Saturday, February 17, 2018

Isang Gabing Tahimik




ISANG GABING TAHIMIK…

Anonymous… ito ang nagsulat (na isinulat ko nang ayon sa aking pagkakatanda) ng sumusunod na awit sa Comment section ng aking blog nitong kalilipas na buwan. Kung sino ka man, salamat. Ito ay awit ng aking kamusmusan, itinuro sa akin ng aking Amang. Na wari ay walang nakaaalam sa aking mga kababata. Tanging ako lamang ba?

Dumating ang panahon ng internet, ng email at blog. Ginamit ko ito at ipinagtanong: Sino ang nakaaalam?

Salamat sa social media. May sumagot. May nagpadala pa ng short video ng mga kamay at daliring tumitipa sa piyano, tinutugtog, inaawit ito. May nagsulat kung paano nila ito natutuhan, itinuro ng kanilang Lelong. May nagmula sa dakong Katimugang Luzon, may galing Visayas. 

Lumalabas, ang awit ay tulad sa isang heirloom, isang pamana, naiiba, natatangi, hindi palasak, wala sa pambayang kaalaman, tulad ng mga folksongs na alam ng balana. Ito ay pili ang nakaaalam. Ikaw na Anonymous na nagkomento sa aking blog, sila na sumulat noon, at ako!

Siyanga pala, itinuro ko na ito sa aking apo na ipinanganak, lumalaki at naninirahan sa ibayong dagat. Marahil, pagdating ng panahong mayroon na rin silang anak o apo, maaalaala nilang ituro ito, ang awit ng kanilang Anda.

isang gabing tahimik maliwanag ang buwan
basang basa pa ng hamog ang mga halaman
dibdib ko’y may susi pilit na bubuksan
dahil lang sa ganda mong kapita-pitagan.

Di ba’t ang sumpa mo, sumpa mo sa akin
sino mang dalaga’y di mo iibigin
nang makakita ka nang higit sa akin
iniwanan mo ako sa luksang damdamin.

Nagpapasalamat ako kay Anonymous dahil ang ikalawang bahagi ng awit - di ba't ang sumpa mo..."  ay hindi ko natutuhan, hindi naituro sa akin. Ngayon ay kumpleto na ang kaalaman ko ng nasabing awit. Mahaba pala.

Sa wari ko, ang awit ay sagutan ng magsing-ibig. Ang unang bahagi ay inaawit ng binata, patungkol sa dalaga. Ngunit sa paglipas ng mga araw, parang nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan at nagkahiwalay ang dalawa. Kaya, iyong ikalawang bahagi ang inawit naman ng dalagang iniwanan.

Ay, ang itinuro lamang sa akin ng aking Amang ay ang awit ng binata sa dalaga. Kaya naman hindi marahil natanim sa aking murang isipan noon na baka ako iwanan ng aking magiging kasintahan. 

At hindi nga! Hanggang ngayon, magkasama pa rin kami.

 

13 comments:

  1. hi estrella, alam nyo po ba na doon sa amin sa Lumampong, Indang, Cavite this song is being sung by kids in front of every houses during Undas night (All Souls Day, Nov1). We call it Pangaluluwa. Same as Christmas Caroling i, myself sing this song to make some money during All Souls day noon when i was young. now that im 30s already and already living here in canada i barely remember the whole song. but here is our words as i remembered.

    Isang gabing tahimik
    Maliwanag ang buwan
    Papatak ang hamog
    Sa mga halaman

    Dibdib ko'y may susi
    Pilit na binuksan
    Dahil sa ganda mong
    Kapitapitagan

    Di ba ga sumpa mo
    Sumpa mo sa akin
    Sino mang babae'y
    Di mo iibigin
    Nung makatapat ka
    Ng higit sa akin
    Akoy iniwan mo
    Sa _____ na damdamin

    😄 i cant remember that one word, sa huling linya

    ReplyDelete
  2. Maaari po bang malaman kung ano ang titulo ng awiting ito? At maaari po bang malaman kung may alam kayong video na inaawit o tinutugtog ito. Nais ko lamang pong malaman sa kadahilanang balak namin itong awitin sa kaarawan ng aming lolo at lola sa darating na Pebrero A-uno at A-otso. Ako po ay pauna nang nagpapasalamat sa inyong magiging kasagutan. Naway may matanggap akong sagot mula sa inyo. Salamat!!

    ReplyDelete
  3. Hi, Xelly,

    Sorry, sorry, sorry, ngayon ko lang nakita ang comment mo. Although, wala akong alam na video na inaawit o tinutugtog ito. Alam ko itong awitin, sana inimbita mo na lang ako... Pero, kanta ko ito nang maliit pa ako, itinuro ng aking Amang. At naituro ko na rin sa aking mga apo

    ReplyDelete
  4. Hi Estrella,
    Bigla ko uling naalala ang kantang ito na narinig ko noong elementary ako (56 n ako ngayong 2021) tapos sinaulo ko at mula noon e d ko na nakalimutan. Hinanap ko sa youtube at google kung me makikita akong dagdag na information tungkol sa napakagandang kantang ito... ganito ang alam kung lyrics nito:

    Isang gabing tahimik
    Maliwanag ang buwan
    Pagpatak ng hamog
    Sa mga halaman
    Dibdib kung may susi
    Ay pilit mong binuksan
    Dahil sa ganda kung kapita-pitagan
    Hindi ba noong una
    Ang sumpa mo sa akin
    Ang sinumang dalaga
    Ay di mo iibigin
    Ngunit nakakita ka
    Ng higit sa akin
    Iniwan mo ako
    Sa gitna ng dilim.

    Hindi ko alam kung yan ang totoong lyrics pero yan ang pagkakasaulo ko batay sa pagkakarinig ko [ sa mga nakatambay na uncles sa sari-sari store noong inutusan ako ng lola ko na bumili ng alhambra (sigarilyo) ]. Hindi ko nilagyan ng ibang punctuation marks aside from the period at the very end.

    ReplyDelete
    Replies
    1. this is the correct lyrics. Another version of line 8 is "hindi baga no'ng una..."

      Delete
  5. Dear Weng, Xelly and Anonymous,

    Salamat sa input ninyo sa paborito kong awit ng aking kamusmusan. Nabasa naman ninyo sa aking post kung sino ang nagturo sa akin. Anim kaming magkakapatid ngunit sa akin lamang itinuro ito ng aking Amang. Kaya itinuturing kong isa itong pamana.Tanda ko noong maliit pa ako at nahilingang umawit, sasampa na ako agad sa ibaba ng la mesita at kakantahin na ito. O, sige, kumusta na lamang diyan, saan man kayo naroroon, kami ay quaranatine pa rin, over sixty five, heheh

    ReplyDelete
  6. Hi Estrella,
    Naghahanap pa rin ako ng video na inaawit tong kantang to... anyway, salamat sa response mo. Mahigpit pa rin dito sa kinaroroonan ko pero nakapagpabakuna na ako ng Anti-Covid19 vaccine. Hope everything will go back to normal soon. Ingat ka din. Hindi kita kilala pero, Maligayang araw ng mga Ina sa iyo at sa lahat ng kakilala mong Ina.

    ReplyDelete
  7. Hi Weng,

    Anytime this week, ilalagay ko ang video ng isang batang inaawit ang first stanza ng "Isang Gabing Tahimik". Take note lang, english speaking ang bata, pero sinasanay magsalita sa Pilipino ng kanyang ina. At Lola, heheh, ako 'yun.

    ReplyDelete
  8. Hi Weng'

    Isang Gabing Tahimik, may short video na.

    ReplyDelete
  9. Tama po yung "iniwanan mo ako sa gitna ng dilim" yan po ang naalala kong wordings na kinakanta kanta ng mother ko sa amin ng maliliit pa kami ngaun po ay 54 yrs na ako at matagal ko na ring sinusubaybayan ang kantang ito sa you tube pero d ko nakita kaya nawalan na ako ng ganang hanapin ito, now ko lang na realize namarami din palang nakapakinig ng kantang ito, at parang bumalik sa ala ala ko ang panahong kinakanta sa amin ng mother ko ito ang sarap maalala feeling alive ako.....kahit may lungkot sa puso ko.....

    ReplyDelete
  10. May video po ba yang kantang yan?

    ReplyDelete
  11. Hello ms eve. Meron ka bang link ng sinasabi mong video ng "isang gabing tahimik"? Salamat

    ReplyDelete
  12. Hello Jojo,

    Ako'y natutuwa na marami pala tayong lumaki sa awit na "Isang Gabing Tahimik". May nagsabi pang 54 taong gulang na siya ngayon at iyon ang inaait-awit sa kanya ng kanyang Nanay. Aba, e anak ko na lamang siya at iyon din ang awit na itinuro naman sa akin ng aking Amang. Galing, ano? Tunay na klasiko ang nasabing awit.

    Wala akong alam na pormal na video nito. Itinuro ko lamang ito sa aking apo na siyang umawit at vi-ni-deo. Naarito sa blog ko, May 29, 2021 posting.

    ReplyDelete