Monday, September 9, 2013


One Day, Isang Araw...

Ang nakaraang Sabado ay parang isang karaniwang araw lamang para sa amin.  Iskedyul ng pag-uwi sa probinsiya para madalaw ang lumang bahay, magpalis-palis ng alikabok dito, maglampaso, buksan ang mga bintana at hayaang mahanginan ang bawat sulok upang maalis ang amoy luom nang mahabang pagkakakulob nito. 

Ito nga ang ginawa namin.  Tamang-tamang natatapos kami sa paglilinis nang may kumatok sa gate na isang grupo ng mga kabataan.  Nagpakilala ang isa na malayo palang kamag-anak, istudyante ng Bulacan State University, at humihingi ng pahintulot na makapag-video shooting ang kanilang grupo ng kanilang proyekto sa asignaturang “Rizal” ng kabanata tungkol sa salu-salo na gaganapin sa isang lumang bahay.  At doon pumapasok ang aming lumang bahay.

Kaagad kaming pumayag at pinanood sila sa kanilang ginagawa.  Tulad namin ay mga fans sa shooting ng isang pelikula.  Sa harap namin, sila ay nagsipagbihis.  Hindi naman nagsipaghubad, ipinatong lamang ang mga costume nila sa suot nang mga damit.  Kani-kaniyang make-up, na binubuo lamang ng paglalagay ng balbas sa mga lalaki, kaunting pulbo at blush on sa mga babae.  Bago nagsimula ang shooting, panay muna ang kodakan ng grupo.  At gamit ang aking celfone, nakisali na rin ako. 


                            Ilan sa cast at ang direktor.

                            Sina Crisostomo Ibarra at Maria Clara


                                                         Si Padre Damaso


                                                 Mga dalagang panauhin


                                    Iba pang panauhin 

                        Ang simula: Pagdating ni Ibarra 


Magkakaiskwela silang lahat, mula sa may hawak ng video camera hanggang sa direktor,  Mahinahon, may taginting ang tinig ni Crisostomo Ibarra.  Malakas, buo at makapangyarihan ang kay Padre Damaso.  Nakatutuwang pakinggan ang kanilang mga salitaan, kasama at hindi kasama sa script.

Ang direktor:  Pagdating ni Ibarra, magbubulungan kayong mga babae, kikiligin kayo pero hindi naman masyadong ipahahalata.
Kikiligin.  Magtatawanan.
Hindi ganyan!

Tuloy po kayo sa tahanan ng mga De los Santos.  Ipinakikilala ko sa inyo si Crisostomo Ibarra.
Padre Damaso, ikinagagalak kong makadaupang-palad ang matalik na kaibigan ng aking ama.
Hindi ko naging kaibigan kailanman ang iyong ama!


Padre Damaso...
Victorina!  Sino iyang kasama mo?
Padre, siya po ang pamangkin ninyo sa inyong bayaw. 
(Di ko alam na may bayaw si Padre Damaso!  O nagkakaringgan lang ako.)  Siya po si Alfonso Linares.
Aha! Ke guapo mo pala!
Cut!  Cut!  Cut!  Anong aha!  Bakit may aha!

Tawanan.
Saka hindi guapo.  Wala pang guapong salita noon!
Habang nasa hapag-kainan at nagsasalu-salo.
Cut!  Cut!  Cut!  Bakit mo tinitinidor ang tinapay?
Aalis sa hapag-kainan si Ibarra.
Iyan ang nangyayari sa mga kabataang ipinadadala sa Europa.  Walang respeto sa mga matatanda.
Pagkatapos ng maraming cut, cut, cut, at sa humihinang baterya ng camera, nagpack-up na ang shooting.  Sabi namin, bigyan ninyo kami ng kopya, hane.  Nangako naman sila.  Nagpalitan pa kami ng email address ni Beth Adriano.  At kodakang muli.

Pagkaalis ng grupo, ibang grupo naman ang dumating.  Ang grupo ng isang pamangkin na ipinanganak at laki sa lumang bahay, ngunit ngayon ay may pamilya na at sa Metro Manila na naninirahan.  Sabi niya, lagi, hinahanap-hanap niya ang dating kapaligiran, mga dating kasama at kaibigan, kaya tuwing may pagkakataon siya, pinupulong niya ang mga ito at sila ay nagkakatuwaan, may tugtugan, may pulutan at kwentuhan na karaniwang ginaganap nila sa  may tipong balkonahe sa may hagdanan ng lumang bahay.  Naglalagay sila ng mga mesa at silya at ayos, naroong muli ang ugnayan!  Sa kanilang paghingi ng paumanhin sa kanilang pag-iingay, sinabi naming okey lamang, kasi ay may pupuntahan naman kaming lamay sa patay sa kabilang kalsada. 

At kami ay naghiwa-hiwalay.

Ang pinaglalamayan na dinalaw namin ay maybahay ng isang kinagisnang kamag-anak.  Kinagisnang kamag-anak?  Ito ay upang maipaliwanag na walang blood relation sa mga ito.  Dito pumapasok ang pagsasamahang pinatibay ng matapat na pagkakaibigan ng dalawang pamilya na higit pa marahil sa mga pagkakaugnayan ng tunay na magkakamag-anak. 

Nagsimula ito kina Amang Puten at Inang Goria o Oya.  Sa kanilang mga anak na sina Kaka Petra, Ka Seang, Ka Jose, Ka Oniong at Pedring na tinatawag naming Ato.  At sa pamilya namin.  Ang Amang na nasa malayong lugar na destino sa trabaho, ang Inang at sa aming anim nilang supling.  Naging extended family kami ng Amang Puten.  Naging palangga o pangga ng mga anak nilang dalaga, itinatahi ng damit, iginagawa ng mga assignment sa home economics na embroidery o tatting.  Pag may nagbabantang bagyo, ang Amang Puten ang nag-aasikaso sa pagsusuhay ng bahay at paglalagay ng bagting.  Ang Kaka at Ka Seang ang kakwentuhan at katapatan ng loob ng Inang sa maraming araw na nasa destino ang Amang.  Ang pamilya nila ang kumupkop sa amin ng panahon ng Hapon, nagtayo ng munting tirahan doon sa may latian noong evacuation.  Kay Amang Puten ko natutuhan ang mga kantang sitsirit sit alibangbang, Santa Clarang Pinung-pino, at mga sinaunang awiting-bayan.  Anupa't lumaki kaming magkakalapit ang mga kalooban, takbuhan ng pangangailangan, hanggang lumago ang mga pamilya ng kaapu-apuhan sa paniniwalang tunay kaming magkakamag-anak.  Nitong huli na lamang napag-alaman ng mga bata na hindi pala!  Ngunit naroon na ang ugat.  Hindi na mababago.  Sa pinagtibay na pag-aanak sa binyag, sa kasal, at muli sa binyag ng mga anak, muli at muli.

Namayapa na ang matatanda.  Halos wala nang natitira sa henerasyong nagdaan.  Ang panganay kong kapatid na maituturing na siyang pinakamatanda ay hindi naman naging lubos na tagaroon sa probinsiya.  Mula nang mag-aral sa Maynila ay hindi na naging bahagi ng buhay dito.

Nang dumating kami sa lamay, naroon na ang aking dalawang pamangkin, isang tagaroon at isang taga-Marikina.  Katalamitan na ang kanilang contemporary.  Bale sila ang third generation mula sa Amang Puten.  Naghanap ako ng kakilala.  Nagtawanan sila. 

Naglabas ng i-pad ang isa.  Nagpakita ng isang lumang larawan na inilagay raw niya sa facebook.  Tinanong ako kung sinu-sino ang mga kakilala ko rito.  Ang larawan ay kuha sa harap ng ermita.  Ang ermita ay tipong kapilya na itinatayo tuwing santakrusan sa aming lugar.  Pansamantala lamang ito na tinatanggal rin pagkatapos ng okasyon.  Ang mga toddlers na kasama sa larawan ay ang mga pamangkin kong dinatnan sa lamay.  Ganoon kaluma ang larawan.  Kami ang mga tin-edyer.  Halos lahat ng mga kadalagahan at kabinataang nasa larawan ay nagtungo na sa dako pa roon, tawag ng Klase namin sa mga namayapa na.

Kaya pala sila nagtawanan nang naghahanap ako ng kakilala.  Huwag na raw akong maghanap.  Ako na raw ang CEO.  Pinaka-senior sa mga naroon.  Pero masaya.  Lalo pa nga't ilan sa mga dumating ay ang grupo ng mga pamangkin ni Dolphy, dahil kamag-anak nila ang biyenan ng namatay.  Ang mga lamayan naman ay talagang parang reyunyon.



Tulad ng isang reyunyon na ikinuwento sa akin ng isang inaanak sa kasal, apo ng Amang Puten.  Kagagaling lamang niya ng abroad, dinalaw ang kanyang mag-iina roon.  Tuwang-tuwa siya sa kanilang pagkikita, na ginawa niyang isang sorpresa.  Dumating siya ilang araw bago sumapit ang araw kung kailan siya inaasahan.  Ang tumulong sa kanyang sorpresa ay ang kanyang dalawang anak.  Ano ang naging reaksiyon, usisa ko naman.  Naku, hinampas ako nang hinampas ng ibinigay kong bouquet ng bulaklak!  Marami pa sana kaming pag-uusapan ngunit inabala ako ng alok na kumain ng ice cream, salad at kung anu-ano pa, na gumising sa kalam ng aking sikmura.  Na hindi naman pala totoo at biro lamang.  Nauwi ako sa pagkain ng molo.  Okey naman.
 
Ang isang kwento na ikinatuwa kong nalaman ng gabing iyon ay mula sa isa pang apo ng Amang Puten.  Nasa kanyang pag-iingat raw ang tinipong liham ng kasintahan ng kanyang Kebo o 'Ebo, anak ng Amang Puten.  Excited agad ako.  Kasi, batay sa sintahan ng mga nasabing dalaga at binata ang isang kwentong ginawa ko noon at isinama sa aking unang aklat, ang Minsan, May Isang Pag-ibig.  Ang pamagat nito ay Takip-silim. 

Aniya:  Lumang-luma, mamula-mula na ang mga papel, ingat na ingat ako sa paghawak kasi ay malutong na ito, ayyy, kay ganda ng kanyang penmanship!  Tanda ko pa ang isang linya ng sulat... makita ko lamang ang bubungan ng inyong tahanan sa pagdaraan sa tapat nito, kahit hindi ka nakadungaw at di kita nasilayan, maligaya na ako. 
Kwento pa nito:  Nang sila (ang kasintahan) ay namatayan ng isang kamag-anak noon at sila ay dumalaw, patay na noon si 'Ebo, kinausap ko siya at sinabi kong nasa akin ang kanyang mga sulat.  Ipinangako kong ipakikita ang liham sa muling  pagdalaw niya sa namatay na kamag-anak.  Na ginawa ko naman.  Natuwa raw  ang dating kasintahan nang makita ang mga liham. 

Ang magkasintahang ito ay hindi nagkatuluyan.  Nagkaroon ng digmaan, World War II, naging sundalo ang lalaki, kalaunan, iba na ang naging kapalaran sa buhay.  Hindi na nag-asawa si 'Ebo.  Tapat siya sa kanyang sinumpaan.  Ngunit saksi kaming lahat na isa siyang masayahin ring dalaga na aming kinalakhan.  Alam namin ang kasaysayan ng kanyang pag-ibig.  Alam rin naming siya ay tunay na mahal ng kanyang kasintahan, kaya nga lamang, kung minsan, talagang ganoon ang buhay.  Siguro ngayon, magkasama na sila at maligaya.  Sa Dako Pa Roon.

Mag-a-alas-onse na ng gabi nang kami ay umalis sa lamay.  Dinatnan naming nagtatapos na rin ang katuwaan sa lumang bahay.  Matapos ang paalaman ay namahinga na kami para sa isang pulong ng magkakaiskwela sa high school na dadaluhan kinabukasan.

One day, isang araw...

Kalahating araw lamang kung tutuusin, ngunit parang napakaraming nangyari ng Sabadong iyon.  Lumang bahay.  Mga kabataang istudyante at Noli Me Tangere.  Balik-tanaw sa isang kinagisnang buhay.  Renewal ng pagsasamahan sa isang lamayan.  Reyunyon ng isang mag-anak.   Balik-alaala, dala ng mga lumang liham ng pagmamahal.

Masaya.  Tunay na masaya.  At makahulugan.

No comments:

Post a Comment