Friday, December 27, 2013

Sa pagtatapos ng taong 2013, sa pagharap natin sa darating na taong 2014, habang sa ating pag-iisa, tayo ay nagninilay-nilay sa mga naganap sa ating buhay, sa mga naging pagkukulang, sadya man o hindi, sa mga tagumpay at pagkabigo, sa mga katanungang inihahanap ng kasagutan, nais kong anyayahan kayo na tunghayan ang sumusunod... 

INTROSPECTION

(Kababayan.  Kamag-aral.  Kaibigan.  Ganyan ang relasyon namin ni Evelyn L. Estrella-Sebastian sa loob ng maraming, maraming taon.  May common denominator kami:  ang hilig sa pagsusulat.)  Ang taong nagsabi at sumulat nito na siyang nagsaliksik ng mga artikulo tungkol sa Kundiman (Disyembre 2011) Balagtasan (Abril, 2012), Uyayi (Mayo, 2012) at Harana (Oktubre, 2012),  na nalathala dito sa aking blog ang siyang ikukuwento ko ngayon.

Ang kanyang tinig ay malakas, maliwanag, masigla, hindi kababakasan na ang nagsasalita ay may karamdaman.  Tinawagan niya ako sa celfone at natuwa ako nang makita ko ang kanyang pangalan sa screen.  Usapan na kasi sa klase namin, walang dalawan sa maysakit.  Prayer brigade lamang.  Higit na kailangan ang dasal.  Ang hindi pinag-usapan ngunit pinagkaintindihan naman naming dalawa ay siya ang tatawag.  Na ginagawa naman niya, pagpasok sa ospital na susundan ng tawag pagkalabas dito.  Labas-masok siya sa pagamutan mula noong Hulyo hanggang Nobyembre ng taong ito.

Sa simula ng kung ilang beses naming pag-uusap, lagi niyang ipinagpapauna na malinaw ang kanyang pag-iisip, alam niya ang kanyang sinasabi, walang delusions o alzheimer, at siya ay in full possession of his faculties.  Maayos ang kanyang pandinig, mga mata at panlasa.  Alam ko raw ba, gustung-gusto niyang kumain ng sinangag na may bawang, saka tuyo at saukang suka.  Na sinasagot ko namang naniniwala ako. Ewan lang kung napayagan siya ng doktor na may listahan ng dapat at dami ng kanyang dapat kainin.   Tuwing umagang pagkagising nga raw, routine na ang pag-check nila sa kanyang health.  Sabi nga niya, pakikiramdaman niya ang kanyang sarili, humihinga pa ba ako?  Sa kabila ng kanyang pagkakasakit, hindi nawawala ang kanyang sense of humor.

Mabuti ang kanyang pakiramdam sa ngayon, utang niya ito sa Itaas, kanyang wika.  Ngunit nakahanda na rin daw siya, anumang oras na siya ay tawagin, na ang Diyos lamang ang nakaaalam.  Marami raw siyang sasabihin sa akin.  Maraming-marami.  Tinatawag niya itong revelations. Wari ay tinig na malinaw niyang naririnig sa kanyang sarili.  Nasabi na rin niya ang ilan sa mga kasamahan niya sa simbahan, isa siyang relihiyosong tao na aktibo sa mga gawain dito.  Ngunit naghahanap pa raw siya ng conduit, iyon ang termino niya, na pagsasabihan ng mga dumadaan sa kanyang isipan.  Nang maalaala niya ako, dahil sa isang pangyayari.

Sa ospital, isang nurse o hospital aide marahil na laging umaasisti sa kanyang pangangailangan ang sa buong akala niya, ang pangalan ay Amor.  Kalaunan na lamang niya napag-alaman na ang talagang pangalan nito ay EstrellaAmor at Estrella, naisip niya.  Iisa lamang ito.  Ako nga ang naisip niya.  Sa muling pagtawag niya, kaniyang idinagdag na ang apelyido kong Sebastian ay patron sa kanilang baryo, na ipinaalaala sa kanya ng kanyang yumaong ama, sa isang pagninilay-nilay, marahil.  Ang lahat na ito ay pinagtagni-tagni niya sa iisang konklusyon.

Mahaba ang kanyang salaysay at medyo excited siya sa pagsasalita at ako naman ay gayundin sa pakikinig, na kahuli-hulihan, iilan lamang ang aking natandaan sa una naming pag-uusap.  Nagtapos kami ng balitaan sa pangakong tatawag siyang muli.  At nang dakong hapon, muli akong tumanggap ng tawag sa kanya.  Salamat sa isang kalapit na papel at ballpen, naisulat ko ang mga pinag-usapan namin na madali ko namang nasundan, dahil alam ko rin naman ito.  Ang pagkakaiba lamang marahil, alam ito ng aking isipan, kung paanong alam ito ng marami, ngunit sa kanya'y alam ito ng kanyang puso.

Forgive plus forget = love of God and neighbor – that's all, there is to it.  Magpatawad.  Kalimutan kung anuman ito.  Iyan ang sinabi niya na di ba naman alam nating lahat, ngunit sinusunod ba?  Iyon ang tanong.  At tatap niya ito ngayon na siya niyang nais iparating sa aming mga kaibigan niya.  At sa iba pa, marahil.  Magpatawad.  At lumimot.  Sapagkat paano mo masasabing nakapagpatawad ka na, kung hindi mo pa nalilimutan ang ginawang nakasakit sa iyo?  Magpatawad.  Madaling sabihin.  Ang mahirap ay lumimot.  Kapag ito ang ginawa o nagawa, maihahalintulad na ito sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.  Kaya ito ang dapat gawin.  Forgive plus forget equals love of God and neighbor.  That's all there is to it.
Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang
Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang
Tayong lahat ay may pananagutan sa isa't isa
Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling niya.

Lahat tayo ay may pananagutan, hindi lamang sa isa't isa, hindi lamang sa kapwa tao.  Alam ko raw ba, na kahit ang kaliit-liitang bagay sa mundo, ang kahit anong pinakawalang-kwentang bagay na winawalang-bahala natin, ang pinaka-karaniwang bagay na hindi pinapansin, ay may kabuluhan.  Halimbawa ay papel.  Suriin daw ang pinagmulan nito, kung paanong ilang tao ang kinailangan upang maging papel ito na gagamitin natin.  Ibig niyang sabihin, bigyan ng pagpapahalaga ang lahat – tao, bagay, halaman, hayop, lahat-lahat na, dahil ang mga ito ay lalang ng Maykapal.  Kasunod niyang binanggit ang isang commercial sa telebisyon kung saan kumakain ng hamburger ang wari ay magkapatid na lalaki na ang isa ay may Downs syndrome.  Dama niya ang ipinaaabot na mensahe nito: pagpapahalaga.

Fear not, huwag daw matakot, ang kanyang wika.  Iyan ang sabi sa atin, for I will be with you till the end of time.  Ito ang pangako sa atin.  And He will not renege (niliwanag pa niya, binaybay pa, r-e-n-e-g-e) in His promise.  Isinunod pa niya, ask and you shall receive... At sumagot ako, oo, alam ko iyan... seek and you shall find, knock and it shall be opened unto you.  Naalaala pa niya si Pedro na pinalakad na at nakalakad na sa ibabaw ng tubig, ngunit dahil sa takot ay lumubog.  Huwag matakot.  Manalig.  Iyon ang kulang sa atin ngayon.  We of little faith, kaya nadadaig ng takot.  Naalala pa rin niya ang isang painting ni Goya na nakita niya sa isang museum sa Madrid, Spain noon.  Ang Lagrimas de San Pedro.  Hindi niya malimutan ang luha sa mga mata nito na wari ay tunay na tutulo sa pisngi, sa nadaramang damdamin, matinding pagsisisi sa ginawang pagtatatuwa kay Hesus.


Sa kinaroroonan niyang ospital ay may isang orderly na ang pangalan ay Justin na kapangalan pa ng anak ng kasambahay.  Sa bawat pangangailangan niya, laging naroon si Justin, wari ay nakaabang sa pagtulong sa kanya.  Kaya nang minsang nabanggit sa kanya na kaarawan nito, nalugod siyang abutan ito ng makakayanan niya. Naisip niya, sabi nga ni Lord, anumang bagay na ibinigay mo, to the least of your brethren, you did to me. Hindi niya malimutan ang araw ng kanyang check-out kung saan mabilis na naayos ang kaniyang mga papeles dahil sa pag-aasikaso nito.  Nasa ikaanim na palapag siya ngunit agad siyang naikuha ni Justin ng kaisa-isang carousel ng ospital para sa kaniyang mga gamit.  At sa kaniyang pagbabalik for check-up, kaagad niya itong nakita, agad na bumating “sir, narito ako.”  Na para bang talaga siyang inaabangan upang matulungan.  Sa kanyang kaibuturan, tanto niyang si Justin ang kanyang guardian angel, isang warrior angel.  Sa kanyang balintataw habang nagninilay-nilay, maliwanag ang larawan nito na wari ay kawangis pa ng arkangel Gabriel, may matipunong pangangatawan at mapuputing pakpak.  Sa ospital raw, ang dami-daming angel.  At lagi, kasama rito si Justin.

May isa ring hospital aide na ang pangalan ay JC. Itong si JC, katulad ni Justin ay parang laging naroroon din kapag may pangangailangan siya.   Si JC ang nag-asikaso sa kanya sa isang medical procedure.  Na nang matapos at kailangang tanggalin ay muling naroon upang gawin ito.  Tunay na ang mga taong tumutulong sa mga nangangailangan ay ang mga anghel sa ating buhay.  They are always there, at the right time, at the right place.  Sa ating buhay, marami tayong nakakasalamuhang ganito.  Sila ang ating mga anghel.   Naalaala rin niya ang makulit na anak ng isang pinsan, si Agnes.  Si Agnes ay walang tigil nang pagpapadala sa kanya ng mga inspirational messages sa text.   Nang kalaunan, sumilid sa kanyang isip si Saint Agnes at naikonekta niya ang pamangkin rito.  Ang pangalang Agnes ay malapit sa Agnus Dei ng Liturhiya sa misa.  Lamb of God, you take away the sins of the world, have mercy on us.  Kasunod din niyang naisip ang Good Shepherd, na karaniwang inilalarawan na may pasang tupa sa balikat, ang Good Shepherd na hindi tumigil sa paghahanap sa nawawalang tupa.  Matapos na maisip niya ang lahat ng ito, hindi na niya pinagtakhan na tuluyang huminto sa pagpapadala ng text ang pamangkin sa kanya.  Wari, ito ay isa lamang pagpapaalala sa kanya ng kung ano ang tunay na mahalaga sa buhay at sa mata ng Panginoon.  Kakawing nang naalaala niya ang The True Vine. 

Nabanggit niya ang isang awit ni Tom Jones, ang My Elusive Dream.  Pamilyar ako sa melody nito, ngunit hindi sa lyrics, kaya hinanap ko pa at binasa, tiningnan kung ano ang nais niyang sabihin.  Tungkol pala ito sa pagtungo sa kung saan-saang lugar, sa paghahanap sa katuparan ng mga pangarap – mga elusive dreams and schemes, na sa katotohanan ay mga fleeting things lamang.  Na wari ay inihahalintulad niya sa kanyang sariling buhay.  Habol ay pera at kaginhawahan.  Binigyan nga tayo ng Maykapal ng sariling pagpapasiyang pumili ng mga gagawing hakbang para sa sarili, God gives us choices, ngunit alam ko raw ba kung ilang taon ang ginugol niya bago siya nagtapos ng kolehiyo?  Panahong inaksaya niya?  Manila beckoned, sabi niya.  Nabanggit pa niya how we will account for every second we wasted...

Ngayon, alam na niya kung paanong ang hinahanap niya noon ay nasa kanyang tabi lamang pala.  Ang mga mata ay para makakita.  Mga taong kasama, katulong sa bawat sandali, na hindi niya napahalagahan, minsan isang panahon.  O pinahahalagahan man ay hindi naman naipaaalam rito.  Inakala na lamang na alam na nito, kahit hindi niya isinatinig o ikinilos.  Unang-una na rito ang kanyang butihing maybahay.  Na karamay sa lahat ng pinagdaanang hirap at pagsubok sa buhay.  Ang mga mata ay para makakita.  At ngayon, natanto na niya ang naging pagkukulang.  Buong pusong pinahahalagahan na niya ang taong ito sa kanyang buhay.  Itinanong ko tuloy, sinabi mo ba naman sa kanya?  Ipinagtapat mo kung gaano mo siya pinahahalagahan?  Sagot naman niya ay oo, sinabi niya.  Bukas na ang komunikasyon.  Ipinaalaala tuloy niya ang isa kong kwento dito sa blog, tungkol sa kung gaanong porsiyento ng pagmamahal ang dapat iukol sa isang kasintahan o asawa.  Tulad ng aking kwento, isa lang ang sagot, aniya.  Tunay na sandaang porsiyento.  Ang pagmamahal ay hindi hinahati ng numero, singkwenta lang ang ibibigay ko, ang singkwenta ay itatabi ko para sa sarili.  Ang pagmamahal sa asawa, sa pamilya, sa kaibigan, sa kapwa tao ay kailangang lubos.  Sandaang porsiyento.  Ganoon tayo kamahal ng Diyos na ibinigay ang sariling anak para sa ating katubusan.

Binanggit rin niya kaming mga itinuturing niyang malapit na kaibigan.  Mapapalad raw kami sa aming mga pamilya.  Partikular niyang sinabi ang pangalan ng isa, na sa kanyang sariling salita, has the purest heart, she who suffered the most in life, among us.  Sapagkat sa pinagdaanang hirap, ang katauhan nito ay waring nilinang na.  Idinugtong pa niya, sa isang muling pagtawag, na may habilin siya sa amin, ngunit sa kanyang maybahay na lamang niya sasabihin at ito na ang magsasabi sa amin.

Pangarap ng Diyos, aniya, ay makapiling ang lahat.  Makasama bawat isa.  Para sa kanya, para sa lahat, darating ang panahon, Diyos lamang ang nakaaalam.  Siya naman, aniya, ay nakahanda na.  Walang takot, walang pagkabakla.

Pamaskong mensahe sa kanyang sinasabing rebelasyon ay ito:

Ang puso ay para magmahal.
Ang mga mata ay para makakita.
Ang tainga ay para makarinig.
Narito tayo para magdasal at magpasalamat.




3 comments:

  1. Eve:

    Wala akong makuhang salita upang maisiwalat ko ang tunay kong nararamdaman ngayon, pagkatapos kong basahin ang article mo.

    Lungkot, saya, pagsisisi, panghihinayang, iba't ibang pakiramdam.

    Malalim ang pinagmulan ng salayasay mo. At mula sa isang kaibigan, kilala ko kung sino ang tinutukoy mo na kaibigan, talagang na "touch" ako.

    Patuloy ang dalangin ko na sana lumakas pa siya, gumaling at manatiling isang buhay na inspirasyon sa marami. Mahal ko siya tulad ng isang kapatid. God bless him. God bless us all.

    Ruby

    ReplyDelete
  2. Dear Ma'am Eve,
    Habang binabasa ko itong kwentong Ito ay di ko mapigilan ang di mapaluha. Sadyang na antig ang aking puso. Tunay ngang ang lahat nang binanggit niya ay alam na nating lahat, subalit ito'y hindi binibigyan ng halaga. Napag-isip isip ko na ako rin ay guilty sa pagwawalang bahala.
    Salamat sa kwento at ako'y napaalalahan.
    Sadyang totoo yung sinasabi na - everything you know you learned in kindergarten. Wag tayong makakalimot.
    Musta sa Inyong dalawa ni AS!
    Debbie

    ReplyDelete
  3. Labis akong na touch sa isinulat mo tungkol sa ating kaibigan. Naisip ko, sana ay malapit ako sa kanya para madalas ko siyang makausap, para maipadama ko ang aking mataos na pagmamahal sa isang napakabuting kaibigan. Nalungkot ako dahil hindi ko nagampanan ang aking tungkulin bilang kaibigan. Ang tangi ong naibahagi ay ang mataos kong pagdarasal na sana ay gumaling na siya, na hangga ngayon ay ginagawa ko. At natuwa ako sa balita mo na umiigi na siya, nakakapaglakad sa labas ng bahay at nakakasimba na rin. Kay buti ng ating Panginoon.
    Sana ay tuloy tuloy na.

    Kailangan pa natin ang isang kaibigan na tulad niyaa na nakapagbigay ng inspirasyon, na nakakapagpasaya at alam ko, mahal na mahal natin siya.

    ReplyDelete