Saturday, December 18, 2010

MASAYA NA ANG ATING PASKO, ROEHL...

ANG PASKO AY PAMILYA,
ANG PASKO AY PAGMAMAHAL


Ang Pasko'y pamilya, ang Pasko'y pagmamahal -
Ang Pasko ay anak, ang Pasko ay magulang,
Paano kung ampon, di alam ang nagsilang,
Mayro'n bang kahulugan ang Paskong daratal?

Ano ba ang pamilya? Anak, ina, ama.
Binibigkis ng pag-ibig sa isa't isa.
Kahit ka na ampon at 'niluwal ng iba
Mula ka sa puso ng kinagisnang ina.

Ito ang paksa ng kwento ngayong Kapaskuhan. Isang kwentong kathang-isip lamang ngunit naglalaman ng hindi maitatatuwang katotohanan ng mga damdaming naghahari sa kalooban ng mga “anak” na nagkabuhay at isinilang, hindi sa sinapupunan, kundi sa liblib ng isang pusong mapagkandili ng isang “ina”. Paano ba masusukat ang kanyang pagka-ina? At bakit rin hahatulan ang isang nakaraang pangyayari na wala namang mapagbabatayan, kundi mga haka-haka lamang?

Ang Pasko ay pag-ibig sa kapwa. Ang Pasko ay pagmamahal sa lahat ng nilalang. Ang lahat ng nilalang ay isang pamilya. Ang Pasko ay pamilya.

MALIGAYANG PASKO, MAPAYAPA, MANIGONG BAGONG TAON SA LAHAT!!!

Narito na at basahin ang kwentong pamasko na alay ko sa inyong lahat!!!


MASAYA NA ANG ATING PASKO, ROEHL


GINISING si Leah ng gumagapang na hilab sa kanyang tiyan. Ngayon na yata, bigla niyang naisaloob. Huminga siya nang malalim. Hinintay niya ang kasunod na hilab. Matagal. Hindi pa, kanyang naisip.

Madaling araw. Nanunuot ang lamig ng simoy ng hangin. Sumiksik siya kay Roehl. Bumiling nang pagkakahiga ito, yumakap sa kanya. Buhat sa malayo, narinig ni Leah ang tunog ng kampana ng simbahan. At sa kung saan, ang tinig ni Janet Basco sa radyo.


Pasko na naman o kay tulin ng araw, Paskong nagdaan tila ba kung kailan lang, Ngayon ay Pasko dapat pasalamatan, Ngayon ay Pasko tayo ay mag-awitan. Pasko, Pasko, Pasko na namang muli...

Sino ba iyong nagsabi, ano bang obsesyon 'yan Leah. Kapaskuhan ka ikinasal, gusto mo'y kapaskuhan rin manganak. E kapaskuhan na nang ikaw ay isilang. Bakit ba?

Kapaskuhan nga nang siya ay ikasal. Abala ang lahat ng mga tao. Naroon ang last minute shopping. Mga christmas party ng mga kompanya, ang buhol-buhol na traffic sa kalye. Leah naman, sabi ng kanyang mga kaibigan, ba't mo itinapat ng kapaskuhan.

Ngumiti lamang siya. Basta, ang kanyang wika. Basta, ngunit sa kaibuturan ng kanyang sarili, isang munting tinig ang ulit-ulit na sumasagot. Masaya ang Pasko. Masaya ang lahat ng mga tao. Ako, gusto kong maging masaya rin. Maging masayang muli.

Sapagkat dati naman siyang masaya. Sa kanyang buhay, hindi lang kung kapaskuhan. Nag-iisa siyang anak at mahal na mahal siya ng kanyang ama't ina. Nakaluluwag sila sa buhay at wala siyang hiniling na hindi naibigay. Maliban sa pagkakaroon ng kapatid.


Sana Nanay, may baby sister ako, kanyang paglalambing.

Kay higpit ng yakap ng kanyang nanay noon. Ayaw mo bang nag-iisa ka. Walang kaagaw sa laruan. Sa pagkain. Sa damit.


Nag-isip siya. Nakita ang punto ng ina. Ngunit higit na matindi ang pagnanais na magkaroon ng kapatid.
Kahit pa. Kahit na hati kami sa toys. At ice cream. Sana may baby pa tayo.

Malalim ang buntong-hiningang hinugot sa dibdib ng kanyang nanay. At hindi niya naunawaan ang tinging wari ay nagpapasaklolo sa kanyang tatay. Ang kanyang tatay, tinawag siya nito, kinalong , pinisil ang kanyang baba, inipit ng mga daliri ang kanyang ilong , kiniliti ang kanyang talampakan, pinangko at isinayaw sa buong kabahayan, ikot, ikot nang ikot, at nang pagod na ay naupo sila sa sopa at ibinulong sa kanyang: si God ang nakaaalam kung ilang anak ang ibibigay sa mga tatay at nanay. Ikaw lang ang ibinigay sa amin. Dapat, thank you God na. Hindi na magrereklamo, di ba?


Ulit-ulit siyang tumango at nakalimutan na niya ang hinihiling na kapatid. Masaya ang kanyang kamusmusan at tunay ngang may bentahe ang nag-iisang anak. Lalo't panahon ng kapaskuhan. Higit na malaki ang tinatanggap na perang aginaldo. Higit na maganda at mamahalin ang mga regalo. At totoong wala na siyang mahihiling pa sa kanyang buhay hanggang sumapit ang panahon ng kanyang pagdadalaga. Nagtatapos siya ng high school nang magkaroon siya ng steady. Si Rommel. Kaiskwela. Hindi tagaroon sa kanila ngunit kabarkada sa mga lakaran, piknikan, sayawan. At kung kapaskuhan ay kasama sa pag-awit at pagkakaroling.

Ilan ba ang maligayang Paskong nagdaan sa buhay nila ni Rommel. Sa pag-aaral sa Maynila. Sa hinihintay na pagtatapos sa kolehiyo. Sa pagbuo ng mga balak sa hinaharap. Hanggang isang araw, wari, may nabago, nawala sa kanilang pagsasamahan.


Rommel, ano yon, tanong niya.

Umiling si Rommel, wala, wala.

Ngunit hindi siya naniniwala. Alam niya, mayroon. At pinilit niyang magtapat ang kasintahan. Rommel nakahanda ako kung nagbago ka ng loobin...

Mahal kita, Leah. Mahal na mahal, agaw nito.

Pero, bakit ka ganyan, tanong niya. Parang may iniisip ka.

Hinawakan ni Rommel ang kanyang kamay. Ikinulong sa mga palad. At hinanap ang kanyang mga mata. Totoo ba, Leah. Totoo bang sina Nanay at Tatay....

Wari, nahirinan si Rommel. Hindi maituloy ang sasabihin. Ano, untag niya.

Mahigpit na mahigpit ang pagkapisil ni Rommel sa kanyang kamay. Nasasaktan siya. Sina Nanay at Tatay, ulit nito, hindi mo sila... tunay na mga magulang...

Hinatak niya ang kanyang kamay sa pagkakahawak ng kasintahan. Napatuwid siya sa pagkakaupo. At patag na patag ang kanyang tinig nang siya ay mangusap. Hindi magandang biro 'yan, Rommel.

Kagat ni Rommel ang mga labi nito. Hindi tumitingin sa kanya. Hindi biro, Leah. May nagsabi kay Ate. Sinabi kina Nanay. Nagsabi na kasi ako. Oras na makakita ng trabaho magpapakasal na tayo.

Isang masamang panaginip ba lamang ang usapan nilang yaon ni Rommel. Kanyang naisip, maya-maya lang, magigising siya. Sa kanyang sariling higaan, sa loob ng sariling silid, sa kanilang bahay sa probinsiya. Magigising siya sa katok sa pintuan ng kanyang Nanay. Leah, Leah, gising na, anak. Simbang-gabi na, mahuhuli tayo sa misa. At buhat sa malayo, maririnig niya ang tunog ng kampana.

Ngunit ang lahat ng nangyayari ay isang katotohanan. Siya ay gising, kaharap si Rommel. Nasa boarding house sila. Wala sa probinsiya. At matamang nakatitig sa kanya ang binata.

Saan ba nanggaling ang kanyang tinig. Naniwala sila, Rommel. Naniwala sila sa nabalitaan. At dahil doon, ayaw na nila sa akin.

Mahal kita Leah, ulit ni Rommel.

Ngunit kahit ilang ulit sabihin ni Rommel na mahal siya, dama niyang may nabago sa kanilang relasyon. Marapat lamang na sila'y maghiwalay.

Yaon ang pinakamalungkot na niyang kapaskuhan. Alalang-alala ang kanyang nanay. Nanunuot ang titig ng kanyang tatay. Bakit ba? Ano ba ang ipinagkasira ninyo ni Rommel, usisa ng mga ito.

Kibit ng balikat, iyon ang kanyang sagot. Taas ng kilay, pilit na mga ngiti. Pagkukulong sa loob ng silid, hindi pagsisimba ng madaling-araw kahit gising na siya, di pa man tumutunog ang kampana ng simbahan.

Madalas nahuhuli niyang nagkakatinginan ang kanyang nanay at tatay. Nag-uusap ang mga mata. At sa harap ng mga ito ay gusto niyang bumulalas ng iyak. Totoo ba, Nanay. Totoo ba, Tatay. Na hindi ninyo ako tunay na anak? Ampon lamang! Ampon!


Naalaala niya nang siya ay bata pa. Ang mga usapang biglang napuputol kapag siya ay dumarating. Ssshhhh, saway ng mga tiyahin sa nakatatandang mga pinsan. Mga pangat-labi at lihim na pagtanto, pandidilat ng mga mata at pag-iling. Mga tanong niyang hindi sinasagot. Ang pinakamimithing hiling na hindi maibigay. Baby sister. Ang sagot ng kanyang tatay. Si God ang nakaaalam kung ilang anak ang ibibigay sa mga tatay at nanay. Ikaw lang ang ibinigay sa amin..

Kailangan pa bang itanong. Ang natural na kulot ng kanyang buhok. Ang maputi niyang kutis. Higit ang kaputian sa kanyang nanay na maligat lamang na kayumanggi. Ang maliit malalim na biloy sa sulok ng kanyang bibig. Sino ang kanyang ina? Sino ang kanyang tunay na mga magulang? Saan siya nanggaling? Saan siya kinuha?

Bispera ng pasko ang kanyang kaarawan. Ito ba ang tunay na araw ng kanyang pagsilang. O ito lamang ang araw na dumating siya sa piling ng mga ito. Mga tanong na hindi naisatinig. Hindi nagkaroon ng kasagutan.

Nang dumating sa kanyang buhay si Roehl. Nanligaw. Hindi niya alam kung tuluyan na niyang nalimot si Rommel. Ngunit nalulugod siya kay Roehl. Nahuhulog ang kanyang loob. Kung iibig siyang muli, si Roehl na marahil. Isang bagay lamang ang nais niyang matiyak.

May isang bagay na dapat kang malaman sa aking pagkatao, Roehl, isang araw, sinabi niya sa binata.

Matamang tumingin ang binata sa kanya, hinintay ang kanyang sasabihin. At nagpatuloy siya. Ampon lamang ako. Hindi tunay na anak ng kinagisnan kong mga magulang.

Hindi nabago ang mukha ni Roehl. Sino raw ang tunay mong mga magulang?

Umiling siya. Hindi ko alam. Hindi ko na hinangad pang malaman sino man sila, tinanggihan nila ako, ipinamigay, anupaman ang dahilan, matuwid man ito o hindi.

Anong sabi ng iyong nanay. Ng iyong tatay.

Matagal kong inisip. Iniyakan. At napagpasiyahan. Hindi ko na uusisain. Alam mo bang masama ang loob ko kina nanay at tatay. Hanggang ngayon, ilang taon na mula nang malaman ko ito, parang hindi pa rin nababalik sa dati ang damdamin ko sa kanila. I feel rejected, Roehl. By my own parents. Ngunit nasaan sila para ko masumbatan. Kaya sina nanay at tatay, sila ang narito. Sa kanila ko naibunton ang lahat ng aking hinanakit, bagaman at lihim at di ko ipinahahalata. Anong kasalanan nila. Unfair sa kanila, alam ko. But I can't help it. Kaya na rin bihira akong umuwi at dumalaw. Upang hindi sila makita. Nasasakan ako.

May sinabi sa kanya si Roehl . Kataliwasan raw siya ng karaniwang ampon. Na ang unang hakbang na gagawin ay ang paghanap sa tunay na mga magulang.

Marahil nga, ayon niya, ngunit kung hanapin man niya ang mga ito at makita, ano ang magiging katuturan ng lahat. At malungkot niyang dagdag, I can't even keep what I have. Ang nasa isipan niya ay ang mga kinagisnang magulang na pinag-uukulan niya ng walang katuwirang paninisi.

Ngunit mapalad siya kay Roehl . At sa mga magulang nito. Na tinanggap siya sa kabila ng katotohanang bumabalot sa kanyang katauhan. Kung ang lihim ng kanyang pagkatao ay lumabas at nabanggit sa pag-uusap ng kanyang mga magulang at ng mga magulang ni Roehl, hindi na niya nalaman, hindi na niya inusisa. Iisa lamang ang kanyang hiling. Kapaskuhan siya ikasal. Nais niyang matabunan ang alaala ng isang Paskong iyon sa kanyang buhay. Nang dumating sa kanyang kaalaman mula sa bibig ni Rommel na siya ay isang ampon lamang. At ang sumunod, araw-araw at gabi-gabing dasal na sana ay kapaskuhan rin siya magsilang kung pagiging dapatin sila ng Roehl na biyayaan ng anak ng Maykapal.

Nang siya ay maglihi, nang mapatunayang siya ay nagdadalang-tao, ang sabi ng kanyang Nanay. Leah, anak, dito ka na sa probinsiya magsilang. Aalagaan kita.

Umiling siya. Mabuti na sa Maynila, Nanay. Mas malapit ang ospital. Anuman ang mangyari, husto ang facilities.

Tumango ang kanyang ina. Tama nga ayon nito, ngunit wari, nabasag ang tinig.

Iniwasan niyang tumingin kay Roehl. At sa kanyang sarili, kanyang naisaloob. Hindi pa ako handang sila ay tanggapin.

Kailan pa, Leah, bulong ni Roehl, nang mapatabi sa kanya. Na waring nabasa ang
nasa kanyang isip.


NA
PABALIKWAS si Leah. Higit na matindi ang hilab na gumapang sa kanyang tiyan. Sinulyapan niya ang luminous clock sa ibabaw ng tokador. Malapit nang mag-ikalima ng umaga. Mula sa malayo, muli niyang narinig ang tunog ng kampana. Tapos na ang simbang gabi. Kagyat niyang naisip, sa kanila sa probinsiya, tapos na rin ang misa. Siguro, nagsimba rin ang nanay at tatay niya.

Muli, ang hilab ng gumagapang sa tiyan, tumutuloy sa balakang. Araykupo, Nanay, nakawala, humulagpos niyang daing.

Nanay, sinong nanay?

Bigla ang dating ng mga alaala. Sumasabay sa gumagapang na hilab ng tiyan. Nang maliit pa siya, kay dalas madapa, masugatan. Isang halik lamang ni Nanay, wala na ang sakit. Magaling kaagad. Ang pananakit ng ulo, gawa ng matinding sipon, isang himas at hagod lamang ni Nanay, mabuti na ang pakiramdam. Ang pag-iyak, bunga ng panunukso ng kung sino, isang alo lamang ni Nanay, hinto agad.

Sinong nanay? May iba pa ba?

Nangilid ang luha sa mga mata, nag-unahang naglandas sa mga pisngi ni Leah. Iisa lamang ang kanyang nanay. Nasa probinsiya. Ang babaing nagmahal at kumandili, naghirap sa pagpapalaki sa kanya. Ang babaing tinatawag niya kapag siya ay nasasaktan. Araykupo Nanay.

Mula sa malayo muli niyang narinig ang tunog ng kampana. May kapayapaang sumuno sa kanyang kaibuturan. Binalingan niya si Roehl, ang natutulog pang asawa.

Masaya na ang ating Pasko, Roehl. Hindi lamang... dahil... magkakaanak na tayo.
Kundi dahil ...ang nawawala at iwinaksi... ay muli kong natagpuan.

Hinawakan niya sa balikat ang asawa. Mahinay na tinapik.

Gising na, Roehl. Gising na...
Tatawag ka pa sa probinsiya.
Paluluwasin mo si Nanay. At si Tatay.
Nais kong tayo ay magkasama-sama.



Liwayway, Sept. 23, 1987


1 comment:

  1. Nakakabagbag damdamin ang istoryang ito. Tunay na Pamasko ang buod.
    Love in the true sense of the word.

    ReplyDelete