Friday, October 17, 2014

‘Wentong may ‘Wenta – 4 – 5 - 6 - Sa Botika




‘Wentong may ‘Wenta – 4 – Sa Botika


Una muna ay isang tanong: alam pa kaya ng marami sa mga kabataan kung ano ang botika? Bukod sa pagiging tongue twister na botika, bituka, butiki?  Ito kasi ang kinagisnan naming tawag sa drugstore, na tinatawag rin ng iba na parmasya. Kasi ngayon, basta bibili ng gamot, Mercury ang nasa isip.  O generic.

Ang kwento ko ay napagmasdan ko lamang na naganap sa loob ng botika.  Ang binibili ko ay out of stock doon at kukunin pa raw sa ibang kalapit na branch kaya pinaupo nila ako sa silya sa tabi ng eskaparate ng mga inuming nakalalasing na nasa gawi ng senior citizen’s corner.  Dahil ang pagbili lamang ng gamot ang aking sadya, enjoy na lang ako sa panonood ng mga mamimili.

Sa katabi kong bakanteng silya ay may pasadlak na naupo. May kabataan pa ito.  Agad kong tinanong ang babae, “Senior ka ba? Pang-senior iyan,” biro ang sa akin ngunit hindi ako ngumingiti.

“Sinusumpong ho ako ng sinusitis, hindi ako makahinga, nagpatingin ako sa doctor, tumaas daw blood pressure ko,” paliwanag nito.

Tinapik ko braso niya, “Biro lang,” at ngumiti na ako. 

Tinanong ko kung ilang taon siya, sinabi niya, sinabi kong ganoon din ang edad ko nang magsimula ang aking high blood at pag-inom ng gamot.

Hindi raw siya iinom ng gamot.  Maghe-herbal na lamang siya.

Inayunan ko siya. Nariyan ang acetaba, ang pansit-pansitan, ang takip-kuhol, ang oregano, ang bawang, ang luya, ang turmeric.  Kaso, ako’y naumpisahan na sa gamot. 

Kaya nga nakaupo ako doon at naghihintay. 

‘Wentong may ‘Wenta – 5 – Sa Botika – The Old Lady in Red

Umalis ang babaeng kausap ko.  Nilapitan ako ng taga-botika, malapit na raw dumating iyong inutusang kumuha ng aking gamot. Halata ang valued customer, na buwan-buwan ay naghuhulog ng pera sa botika, asikaso.

May nakita akong dumarating, naglalakad sa aisle, na isang matanda, talagang over-the-senior, iyan ang tawag ko sa mga lampas-lampasan ng sisenta.  Pulang-pula ang suot niya.  Pulang makipot na jogging pants, hakab na sa binti, kaya kitang-kita ang paglakad nitong pasakang-sakang. Pula rin ang printed na blusa na three fourths ang manggas. Mapula-pula rin ang kulot na buhok. At pati bitbit na eco-bag ay pula rin. Papunta siya sa kinaroroonan ko.

Hindi ko napigilan, nagkomentaryo ako, complimentary naman. “Wow, the lady in red!”

Matipid ang kanyang ngiti na may acknowledgment naman pero walang sinabi. 

Tuluy-tuloy siya sa eskaparate ng mga inuming nakalalasing. Dinampot ang isang Novellino. At nagpunta na sa kahera.

Wow, wine, gamot rin sa high blood, di ba?

‘Wentong may ‘Wenta – 6 – Sa Botika pa rin, Ang Makwentong Lalake

Hindi nawawalan ng mamimili sa dakong kinauupuan ko dahil ito nga ang Senior Citizen’s Corner. 

Isang lalake ang dumating. Matangkad, mataba at malaki, mabilog ang tiyan.  Kinuha niya ang katabi kong bakanteng silya at ipinwesto sa malayu-layo sa akin, kalihis ng kinaroroonan ko.  Noon ko napuna ang mga binti at paa niyang namamaga, nangingitim. 

Kinausap niya ako agad.  “Ang hamon ba, iyong square na balut-balot, kapag wala sa refrigerator, kailangang prituhin agad?” tanong niya.

Tumango ako.  “Dapat,” sagot ko.

“E, kung ilagay sa ref, magtatagal?” tanong ulit.

“Oo, bahagya.”

“Isang taon?” ang tanong.

“Aba, hindi. Kung sa freezer, medyo tatagal nang bahagya.” Saka ko napansin ang dala niyang plastic na supot, kung anu-ano ang laman. Medyo hinanap ko doon iyong sinasabi niyang hamon. Wala.  Ang nasa loob ng supot ay basyong bote ng tubig at mga abubot.

Tumigil siya saglit sa pagkausap sa akin. Kasunod ay hinimas niya nang hinimas ang mga binti at paa.  Hindi ko na ito tiningnan, bagaman at kita sa sulok ng aking mga mata ang kanyang ginagawa.

Huminto siya at tumingin sa akin. “Maganda ba? Galing sa ukay-ukay,” ipinarangalan niya ang suot na polo, kulay dilaw. “Pwede rin sa lalake, unisex daw ito,” dugtong pa.

“A, oo, pwede,” tugon ko naman, habang saglit na pinagmasdan siya.

“Matitiis ko ang dumi, pero gusto ko’y malinis na damit. Ang hinubad ko’y sobrang gulanit na,” patuloy na wika.

Sa pagsulyap-sulyap sa kanya ay nakita kong malinis naman siya, makinis ang mukha, parang bago pang pagupit.  At may hitsura, matangos ang ilong, maganda ang mata, matino ang pagsasalita.

Pamaya-maya, kinalabit niya ang ilang seniors na nakatalikod sa kanya at naghihintay ng mga binibiling gamot. “Lola… Lola… tulong naman para dito…” at sa mga lumingon, itinuro niya ang namamagang binti at paa.

May nagbigay ng pera, beinte pesos, nakita ko.  Naisip ko kung magkano kaya ang aking ibibigay  pag hiningan ako.

Ngunit hindi niya ako hiningan.  Kalaunan ay tumayo na siya at umalis. 

Dahil hindi niya ako hiningan, may naalaala tuloy akong isa pang ‘wento na may ‘wenta na nangyari sa akin maraming taon na ang nakalipas.  Pero hindi sa botika nangyari kundi sa loob ng bus.

Punuan ang bus na papuntang Baclaran.  Siksikan.  Katabi ko ang isang lalaki na kalaunan ay tumayo at hinoldap ang isang pasahero sa unahan. 

Nagtatawa ang lahat ng mga kinuwentuhan ko nito.  Katabi na raw ako, e, bakit iba pa ang hinoldap.  Mukha raw kasi akong walang pera! 

Kaya ba ako hindi hiningan noong makwentong lalake?  Halatang walang pera? 

O dahil harapang nakipag-usap ako sa kanya nang matino? 










No comments:

Post a Comment