuko nitong nakatitig ngunit hindi naman nakikita ang nilalarong chess. May kirot siyang nadama sa kanyang dibdib. Paano ba niya matutulungan ang batang ito na ngayo’y dumadanas ng sakit na dala ng unang pag-ibig?

Tumikhim siya. “Alam mo, Jojo, iyan din ang akala ko noon.”

Nagtaas ng mukha si Jojo, sinalubong ang kanyang mga mata. “Bakit, Dad? Iba ba ang first love mo? Hindi si Mommy?”

Umiling siya. “Hindi.”

“Sino?” tanong ni Jojo.


SIYA ay si Yuying, palayaw sa tunay nitong pangalang Loreto. Apo ni Senyora Remigia, isang matandang mestisang Kastila na nagmamay-ari ng isang hilera ng aksesorya sa Binondo. Magkatapat ang kanilang bahay. Magkakilala sila’t magkabatian. Palibhasa’y matandang magkapit-bahay ang lolo niya’t lola nito, maluwag siyang nakakapaglabas-masok sa tahanan ng dalaginding. Magiliw sa kanya ang lola nito’t mga kasambahay. Sa gulang na labindalawa, magalang siya’t parang maginoo kung kumilos at makipag-usap.

Maganda si Yuying. Malago’t mahaba ang itim na itim na buhok, lampas-baywang kung nakalugay, ngunit ang karaniwang ayos ay dalawang makinis at ayos na ayos na tirintas na napapalamutihan ng laso sa mga dulo. Itim na itim din ang malantik na pilik-mata at malagong kilay. Matangos ang ilong, palibhasa’y may dugong Kastila. May tulo sa noo at munting biyak sa baba, kaya hugis-puso ang mukha. Tunay na napakaganda ni Yuying. Parang anghel. Kaya lang, pag tawa nito’y lumilitaw ang sungking ngipin. Ngunit bagay naman dito ang pagkasungki. Ang may pagka-aristokratang ganda ay nababawasan, nagmumukhang mabait. Na totoo naman. Mabait si Yuying sa kanya. Sa kabila ng ginawa niyang panliligaw rito. Labing-isang taon sa kanyang labindalawa. Pati si Senyora Remigia ay mabait din at maunawain. Hindi niya makalimutan ang naiibang pagdalaw niyang iyon. Isang batang pumapanhik ng ligaw. Taong dumating, taong tinanggap.

“Tuloy ka, Totoy…”

“Gusto ko po sanang madalaw si Yuying.”

“Maupo ka sandali, Totoy. Tatawagin ko siya.”

At nang dumating si Yuying. “Magandang gabi sa iyo, Yuying.”

“Gayon din sa iyo, Vic.”

“Tinanggap mo ba ang sulat ko, Yuying?”

“Tinanggap ko.”

“Hindi ka ba galit sa akin?”

“Hindi. At may sagot din ako sa iyo. Sulat din. Ginawa ko kagabi. Sa inyo mo na lang basahin, ha?”

“Kung iyon ang gusto mo, Yuying. At salamat.”

Ingles ang sulat ni Yuying sa kanya. Hangang-hanga siya sa Ingles ni Yuying noon. Nang kalaunan na lamang niya napansin na may mali sa grammar nito. Ngunit noon, pinaligaya siya ng nilalaman ng liham.

Please don’t be sad with my short letter. I cannot answer your love because I will think first & if I promise you and without sure, you mite be angry. You should have hope from me. And I also have a little love to you. And I also have known you to be a kind and good gentleman. This is all I can tell you. Best regards to the family and to you. Your love. L. Gonzalo. October 22, 1943 ang petsa ng liham.

1943. Panahon ng pananakop ng mga Hapones. Kung kailan ang Calle Sevilla ng distrito ng San Nicolas na kanilang kinalakhan ni Yuying ay hindi naiiba sa marami pang kalye at distrito, bayan at lalawigan sa Pilipinas. Gutom at walang makain ang mga tao. Sa halip na bigas ay kamote. Binusang mais sa halip na kape. Walang hanapbuhay ang mga matatanda. Binakuran ng mga Hapones ng alambreng may tinik ang mga bodega sa may gawing Muelle dela Industria sa kanilang pook. Buy and sell ang negosyong madaling pinagkakitaan. Hindi nag-aaral ang mga batang tulad niya. Pinalipas nila ang mga oras sa paglalaro ng binggo, chess, domino o ungguy-ungguyan sa barahang may espada at bastos, kopas at oros. O sa pakikipagkuwentuhan. Siya, kay Yuying. Sa isang natatanging pakikipagkaibigan na yumabong sa katamisan ng kawalang-malay.

Hanggang higit na naging madugo ang labanan. 1944. Umuwi silang mag-anak sa probinsiya. Nang sila’y bumalik, wala na si Yuying. Isa sa maraming naging biktima ng digmaan. Umiyak siya sa harap ni Senyora Remigia. At niyakap siya nito at hinagkan sa noo. Ay, Totoy, wala na si Yuying. Wala na, Totoy…


KAYLALIM ng buntung-hininga ni Jojo. “Kay lungkot naman, Dad. “Ang tagal siguro bago mo siya nakalimutan.”

Kumislap sa isipan ni Vic ang isang namumula, lumang-lumang Grade Five tablet paper at ang sulat-kamay ng isang labing-isang taong bata, please don’t be sad with my short letter, na nakapaloob sa isang sobre at nakatago sa kailaliman ng kanyang kahon sa opisina.

“Bata pa ako noon at talagang dinamdam ko ang nangyari. Ngunit patuloy ang buhay at dumarating ang panahong may bago kang makikilala at mamahalin. Kahit paano, bumababaw ang sugat. Ang malulungkot na gunita ay natatabunan ng masasayang alaala ng isang bagong pag-ibig.

“Pero, Dad, paano kung ayaw kong makalimutan si Lilet?”

“Jojo, bahagi na si Lilet ng iyong buhay. Lalagi siyang may puwang sa iyong puso, anupaman ang mangyari sa hinaharap.”

Kinagabihan, Araw ng mga Patay, magkatulong sina Vic at Jojo sa pag-aayos at pagsisindi ng kandila sa harap ng kanilang bahay.


Liwayway, 31 Oktubre 1988

No comments:

Post a Comment