Thursday, March 8, 2018

Angel on Board





ANGEL ON BOARD -

Kamakailan ay may nabasa ako tungkol sa isang pasahero sa eroplano na nagreklamo dahil ang nakatabi niya sa kanyang upuan ay isang Nanay na may dalang baby na wala pang isang taon. Nais niyang ilipat siya ng lugar.  Siya ay tinanggihan, kung sa anupamang dahilan (wala sigurong bakante) ay hindi  ko na nalaman. Naging malaking isyu ito sa loob ng eroplano. Nagkaroon ng pagtatalo.  Kaso, hindi ko na rin nabasa ang ending.  Sa Internet ko ito nakita. Ang problema ay ang naipamanang first generation iPad  sa akin. Papatay-patay ito na kapag inulit ko naman ay hindi ko na matagpuan ang dati kong binabasa. Kaya hindi ko nalaman ang naging solusyon ng problema.

Anyway, kaya ko lamang nabanggit ito ay dahil sa isang mag-inang nakatabi ko sa eroplano kamakailan.  Dumaan rin sa aking isip kung anong klaseng biyahe ang kinasusuungan ko. Naalaala ko rin ang aking kapatid na pinasunod noon ng kanyang asawang immigrant na magtungo sa abroad. Dala niya ang kanyang dalawang anak,  Isang 2-year old at isang toddler.  Sabay pa raw kung umiyak ang mga bata. Salamat na lamang daw at may Pilipinong nagmagandang-loob na tumulong sa kanya. At mga kasabay na nakauunawa. Ngunit noon iyon.  Seventies. Iba na siguro ngayon.

Isa ko pang naalaala ay isang kaibigan na napakiusapan ng anak na Doktor na nasa London kasama ang asawa nito na dalhin ang naiwan nilang baby na nasa pangangalaga ng Lola. Dinala naman. Pero batay sa naging karanasan ng aking kaibigan, bayaran man siya ng kanyang anak  ng libo-libong pera, hindi na niya ito gagawing muli. Napakahirap daw!

Kaya, nais ko lamang ibahagi ang aking naging karanasan sa nakatabi kong baby. Isang taon at apat na buwan siya, ayon sa kanyang ina. Sa buong biyahe mula Manila hanggang Narita (halos apat na oras din) ay hindi ko ito naringgan ng kahit anong ingit, iyak o ungol ng pagkainip o pagkainis. Tahimik siyang nakatayo, palingap-lingap sa paligid, nginingitian ang sinumang mapasulyap sa kanya, payakap-yakap sa kanyang nanay, pahalik-halik. Iniwasan kong magtama ang aming mga paningin. Baka umiyak, heheh. O mausog ko pa. Ngunit pinakikiramdaman ko ang bawat kilos niya. Tinuunan ko na lamang ng pansin ang nilulutas kong suduko.

Nang madama ko at sa sulok ng aking mga mata ay nakita ko ang mumunting daliri ng kanyang munting kamay na dahan-dahan, gumagapang, lumalapit sa aking bisig na nakapatong sa armrest sa pagitan namin. Hinawakan niya ako.  At dahan-dahan rin, nilinga ko siya. Nagkatinginan kami. Nginitian niya ako at nginitian ko siya at nadama kong nais ko siyang yakapin. Napansin kami ng kanyang nanay at sabi nito na para siyang sinasaway.  “Lola…”

Okey lang, sabi ko. At sa buong biyahe, sa mga oras na gising siya (naidlip rin pagkatapos kumain), ay surreptitiously, tentatively, he touched my hand and arm on the armrest while glancing at me with that forever smile on his lips.

Nang dumating kami sa Narita, nakadama ako ng lungkot na maghihiwalay na kami kasi ay magkaiba kami ng connecting flight na sasakyan. Ang mag-ina ay patungo sa isang bansa sa Eastern Europe. Bumisita lamang sa mga magulang sa dakong Norte ang nanay. With permission ng nanay, nagkodakan kami.


Minsan, sa pagtahak natin sa landas ng buhay, may nakakasabay o nakakasalubong tayong nilalang na nagdudulot ng aliw o lugod sa atin. At ang mga ito, kahit hindi sadya, kahit hindi na nila malalalaman, ay umaamot ng puwang sa ating puso.  

No comments:

Post a Comment