Friday, August 30, 2013

PEOPLE'S MARCH


Sa katatapos na naganap sa Rizal Park na sa tingin ko ay may ibinabadyang liwanag na hahawi sa karimlang nakalambong sa bansa bunga ng mga katiwaliang nangyayari, hindi ko naiwasang pagbalikan ang isang bahagi ng aking kwentong Isang Pook, Dalawang Panahon, na inilathala ko rito noong Pebrero 4, 2009.  Ito ang aking kwentong nagwagi noon sa Carlos Palanca Awards for Literature, 1989.

Ito ay ang liham ng isang anak sa kanyang ina:

NANAY, kay rami nang nangyari sa ating bayan. Wala na ang diktador. Lansag na ang barikada sa Mendiola. Maaari ka nang mamasyal sa Malacanang. Bago na ang gobyerno, iba na ang mga nagpapagalaw rito. Tagumpay ang pangulo sa plebisito at sa pambansang halalan ng mga senador at kinatawan. Ngunit kung minsan, Nanay, parang patuloy pa rin akong nawawalan ng pag-asa. Malimit ko tuloy maala-ala si Ronnie.

Sa kabilang dako, sabi naman ni Erwin, isang bagong kaibigan, umuulit lamang daw ang kasaysayan dahil ang mga tao’y hindi natututo sa aral nito. Ngunit naiiba raw ang mga Pilipino. Pagkatapos raw ng rebolusyon sa EDSA, hindi na tayo babalik sa ating pinagmulan. Oo, magkakaroon pa rin daw ng mga katiwalian sa pamahalaan. Mga nakawan sa kabang-yaman ng bayan. Mga pagdanak ng dugo sa labanan ng Pilipino sa kapwa Pilipino. Mga rally, demonstrasyon at protesta ng mga istudyante, manggagawa, magsasaka at taong-bayan. Ngunit ang lahat raw ng ito ay bahagi na lamang ng huling hakbang bago tayo lubusang makaahon. Natatanaw na raw ang liwanag. Huwag lamang tayong magpapabaya. Ay, Nanay, gusto kong makilala mo at makaharap si Erwin. Pagkatanggap mo ng sulat kong ito ay dalawin mo naman ako. Ha, Nanay? Tiyak na magkikita kayo ni Erwin. Madalas siya rito sa dormitoryo.


Marahil, ang naganap sa Rizal Park ay bahagi na ng huling hakbang.  Na nagigising na nga ang mga taong-bayan.  Ayaw nang maulit ang kasaysayan.  Baka natatanaw na nga ang liwanag.
 

No comments:

Post a Comment