Thursday, November 12, 2009

Remains of “Ondoy” Day – 1 - (Sa Pilipino, “Ondoy, Masdan ang Ginawa mo!”






Remains of “Ondoy” Day – 1 -
(Sa Pilipino, “Ondoy, Masdan ang Ginawa mo!”

Marami nang naisulat tungkol sa mga pinsalang idinulot ng bagyong Ondoy. Mga bahay na tinangay ng rumaragasang agos, mga buhay na sa isang iglap ay naglaho. Ni sa kalingkingan ay hindi maikukumpara ang mga personal naming naranasan sa mga nangyaring ito sa iba, kaya, itinuturing pa rin namin na “mapalad” na kami... sa kabila ng lumubog na sasakyan, mga nasirang kabinet at kloset, ipinagawang appliances, mga natapong kasangkapan, gamit, pagkain, mga memento na pinakaiingat-ingatan na kinalupulan ng mabahong putik, tinunaw ng tubig-baha. Kaya patuloy ang piping dasal ng pasasalamat... sa gitna ng pagliligpit, paglilinis, pagsagip sa maaari pang isalba. Na kundi man mangyari, hagipin na lamang sa alaala ang mga sandaling kakawing ng mga nasabing bagay.

Ang dating kinagigiliwang dinggin na patak ng ulan sa ibabaw ng bubong, o pagmasid sa pag-agos ng tubig sa mga dahon ng halamang wari ay siyang-siya sa kanilang paliligo, ngayon ay may dulot nang kaba. Pangamba. Binhi ng takot. Babaha kaya? Baha na ba? Kasunod ay sipat na sa lansangan, sa munting sapa sa ibayo nito, sa kalawakan, sa namimintog na ulap na waring hindi makausad sa bigat ng dinadala. Magbabalot na ba ng mga gamit? Itataas na ba sa mesa ang mga bentilador? May bigas ba? May kandila? May baterya ang flashlight?

Ondoy, masdan ang ginawa mo... sa aming kapaligiran... sa amin... Hanggang kailan kami aalipinin ng agam-agam na ito?





Paalam, Frank Sinatra, Mel Torme, Dean Martin, Neil Sedaka, Paul Anka, Elvis! Wala na, tinangay na ng agos ng baha, dinikitan na ng malagkit na putik ang audio tapes na matiyagang tinipon sa pagdaraan ng panahon, piniling tunay upang sa pagtugtog pa lamang ng mga unang nota ay himalang ibabalik na ang mga alaala ng mga nagdaang araw. Sabi ng aking anak, itapon na ang mga audio tapes, mayroon namang CD ang mga iyan. Sa loob-loob ko, ang mga tapes na ito ay halos kasintanda ninyo... at ang mga awit na nakapaloob dito ay mga himig na inaawit ko noong araw... sa kasera, I'll be loving you eternally, with a love that's true, my dear for me...at iyong Smile though your heart is aching, smile even though it's breaking...saka iyong Three Coins in the Fountain...nang bago pa lamang akong salta sa Maynila; sa dormitoryo, sa panahon ng aking pag-aaral at pag-oopisina, I'm so young and you're so old, this my darling I've been told... at saka kalaunan, mga lovesongs ni Frank Sinatra, All or nothing at all...Bewitched, Bothered and Bewildered... Someone to Watch over me... Mga awit ng Beatles na sumaksi sa mga unang taon ng aking pagiging maybahay at ina. Kung paanong ang aking mga anak ay nagtataka kung bakit sila pamilyar at kung bakit nila nakahiligang tugtugin sa gitara at awitin ang mga himig ng grupo. Hindi nila alam, ipinaghele sila sa Hey Jude, Yesterday, Michelle at nilaro sila sa Obladi Oblada at Yellow Submarine. Mayroon ngang mga CD ito, ngunit kailangan munang mapalitan ang CD player na lumubog sa baha at isa-isang hugasan, punasan at patuyuin ang koleksiyon ko ng CDs nina Bach, Mozart, Tchaikovsky... mga big bands... Glenn Miller... Piano by Candlelight... Miss Saigon... Phantom of the Opera...Les Miserables... marami pang iba! A, ang mga alaala nilang ibinabalik! Unang tungtong sa New york. Unang panonood sa Broadway. Unang pamamasyal sa Central Park.




Sa ngayon, patuloy muna ang paglilinis at pagliligpit ng mga kasangkapan, pamimili ng kung alin ang isasama sa mga itatapong basura. At ito ang pinakamasakit sa ginagawa – ang pagtatapon.



Bagama't sa mandala ng mga alaala, naroon pa rin ang mga ito, matibay at hindi natitinag, kahit wala nang mahahawakan, mahihipo, mapagmamasdan.


(Abangan ang marami pang muni-muni tungkol kay Ondoy.)


No comments:

Post a Comment