Ga-butil na bunga na,
Huni ng ibong tarat,
Panggising sa umaga...
Tuyong dahong sinisigan
Ay usok ng alaala
Ng isang panahong...
Wala na! Wala na!
Laki ang tubig ng katabing ilog
Sanap na sa unang baytang,
Oras na nang paglusong
Ng musmos na di mapigilan.
Bangkang papel, pinaanod
May pangarap na inaasam
Kung ito'y matutupad,
Kailan? Kailan?
Tulad ng kaymito,
Bulaklak ba'y naging bunga,
Hindi ba ito nilagas
Unos, habagat na nagsama,
Ang tagumpay na nakamtan
Sa pagod, sikap na binata,
Sa dapit-hapon ng buhay,
Ano ang natira?
Setyembre sa lumang bahay -
Balik-alaala sa natanaw
Sa mandala ng gunita,
Namahinga at humimlay.
Tunog ng halakhak sa puso ay pinakinggan,
Ang alat ng luha, sa bibig nilasahan.
Katuwaan, lumbay, kabiguan, tagumpay
Kung pagninilayan, ganito ang buhay!
Eve, 30 Setyembre, 2013
Alay sa inyo.
Eve:
ReplyDeleteSino kaya ang makakatarok sa lalim ng iniisip ni Pareng Amor?
sa dami ng naging bulaklak ng kaimito, gaano kaya karami ang naging bunga? Matamis ba? Sino ang nakatikim?
Hmmmm.... At ang papel na pinaglaruan ng mga bata, may kasama kayang hiling ng ito ay pinalaot niya sa agos ng tubig? Dahil ako, nagging lar ko rin iyan, meron akong mga hiling na ibinigay. Kaya lang, ang ilan, kasama ring umagos kasama ng tubig., na hngga ngayon, patuloy pa ring tintatangay, hindi ng agos ng tubig kundi sa takbo ng pagninilaynilay. Ha, ha, sana, tama ang pili ko ng mga pananalita to express myself. Pakisabi kay Pare, isa siyang obra maestra.
Ruby