Sunday, December 7, 2008

ANG PASKO AY PARA SA LAHAT NG MGA BATA


ANG PASKO AY PARA SA LAHAT NG MGA BATA



SA bookstore unang nakita ni Loida ang babae. Nagkasabay sila sa pagdampot ng isang coloring book. Ngunit ang nakatawag ng pansin ni Loida ay nang kumuha pa ang babae ng mga labinlima sigurong iba’t ibang kopya ng coloring book, gayon din karaming kahon ng krayola, mga sampung mumunting sketch pad, at gayon ding bilang ng kahon ng craypas.

Nahuli ng babae ang kanyang pagkatingin at nginitian siya nito. “Mahilig sa art ang mga anak ko. Magaling magdrowing. Lalo na ang aking bunso.”

Lalo na ang aking bunso. Parang may kung anong humalang sa lalamunan ni Loida. Naghabol siya ng paghinga. Napatingin ang babae sa kanya. “Ano’ng nangyayari sa iyo? May sakit ka ba?”

Umiling si Loida. “Wala ho. Para lang akong nahilo.”

Napatango ang babae. “Napakarami kasing tao. Alam mo naman tayong mga Pilipino, napakahilig sa last minute shopping. Kung kailan nariyan na ang Pasko, saka makikipagsiksikan. O sige, magpahinga ka muna sandali riyan bago ka maglakad.”

Last minute shopping. Pasko. Hinabol ng tanaw ni Loida ang papalayong babae. Pasko na nga sa makalawa at hindi na magkamayaw ang mga yao’t dito sa bangketa, ang akyat-manaog sa mga escalator, ang mga nakapila sa cash register, ang siksikan sa pagsakay sa mga bus at dyip, ang mga nanghihingi ng abuloy na taga-salvation army, ang nagkakaroling na mga batang pulubi na matayo ka lamang saglit sa daan ay kakantahan ka na agad ng we wish you a Merry Christmas, sabay lahad ng kamay.

Parang si Aimee. Kaagad natutong maglahad ng kamay. Give me five, itinuro ng mga kapatid.



DATI, natatapos pa lamang ang Agosto ay masaya na sa kanilang bahay. Kasi, kasunod ng Agosto ay Setyembre. At katapusan lamang ng Nobyembre, magpapalit na si Manang ng kurtina sa buong bahay, pati damit ng kutson ng sala set na rattan. Ilalabas na ni Mike ang kalas na evergreen tree at sa tulong ng mga bata ay i-a-assemble na sa gitna ng sala. Kani-kaniya nang sabit ng christmas balls, candy cane, gold and silver stars, mga ulo ng anghel at Santa Klaus. Dadamitan naman niya ang parol ng pulos puting papel de hapon.

Gagawa na rin ng listahan ang mga bata. Ito ang turo niya simula’t sapul. Aniya’y para huwag malito si Santa Klaus. Ilagay aniya ang regalong pinakagustong matanggap sa Pasko at ilagay rin ang tatlo pang mumunting bagay na maaaring ipalit sa una kundi iyon maibibigay ni Santa. Kadalasan ay iyong tatlong mumunti at higit na murang bagay ang regalong dala ni Santa.

“Wise ka rin naman,” biro ng kanyang asawa.

“Paano, mahirap ang Santang naka-assign sa kanila,” sagot niya.

Prep na si Richie at kinder si Arvin nang dumating sa kanilang buhay si Aimee, ang pinakamimithi niyang anak na babae. Ang Paskong iyon ang isa sa pinakamaliligaya nilang Paskong mag-aanak. Sa unang pagkakataon, tinanggap nina Richie at Arvin ang pinakagusto nilang regalo. Bisikletang pambata at fire engine.

Tawa nang tawa si Mike. “Iyan naman ang gusto ko sa iyo,” sabi nito. “Very fair ka sa mga anak mo.”

Ngumiti lamang siya. Kasi, ibinili niya ng walking dolll si Aimee, kahit baby pa lamang ito at ni hindi pa malay maglaro ng manika.

Gayon din kasasaya ang sumunod pa nilang mga Pasko. Hanggang may nangyari. Ang taksing sinasakyan nilang mag-ina ay naaksidente. Nagtamo siya ng mga pasa at sugat ngunit si Aimee ay hindi niya naging kasing-palad. Patay na ito nang idating sa ospital. Para siyang tinakasan ng katinuan. Gusto na rin niyang mamatay.

Si Mike. “Loida, please, tibayan mo ang loob mo.”

Luha lamang ang kanyang panagot. Luha ang kanyang kaulayaw sa mga gabing hindi siya makatulog. Luha ang kanyang kasama sa mga oras na sina Arvin at Richie ay nasa iskwela at si Mike ay nasa opisina. Hinahalik-halikan niya ang mga damit ni Aimee. Hinihimas-himas ang mga laruan nito. Kinakalong at dinadama ang lambot ng unan na yakap ng anak sa pagtulog.

Wala nang Aimee na susunud-sunod sa kanya habang siya ay nagliligpit sa bahay. Aimee na ang maliliit at matatabang bisig ay mahigpit na pupulupot sa kanyang leeg at walang tigil na hahalik sa kanyang pisngi at bibig, habang siya ay iwas nang iwas dahil sa laway nito. Wala na si Aimee at tunay na parang ayaw na niyang mabuhay. Pitong buwan na itong namamatay ngunit kahit bahagya ay hindi pa naghihilom ang nilkhang sugat ng pagkawala nito sa kanyang buhay. Gusto na nga niyang maghinanakit kay Mike. Waring kaydali nitong nagamot ang sarili.

Minsan hindi niya napigilang itanong. “Naaalaala mo pa ba si Aimee?”
.
Nagbuntung-hininga si Mike. “Kung oras ng hapunan na walang tumatawag sa akin ng Daddy, kakain na. O kung umagang walang pasok sa opisina, nariyan na siya’t sumasampa sa kama, ginigising ako.”

Siya naman ang nagbuntung hininga.

“Bakit?” tanong ni Mike.

Nadama niya ang paggiti ng kanyang luha, ang pagkabasag ng kanyang tinig. “Akala ko kasi, nalimutan mo na siya.”

Nagtiim ng bagang si Mike. “Loida, kung gaano kasakit ang pagkawala niya sa iyo ay gayon din kasakit sa akin. Ina ka, babae ka, tanggap ng lahat ang makita kang lumuluha. Ngunit akong ama, isang lalaki, inaasahan ng lahat na magiging matatag.”

Niyakap niya ang asawa. “Sorry Mike, miss na miss ko lang siya. Kaya hindi ko mapigilan ang hinanakit sa iyo.”

Napahinga nang malalim si Mike. Tumingin sa malayo. “Nabanggit mo ang hinanakit. Loida, may nais sana akong sabihin.”

Hinawakan niya sa bisig ang asawa. Nilingap siya nito. “Gusto ko na ring maghinanakit sa iyo. At kung marunong lamang magsalita ang ibang anak mo, makaririnig ka na rin sa kanila. Napapabayaan mo na kami, Loida.”

Parang kinurot ang kanyang puso sa narinig kay Mike. Dahil totoo ang sinabi nito. Tamad na siyang magluto ng miryenda kung Linggo at Sabadong ang lahat sa pamilya ay nasa bahay. Ayaw na rin niyang namamasyal o nanonoood ng sine. Ni ayaw niyang nakaririnig ng masasayang tugtog sa radyo at madalas niyang mabulyawan ang mga anak kung ang mga ito’y nagsisigawan sa paglalaro o paghahabulan.

Totoo ang sabi ni Mike, ngunit wala siyang ginawa. Hindi siya nagbago o alalaon baga’y nagbalik sa dati niyang ugali. Pati nga sa mga gabing nilalapitan siya ni Mike, kaydalas niyang magdahilan.

Hanggang dumating ang Disyembre, ang unang Disyembre na wala si Aimee. Nagpalit ng kurtina si Manang. Inilabas ni Mike ang Christmas tree. Tulung-tulong na ginayakan ng mag-aama. Nagkulong lamang siya sa kuwarto habang nagkakagulo ang mga ito sa sala. Habang panay ang kanta nina Richie at Arvin. Pasko na naman o kay tulin ng araw, paskong nagdaan tila ba kung kailan lang…

“Ang parol, hindi mo ba dadamitan?” tanong ni Mike.

Nakadapa siya sa kama, nakasubsob sa unan, sa unan ni Aimee nang mapasukan siya ng asawa. Umiling siya. Hindi niya makapa ang kanyang tinig. Iniwan siya ni Mike.

Ngunit kinagabihan ay kinausap siya nito. “Malapit na ang Pasko, Loida. Hindi ka pa namimili. May nakalagay nang listahan ang mga bata para kay Santa Klaus.”

“Alam ko,” sagot niya. Matagal na niyang nakita ang nakapaskel na listahan sa pinto ng refrigerator.

“May gusto lang akong ipaalaala, Loida,” seryoso si Mike. “May iba ka pang anak, bukod kay Aimee.”

May impit na hiyaw na humulagpos sa kanyang lalamunan. “Alam ko, alam ko…” at humagulgol siya nang iyak.

Niyakap siya ni Mike, hinimas-himas sa likod, sa ulo. Saka niya napansin, lumuluha rin ang asawa.



MULI, nakita ni Loida ang babae.sa toys department. Kayraming pinamimili. Stuffed dolls, stuffed animals, mga plastik na trak at kotse. Samantalang siya, ni isa’y wala pang napipili sa kabila ng listahang dala-dala. Alam niya, kailangan na niyang bumili. Totoo ang sabi ni Mike, wala na nga si Aimee, ngunit nariyan pa sina Richie at Arvin. Kaya lang, talagang mabigat pa rin ang kanyang loob.

Sa canteen ng department store, walang maupuan si Loida. Nilapitan niya ang wari ay nag-iisang kumakain sa isang mesa. “Puwede hong maki-share?”

Tiningala siya ng kumakain. Ang babae. “Sure. Teka, hindi ba ikaw iyong nahilo doon sa bookstore?”

Ngumiti siya. “Ako nga ho. Tapos na ba kayong mamili? Ang dami yata ninyong pinamili,” wika niya nang mamataan ang maraming plastik bag sa katabing upuan nito.

Sinalubong ng babae ang mga mata ni Loida. “Marami akong nireregaluhan kapag Pasko. Marami akong anak,” ngumiti ito. “At alam mo naman. Ang Pasko ay para sa mga bata.”

Tumango siya. Ang Pasko ay para sa mga bata. Tulad ni Aimee. At wala na si Aimee. “Ilan ba ang anak ninyo?” tanong niya.

Saglit na tumingin sa malayo ang babae. Bahagyang kinagat ang labi. “Apat. Dalawang babae, dalawang lalaki,” ang sagot sabay tingin kay Loida.

“Malalaki na ba sila?” naupo na si Loida sa bakanteng silya sa tabi ng babae.

Hindi inalis ng babae ang mga mata sa pagkakatingin kay Loida. “Fourteen, eleven, eight at five.”

“Ang lalaki na pala,” naalala ni Loida sina Richie at Arvin. At si Aimee.

Ibinalik ng babae ang tingin sa kinakain. “Pero, wala na sila…”

Wala na sila! May bumundol na kung ano sa dibdib ni Loida. “Ano… ano’ng ibig ninyong sabihin?” Wala sa loob, natutop ni Loida ang kanyang dibdib.

May ulap na tumabing sa mukha ng babae. Ipinilig nito ang ulo na waring may iwinaksing gunita. “Wala na sila,” ulit nito. “Kasama ang kanilang Papa, lumubog ang barkong sinasakyan nilang pauwi sa aming probinsiya. Noon. May malakas na bagyo. Inabutan sila sa laot… Akala ko’y mababaliw ako… Napakasakit. Ayoko nang mabuhay…”

Napasinghap si Loida, waring nalulunod. Tinapik-tapik ng babae ang kanyang bisig.

“Ngunit sa tulong ng Diyos at ng mga kamag-anak, mga kaibigan, nadala ko rin ang pasaning ito.”

Uminom ng tubig ang babae. Sinalubong ang mata ni Loida, ngumiti. Sunod ay ibinaling ang mga mata sa isang papel sa ibabaw ng mesa.

List. Nabasa ni Loida. “Listahan?” .

Tumawa ang babae. “Ito’y listahan ng mga regalong pinamili ko.”

Nagtatanong pati mga mata ni Loida. “Pero, para kangino?”

Nagliwanag ang mukha ng babae. “Hindi ba ang Pasko ay para sa mga bata? Gusto kong idugtong, ang Pasko ay para sa lahat ng mga bata. Ang mga regalong binibili ko’y ibinibigay ko sa isang bahay-ampunan. Taun-taon. Tiyak, hindi mawawalan doon ng isang batang katulad ng aking bunso na mahilig magdrowing. Hindi ba?”

Dahan-dahan, napatango si Loida. At naalala niya si Aimee. At sina Richie at Arvin. At si Mike.

Tumayo ang babae. “Mauuna na ‘ko sa iyo. Merry Christmas…”

“Merry Christmas din ho,” nahagilap niyang sagot.

Malayo na ang babae, halos hindi na matanaw sa naglisaw na mga taong namimili ay hindi pa rin iniiwan ito ng tingin ni Loida. At waring isang pamamaalam na dasal sa kahanga-hangang babaing waring sinadyang makatagpo niya ng araw na iyon, God bless you, kanyang nasambit sa sarili.



Liwayway, Disyembre 19, 1988

No comments: