Thursday, December 18, 2008

CHRISTMAS SHARINGS - Cora

MALALIM NA KAHULUGAN NG PASKO



Matagal akong nag isip kung paano ang Pasko nung maliit pa ako pero parang wala akong masyadong matandaang exciting na happening kasi tag-hirap nuon at liberation. parang wala si Santa Claus.

Nung medyo high school na ako at nung tumugtog na si sister sa simbahan ay kaming dalawa lang ang barkada bukod dun sa mga tagakanta sa koro ng simbahan. Kasama na run ang pagkain ng puto bumbong at bibingka at tsaang mainit. Minsan, may baon kaming itlog na maalat na bago magmisa ay idadaan na namin sa bibingkahan para kukunin na lang pagkamisa Wala talagang barkada in the true sense of the word.

Nung nakagraduate na ng college, pinayagan na kami ng mga old na sumama sa mga lakaran natin kasi kilala nila ang mga magulang ng kasamang mga dalaga at binata. (Alam mo naman ang pagka-conservative ng aming mga magulang, sumalangit nawa ang kanilang mga kaluluwa.)

Pag araw ng Pasko ay nagmamano lang kami sa mga kamag-anak at parang wala namang aginaldong binibigay. Minsan, pinakakain o kaya kendi ang bigay, okay na rin. Ang aking mga ninong at ninang ay di ko na rin nangakilala kasi nasa Caloocan sila at umuwi na kami sa Malolos nung magkasakit si Itay. Malungkot pala ang mga Pasko ko nung maliit pa ako, di kamukha ng mga bata ngayon, masyadong maraming regalo , toys , damit ,etc.

Yung lang ang natatandaan kong karanasan ng kapaskuhan nung araw. Pero, kung sa pag-celebrate ng Pasko nun at ngayon ay ibig ko lang na malaman mo na kahit nga walang maraming mga material na bagay nun kasi taghirap ay mas malalim naman ang meaning ng christmas, para sa akin. Kasi, mas dama ko ang sarap ng magkakasamang pamilya kahit ano lang ang pinagsasaluhan sa noche buena. Hindi gaya ngayon, masyadong commercialized na, sa tingin ko.



(Salamat, Azon – tawag ko sa iyo ng wack-a-doo years natin! Sa Christmas sharings natin sa isang taon, pwede mo nang isulat ang mga Pasko ng ating barkadahan. Nang pinapayagan na kayo ng Inay na sumama sa barkada, dahil magkakakilala ang ating mga magulang.

Tama ka. Wala nga si Santa Klaus noong kamusmusan natin, liberation. Sabi nga ng mga Kaka sa tapat ng aming bahay, sa MacArthur Highway nagdaan ito, hindi biyaheng-Bulacan. Kung galing sa Norte, hindi kumanan sa krosing. Dahil kung lumiko ito, madadaan sa may Barasoain at tiyak, madadaanan ang bahay ninyo at mareregaluhan ka sana. Pareho lang ang kapalaran natin noon.

Pero, sabi mo nga, kung magkakasamang nagsasalu-salo ang pamilya, kahit tag-hirap, higit na malalim ang nagiging kahulugan ng Kapaskuhan. Noon, dalawang kapatid ko ang nakahiwalay sa amin dahil may kani-kaniya na silang pamilya. Isa ay nasa Cagayan de Oro at ang isa ay nasa Maynila (malayo na ang "Menila" sa akin noon na bago ko marating ay sangkaterbang baligtad muna ng sikmura at duwal sa labas ng bintana ng Pambusco ang nagaganap).

Pagpasok pa lamang ng Disyembre, panay na ang kanta ko ng “I’ll be Home for Christmas” kahit ako ang nasa bahay at sila ang aking hinihintay. Ganoon mag-isip ang mga musmos noon. At may pinagsasaluhan man kami, ang natatandaan ko ay ang kasiyahan at katuwaang sumasapuso ko dahil sa pagkikita at pagsasama-sama ng aming pamilya at ng kinasasabikang mga pamangkin. Malalim din, di ba?)

No comments:

Post a Comment