Tuesday, December 3, 2013

PASKO, ISANG MAGANDANG PANGYAYARI


MAKABUBUTI marahil para sa mga bata na sa Malolos tayo magpalipas ng darating na Pasko.  Sapagkat ang Pasko ay isa ring uri ng paglingon sa nakaraan.  Pagbabalik sa pinagmulan.  Nais kong madama nila ang iyong nadama sa gitna ng kapaligirang iyong nilakhan.  Kung panahon ng Kapaskuhan. 

Nang ito'y sabihin ni Cristina ay malayo pa ang Pasko.  Katapusan lamang ng Setyembre.  Kagagaling nila sa isang dinaluhang cocktail party at ipinaparada niya ang kotse sa harap ng isang kainan sa may Makati Avenue.

Marahil ay tama ang kanyang asawa.  Malalaki na ang kanilang anak.  Anim na taon na si Carol.  Apat na si Ron.  At ano ang uri ng mga Pasko nito? 


Isang matangkad, mabilog ang tiyan, mapula ang pisngi at mahaba ang balbas na Santa Claus na bumababa sa eroplano at tumatawa ng ho ho ho.  Pasadyang maluluwang at mahahabang medyas na isinasabit sa ulunan ng mga kama kung gabi ng bisperas ng Pasko.  Magagandang manika, walking doll, talking doll, pop car, na hindi kasya sa mga inihandang medyas, pagkagising sa umaga.  Hamon, keso de bola, fruit cake, chocolate,  perang aginaldo buhat sa ninong na executive.  At sa unang araw ng linggo, makalipas ang Pasko, magbibihis nang maganda at sasakay sa kotse, uuwi sa Malolos at hahalik ng kamay sa mga lolo at lola, ang mga magulang niya.

Ganoon ang Paskong kinalakhan nina Carol at Ron.  At sa hindi niya malamang sanhi, iyon ay nais baguhin ni Cristina.

Hindi naman sa nais kong baguhin,
tutol ni Cristina.  Nais ko lamang na malaman nila na mayroon pang ibang uri ng Pasko na hindi umiikot sa Christmas tree at magagandang regalo.

Marunong silang magbigay ng mga laruan sa share-a-toy.  Sa eskuwela ay sumasali sila sa mga newspaper drive for Christmas charity.  Nakikita nila ang pagbibigay natin ng regalo sa ating mga kaibigan, kaanak, katulong sa bahay.  Alam din nila ang magbigay, di lamang ang tumanggap, kung ito ang ibig mong sabihin.  Isa pa'y di ba ganyan din ang kinalakhan mong Pasko, Cristina?
Tumawa si Cristina.  Tama ka.  Sa una at sa ikalawa.  Ganoon ang uri ng aking  Pasko kaya marahil ganoon din ang Paskong ibinibigay at ipinamumulat ko sa kanila.  Pero ayaw mo bang madama nila ang Pasko ng iyong kamusmusan?  


Sa Malolos.  Ang mga simbang-gabi sa nanunuot na lamig ng madaling-araw.  Ang bibingkahan sa may kanto ng Zulueta at Paseo F. Estrella.  Ang kalamay latik at suman sa ibos at lihiya na gawa ng iyong Nana Tuyang.  Ang singko at diyes na aginaldo ng matatandang kamag-anak na papanaog ka na sa hagdan ay sige pa rin sa pangangaral.  

May isang panahong ikinukwento mo sa akin iyon.  At maliwanag kong nadama sa iyong tinig ang iyong pangungulila.  Bakit hindi tayo roon magpalipas ng darating na Pasko.  Mayroong mga bagay na napagbabalikan.

Si Cristina, ang kanyang asawa.  Ang maganda, matalino, anak-mayamang si Cristina na nakilala at nakaisang-palad niya sa Amerika.  Mayroong mga bagay na napagbabalikan, ang ulit niya.  Cristina, alam mo bang ikaw ay isang makata.

Nalunod sa tawa ni Cristina ang kasunod niyang sinabi.  At mayroong mga bagay na hindi.

Si Celia at ang kanilang barkada ay ang Pasko sa Malolos na hindi niya mapagbabalikan.  Na minsan na niyang pinagbalikan ay hindi pa rin niya natagpuan.  Dahil... dahil hindi siya tinanggap.


MULA sa durungawan ng kanyang dating silid sa ikalawang palapag ng kanilang malaki at lumang tahanan sa Malolos, ay abot-tanaw ni Roman, sa kabila ng kadiliman ng paligid, ang atip na yero ng bahay nina Celia.  Dati, ito ay pawid.  Sa tanglaw ng isang naiilawang parol ay nakikita pa rin ang isang bahagi ng balkon at ng hagdanang tabla.  Dati ay kawayang buo, makintab, pinakintab ng basahan at pinadulas ng dahong-saging.  At siyanga pala, nakatulong rin sa pagpapakintab ang malimit nilang pag-upu-upo sa hagdanang iyon nina Celia,  At ang hagdanang iyon ni Celia ang naging saksi ng kanilang kauna unahang pagsasanay ng mga awiting pamasko na balak nilang kantahin sa pananapatan.

Hindi kaya nakakahiya,
tanong ni Celia.

Hu, ashamed pa raw,
kantiyaw ni Lito.  Meron ba tayo niyan.

Mainit kaagad si Celia.  Ako, meron.  Ewan ko ikaw.
 

Siya ang naging referee.  Walang mangyayari kung mag-aaway-away tayo.  Ang kailangan nati'y practice.
 

Kumamot sa ulo si Nestor.  Alam mo Roman, hindi uso rito sa atin 'yang karo- karoling.  Baka blankahin lang tayo.

Siyanga naman,
ayunan nina Ernie at Lito.

Hina naman ninyo. 
Mainit na rin ang pasok niya.  Kaya nga iuuso natin e.  Magkakapera pa tayo.  Sabi ng Ninong ko, sige, magkaroling kayo sa amin, bibigyan ko kayo ng piso.  Mantak mo yung piso.  Isang jingle bells lamang.


Isang kanta, piso!  At nang panahong iyon ng diyes na pampalamig at  sitenta'y singkong round trip na pamasahe para Malolos-Monumento-Malolos, ang piso ay piso.  Isang jingle bells lang, aba!

At sila nga ay nagkaroling.  Ang dala niya ay ukulele,  iyon ang uso noon.  Si Nestor ay isang basyo ng dram ng gasolina, bom bom bom.  Si Ernie ay triyanggulong bakal, bating ting ting, na kung bakit nasisintunado pa ay para tinatapik-tapik lamang naman ng pakong de tres.  Talaga, si Ernie.  At si Lito, ba't laging pumipiyok. 

Marami silang narinig sa unang gabi ng kanilang pananapatan.  Ang tanong na para saan ba iyan ay hindi nila sinasagot.  Na wari bagang hindi nila narinig.  Sa halip, tuloy pa rin at lalo pa nilang ipinaglalakasan ang pag-awit.  Ang Pasko ay sumapit, tayo ay mangagsiawit ng magagandang himig dahil sa ang Diyos ay pag-ibig...  


Mayroon namang pumupuri.  Aba, mainam itong naisipan ninyo.  Masaya.  Dalawang piso ang ibinigay sa kanila.  Naku, ang tigas nilang kapapasalamat.  Maligayang Pasko sa inyo.  Merry Christmas.  Pagpalain kayo ng Diyos.  Si Lito, ang galing mang-uuto.

Sa hagdanang kawayan nina Celia nila binibilang ang kanilang napanapatan.  Ang gutal ay ibinibili nila ng bibingka sa tindahang nasa kanto ng Zulueta.  At pansit sa Panciteria Mabuhay sa bayan.  At kainan na silang umaatikabo.  At pagkakain, saka sila kakanta ng mga awiting pamasko na para sa kanilang sarili lamang. 

Siya.  You're all I want for Chrismas.  All I want my whole life through, Each day is just like Christmas, everytime that I'm with you.  You're all I want for Christmas...
 

Ang maputing pisngi ni Celia ay alam niyang mamumula kahit hindi niya ito nakikita sapagkat napakalalayo, kahit napakalalaki ang mga bituin kung Disyembre.  Ang mahabang buhok nito na laging naka-ponytail ay paglalaru- laruan ng mga kamay, ang dulo'y kakagatin.  Yuyuko si Celia at sisipatin ang mga paa.  Habang patuloy siya sa pag-awit.  And I'll awake one Christmas morning and find my stocking filled with you.

Iyon ang Pasko ng kanilang kauna-unahang pagkakaroling.  At iyon din ang kauna-unahang Pasko ng kanilang pagiging magsteady ni Celia.  Kapwa sila nasa ikatlong baitang sa high school.

Ano nga ang gusto mong Christmas gift, Celia?  tanong niya.

Tumingala si Celia.  Nag-isip.  At nananabik siyang naghintay.  Ano nga kaya ang gusto ni Celia.  Panyolito?  Pero masama raw ang magregalo ng panyolito.  Pamahid ng luha.  Rosaryo?   Belo?  Lalo raw masama, basta religious article.  Magkakasira raw ang magkasintahan.  Ano nga kaya?

Saka niya napansin.  Kumakanta si Celia.  Mahina lamang.  Parang sa kanya lamang ipinaririnig.  You're all I want for Christmas.  All I want my whole through...

At ang kanyang pusong umiibig ay nangako.  Iyong-iyo lamang, Celia.  Kung paanong ikaw ay para sa akin lamang, ako'y para sa iyo.

Hanggang kailan,
nanunukso ang tinig ni Celia.

Taimtim na taimtim ang kanyang sagot.  Forever, Celia, forever.

Naging pormal na rin si Celia.  Ako rin, Roman, forever. Hanggang kamatayan.

At totoo ang sinabi ni Celia.  Siya lamang ang naging pag-ibig nito hangang ito'y bawian ng buhay.  Namatay si Celia na isang dalaga, halos labing-anim na taon matapos bigkasin sa kanya ang pangako.  Forever. Magpakailanman.  Hanggang kamatayan. 

Samantalang siya, si Roman, ang kanyang pangako ay tumagal lamang hanggang ikatlong taon ng kanyang pag-aaral sa Maynila.  Nakalimutan na niya ang naiwang si Celia.  Ang barkada.  Ang Malolos.  Noon. Ni hindi naging mahalaga para sa kanya na kalasin ang taling bumibigkis sa pag-iibigan nila ni Celia.  


A, naisip niya, mauunawan na ni Celia ang lahat.  Nagbabago ang damdamin ng tao.  Lalo't higit ang mga katulad niyang nakapag-aral, nakapaglakbay, nakarating sa pangarap na itaas, tinitingala.  Katangi-tanging dalaga si Celia... ngunit...

Noon nagsimula ang lamat sa pagsasamahan ng kanilang barkada.  Na nadama niya sa malamig na pakikitungo sa paminsan-minsan niyang pag-uwi. Na ipinagkibit lamang niya ng balikat.  Ngunit lamat na naging guwang na likha ng kamatayan ni Celia.  Kamatayang hindi niya naipagwalang bahala.  Kamatayang waring naging isang sumpa sa kanya.  Isang masidhing pagnanasa na makabalik.  Nag-udyok na makauwi.  Makita ang mga dating kaibigan.  Madama ang mga bating dunggol ng kamao sa bisig o tiyan.  Marinig na muli ang mga pagpapapatawang hindi kumukupas,  ang dating kantiyawan.

Tatanggapin ka nila, sabi ni Cristina, ang kanyang asawa.  Ang pakikipagsira sa isang dating kasintahan ay hindi isang napakalaking kasalanan na dapat nilang gawing dahilan upang tanggihan ang muli mong pakikipaglapit.
 

Ngunit bigo ang kanyang pagbabalik.  Kasinlamig ng ulang pumatak at naging sanhi ng paghihiwa-hiwalay sa pagbabantay sa puntod ni Celia, ang katahimikang ipinasalubong sa kanya ng mga dating kaibigan.

Inaabot ko sila'y lalo lamang silang lumalayo.  Tinitikis nila ako, nanlulumong wika niya sa asawa.

Dinamdam nila ang ginawa mong paglayo sa kanila.  Kay Celia.  Umunawa ang tinig ni Cristina.

Hindi ko layuning ibalik ang nakaraan, Cristina.  Ang nais ko lamang ay ang huwag nila akong iwasan kapag nasasalubong nila ako sa daan.  Na ang inaalok kong sigarilyo ay aabutin nila.  Na hindi magmamadali sa pakikipag-usap sa akin na para bang sila'y napapaso. Na hindi na mangangawit ang kanilang mga labi sa pagngiti dahil ayaw nilang magsalita.

Ang pagsasamahan ng mga magkakaibigan na iginupo ng panahon at pangyayari ay hindi naibabalik sa kisap ng isang mata.  Ang kailangan mo ay panahon.  Upang maipakita mo at mapag-isip naman nila na talagang tapat sa loob mo ang iyong ginagawa.

Saka niya naisip.  Panahon. O isang okasyon.  Pasko.

 

AT UMUWI siya ilang araw bago sumapit ang Pasko.  Sa isang wari ay di sinasadyang pagkadaan sa harap ng bahay nina Nestor, nabanggit niya.  "Bakit di tayo magkaroling.  Tulad noong araw.  Ang pera ay iabuloy natin sa samahan ng mga kabataan dito sa atin." 

Tatawa tawang umiling si Nestor.  "Matatanda na tayo, Roman."

Siya ay muling nabigo.  Hindi na niya muling tinangkang bumalik.  Kailangan na niyang tanggapin, ang Pasko sa Malolos ay ang araw na lamang ng pagdalaw nilang mag-anak sa matatanda niyang mga magulang.   Iba na, malayo na ang kanyang Pasko sa Pasko ng kanyang mga kaibigan.  Hindi na muling magkakasama-sama ang barkadang hinahatinggabi sa pakakaroling kung Pasko.  Ang barkadang walang tigil nang kapapraktis sa hagdanan nina Celia.  Ang kaliweteng dram at sintunadong batingting.  Ang mga pumipiyok na tinig.  Ang pumipiyok na...

ANG PASKO AY SUMAPIT, TAYO AY MANGAGSIAWIT... kilala niya ang mga tinig na iyon.. kilala niya...

...DAHIL SA'NG DIYOS AY PAG-IBIG... sina Nestor iyon, sina Nestor 'yong talaga...

MAY TATLONG HARING NAGSIDALAW...  at si Lito... si Ernie... boses ni Delia 'yon...
 

BAGONG TAON AY MAGBAGONG BUHAY, NANG LUMIGAYA ANG ATIN BAYAN...

“Roman...”

Lumingon si Roman.  Nakatayo sa may pinto ng silid, nakangiti si Cristina.  Lumapit siya.  “Mayroong mga nagkakaroling sa ibaba, Roman.  Para sa uniporme ng basketball team ng club dito.  Sila raw ang magdidikta kung magkano ang ibibigay mo, pero pwede pa raw tumawad kung sasama ka sa kanila.”

“Sina Nestor!”  ang galak ay hindi niya naikubli.

“Sila nga.  At marami pang iba.  Napakiusapan raw sila ng panguluhan ngayon dito na samahan sa pagkakaroling sa iyo, dahil kayo raw nina Nestor ay dating barkada.”

“At pumayag sila.  Sumama sila.  Pumunta sila sa akin.  Cristina...”  Mahigpit na niyakap ni Roman ang asawa.

“Maligayang Pasko, Roman,”  nakatawang nagwala si Cristina sa bisig ng asawa.

Ngunit lalong humigpit ang pagkakayapos ni Roman.  Na bumubulong.  “Bakit mo ako niyayang magpasko dito sa Malolos, Cristina?”

Tumatawa si Cristina.  “Dahil sa mga bata, ano pa.  Makaranas sila ng ibang Pasko.”

“Try again, Cristina.”

Huminto sa pagwawala si Cristina at ang mukha ay isinubsob sa dibdib ng asawa.  “Mahal na mahal kita,  Roman.  Nais kong maging maligaya ka.  Makabalik ka sa kanila.  At ang magagawa ko lamang ay ang ibigay ang pagkakataon na muli kayong magkita-kita.  Kaya kita niyayang umuwi.  Maraming magagandang bagay ang nangyayari kung kapaskuhan.  At nanalig akong sana, ang maganda ay mangyari sa iyo ngayon.  Nangyayari na nga, Roman.  Nangyayari na.”

A... Cristina.

Liwayway, Disyembre 20, 1971

3 comments:

  1. Napakagandang Pasko ang ibinigay ni Cristina kay Roman. Sana, marami pang mga "Cristina" sa mundo, para marami ring "Roman" ang magiging masaya.

    Napakaganda ng kwento mo, Eve. Tumagos sa puso ko. At may nasaling ng mga gunita ng aking kabataan sa Sta. Isabel, ang aking kinalakihan. Maraming magagandang alaala.
    Salamat. Hihintayin ko ang mga kasunod na kwneto nina elia, Cristina at Roman.

    ReplyDelete
  2. Nalungkot ako para kay Celia. Dinala niya ang kanyang pagibig hanggang libingan.

    At napbuti ng kalooban ng asawa ni Roman, si Cristina para maunawaan niya ang nakaraan ng kanyang asawa.

    Eve, dalwang kwento na umikot sa katauhan nina Celia, Cristina at Roman.

    Hindo naman ako nagtataka, talagang mahusay kang magsulat.

    Matanog ko lang. Hango ba ito sa tunay na buhay?

    ReplyDelete
  3. Dec 28, tatlong araw pagkalipas ng Pasko. Binalikan at binasa kong muli ang kwento ni Celia, Roamn at Cristina, along tumindi ang dating sa akin.

    Oo nga, dapat, kapag Pasko, ipinadarama ang pagibig, ang pagmamahal, at ibiniay iyan ni Cristina kay Roman. Dahil ganuon niya ito kamahal.

    I am an incurable romantic, sabi nga ni Net. Hindi pa rin ako nagbabago pagdating sa punto ng pagibig. Ang suerte ni Roman kay Cristina.

    Ruby

    ReplyDelete