Tuesday, December 3, 2013

NOBYEMBRE 1 – TIPAN SA KAHAPON
 

GALING siya sa Davao mula sa isang dinaluhang komperensiya nang datnan niya sa kanilang bahay ang isang pabalita buhat sa Malolos.  Patay na si Celia.

“Sino si Celia?”  tanong ng kanyang asawa.

“Isang kababata,”  kanyang sagot.

“'Lang?  O higit pa?” ang muling tanong kasabay ang pagtutop ng mga daliri sa kanyang labi.  “Kung ayaw mong sabihin, huwag.”

Ang mga daliri ay hinagkan niya.  “Higit pa, may isang panahon.”  At siya ay nagtapat.  Saka nagpasiya.  “Uuwi ako sa Undas. Dadalawin ko ang kanyang libingan... at ang dati naming barkada.”

Nagpasiya rin ang kanyang asawa.  “Hindi ako sasama.”

“Bakit? ” tanong niya.

“Sapagkat ang iyong pag-uwi ay isang uri ng pagbabalik sa nakaraan.  Isang pakikipagtipan sa kahapon.  Makabubuting ako'y wala.”

Lagi na, ang kanyang asawa ay may sariling paraan ng pagsasalita at pagpili ng mga angkop na salita upang maliwanag na mailarawan ang isang pangyayari, ang isang naisasaloob.  Araw ng Undas.  Pakikipagtipan sa nakaraan.  “Sana'y makabalik ako.”

“Makababalik ka.  Tatanggapin ka nila,”  ang wika nito.

At siya nga ay umuwi.  Sakay ng kanyang kotse.

“Matrapik sa pantiyon,” sabi ng kanyang ina.  'Wag mo nang dalhin ang oto mo.”

“Maraming traysikel.” sambot ng kanyang ama.  “Treinta lang.”

Sa isang traysikel sumakay si Roman.  “Sa Mabolo,” kanyang sabi.

Inihuhudyat ng malaking kampana ang ikaanim ng hapon nang magdaan ang traysikel sa likod ng katedral.  Sa Malolos ang oras na ito ang kasikipan sa mga lansangang patungo sa pantiyon.  Lalo na sa Mabolo sapagkat ito ang pambayang libingan.


Sa lansangang patungo sa pamilihang-bayan, hugos ang mga tao.  Ang mga pauwi ay may bitbit na mga maseterang kinatatamnan ng palmera, mga plorerang kinasusuksukan ng mga bulaklak na plastik, mga gamit, nangangalahating kandila.  Ang mga papunta pa lamang ay sumusugod, nagmamadali, magaganda pa ang mga bihis, ang mga bata ay tuwid pang magsilakad.  Ang mga kasalubong nito ay lapot na sa pawis.  At nagsisiika sa paltos na tinamo ng mga paang di gaanong sanay sa pagsasapatos o sanay man ay lubha namang nahirapan sa walang lubay na kalilibot, kapapasyal sa loob ng pantiyon.  Ng lahat ng pantiyon.

Si Celia.  Napabuntung-hininga si Roman.  Malalim.  May isang panahon, naisip niya, na siya at si Celia, saka ang barkada nilang sina Nestor, Delia, Lito at Ernie ay naging bahagi ng sangkatauhang iyon na yao't dito sa lansangan, galing sa paglilibot sa mga pantiyon.  Una muna sa pantiyon sa Tubigan, ang libingang katoliko.  Magaganda ang mga nitso rito.  Malalaki.  Mayroon pang mga nakapalamuting anghel sa ibabaw.  Naggagandahan ang mga alay na bulaklak.  Mga calla lilies.  Babies breath.  Gladioli.  At ang mga ilaw, di siyento yatang lahat. 

At sa loob ng pantiyong ito ay iikot sila nang minsan, makalawa, makikipagkuwentuhan nang bahagya kapag may nakasalubong na kakilala at pagdating sa labasan, mangangantiyaw si Celia at sesegunahan naman ni Delia.  Anong sarap siguro ang kumukukot ng mani habang naglalakad.  Siya, si Roman ang bibili ng mani.  Sa kanilang barkada, siya na ang pinakanakaaangat sa buhay.  At isa pa'y may lihim siyang pagtatangi kay Celia.

Sa paglalakad, magkakaagapay sila nina Celia at Delia.  Sa unahan.  Sa likuran naman ay sumusunod sina Nestor, Lito at Ernie.  Tutuwirin nila ang lansangan sa Tubigan, lalabas sa may panulukan na kinatatayuan ng panaderyang may tindang masarap na enseymada.  Si Delia naman ang mangangantiyaw at si Celia naman ang sesegunda.  Para bang gusto naming kumain ng aruro.  Hindi pala, baka  tayo mabulunan, kailangan pa ng panulak, lalaki ang gastos.  Mamon tustado na lang.

Uungol si Nestor.  Na lang.  Wala bang mas mahal pa roon.

Lalabi si Delia.  Aba, sosayti yata ito.

Sa likuran, mag-aanasan sina Ernie at Lito.  Sosayting bangus?
Di kasi namang bibili rin si Nestor ng mamon tustado.  At lakad, kagat sa tinapay ang kanilang gagawin sa gitna ng kasiyahan ng dalawang babae at sa panunukso ni Lito.  Sa dami nang nakain, tagilid na ang karsada.  Tigil na't ke pupula na ng hasang ninyo.

Pagkatapos ng mabagal, hinay-hinay na paglalakad, na paminsan minsan ay naaabala ng paghinto sa gitna ng lansangan dahil may nakasalubong na kakilala ay mararating din nila, sa wakas ang pantiyon sa Mabolo.

“Treinta ho.”  Nakagitla kay Roman ang tinig ng drayber ng traysikel.

“Dito na lang ba?”  Tinanaw ni Roman ang palligid.  Kabababa lamang nila ng tulay ng San Vicente.  Sa unahan niya ay hindi kumikilos ang mga sasakyan.  Dyipni, kotse, traysikel.  At sa pagitan ng mga ito, mga taong nagsisiksikan, may papunta, may pauwi.

Bumaba si Roman at nagbayad.  Nakisingit siya sa mga tao.  Nakipagngitian, nakipagkawayan sa mga kakilalang nakasalubong ngunit hindi siya humihinto.  Gusto niyang makarating na kaagad sa pantiyon, kay Celia.

Maganda si Celia.  Maputi.  Mahaba ang buhok na laging naka-ponytail.  Ang kinis ng binti ni Celia.  At sa kanilang pook, maging sa high school, maraming may crush kay Celia.  At natakot siya.  Kinabahan.  Kaya nang idaos ang Juniors Prom na ginanap sa may dating gloryeta, sa liwasang nasa likod ng kapitolyo ng Bulacan, habang nagsasayaw sila ni Celia, isang balse, The Loveliest Night of the Year ay bumulong siya kay Celia.  Nanlalamig ang kanyang mga kamay.  Kumikinig ang kanyang mga tuhod.  Nagkakapatid ang kanyang mga paa.  Celia.  At pumiyok pa siya.

Kayganda ni Celia.  Kulay murang rosas na ballerina ang suot na damit nito na ang laylayan ay abot hanggang kalagitnaan ng binti.

Ano ba.  Natapakan mo na 'ko.

Umakyat ang dugo sa kanyang ulo.  Nag-init ang kanyang mukha.  Nawawala ako sa tiyempo. bulong niya.

Sumagot si Celia, pabulong din.  Sayang naman iyong praktis natin kina Delia.  Waltz lang ito.  Di lalo na kung boogie.

Hindi siya sumagot.  Kinabig niya ang katawan ni Celia, palapit sa kanya.

Diniinan ni Celia ang kanyang balikat.  Ano ba, Roman.  Walang denggoyan.

Ngunit higit siyang malakas kay Celia.  Hindi man sinasadya, sa isang pag-ikot, sa kanyang paghapit, nawalan ito ng panimbang, napayakap sa kanya.  At mabilis siyang bumulong.  Celia,  Celia,  I love you.
Hindi siya tuwirang sinagot ni Celia.  Ngunit kailangan pa ba?  Tuwing Biyernes ng hapon, pagkatapos ng aral sa high school, sabay-sabay silang umuuwi ng barkada, naglalakad.  Habang nanunulay sa riles sina Nestor, maitim ang buto kapag nahulog ang tuksuhan, sila ni Celia ay nasa dakong hulihan, nagkukuwentuhan. 

Pagdating nila ng tindahan sa pagbaba ng tulay ng Carmon, bibili sila ng mapapangos na tubo, unahang makatapos o palayuan ng buga sa pinagpangusan o paberdihan ng iluluwa.  At kung nakikita niyang hindi makagat ni Celia ang matigas na buko ng tubo, nagpiprisinta siya.  Ako na, Cel...  at papayag naman ito.  Kailangan pa bang sagutin siya nang tuwiran?

Ang buong barkada ay nakatapos ng high school at sa gabi ng gradwasyon, sila lamang ni Nestor ang nakatitiyak ng pagluwas at pag-aaral sa Maynila.  Malungkot si Celia.  At ang kanyang pusong umiibig ay nangako.  Hintayin mo ako, Cel.  Pagkatapos kong mag-aral, babalik ako rito sa atin.

Hindi tumitingin si Celia sa kanya.  Maraming magagandang babae roon.  Makakalimutan mo kami rito.
Umiling siya.  Hindi.  Ikaw lang, Cel.  Tandaan mo.  Basta hintayin mo ako.  Ikaw nga, baka pag wala na ako...

Tumingin sa kanya si Celia.  Maghihintay ako.
Ang una at ikalawang taon ng pag-aaral sa Maynila ay isang walang katapusang panahon ng paghihintay ng maka-semestreng bakasyon.  At isa lamang ang ibig sabihin ng bakasyon.  Si Celia.  At buo na naman ang barkada.  Piknikan sa Kalero.  O sa kubo nina Lito sa Panasahan.

Nang nasa ikatlong taon sa kolehiyo, sumapi siya sa isang fraternity.  Nagkaroon siya ng mga bagong kakilala, mga bagong kaibigan.  Iba sa barkada sa Malolos.  At ipinakilala naman siya ng mga ito sa mga kaibigang dalaga, pinsan, kapatid.  Nagulat pa siya.  Marami ang kasingganda ni Celia.  Higit pa marahil.  At isa rito si Myrna.  Matalino at iskolar.  Aktibo sa kinasasapiang sorority.  Palabasa at masarap kausap.

Unti-unti ang pag-uwi sa Malolos kung bakasyon ay nawalan ng panghalina.   Nagkaroon siya ng bagong barkada.  Sa kanyang pag-aaral, tumalas ang kanyang pag-iisip, naghanap ng ibang uri ng kausap at ibang uri ng paksang pag-uusapan.  Si Celia ay naging isang malabong larawan.  Napalitan ni Myrna.  At ni Ella.  Ni Yolanda.

Nakatapos siya ng pag-aaral.  Nakaiksamen sa gobyerno, napasama sa sampung nanguna, nagkahanap-buhay nang matatag.  Napunta sa Amerika.  Matagal.  Si Celia, sampu ng barkada ay pinadalhan niya ng postcard.  Iyon lamang.  Nang siya ay umuwi, may kasama na siyang asawa.  Isang Pilipinang nakatagpo niya sa America.  Maganda, mayaman, matalino.  Bihira na siyang mauwi sa Malolos.  Kung dumadalaw na lamang sa kanyang matatanda nang mga magulang.  Laging nagmamadali.  Si Celia at ang barkada ay naging isa na lamang malabong alaala ng isang panahong nagdaan. 

Kung minsan, natatapatan niya sa kanyang pag-uwi, sa pagpaparada ng kanyang kotse sa tapat ng kanilang matandang tahanan, ang pagdaraan nina Nestor at Delia.  Nagkatuluyan pala ang dalawa.  


At siya ay babati.  Kumusta, kumusta... at pagkatapos, wala na silang masabi sa isa't isa.  Ngawit na ang ngiting nakapamilaylay sa mga labi ng kanyang kausap at siya na ang mauunang humiwalay.  O, sige, at ikikibit na lamang niya ang kanyang mga balikat pagkatalikod ng mag-asawa.  Kailanman, hindi nila napag-usapan si Celia. 

Hanggang dumating nga isang araw, may pabalita ang kanyang ama.  Patay na si Celia.  Bigla.  Sa puso.

Patay na si Celia.  Iyon lamang at ang nakaraan, ang malabong larawan ng kabataan ay tubig sa batis na luminaw.  Nadama niya, masidhing-masidhi, nais niyang umuwi.  At makita ang mga dating kaibigan.  Muli, nais niyang madama ang mga bating-dunggol ng kamao sa bisig o tiyan.  At marinig na muli ang dating kantiyawan, ang pagpapatawa ni Lito, hindi pa raw kumukupas, ang sabi ng kanyang ina.  Nadama niya, hindi lamang nais niyang makauwi.  Nais rin niyang makabalik.  Kung siya'y matatangap pa.

Sabi ng kanyang asawa.  Tatanggapin ka nila.  Ang pakikipagkasira sa isang dating kasintahan ay hindi isang napakalaking kasalanan na dapat nilang gawing dahilan upang tanggihan ang muli mong pakikipaglapit sa kanila.

At ang pagtitiwalang ito ang nagdala sa kanyang mga paa sa puntod ni Celia.  Naroon na nga ang buong barkada.  Matagal bago siya nakapangusap.  “Hindi ako nakauwi.   Nasa Davao ako...”

Tumango si Lito, saka lumingon kay Ernie.  Yumuko si Ernie, waring may pinulot na kung ano sa lupa.  Sinaway ni Delia ang isang batang lalaking nag-usyoso sa kanya, panganay nila ni Nestor.  Si Nestor ang tanging nagsalita.  “Maupo ka.”

Siya ay naupo.  At sa kawalan ng masasabi, paulit-ulit niyang binasa ang nakasulat sa parihabang kartolina na nakalagay sa isang pumpon ng bulaklak sa tapat ng lapida.  Alaala ng mga magulang at kapatid.

Tatanggapin ka nila,
sabi ng kanyang asawa.  Ngunit hindi nito alam, sapagkat hindi niya sinabi, naduwag siyang humarap kay Celia noon.  Hindi siya pormal na nakipaghiwalay.  Ang taling bumibigkis sa kanila ay hindi niya pinagkaabalahang kalasin.  


Noon, sabi raw ng barkada at nakarating sa kanya, lubha namang winalang-bahala ni Roman si Celia.  Hindi man lamang kinausap.  Maano kung may iba siyang nagugustuhan.  

Alam niya, iyon ang kanyang malaking kasalanan.  At ang balakid sa kanyang pagbabalik.  Si Celia, na tapat na umiibig sa kanya ay naghintay, umasa.  Sa wala.  At namatay.  Na isa pa ring dlaga.  Sa kabila ng matiyagang pamimintuho ni... si Lito ba?  O si Ernie?  A, si Ernie...

Ang kanyang pakikipagtipan ay hindi dapat maging isang kabiguan.  At sa puso ng pantiyong dati nilang pinapasyalan, anong sarap siguro ng kumukukot ng mani habang naglalakad... Tinig ni Celia, ang maganda, maputi, mahaba ang buhok na si Celia, ang tapat sa pag-ibig na si Celia, si Celiang winalang-bahala niya.  Maiintindihan ni Celia, puppy love lamang ang namagitan sa amin, kanyang naisip di man niya ito kausapin, dahil ayaw niyang masumbatan, ayaw niyang masisi ni Celia, anong sarap siguro ang kumukukot ng mani habang naglalakad. 

Sa gitna ng libong kandilang may ilaw, pumapatak sa nakaalay na bulaklak, sa dibdib ng malamig na katahimikang lumulukob sa pagharap-harap, sa pagbabantay nilang iyon, inihanda ni Roman ang sarili sa isang mahaba, matiyagang paghihintay sa pagkakataong ibibigay ng mga dating kaibigan.

Upang makabalik.

LIWAYWAY, Nobyembre 2,  1970

No comments:

Post a Comment