TELEPHONE CALLS
MATAGAL na rin akong hindi nakakahawak ng
aming telepono sa landline maliban nang bumaha sa banyo dahil umapaw, ayaw
huminto ang agos ng tubig mula sa water tank at nang hindi dumarating ang
statement of account ng credit card kaya di ko alam ang babayarang minimum
balance...na kailangang tawagan ang mga kinauukulan.
Ngunit
kanina, naupo ako sa tabi nito at wika nga ay kinarir ito. Ibig sabihin lang, tinawagan na ang mga dapat
tawagan na kay tagal nang hindi nakakausap o nakakaulayaw. Nasa isip ko kasi ang
isang tula tungkol sa mga magkakaibigan na panay ang paliban sa pagdadalawan (o
pagtatawagan) na kalaunan, nang maisipang dumalaw ay huli na ang lahat. Na
minsan ay naging karanasan ko. Narito ang Tula.
“Around
the corner I have a friend,
In this
great city that has no end;
Yet days
go by, and weeks rush on,
And before
I know it, a year is gone,
And I
never see my old friend's face,
For Life
is a swift and terrible race.
He knows I
like him just as well
As in the
days when I rang his bell
And he
rang mine. We were younger then,
And now we
are busy, tired men:
Tired with
playing a foolish game,
Tired with
trying to make a name.
"Tomorrow,"
I say, "I will call on Jim,
Just to
show that I'm thinking of him."
But
tomorrow comes--and tomorrow goes,
And the
distances between us grows and grows.
Around the
corner!--yet miles away . . .
"Here's
a telegram, sir . . ."
"Jim died today."
And that's
what we get, and deserve in the end:
Around the
corner, a vanished friend.”
Charles
Hanson Towne (1877-1949)
Ang
pangalan ng aking kaibigan ay hindi Jim. Siya ay si Ester, taga-Candelaria,
Quezon, taga-University of the East, naging kasama sa opisina,
matalik na kaibigan at kalaunan ay Kumare (inaanak ko sa binyag si
Lemuel, ang kanyang panganay), at nang kami ay magkahiwalay dahil tumigil na
akong magtrabaho ay naging katawagan sa telepono, kakwentuhan. Hanggang
dumating ang panahong dumalang ang aming pag-uusap, bisi kasi, ang aming
dahilan. Alam kong higit siyang abala kaysa sa akin dahil kayod pa rin siya sa
pagtatrabaho, ganoon siya kasipag, samantalang ako ay nasa bahay lamang.
Naputol na nga ang koneksiyon kahit alam naming naroon pa rin ang lalim ng
pagkakaibigan, nasa alaala pa rin ang masasayang araw na pinagsamahan - sabay
na pagpasok sa aming opisina na nasa Leon Guinto, sakay ng Super Transit mula
sa harap ng UE (taga-dorm ako, sa likod ng San Beda ang apartment nilang
magkakapatid), sabay rin sa pag-uwi, pamimista sa kanila sa Candelaria, sa amin
sa Malolos, sayawan sa amin, kasalan sa kanila...
Ngunit
nariyan lamang ang telepono. Maaaring sa isang sandali ng pamamahinga ay maupo
sa tabi nito at dumayal. Na hindi ko nagawa sa isang mahabang panahon. At
nang maisipan ay...
Hello,
pwedeng makausap si Ester?
Na ang
sumagot ay ang anak na babae. Na tinanong kung sino ako at nang makilala ay
sinabing “Wala na po si Mommy.”
Wala?
Wala na?. Ganoon lang. Wala na. At
kasabay ng buntong-hininga, wala na ngang magagawa.
UNA kong dinayal sa telepono ay ang
número ng Isang dating kasama sa dormitoryo na noong isang taon ay naistrok at
bedridden ngayon. Wala ang mga kasama nito sa bahay at ang naiwan lamang
ay ang caregiver at ang kasambahay na siya kong nakausap. Maayos raw naman ang
kalagayan nito, considering...
Bago
nangyari ang kanyang pagkakasakit ay madalas kaming nag-uusap. Masipag siyang
tumawag sa telepono. Nahinto lamang ito nang siya ay magkasakit. Nang kami ay
nagkakatawagan, lahat ay napag-uusapan namin. At naisip ko, kung ganoon ang pagkakaibigan,
anuman ang mangyari sa hinaharap, walang panghihinayang na madarama.
ANG ikalawang tawag ko sa telepono ay
sa isang dating kaiskwela sa kolehiyo na tuwang-tuwa sa aking pagtawag. Ang
nakatutuwa sa usapang-kaibigan, kung saan-saan nadadako ang paksa ng kwentuhan.
Tingnan ninyo....
Ikinuwento
niyang una na graduate na siya mula sa wheelchair to walker at ngayon sa quad
na tungkod. Naoperahan siya sa Isang torn o ruptured tendon sa may sakong. Na
ipinagtataka raw ng Doktor kung bakit nangyari sa kanya, di naman siya si Kobe
Bryant. That was good news. Kaya medyo mobile na siya at nakakatrabaho na sa
kanilang bahay. Linis-linis, ganoon.
Ngayon,
napunta na ang kwentuhan namin sa paglilinis sa bahay. At this point ng buhay
namin, kung pagod na kami, tumitigil na kami sa pagtatrabaho. Hindi tulad noong
araw, na sige, hanggang hindi tapos, hindi humihinto. So, nabanggit ngayon ang
mga kinalakhan naming trabaho o chores noong lumalaki kami sa probinsiya. Ako'y
nagsasaing, naghuhugas ng kinanan, naglalampaso ng sahig, nagwawalis ng
bakuran. Aba, siya raw ay umiigib pa ng tubig, nagsisibak ng kahoy kung saan
tinamaan ng gulok ang hintuturo niya at muntik nang maputol at nagwawalis rin
ng bakuran.
May
kawayanan kami sa duluhan ng aming bakuran. Makalat ito kaya araw-araw, dapat
ay walisin at sigaan. Napunta sa puno ng alagaw ang aming usapan. Alam mo ba,
'ikako, na ang talbos nito ay isinasamang palaman sa sibuyas at kamatis ng
inihaw na bangus? Na ang malalapad namang dahon ay pwede ring pambalot ng
inihaw na isda? Na ang mga dahon din nito ay mabuting panlinis ng basong
kristal kahit walang sabon (foam ngayon at joy)? Hindi raw niya alam.
E, alam mo
ba 'ikako iyong puno ng malaiba? Na mabaho at panlagay sa ilalim ng banig
para sa surot. Ay, naku, napunta na sa surot ang usapan. Bakit, noong araw, ang
daming surot. Sa dormitoryo, na ang katre ay sulihiya, tirahan ng surot ang mga
singit-singit nito. At pati sulok ng kulambo, dahil wala pa noong screen
ang mga bintana.
Sa ngayon,
wala na kaming naiingkwentrong surot. E, kuto, tanong nito. Naku, at naalaala
namin ang kuto sa buhok ng aming kabataan. At sino ang nakaaalaala sa suyod,
haha! Dito kami nagkaroon ng diskusyon. Ang inahin na nangingitlog ay tinatawag
na kuto. Ang maliit-liit dito ay kuyumad. Ang lisa ay ang nakakabit sa hibla ng
buhok na sinasalat-salat ng walang magawa, hihilahin, saka titirisin. Gross ba?
Diskusyon lang ito. Sabi ko, may kulang iyan. Sa pagitan ng lisa at kuyumad ay
ang baby na sa tanda ko ay tinatawag naming kulisap!
Hindi niya
alam kung ano ang tungaw. Maliit na maliit na pula, maliit pa sa ulo ng aspili,
nagtitira sa mga lupi at singit ng balat, na nakukuha ng mga batang naglalaro
sa mga damuhan. Iyan ang tungaw na ang kati-kati!
Masaya ang
aming kwentuhan kahit wala namang kuwenta kung tutuusin ng iba ang aming
usapan. 'Ekanga sa Malolos, 'wentong walang 'wenta...
ANG huli kong natawagan ay kabarkada
rin namin ng katatapos kong kausap. Ang kuwento niya ay tungkol sa bakasyon
niya, kasama ang kanyang anak at pamilya nito na sa Singapore nakatira. Ikinuwento
niya kung saan-saan sila nagpunta- Malaysia, Bali, Indonesia- pero, lagi na
siyang nagbe-beg off sa mga lakaran. Parang malaki na raw ang ihinina ng
kanyang katawan at ayon sa huling executive check-up niya ay kailangang
magpa-check-up pa sa iba namang espesyalista. Bakit ba anya noong araw, iisa
lamang ang Doktor. Sipon, lagnat, ubo, diarrhea, sakit ng tiyan, rayuma at kung
anu-ano pa, si Dr. Johnny o Crisostomo o Ramos (sa amin sa Malolos) lamang ang
pupuntahan o tatawagin. Ngayon, bawat parte ng katawan, may nakatokang
doktor.
Ang
kinahantungan ng kanyang hindi malilimutan at pinagdaanang check-up ay ang
kabilin-bilinan niya sa lahat ng kanyang anak na pagdating ng sandali ng isang
malubhang karamdaman, for her, no more,
nothing invasive anymore ang gagawin sa kanya. Ibig sabihin, ayaw niya ng
kung anu-ano ang gagawin, bubuksan, ituturok, bubutasin sa kanyang
katawan.
UPDATE---iyan ang resulta ng
kwentuhan namin ng aking mga kaibigan. Latest na kalagayan ng isa't isa.
Na maayos pa ang lahat. Masaya. At all is well in the world.
At iyan
ang nagagawa ng pagdayal sa telepono, pagtawag at pangungumusta sa mga
kaibigan. Kaya… tawag na...
No comments:
Post a Comment